Espresso—Ang Tunay na Lasa ng Kape
‘Kung kasinsarap sana ng amoy ng kape ang lasa nito!’ Nasabi mo na ba iyan? Kung gayon ay baka gusto mong tikman ang “caffè espresso.” Sinasabi ng mga eksperto na ito ang “tunay na kape” at “ang pinakamasarap na kape.”
NAKATIKIM ka na siguro ng espresso? Baka nagtataka ka sa lapot at tapang ng lasa nito. Sa kabilang banda, baka masabi mong: ‘Hindi ito ang masarap na kape. Kaya naman pala pagkaliit-liit ng tasa nito—sino nga ba naman ang makatatagal sa paghigop ng ganitong napakasakit sa lalamunan at napakapait na inumin? Isa pa, tiyak na napakarami nitong caffeine!’
Ngunit, mapait nga ba ang mahusay-ang-pagkagawang espresso? At mas marami nga bang caffeine ang isang napakaliit na tasa ng espresso kaysa sa isang tasa ng regular na kape? Baka magulat ka sa sagot.
Bakit Ito Nagiging Espresso?
Ang espresso ay nagmula sa Italya, bagaman ang iba’t ibang bansa at kultura ay mayroon na ring sariling paraan ng paggawa nito. Ano ang lasa nito? Inilalarawan ito ng mahihilig sa espresso bilang napakabango, matapang, parang-pulot, masarap sa lalamunan, mapait-pait na manamis-namis, sintamis ng karamelo, at mabango. Ang isang tasa ng espresso na tamang-tama ang pagkakalaga ay nagkakaroon sa ibabaw ng tinatawag na crema—bula na ang kulay ay ginintuang-kape, na karaniwan nang mahirap gawin, na siyang nakapagpapasarap sa lalamunan at nakapagpapanatili ng bango.
Ang isang hain nito ay isa hanggang isa at isang-kapat na onsa. Ito’y nasa pagkaliit-liit na tasa na karaniwan nang nilalagyan ng asukal at isinisilbi karaka-raka pagkalaga nito—bagung-bago talaga!
Paano ito ginagawa? Ang paggawa ng espresso ay nagsisimula sa isang pantanging pormula ng pinaghalong butil, na isinasangag hanggang sa halos mangitim-ngitim na ang kulay (pero hindi itim) at mas pino ang pagkakagiling kaysa sa regular na kape. Gayunman, hindi ang uri at pagkakasangag ng butil o ang pagkakagiling ang pangunahin sa paggawa ng espresso—ito ay ang pambihirang proseso ng paglalaga, ang paggamit ng puwersa sa halip na grabidad. Ang sukat ng kape sa isang tasang ginagamit sa espresso ay mga dalawang-katlo ng sukat sa isang tasa ng pinatulong kape, ngunit kaunting-kaunti lamang ang tubig. Ang proseso ng paglalagang ito ang naglalabas ng purong katas ng butil ng kape.
Makahihiling ka ng isa o dalawang hain sa maraming restawran at mga coffee shop. Pero, may babala: Ang espresso na di-maingat ang pagkakagawa ay mapait. Kaya kung ikaw ay binigyan ng espresso sa isang restawran o café, tingnan muna itong mabuti. Kapag ang iyong tasa ay punung-puno o kung ang kape ay walang crema sa ibabaw, malamang na ang ibinigay sa iyo ay yaong masakit sa lalamunan at puwersado ang pagkakalaga.
Maraming klase ang inuming may espresso. Kung natatapangan ka sa espresso, bakit hindi mo subukan ang masarap na cappuccino o makremang caffe latte?
Mga Gamit sa Paggawa ng Espresso sa Bahay
Gusto mo bang gumawa ng inuming espresso sa bahay? Mahalagang bigyang-pansin ang bawat detalye, upang makatiyak sa matapang at matamis na inumin.
Anong uri ng espresso maker ang dapat mong bilhin? Hindi makagagawa ng tunay na espresso ang pagpapatulo, anuman ang ginawang pagsasangag o paggiling. Kakailanganin mo ang pantanging gamit na dinisenyo para rito.
Ang mga stove-top brewer ang karaniwang pinakamura. Maraming tao ang nasisiyahan sa pagkakaroon sa bahay ng stove-top espresso, bagaman ang kape ay matabang at malamang na walang crema. Makagagawa ka ng masarap na espresso kung babawasan mo ang tubig na nasa lalagyan nito o kung hahayaang walang takip at aalisin sa apoy ang kaldero kapag nasa kalagitnaan na ng proseso.
Ang mga electric steam machine ay gumagamit ng singaw upang mapuwersa ang tubig sa kape. Paano mo magagawang pinakamasarap? Kung pipigilin mo ang pagdaloy ng kape pagkaraan ng unang isa hanggang dalawang onsa, upang maiwasan ang sobrang pagkakatas at makapagtira ng sapat na singaw para makapagpabula ng gatas. Samakatuwid, hanapin mo ang isang aparato na may switch o iba pang paraan upang mapigil ang pagdaloy ng kape. Ang mga steam machine ay nakagagawa ng masasarap na cappuccino at latte pero, tulad ng mga pinaglalagaang stove-top, ang mga ito’y hindi nakagagawa ng pinakamasarap na purong espresso.
Ang mga piston machine ang karaniwang pinakamahal at nakagagawa ng pinakamasarap na espresso. Sa paggamit ng piston machine, naglalagay ka ng puwersa kapag dinidiinan ang hawakan, na umiipit sa piston na may paigkas, anupat itinutulak ang mainit na tubig sa kape. Mas nagugustuhan ng ilang tao ang mga piston machine dahil mayroon itong kontrol na pangkamay at magandang tingnan. Nahihirapan naman ang iba sa pagpapaandar nito at napakatagal bago makapagpainit.
Ang mga pump machine ay nagbibigay rin ng sapat na puwersa upang makagawa ng napakasarap na espresso. Mas madali at mas mabilis gumawa ito kaysa sa mga piston machine. Kaya naman, yaong may gusto ng pinakamasarap na espresso ay malimit na pinipili ang pump machine. Iba-iba ang katangian nito, at mas matibay ang ilang pump machine kaysa sa iba. Kaya tumingin-tingin ka muna bago bumili. Makabubuti para sa iyo ang mga tindahang nagpapakita ng paggamit ng kanilang mga aparato upang makapili ng pinakapraktikal.
Ang Bibilhin Mong Kape
Piliin ang bagong sangag na espresso. Ang kapeng nabibili sa mga supermarket ay malamang na hindi na bago, kaya maghanap ng tindahang ang espesyalidad ay kape—mas mabuti pa nga kung doon mismo isinasangag. Naluluma ang giniling na kape paglipas ng mga araw, samantalang ang buong butil ay nananatiling bago pa rin sa loob ng ilang linggo. Samakatuwid, hangga’t maaari, bilhin ang buong butil at gilingin ang mga ito sa bahay, kapag kailangan na. Ang tamang paggiling ay pino, pero hindi naman parang pulbos na pinung-pino. Kung bibili ka ng giniling na kape, bumili ng kaunti lamang at gamitin ito agad.
Upang mapanatiling bago ang iyong kape, ilagay ito sa lalagyang may napakahigpit na takip. Kung gagamitin mo ito sa loob pa ng dalawang linggo, ilagay ang lalagyan ng kape sa malamig at madilim na lugar. O di kaya, itago ito sa freezer.
Ang Sining ng Paglalaga
Kahit na mayroon ka nang pinakamagaling na gamit at pinakamagaling na kape, ang sining ng paggawa ng espresso ay pinag-aaralan, hindi nabibili. Ang mga hakbang ng paglalaga ay nagkakaiba-iba depende sa aparatong ginagamit mo, kaya sundin ang direksiyong nakalagay roon. Gumamit ng sapat na giniling na kape. Ang tamang sukat ay halos pupuno sa iyong nakasingit na salaan, na may kaunting pataan para sa pag-alsa ng giniling. Nangangailangan ng pagsasanay upang makapaglagay, o makapagpikpik, ng kape sa salaan nang tama, upang ang tubig ay dumaloy nang dahan-dahan at pantay sa giniling na kape, anupat nakatitiyak na lubusang makukuha ang lasa nito.
Isang pagkakamaling dapat iwasan? Sobrang tubig sa paglalaga ng giniling na kape. Kung susubukan mong ilaga ang isang takal sa dalawa o tatlong onsa, ang kape ay tatabang at papait. Sa halip na makagawa ng espresso, ang resulta ay inuming gaya ng matapang na kapeng pinatulo—hindi ang inaasahan mo.
Samakatuwid, mahalaga na malaman kung kailan ihihinto ang pagpapakulo. Iminumungkahi ng mga eksperto na makagagawa ng isang takal ng espresso mula sa isa hanggang isa at isang-kapat na onsa ng tubig na pinakulo nang mga 20 hanggang 25 segundo. Sa sandaling ito ang giniling na kape ay nakatasan na at dapat nang itapon.
Kung maglalaga ng para sa dalawang maliit na tasa ng espresso, “Mas kaunti mas masarap.” Kung kaunti lamang ang ilalagang kape, mas masarap ang maiinom. Iba-iba ang kahulugan ng dobleng hain, ngunit ito’y mga dalawang maliit na tasa ng espresso sa isang regular na tasa, na nilagyan ng dobleng dami ng giniling na kape.
Kumusta Naman ang Caffeine?
Maaaring mas kakaunti lamang ang caffeine sa isang maliit na tasa ng espresso kaysa sa isang tasa ng regular na kape. Nagulat ka ba? Paano nangyari iyon, samantalang purung-puro ang espresso?
Ang isang dahilan ay ang kaitiman ng giniling na kape. Kung mas maitim ang giniling na kape mas kakaunti ang caffeine. Gayundin, maraming tindahan na ang espesyalidad ay kape ang gumagamit ng butil ng kape na arabica, na kaunting-kaunti lamang ang caffeine kaysa sa butil na robusta na ginagamit sa de-latang kape na nasa supermarket.
Ngunit ang pinakamalaking salik ay ang dami. Bagaman ang espresso ay may higit na caffeine bawat onsa kaysa sa regular na kape, kakaunti naman ang iniinom bawat tasa. Kung gayon, ipinakikita ng ilang pag-aaral na ang isang anim-na-onsang tasa ng regular na kape ay maaaring may 100 o higit pang miligramo ng caffeine, samantalang ang isang maliit na tasa ng espresso ay maaaring mas kakaunti.
Magkagayunman, ang resulta ng mga pag-aaral ay iba-iba, at ang dami ng caffeine ay depende sa butil na ginamit gayundin sa bawat yugto ng proseso ng paglalaga. Mangyari pa, ang dobleng espresso ay may higit na caffeine kaysa sa isa. Ang pinakamabuting giya sa pag-alam ng dami ng caffeine ay malamang na depende sa iyong nararamdaman pagkainom. Kung nais mong magbawas ng caffeine at masiyahan pa rin sa espresso, maaari kang gumamit ng decaffeinated espresso o haluan ito ng regular na espresso, ayon sa porsiyento ng caffeine na gusto mo.
Handa ka na bang maglaga ng espresso sa iyong sariling kusina? Nakukuha ang mabuting resulta sa pagtitiyaga, kaya pag-eksperimentuhan mo ang iyong sarili—gawin mo muna para sa iyong sarili bago mo ihain sa iyong mga kaibigan. Kailangan mo ng pagsasanay upang makagawa ng crema at pinabulang gatas. Gayunman, ang iyong pagtitiyaga ay magiging sulit naman kapag nabigyan mo ng kasiyahan ang iyong mga kaibigan dahil sa inuming espresso na mailalaban sa mga nasa coffee shop sa inyong lugar. Baka sasang-ayon ka pa nga na talagang ang espresso ang tunay na kape.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Instruksiyon sa Pagpapabula ng Gatas
Upang makapagpabula at/o makapagpasingaw ng gatas para sa mga cappuccino at latte, kakailanganin mo ang isang aserong pitsel, malamig na gatas, at isang milk steamer. Kung ang iyong espresso maker ay walang baston para sa pagpapasingaw ng gatas, makabibili ka ng isang hiwalay na aparato para rito.
1. Lagyan ng malamig na gatas ang pitsel hanggang kalahati.
2. Bahagyang ilubog ang pasingawang baston sa gatas, at buksan ang balbula ng pasingawan.
3. Panatilihing nakalubog nang bahagya ang dulo ng baston, na ibinababa ang pitsel at hinahayaang pumasok ang hangin habang nagpapabula.
4. Ang tamang temperatura ay karaniwang naaabot kapag hindi na mahawakan ang pitsel dahil sa init.
5. Isara ang balbula ng singawan, at alisin ang pitsel mula sa ilalim nito. Pagkatapos ay buksan ang balbula ng singawan upang maalis ang natitirang gatas, at punasan ito ng basang pamunas.
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang mga butil ng kape ay mas tumatagal na sariwa kaysa giniling na kape
Ipinakikita ang steam espresso maker