Ang mga Etruskano—Isang Namamalaging Hiwaga
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
“Gayon na lamang ang kapangyarihan ng Etruria anupat ang pangalan nito’y pumuno sa buong lupa at mga dagat.”—Livy, Unang-Siglong Istoryador.
KAPAG mga Etruskano ang pag-uusapan, baka isipin mong ni hindi mo alam ang ABC ng paksang ito. Ngunit, kung ang iyong wika ay gumagamit ng alpabetong Latin, wala kang kamalay-malay na utang mo ang ilan dito sa mga Etruskano. Kung walang mga Etruskano, ang alpabetong Latin ay nagsimula sana sa a, b, g (gaya ng alpha, beta, gamma ng Griego o aleph, beth, gimel ng Hebreo). Gayunman, bagaman alam ng mga pilologo na ang alpabetong Etruskano ay nagsisimula sa a, b, c, napakahirap pa ring maintindihan ang wikang Etruskano. At ito’y isang pitak lamang ng Etruskanong palaisipan.
Sa nakalipas na mga siglo, pinag-iisipan na ng mga istoryador ang tungkol sa pinagmulan ng napakapambihirang sibilisasyong ito. Sa kanilang kasikatan noong ikalimang siglo B.C.E., nagtatag ang mga Etruskano ng isang pederasyon na binubuo ng 12 lunsod taglay ang malaganap na pangongomersiyo sa Europa at Hilagang Aprika. Ngunit, pagkalipas lamang ng apat na siglo, sila’y ganap na nagapi ng sumulpot na kapangyarihan ng Roma. Subalit ano ba ang pagkaalam natin sa mga Etruskano, at bakit nagpapatuloy ang hiwaga?
Mahihiwagang Pinagmulan
Malaon nang pinagtatakhan ng mga istoryador, arkeologo, at dalubwika ang tungkol sa pinagmulan ng mga Etruskano. Sila ba’y nandayuhan mula sa Lydia, isang lalawigan sa Asia Minor, gaya ng ipinahihiwatig ni Herodotus, o sila ba’y mga katutubo ng Italya, ayon kay Dionysius ng Halicarnassus noong unang siglo B.C.E.? Posible kaya na sila’y may iba’t ibang pinagmulan? Anuman ang sagot, napakalaki ng pagkakaiba nila sa karatig na mga bayan kung tungkol sa lahi at kultura anupat hindi na matiyak sa ngayon kung saan sila nagmula.
Gayunman, alam natin na mula noong mga ikawalong siglo B.C.E., dumami ang mga Etruskano sa buong sentro ng Italya. Ang tawag ng mga Romano sa kanila ay Tusci, o Etrusci, at ang lugar na inookupahan nila, sa gitna ng Arno River sa hilaga at ng Tiber River sa timog, ay nakilala bilang Tuscany. May pagkakataon na nasakop ng Etruskanong sibilisasyon ang humigit-kumulang na 50 Italyanong bayan.
Bagaman ang wikang Etruskano ay karaniwan nang gumagamit ng sinaunang anyo ng alpabetong Griego, kung kaya para bagang madaling maintindihan, ang totoo’y ibang-iba ito sa iba pang kilalang wika. Napakahirap isalin ang pangunahing bahagi ng bokabularyong ginagamit ng mga Etruskano. Gayunman, ang kanilang panitikan ay sagana, yamang ang mga aklat ay may mahalagang papel na ginagampanan sa kanilang kultura, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon. Bagaman sa ngayon ay may libu-libong halimbawa ng mga Etruskanong inskripsiyon—sa mga lapida, plorera, at alabastrong kabaong—iilan-ilan lamang ang nakaukit doon kung kaya walang gaanong naitulong ang mga ito upang maipaliwanag ang pinagmulan at kahulugan ng mga salitang Etruskano.
Kung Paano Sila Namuhay at Sumulong
Ang pamayanan ng mga Etruskano ay inorganisa sa mga lunsod-estado na may sariling pamahalaan, na pinamahalaan muna ng mga hari at pagkaraan ay mga mahistrado. Ang mga lunsod na ito’y pinag-isa sa isang Etruskanong kapisanan, na maluwag sa relihiyon, ekonomiya, at pulitika. Ang ilan sa mga tahanan ng Etruskano ay may dumadaloy na tubig at nasa sementadong mga daanan, na may mga alkantarilya. Ang mga kanal sa lupa ay gamit na gamit. Binago ng mga Etruskanong hari ang Roma mismo mula sa isang grupo ng mga nayon tungo sa isang elegante at napapaderang lunsod na may magkakarugtong na alkantarilya, kabilang na ang Cloaca Maxima, na makikita pa rin sa ngayon.
Sumulong ang mga Etruskano dahil sa saganang deposito ng mga mineral sa mga lugar na kontrolado nila, gaya ng mina ng bakal sa kalapit na isla ng Elba. Upang masapatan ang kanilang pagkauhaw sa metal, nagproseso ang mga Etruskano ng bakal, pilak, at tanso—na umaangkat pa nga ng lata mula sa British Isles. Bukod sa kayamanang ito, ang lugar na kinaroroonan nila ay may matabang lupaing maaaring pagtamnan at panginainan, na pinagmumulan ng mga cereal, olibo, at ubas gayundin ng troso. Ang likas na mga yamang ito gayundin ang malalawak na lupain at pakikipagkalakalan sa ibayong dagat ang nagpasulong sa ekonomiya ng mga Etruskano.
Ang mga Etruskano ay magagaling na marinero. Noong 540 B.C.E., tinalo ng pinagsamang plota ng mga barko ng mga Etruskano at Carthaginiano ang mga Griego, kung kaya natiyak ang Etruskanong pakikipagkalakalan sa ibayong dagat. Palibhasa’y nakaimbento ng bapor na pandigma na may matibay na proa, sila’y handang makipaglaban. Ang mga produktong gaya ng bucchero (palayok na itim) ay iniluluwas hanggang sa malayong Espanya at Ehipto lulan ng mga barko. Sa pangkatihang pakikipagkalakalan naman, ang mga Etruskano ay nagluluwas ng alak sa Gaul (Pransiya) at Germania (Alemanya), anupat lumalaganap ang kanilang kabantugan.
Ang Kasiyahan ng mga Etruskano sa Buhay
Kabilang sa namamalagi at nakikitang pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa mga Etruskano ay ang kanilang mga gawang sining. Palibhasa’y maluluhong tao, ang mga Etruskano’y gumagawa ng mga mamahaling alahas na ginto, kasali na ang hikaw, alpiler, palawit, pulseras, at kuwintas. Kahit sa ngayon ang paraan ng paglalagay nila ng mga palamuti at maliliit na butil na mga disenyo sa madetalyeng mga alahas, na gumagamit ng pagkaliliit na butil ng ginto, ay isa pa ring hiwaga. Bukod pa sa mga kopa, plato, tasa, at kumpletong gamit sa pagpapakain na yari sa pilak at iba pang mamahaling metal, ang mga Etruskano ay lumililok at umuukit din ng iba pang mamahaling materyales, gaya ng garing.
Ang maraming lilok, gawang sining, at mga iginuhit na larawan na natuklasan ay nagsisiwalat ng matinding kasiyahan ng mga Etruskano sa buhay. Natutuwa sila sa panonood ng mga karera ng karo, laban ng boksing, paligsahan sa bunô, at mga larong pampalakasan. Ang mga ito’y pinanonood ng hari, na marahil ay nakaupo sa isang silyang yari sa garing, na napalilibutan ng mga aliping nabihag sa pananakop. Ang kaniyang kulay-ubeng tunika, na sagisag ng kaniyang posisyon, ay tinularan ng mga Romano nang maglaon. Sa bahay ay nakasandig siya habang katabi ang kaniyang asawa sa oras ng pagkain at nakikinig sa plauta o doblehang tipano at nanonood ng sayaw habang pinagsisilbihan ng kaniyang mga alipin.
Ibang-iba naman sa mga Griego o Romano, ang mga babae sa lipunan ng mga Etruskano ay nagtatamasa ng pantay-pantay na posisyon sa lipunan. Puwede silang magkaroon ng pag-aari, at nakikipagkasayahan sa panlipunang mga pagdiriwang. Ang mga babaing Etruskano ay may sariling pangalan at apelyido, na katibayan ng kanilang pagkakaroon ng legal na mga karapatan.
Kakatwang Paniniwala sa Relihiyon
Tinawag ng isang istoryador noong unang siglo ang mga Etruskano bilang “mga taong mas deboto sa mga kaugalian sa relihiyon kaysa sa iba.” Sumasamba ang mga Etruskano sa napakaraming diyos, na may pagkiling sa trinidad, na bilang parangal sa mga ito’y nagtayo sila ng tatluhan, o tatluhang-silid, na mga templo. Bawat silid ay may imahen. Ang sibilisasyon ng mga Etruskano ay umiikot sa mahihiwagang ideya ng mga taga-Babilonya. Ang pangunahin sa mga ito ay ang ideya ng kabilang buhay at ng buhay sa kailaliman. Ang mga bangkay ay alinman sa ilibing o sunugin. Kung ang mga ito’y susunugin, ang abo ay inilalagay sa mga urna na may iba’t ibang hugis o anyo. Ang paglalagay ng urna sa libingan, kasama ng lahat ng inaakala nilang kailangan sa buhay sa kailaliman, ay sinasamahan ng mga ritwal, handog, at pagbubuhos ng likido. Ang mga pader ng libingan ng mayayaman ay pinalalamutian ng makukulay na larawan ng iba’t ibang tanawin, na kung minsan ay nagtatampok ng mga demonyo o halu-halong nakatatakot na mga kinapal. Gaya ng sabi ng isang babasahin, “ang mga Etruskano ay mahihilig sa halimaw.”
Ang pagsasagawa ng mga Etruskano ng hepatoskopyo, ang pag-aaral sa atay bilang isang anyo ng panghuhula, ay pabalik na matutunton sa Babilonya. (Ihambing ang Ezekiel 21:21.) Lahat ng pitak ng kanilang buhay at ng kanilang pagpapasiya ay nakasentro sa mga diyos. Ang mga tao’y tumitingin sa lupa o sa langit para sa mga tanda. Ang pinakapalasak ay ang panghuhula anupat ang pagsasagawa ng ganitong uri ay nakilala bilang disciplina Etrusca, na Etruskanong siyensiya.
Paglalakip at Pag-aalis
Noong 509 B.C.E., nagwakas ang isang-siglong taóng dinastiya ng pamamahala ng mga haring Etruskano sa Roma. Ito’y nagsilbing babala ng mga bagay na darating. Ang mga Etruskano sa hilaga ay pinagbantaan ng mga Celt, na dahil sa mga paglusob ay lumuwag ang mahigpit na paghawak ng mga Etruskano sa lugar na iyon. Sa gawing timog naman, ang patuloy na sigalutan sa karatig na mga Italyanong bayan ay nagpahina sa saligan ng kanilang kapangyarihan, anupat lumilikha ng panloob na tensiyon sa lipunan.
Pagsapit ng ikatlong siglo B.C.E., napasailalim ng kapangyarihan ng Romano ang Etruskanong teritoryo. Sa gayon ay nagsimula na ang panahon ng pagpapalakas ng kulturang Romano, o Romanisasyon. Dumating ang panahon, noong 90 B.C.E., nang igawad ang pagkamamamayang Romano sa lahat ng Italyanong bayan, nawala nang tuluyan ang mga huling bakas ng pagkakakilanlan ng mga Etruskano. Ang mga Etruskano ay kinailangang magsalita ng Latin at isinama sa daigdig ng mga Romano. Sa malas, iilang Romanong iskolar ang nagsikap na isalin o ingatan man lamang ang mga akdang pampanitikan ng mga Etruskano. Sa gayon, ang sibilisasyon ng mga Etruskano ay tuluyan nang naglaho, anupat nag-iwan ng hiwaga. Subalit nag-iwan din ito ng pamana.
Ang Namamalaging Pamana
Ang pamanang Etruskano ay nakikita sa Roma hanggang sa ngayon. Utang ng mga Romano sa mga Etruskano ang kanilang templong Capitoline, na inialay sa trinidad na Jupiter, Juno, at Minerva; ang kanilang tatluhang mga templo; ang kanilang unang mga pader ng lunsod; at ang kanal na tumutuyo sa Forum. Maging ang Capitoline na lobo (Lupa Capitolina), ang sagisag ng Roma, ay galing sa mga Etruskano. Karagdagan pa, ginagawa ng mga Romano ang ilang kaugalian ng mga Etruskano, gaya ng mga larong nagsasangkot sa mga pakikipaglaban hanggang mamatay at pakikihamok sa mga hayop. (Ihambing ang 1 Corinto 15:32.) Ang uri ng parada ng tagumpay na walang-alinlangang nasa isip ni Pablo sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon ay galing sa mga Etruskano.—2 Corinto 2:14.
Ang mga Etruskanong sagisag ay ginagamit sa maraming paraan. Ang baston ng Etruskanong pari, na katulad ng tungkod ng pastol, ay napag-alamang siyang pinagmulan ng baston na ginagamit ng mga obispo ng Sangkakristiyanuhan. Ang Etruskanong fasces (mga batutang nakatali sa palibot ng palakol) ay ginamit bilang sagisag ng awtoridad ng mga Romano, bilang emblema noong Himagsikan sa Pransiya, at ng partido ng mga Italyanong Pasista noong ika-20 siglo.
Sa kabila ng sama-samang pagsisikap ng mga arkeologo na tuklasin ang nakaraan, ang pinagmulan ng mga Etruskano at ang maraming pitak ng kanilang buhay ay nananatiling isang hiwaga.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ETRURIA
ITALYA
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
1. Capitoline na babaing-lobo, sagisag ng lunsod ng Roma, sa Etruskanong tanso, ng ikalimang siglo B.C.E.
2. Iniukit sa wikang Etruskano (kanan) at Phoenisyano (kaliwa), ang mga ginintuang tabletang ito ay naglalaman ng pag-aalay kay Uni (Astarte)
3. Etruskanong kabaong ng mag-asawa
4. Isang Etruskanong arkong daan noong ikaapat na siglo B.C.E. Natuto ang mga Romano ng pagtatayo ng arko mula sa mga Etruskano
5. Etruskanong banga at pantukod noong ikapitong siglo B.C.E., na ginagamit sa paghahalo ng alak
[Credit Line]
Mga gintong tableta: Museo Nazionale di Villa Giulia, Roma; kabaong at banga: Musée du Louvre, Paris