Pinuri ng Pahayagang Ruso ang mga Saksi ni Jehova
ANG mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Russia ay inialay noong Hunyo 21, 1997. Sa mga gusali ay kasali ang pitong tirahan, isang malaking Kingdom Hall, isang silid-kainan, at isang malaking gusali para sa mga tanggapan at para sa bodega. Ang kinaroroonan nito ay mga 40 kilometro sa hilagang-kanluran ng St. Petersburg, sa nayon ng Solnechnoye.
Ang pag-aalay ay naianunsiyo nang malawakan sa pamamagitan ng mga peryodista na inanyayahan sa programa. Ang isa sa kanila ay sumulat sa Literaturnaya gazeta ng Moscow, isang pahayagan na ang sirkulasyon ay mahigit sa sangkapat ng isang milyon: “Ang unang impresyon ng isa kapag nakita iyon ay, Napakaganda ng pagkakagawa nito!”—Tingnan ang mga larawan sa pahina 16 at 17.
Nagpaliwanag ang manunulat, si Sergey Sergiyenko: “Ang lahat dito ay ginawa ng mga kamay ng mga mananampalataya: Ang gawaing pagtatayo ay pangunahing ginawa ng mga Pinlandes, Suweko, Danes, Norwego, at mga Aleman. Ang malilinis na kalyeng yari sa laryo; tinabas na damuhan; mga gusaling may magagandang bubong na nilatagan ng tisa, malalaking bintana, at mga pintuang yari sa salamin—ito ang sentrong pampangasiwaan para sa relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa rehiyon ng Russia.”
Ang mga peryodista mula sa Moscow, may layong mahigit sa 650 kilometro sa timog-silangan ng sangay, ay inanyayahan sa pag-aalay at pinaglaanan ng transportasyon. Sila’y inilibot sa mga pasilidad, at pagkatapos nito, nagdaos ng isang sesyon ng tanong-at-sagutan, na doo’y naglaan ng mga meryenda. Batay sa kaniyang obserbasyon, sumulat si G. Sergiyenko:
“Ayon sa kasabihan, ang mga Saksi ay mababang-loob at di-mapagkunwari . . . Upang baguhin ang mga salita ng isang kilalang kasabihan sa Ruso, ‘Ang mga Saksi ay nakatira sa [kanilang tahanan] na para bang nasa sinapupunan ni Jehova.’ . . . Palibhasa’y laging mabait sa lahat ng tao, ang mga Saksi, sabihin pa, ay pantanging nagmamalasakit sa kanilang sariling mga kapatid.”
Isang artikulo na isinulat ni S. Dmitriyev ang lumabas sa Moskovskaya Pravda, isang pang-araw-araw na peryodiko na ang sirkulasyon ay halos 400,000. Sa kaniyang artikulo na pinamagatang “Makapagtatayo Ka ng Iyong Sariling Daigdig sa Pamamagitan Lamang ng Iyong Sariling mga Kamay,” ganito ang paliwanag ng manunulat:
“Pagkatapos ng legal na pagkilala sa relihiyosong organisasyon ng mga Saksi sa Russia [noong 1991], bumangon ang tanong tungkol sa pagtatayo ng kanilang sariling punung-tanggapan. Naghahanap sila noon ng isang lugar na malapit sa Moscow nang dumating ang di-inaasahang ulat na ipinagbibili ang teritoryo ng isang dating kampo ng mga kabataan malapit sa St. Pete[rsburg]. Ang lupa ay binili, at nagsimula silang magtayo. . . .
“Isang taon at kalahati na ang nakalipas, noong Enero 1, 1996, ang sentro sa nayon ng Solnechnoye ay naging isang opisyal na sangay ng relihiyosong organisasyon. Sa kalagitnaan ng Hunyo, isang grupo ng mga peryodista sa Moscow, sa pamamagitan ng paggugol ng ilang panahon sa St. Pete[rsburg], ang nagkaroon ng pagkakataong makaalam, Sino ang mga Saksing ito ni Jehova?”
Ano ang tugon ni G. Dmitriyev? “Mga tao, na tulad din ng ibang tao.” Gayunman, sila’y naiiba, gaya ng sinabi niya sa konklusyon ng kaniyang artikulo: “May kapayapaan sa gitna nila, may kapayapaan sa paligid. Panaginip kaya ito? Oo. Subalit umiiral ito.”
Isa pang peryodista sa Moscow, si Maksim Yerofeyev, nang sumulat para sa Sobesednik, isang pahayagan na ang sirkulasyon ay mahigit sa 300,000, ang nagsabi: “Ang lahat ng ugnayan sa maliit na pamayanang ito ay itinatag batay sa sumusunod na simulain: Walang sinuman ang pinipilit magtrabaho, gayunma’y nagtatrabaho ang lahat.”
Pagkatapos ilarawan ang tirahan ng tagapag-ugnay ng Komite ng Sangay, si Vasily Kalin, ganito ang sabi ni G. Yerofeyev: “Ibig ng aming samahan ng mapaghinalang mga reporter na bisitahin ang iba pang apartment na gusto nilang makita. Ang sukat at muwebles ng mga tuluyan ng iba pang residente ay halos di-naiiba sa simpleng pagkakaayos ng apartment ni Vasily Kalin.”
Isa pang reporter, si Anastasiya Nemets, ang sumulat ng artikulong “Ang Mamuhay na Payapa ang Sarili.” Ang uluhan ng pamagat na ito sa Vechernyaya Moskva ay “Ito ang Natututuhan ng mga Tao sa Isang Di-pangkaraniwang Nayon sa Labas ng St. Pete[rsburg].”
Sa paglalarawan sa lokasyon at kaanyuan ng mga pasilidad ng sangay, ganito ang isinulat niya: “Sa palibot, nariyan ang mga kagubatan at parang. Nasa di-kalayuan ang Gulpo ng Finland. Dito ay matatagpuan ang maaayos na tahanan na istilong Europeo ang pagkakatayo, malilinis na daan na nilatagan ng laryo, at makukulay na latag ng mga bulaklak.
“Ang mga kompanyang pangkomersiyo ay nagtatayo ng gayong mumunting mga lunsod para sa ‘nakaririwasang mga Ruso.’ Gayunman, naninirahan sa nayong ito ang mga taong may kakaunting tinatangkilik . . . Namumuhay sila nang maalwan, at higit sa lahat, magkakaibigan sila. Mayroon lamang mga 350 katao rito, mula sa iba’t ibang panig ng lupa; ang isa ay makaririnig ng iba’t ibang wika—mula sa Kastila at Portuges hanggang sa Pinlandes at Suweko.
“Sa diwa, ito ay isang munting pamayanan: Ang nayon ay may sariling mga pasilidad para sa pagawaan at sa pagkukumpuni, kung saan puwedeng ihanda ang anuman na kailangan ng isang pamilyang may sari-saring wika; mayroon pa nga silang sariling klinika.”
Tunay, ang pag-aalay ay isang masayang okasyon para sa 1,492 mula sa 42 bansa na dumalo sa Solnechnoye. Marami roon ang matatanda na nakapaglingkod na ng maraming dekada noong ipinagbabawal pa ang gawaing pangangaral. Maguguniguni mo kaya ang laking panggigilalas at kagalakan ng mga datihang ito habang nililibot nila ang magagandang pasilidad na matatagpuan sa tulad-hardin at 6.9-ektaryang tanawing ito? Mauunawaan naman na iisipin nilang nanaginip sila.
[Mga larawan sa pahina 18]
Mga peryodistang naglilibot sa mga pasilidad ng sangay
Sesyon ng tanong-at-sagutan