Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/22 p. 20-21
  • Pag-opera Nang Walang Panghiwa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-opera Nang Walang Panghiwa
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Apat na Hakbang ng Radiosurgery
  • Ano ang Nangyayari sa AVM?
  • Puwedeng Makita ang Loob ng Katawan—Nang Walang Pag-oopera
    Gumising!—2008
  • Kutsilyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Iyong Utak—Paano Ito Gumagana?
    Gumising!—1999
  • Iginalang ang Karapatan ng mga Pasyente
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/22 p. 20-21

Pag-opera Nang Walang Panghiwa

SA PASIMULA, ang pagsakit ng ulo ni Christine, bagaman matindi, ay inakalang hindi naman dapat ikabahala; tutal, nawala rin naman ito noong araw ding iyon. Ngunit sumunod ay nanigas ang leeg ni Christine. Pagkatapos, sumakit na naman ang kaniyang ulo, at nawala na siya sa kaniyang sarili​—mga pambihirang sintomas kahit kaninuman, lalo pa nga sa isang batang walong taóng gulang.

Nakita sa computed tomography (CT) scan sa ospital na si Christine ay may arteriovenous malformation (AVM) sa kaniyang utak​—isang karamdaman kung saan ang mga arterya ay napasalabid sa mga ugat.a Kung hindi gagamutin, maaaring sa dakong huli ay maistrok si Christine na maaari niyang ikamatay.

Noon, ang gayong mga AVM ay magagamot lamang kung bubuksan ang bungo pero hindi na ngayon. Sa dating paraang iyon ay binabatak ng siruhano ang anit at hinihiwa ang bungo. Pagkatapos, tataluntunin niya ang maselan at pasikut-sikot na mga nerbiyo at himaymay ng utak upang marating ang bahaging napinsala. Isinisiwalat ng klinikal na pagsusuri na noong 1995, mga 12 porsiyento ng inopera sa AVM ang nagkaroon ng komplikasyon.

Pinili ng mga magulang ni Christine ang Gamma Knife kaysa sa surgical knife. Nakapandaraya ang tawag dito, yamang ang Gamma Knife ay hindi naman talagang kutsilyo. Sa halip, ito’y isang kasangkapan na naglalabas ng 201 maingat na nakapokus na sinag ng radyasyon na tumatama sa di-nagagalaw na bungo. Ang bawat sinag kung nag-iisa lamang ay napakahina upang masira ang himaymay na pinaglalagusan nito. Subalit ang kabuuang 201 sinag ay maingat na itinutuon upang makatagos at makapaglabas ng mataas na dosis ng radyasyon sa eksaktong lugar ng bahaging napinsala.

Ang Gamma Knife ayon sa ilang pag-aaral ay napatunayang matipid, at iilan lamang ang mga kaso ng impeksiyon pagkatapos ng operasyon kaysa sa karaniwang pag-opera sa utak. Ngunit paano ba ginagawa ang paraang ito?

Ang Apat na Hakbang ng Radiosurgery

Ang Gamma Knife radiosurgery (pag-opera sa pamamagitan ng radyasyon) ay ginagawa sa apat na hakbang. Una, ang ulo ng pasyente ay iniaakma sa isang magaang na pang-ipit, na pipigil sa pasyente upang hindi ito makagalaw habang ginagamot. Ikalawa, gagawa ng isang “mapa” ng utak ng pasyente, sa pamamagitan ng alinman sa CT scan, magnetic resonance imaging (MRI), o angiogram. Sumunod, ang mga kuhang larawan ng utak ay inililipat sa isang computerized na sistema ng nakaplanong paggamot, na nagbubukod sa patatamaan at tumitiyak ng eksaktong lugar nito.

Pinakahuli, oras na para sa paggamot, na sa panahong ito ay nakaposisyon ang ulo ng pasyente sa isang helmet na may 201 butas na paglalagusan ng mga silahis ng gamma. Gaano katagal ang paggamot? Labinlima hanggang 45 minuto lamang, matapos bigyan ang pasyente ng bahagyang pampakalma upang wala itong maramdamang sakit.

Kapag tapos na ang paggamot, nananatili pa rin sa ospital ang pasyente para obserbahan at karaniwang pinalalabas kinaumagahan. Ganito ang ginawa kay Christine, na binanggit sa pasimula. Siya’y ginamot noong Huwebes, pinalabas noong Biyernes, at balik-paaralan kinalunisan.

Ano ang Nangyayari sa AVM?

Hindi literal na sinisira ng radiosurgery ang arteriovenous malformation. Sa halip, pinararami nito ang mga selula sa gilid ng mga daluyan, sa gayon ay hindi makadadaloy ang dugo sa lugar na napinsala. Resulta nito, marahil sa isa o dalawang taon, ang napinsalang mga daluyan ay lubusan nang magbabara. Pagkatapos ay liliit na ang arteriovenous malformation at sa dakong huli ay matutunaw na ito sa katawan.

Ginagamit din ang Gamma Knife sa paggamot ng nakamamatay na maliliit na tumor kung kitang-kita ang mga gilid nito gayundin ang ilang kumalat na tumor, na umabot sa utak mula sa kanser na nasa ibang bahagi ng katawan. Bukod dito, kinakitaan ito ng magandang resulta sa trigeminal neuralgia (isang makirot na karamdaman na apektado ang mga nerbiyo ng mukha), epilepsiya, sakit na Parkinson, at ilang kaso ng mahirap gamuting pangingirot.

Mangyari pa, may ilang tumor at karamdaman sa utak na hindi pa rin kayang gamutin ng Gamma Knife. Hindi pa natin alam kung ang mga pagsulong sa neurosurgery ay hahantong sa mas mabisang paggamot. Samantala, ang gamma knife radiosurgery ay nagbibigay ng pag-asa sa maraming pasyente na may tumor.

[Talababa]

a Ang CT scan ay ang cross-sectional na pag-X ray sa isang bahagi ng katawan.

[Kahon sa pahina 21]

Ang Pagkabuo ng Radiosurgery

ANG Gamma Knife ay ginawa ng siruhano sa utak na si Lars Leksell at biyopisistang si Börje Larsson halos 50 taon na ang nakalilipas. Natuklasan ni Leksell na ang minsanan at matinding dosis ng radyasyon ay makapag-aalis ng malalang sugat sa utak nang hindi na kailangan pang hiwain​—kaya naman, walang pagdurugo o panganib na maimpeksiyon.

Tinawag ni Leksell ang bagong pamamaraang ito na stereotactic radiosurgery. Sa wakas, may paraan na ang mga doktor sa paggamot ng di-maabot na mga bahagi ng utak noon, nang hindi na kailangan pang gumamit ng panghiwa upang matunton nang basta na lamang ang pasikut-sikot na maseselan na nerbiyo at himaymay ng utak. Gayunman, bago nagamit ang bagong pamamaraang ito ay naghintay pa ng maraming taon upang makagawa ng modernong pagkuha ng larawan, gaya ng CT scan at MRI, na magpapakita sa mga siruhano kung saan mismo itututok ang radyasyon. Ang unang Gamma Knife ay ikinabit sa Stockholm noong 1968.

[Mga larawan sa pahina 20]

Ang Apat na Hakbang ng Gamma Knife Radiosurgery

1. Pag-aakma ng pang-ipit

2. Pagkuha ng mga larawan ng utak

3. Computerized na mga larawan na tumutulong sa pagpaplano ng paggamot

4. Ang paggagamot

[Credit Line]

Mga larawan sa kagandahang-loob ng Elekta Instruments, Inc., gumagawa ng Gamma Knife ®

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share