Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 3/15 p. 31
  • Iginalang ang Karapatan ng mga Pasyente

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Iginalang ang Karapatan ng mga Pasyente
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Kaparehong Materyal
  • Tungkulin ng Isang Doktor
    Gumising!—1992
  • Pagkakaroon ng Mabuting Ugnayan sa Pagitan ng mga Doktor at mga Pasyenteng Saksi
    Gumising!—1990
  • Mga Ospital—Kung Ikaw ay Isang Pasyente
    Gumising!—1991
  • Nangunguna sa Pag-opera na Walang Ginagamit na Dugo sa mga Saksi ni Jehova
    Gumising!—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 3/15 p. 31

Iginalang ang Karapatan ng mga Pasyente

‘Imposible para sa akin na isagawa ang operasyong ito nang walang dugo. Kung gusto mong maoperahan, dapat kang sumang-ayon sa aking paraan ng panggagamot. Kung hindi, kailangang humanap ka ng ibang doktor.’

ANG mga salita ng doktor ay hindi nakatigatig sa pananampalataya ni Cheng Sae Joo, isang Saksi ni Jehova na naninirahan sa Thailand. Palibhasa’y nasuri na may meningioma, isang uri ng tumor sa utak, si Cheng ay kailangang-kailangang maoperahan. Subalit siya ay determinadong sumunod sa utos ng Bibliya: “Patuloy na umiwas . . . sa dugo.”​—Gawa 15:28, 29.

Pumunta si Cheng sa dalawa pang ospital, palibhasa’y nais niyang magamot sa kaniyang sariling bayan kung maaari. Siya ay nasiphayo sapagkat ang mga doktor doon ay tumanggi ring mag-opera nang walang dugo. Sa wakas, nailapit si Cheng sa Neurological Institute of the Tokyo Women’s Medical College sa pamamagitan ng Hospital Information Services (HIS) sa Thailand. Ang ospital na iyon ay nakagamot na ng mahigit na 200 pasyente na may tumor sa utak na ginagamit ang gamma knife, isa sa pinakabagong pagsulong sa radiation therapy.

Gumawa ng mga kaayusan upang makapanuluyan si Cheng sa mga Saksing Hapones na naninirahan malapit sa ospital. Isang grupo, kasama ang dalawang Saksi ni Jehova na nakapagsasalita ng Thai at isang kinatawan ng HIS, ang sumalubong sa kaniya sa paliparan. Pagkaraan ng humigit-kumulang isang linggong pagsusuri, si Cheng ay pumasok sa ospital na kung saan siya ay ginamot sa pamamagitan ng gamma knife. Ang pamamaraan ay tumagal lamang ng mga isang oras. Yamang lumabas ng ospital nang sumunod na araw, kinabukasan ng araw na iyon ay pauwi na siya patungong Thailand.

“Hindi ko kailanman inakala na napakalaking tulong ang maibibigay sa pamamagitan ng kaayusang ito,” ang sabi ni Cheng. “Ako’y totoong humanga sa pag-ibig na ipinakita at sa pagtutulungan na namagitan sa maraming pangkat na kasangkot.”

Sa pag-uulat sa balitang ito, ganito ang sinabi ng pahayagang Hapones na Mainichi Shimbun: “Hanggang sa ngayon, itinatampok pa rin ang mga relihiyosong kadahilanan sa pagtanggi sa pagsasalin ng dugo. Gayunman, ang mga pagsasalin ng dugo ay may di-mabuting mga epekto na gaya ng AIDS, ang panganib ng mga viral infection na gaya ng hepatitis C, at mga allergy. Dahilan dito ay may mga pasyente na ayaw magpasalin ng dugo anuman ang kanilang relihiyosong paniniwala.”

Sinabi pa ng pahayagan: “Maraming pasyente na tumangging magpasalin ng dugo ang napilitang lumipat ng ibang ospital, subalit kinakailangang magbago ang mga institusyon sa panggagamot may kinalaman sa paggalang sa naisin ng pasyente. Ang may kabatirang pahintulot (ang pagtanggap ng isang pasyente ng kompletong paliwanag hinggil sa kung ano ang nasasangkot at pagkatapos ay pagsang-ayon sa paraan ng paggamot) ay kailangan, at hindi ipinupuwera ang mga kaso ng pagsasalin ng dugo. Dapat na kilalanin na ito ay hindi isang usapin na nagsasangkot lamang sa isang relihiyon.”

Gaya ni Cheng Sae Joo, marami na pumipili ng panggagamot na hindi gumagamit ng dugo ang nangailangang lumipat sa ibang ospital. Gayunpaman, pinahahalagahan nila ang mga pagsisikap ng mga doktor na handang gumalang sa kanilang mga karapatan bilang pasyente.

Itinatag ng mga Saksi ni Jehova ang Hospital Information Services sa mga sangay ng Samahang Watch Tower upang hilingin ang pakikipagtulungan ng mga manggagamot na gumagalang sa kanilang mga paniniwala. Sa buong daigdig, nagtatatag ang HIS ng may pakikipagtulungang ugnayan sa mga ospital, manggagamot, manggagawa na nangangalaga sa kalusugan, abogado, at mga hukom.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share