Ang Pangmalas ng Bibliya
Mali Bang Maging Mapagmapuri?
MAY kasabihang ang pagmamapuri ay una sa pitong nakamamatay na kasalanan. Subalit, naniniwala ang marami ngayon na ang ideyang ito ay talagang hindi na uso. Sa pagsisimula ng ika-21 siglo, ang pagmamapuri ay itinuturing na isang mahalagang katangian, hindi isang kasalanan.
Gayunman, kapag binabanggit ng Bibliya ang pagmamapuri, ito’y karaniwang may negatibong kahulugan. Ang aklat ng Bibliya na Kawikaan ay may ilang sinasabi na humahatol sa pagmamapuri. Halimbawa, ang Kawikaan 8:13 ay nagsasabi: “Ang pagtataas sa sarili at pagmamapuri at ang masamang lakad at ang tiwaling bibig ay kinapopootan ko.” Ganito naman ang sabi ng Kawikaan 16:5: “Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.” At ang Kaw 16 talatang 18 ay nagbababala: “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”
Pagmamapuri na Nakapipinsala
Ang pagmamapuring hinahatulan sa Bibliya ay maaaring bigyan ng kahulugan bilang sobrang pagpapahalaga sa sarili, isang di-makatuwirang pagkadama ng kahigitan may kinalaman sa talino, kagandahan, kayamanan, edukasyon, ranggo, at iba pa. Maaaring mahayag ito sa mapanghamak na paggawi, paghahambog, kawalang-pakundangan, o labis na kapalaluan. Dahil sa labis-labis na pagtingin sa sarili ay baka hindi mo tanggapin ang kinakailangang pagtutuwid; hindi mo aminin ang mga pagkakamali at hindi ka humingi ng tawad, hindi ka tumupad sa pangako, at umiwas na mapahiya; o di-makatuwirang magalit sa ginawa o sinabi ng iba.
Maaaring laging igiit ng mapagmapuri ang paggawa ng mga bagay sa kanilang paraan o kung hindi ay huwag na lang. Madaling maunawaan na ang gayong saloobin ay kadalasang nagbubunga ng iba’t ibang uri ng personal na mga alitan. Ang pagmamapuri sa lahi o sa nasyonalidad ay humantong sa di-mabilang na mga digmaan at pagbububo ng dugo. Ayon sa Bibliya, ang pagmamapuri ang suliranin na umakay sa isang espiritung anak ng Diyos upang maghimagsik, anupa’t ginawang Satanas na Diyablo ang kaniyang sarili. Kung tungkol sa mga kuwalipikasyon para sa Kristiyanong matatanda, nagpayo si Pablo: “Hindi isang bagong kumberteng lalaki, baka magmalaki siya sa pagmamapuri at mahulog sa hatol na ipinataw sa Diyablo.” (1 Timoteo 3:6; ihambing ang Ezekiel 28:13-17.) Kung ang mga ito ay mga bunga ng pagmamapuri, hindi kataka-taka na hinahatulan ito ng Diyos. Gayunman, maitatanong mo, ‘Hindi ba’t may mga situwasyon na doo’y nararapat ang pagmamapuri?’
Mayroon Bang Nararapat na Pagmamapuri?
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang kau·khaʹo·mai, na isinaling “magmapuri, magmataas, maghambog,” ay ginagamit kapuwa sa isang negatibo at positibong diwa. Halimbawa, sinabi ni Pablo na maaaring “magbunyi tayo, salig sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.” Nagrerekomenda rin siya: “Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.” (Roma 5:2; 2 Corinto 10:17) Nangangahulugan ito na ipagmapuri natin si Jehova na ating Diyos, isang damdamin na maaaring umakay sa atin na ipagbunyi ang kaniyang mabuting pangalan at reputasyon.
Upang ilarawan: Mali bang ipagtanggol ang isang mabuting pangalan kung ito ay sinisiraang-puri? Siyempre pa, hindi. Kung ang mga tao’y di-makatarungang nagsalita tungkol sa mga miyembro ng iyong pamilya o sa iba na minamahal at iginagalang mo, hindi ka ba makadarama ng galit at mauudyukang ipagtanggol sila? “Ang [mabuting] pangalan ay dapat piliin sa halip na saganang kayamanan,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:1) Minsan, sinabi ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa palalong Paraon ng Ehipto: “Sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.” (Exodo 9:16) Kaya ipinagmapuri ng Diyos ang kaniyang mabuting pangalan at reputasyon at siya’y masigasig dito. Maaari rin tayong maging interesado sa pagtatanggol sa atin mismong mabuting pangalan at reputasyon gayunma’y hindi udyok ng kahambugan at masakim na pagmamapuri.—Kawikaan 16:18.
Mahalaga ang paggalang sa anumang mabuting kaugnayan. Nasisira ang ating kaugnayan sa mga tao at mga transaksiyon sa negosyo kapag naiwala natin ang pagtitiwala sa ating mga kasama. Sa katulad na paraan, maaaring makasira sa pinagsamang gawain o pagsososyo kahit isa lamang sa mga tagapagtaguyod nito ang gumawa ng isang bagay na magdadala sa kaniyang sarili o sa kaniyang mga kasama ng kahihiyan sa publiko. Upang maabot ang mga tunguhin, anuman ito, kailangang mapanatili ang mabuting pangalan. Ito ang isang dahilan kung bakit ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ay dapat na may “mainam na testimonyo” mula sa mga tagalabas. (1 Timoteo 3:7) Ang kanilang pagnanais para sa isang mabuting pangalan ay udyok, hindi ng mapagmapuring pagtataas-sa-sarili, kundi ng pangangailangan na kumatawan sa Diyos sa karapat-dapat at marangal na paraan. Tutal, paano nga mapaniniwalaan ang isang ministro na walang mainam na testimonyo mula sa mga tagalabas?
Kumusta naman ang tungkol sa pagmamapuri sa personal na mga nagawa? Kuning halimbawa ang kaluguran na maaaring madama ng mga magulang kapag ang kanilang anak ay magaling sa paaralan. Ang gayong pambihirang nagawa ay pinagmumulan ng angkop na kasiyahan. Nang sumusulat sa mga kapuwa Kristiyano sa Tesalonica, isiniwalat ni Pablo na siya man ay nagsasaya sa kanilang mga nagawa: “Obligado kami na laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid, gaya ng naaangkop, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalaki nang labis-labis at ang pag-ibig ng bawat isa at ninyong lahat ay lumalago sa isa’t isa. Bilang resulta ay ipinagmamapuri namin mismo kayo sa gitna ng mga kongregasyon ng Diyos dahilan sa inyong pagbabata at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatian na inyong pinagtitiisan.” (2 Tesalonica 1:3, 4) Oo, likas lamang na malugod sa pambihirang nagawa ng mga minamahal. Kaya, ano ang pagkakaiba ng maling pagmamapuri sa tamang pagmamapuri?
Tama lamang na naisin natin na maingatan ang ating personal na reputasyon, ang magtagumpay, at maging maligaya sa gayong tagumpay. Subalit, ang pagtataas-sa-sarili, kapalaluan, at paghahambog sa sarili o sa iba ay mga bagay na hinahatulan ng Diyos. Tunay na nakalulungkot kung ang sinuman ay magsimulang “magmalaki” sa pagmamapuri o ‘mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin.’ Walang dako sa mga Kristiyano ang pagmamapuri o ang paghahambog sa sinuman o sa anumang bagay maliban nang sa Diyos na Jehova at sa mga ginawa niya para sa kanila. (1 Corinto 4:6, 7; Roma 12:3) Si propeta Jeremias ay nagbibigay sa atin ng mainam na simulaing dapat sundin: “Ang nagyayabang tungkol sa kaniyang sarili ay magyabang dahil sa mismong bagay na ito, sa pagkakaroon ng kaunawaan at sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa.”—Jeremias 9:24.
[Larawan sa pahina 20]
“Pope Innocent X,” ni Don Diego Rodríquez de Silva Velázquez
[Credit Line]
Scala/Art Resource, NY