Mula sa Aming mga Mambabasa
Kapaki-pakinabang na Libangan Nag-aaral ako upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova, at ibig kong pasalamatan kayo sa paglalathala ng seryeng “Paghahanap ng Kapaki-pakinabang na Libangan.” (Mayo 22, 1997) Iilan na lamang ang nararapat panoorin sa telebisyon, at binigyan ninyo kaming lahat—bata at matanda—ng napakabuting payo. Umaasa akong patuloy ninyo kaming bibigyan ng impormasyon sa mga paksang tulad nito.
D. W., Estados Unidos
Patuloy Ko Kayang Magiging Kaibigan ang Diyos? Ako’y totoong nagpapasalamat sa ating mabait na Maylalang dahil sa napakainam na artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Patuloy Ko Kayang Magiging Kaibigan ang Diyos?” (Mayo 22, 1997) Di pa natatagalan, sinagutan ko ang isang kuwestionaryo tungkol sa kung ilan ang maaari kong maging kaibigan, at ang pangwakas na resulta ay tumiyak sa akin na ako’y laging mapalilibutan ng mga kaibigan. Nakalulungkot, ito ay napatunayang mali. Gayunpaman, natanto ko na tanging ang Diyos na Jehova lamang ang ating pinakamabuting Kaibigan. Totoo na kung hindi natin kaibigan ang Diyos na Jehova, kung gayo’y walang kahulugan ang lahat ng iba pang bagay.
A. T. M., Mexico
Salamat sa interes na ipinakikita ninyo sa mga kabataan. Natanggap ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Patuloy Ko Kayang Magiging Kaibigan ang Diyos?” nang kailangang-kailangan ko ito. Ako’y natiwalag at nakabalik kamakailan. Kung minsa’y nadarama kong ako’y nag-iisa at maraming pag-aalinlangan—ang isa sa mga ito ay, Nakikinig kaya ang Diyos sa akin? Pagkatapos suriin ang halimbawa ni Pablo sa subtitulong “Isang Tinik sa Laman,” naipasiya kong humanap ng pagpapala mula kay Jehova sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya at taimtim na panalangin. Ang tanong na, Patuloy ko kayang magiging kaibigan si Jehova? ay maliwanag na nasagot.
J. C. A., Argentina
Pag-aalaga ng Pukyutan Ako’y sumulat tungkol sa artikulong “Pag-aalaga ng Pukyutan—Isang ‘Matamis’ na Kuwento” (Mayo 22, 1997), na doo’y nagbigay kayo ng tumpak na impormasyon tungkol sa mga pukyutan sa isang maikling paraan. Naibigan ko ang angkop na kombinasyon ng mga paliwanag, mga larawan, at damdamin—nang walang anumang pagkakamali. Madalas makapansin ang isang tagapag-alaga ng pukyutan ng di-tumpak o may bahagya lamang na wastong impormasyon sa pamahayagan, ngunit wala nito sa inyong artikulo. Ako ay isang masugid na tagapag-alaga ng pukyutan, at malimit kong makita ang mas maraming ‘mabuting sentido’ sa mga kulisap na ito kaysa sa maraming tao. Kaya sa palagay ko’y tama lamang na sabihin ko na sa pagtalakay sa paksang ito, pinarangalan ninyo ang kagandahan ng buhay, lalo na kung paano ito itinatampok sa gayong maliliit na nilalang.
P. G. M., Italya
Pag-aaruga Salamat sa paglalathala ng seryeng “Pag-aaruga—Pagharap sa Hamon.” (Pebrero 8, 1997) Ang aking ina ay may sakit na kanser, at napapagod ako sa pag-aaruga sa kaniya sa mga huling yugto ng kaniyang karamdaman. Buong-kawastuang inilarawan ng artikulo ang damdamin ng isa na nag-aaruga at ipinakikita sa iba kung paano magpapakita ng konsiderasyon sa mga kabilang sa amin na nasa gayong kalagayan. Bihirang makasumpong ng gayong mga artikulo.
F. T., Taiwan
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ako po’y 12 anyos. Ako po’y nag-aaral at gustung-gusto kong basahin ang inyong mga magasin. Bago po ako nagsimulang magbasa ng mga ito, mahirap para sa akin na makisalamuha sa mga nakatatanda sa akin. Ngunit matapos basahin ang mga artikulo sa Gumising! sa bahaging “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ,” naging mas madali para sa akin na gawin iyon. Salamat po!
N. T., Russia
Mula sa Aming mga Mambabasa Regular akong bumabasa ng Gumising! sa loob ng 26 na taon, at nasisiyahan pa rin ako sa magasin mula’t sapol. Hindi ko nakaliligtaang basahin ang bahaging “Mula sa Aming mga Mambabasa,” sapagkat ang mga komento ay madalas magpakilos sa akin na muling basahin ang isang artikulo. Salamat sa mahusay na mga magasing ito.
M. B., Pransiya