Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/8 p. 22-25
  • Ang mga Kristiyano at ang “Caste”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Kristiyano at ang “Caste”
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Posibleng Pinagmulan ng Caste System sa India
  • Ang Caste sa Modernong Tagpo
  • Ang mga Misyonero ng Sangkakristiyanuhan at ang Caste
  • Ang Caste sa mga Simbahan sa Ngayon
  • Mga Reaksiyon sa Pagkadi-Kontento
  • Ang Tunay na Landasing Kristiyano
  • Ang Pangangailangan Ukol sa Bagong Sanlibutang Kaisipan
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1985
  • Hinduismo—Paghahanap ng Kalayaan
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Bahagi 7—c 1500 B.C.E. patuloy—Hinduismo—Ang Ngalan Mo’y Pagpaparaya
    Gumising!—1989
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/8 p. 22-25

Ang mga Kristiyano at ang “Caste”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA INDIA

ANO ang naiisip mo kapag naririnig mo ang pananalitang “caste system” (antas sa lipunan)? Marahil ay naiisip mo ang India at ang milyun-milyong walang caste​—ang mga outcaste (walang antas). Bagaman ang caste system ay bahagi na ng relihiyong Hindu, ang mga repormador na Hindu ay nakipaglaban upang maalis ang mga epekto nito sa mga lower caste (mababang antas) at sa mga outcaste. Kaugnay nito, ano ang masasabi mo kung marinig mong ikinakapit ang caste system maging sa mga simbahan na nag-aangking Kristiyano?

Ang Posibleng Pinagmulan ng Caste System sa India

Ang pagkakabaha-bahagi ng mga tao ayon sa mga antas sa lipunan na dito’y nakadarama ng kahigitan ang ilan ay hindi namumukod-tangi sa India. Lahat ng kontinente ay nakaranas sa paano man ng pagtatangi ng antas. Ang nagpaiba sa caste system ng India ay ang bagay na mahigit na 3,000 taon na ang nakalipas, isang paraan ng panunupil sa lipunan ang napalakip sa relihiyon.

Bagaman ang pinagmulan ng caste system ay hindi natitiyak, natalunton ng ilang awtoridad ang pinagmulan nito sa sinaunang sibilisasyon ng Indus Valley sa modernong Pakistan. Waring ipinakikita ng arkeolohiya na ang pinakaunang nanirahan doon ay sinakop noong dakong huli ng mga tribo mula sa hilagang-kanluran, na karaniwang tinutukoy bilang ang “pagdayo ng mga Aryan.” Sa kaniyang aklat na The Discovery of India, tinawag ito ni Jawaharlal Nehru na “ang unang malaking paghahalo at pagsasanib ng kultura,” na mula rito’y lumitaw “ang mga lahing Indian at ang pangunahing kulturang Indian.” Gayunman, ang pagsasanib na ito ay hindi nagbunga ng pagkakapantay-pantay ng lahi.

Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ipinaliliwanag ng mga Hindu na ang sanhi ng pagdami ng mga caste (jātis, sa literal ay ‘mga pagsilang’) ay ang pagkakaroon ng karagdagan pang dibisyon ng apat na antas, o mga varna, bunga ng pag-aasawa ng magkaibang antas (na ipinagbabawal sa mga akda ng mga Hindu hinggil sa dharma). Subalit may hilig namang ipalagay ng mga modernong teorista na ang mga caste ay bunga ng pagkakaiba ng mga ritwal na kaugalian ng pamilya, pag-uuri ng lahi, at kaibahan at kadalubhasaan sa trabaho. Nagdududa rin ang maraming modernong iskolar kung ang simpleng sistema ng varna ay isa lamang teoretikong ideolohiya sa lipunan at relihiyon at idiniin din nila na ang lubhang masalimuot na dibisyon ng lipunang Hindu na nauwi sa 3,000 caste at mga subcaste ay malamang na umiiral na noon pa mang sinaunang panahon.”

May ilang panahon na pinayagan ang pag-aasawa ng magkakaibang antas, at ang dating pagtatangi batay sa kutis ay hindi na gaanong pinapansin. Ang mahihigpit na alituntunin na umuugit sa caste ay nabuo na lamang sa relihiyon nang dakong huli, na isinaad sa mga kasulatang Vedic at sa Kodigo (o Mga Simulain) ni Manu, isang paham na Hindu. Itinuro ng mga Brahman na ang mga higher caste (mataas na uri) ay isinilang na dalisay anupat ibinubukod sila mula sa mga lower caste. Itinuro nila sa mga Sudra, o sa mga nasa pinakamababang caste, ang paniniwala na ang kanilang hamak na trabaho ay parusa ng Diyos dahil sa kanilang masasamang gawa noong unang pag-iral nila at ang anumang pagtatangkang sirain ang hadlang sa antas ay magpapangyaring sila’y maging mga outcaste. Ang pakikipag-asawa, pakikisama sa pagkain, paggamit sa iisang suplay ng tubig, o pagpasok sa templo ng isang Sudra ay magpapangyari sa isang nasa higher caste na mawalan ng antas.

Ang Caste sa Modernong Tagpo

Matapos makamit ang kasarinlan noong 1947, ang sekular na pamahalaan ng India ay bumuo ng isang saligang batas na nagpangyaring maging krimen ang pagtatangi ng antas. Palibhasa’y nababatid na maraming siglo nang pinagkakaitan ang mga lower-caste na Hindu, ang pamahalaan ay nagpasa ng batas na nagtatalaga ng mga tungkulin sa pamahalaan at sa mga tanggapan gayundin ng mga posisyon sa mga institusyong pang-edukasyon, para sa mga scheduled caste at mga tribo.a Ang termino na ginagamit sa mga grupong Hindu na ito ay “Dalit,” na nangangahulugang “nilupig, inapi.” Subalit ganito ang sinabi ng kamakailang ulo ng balita sa pahayagan: “Hinihingi ng mga Kristiyanong Dalit ang Kanilang Karapatan [sa trabaho at mga parte sa unibersidad].” Paano nagkaganito?

Malalaking benepisyo ang ibinibigay ng pamahalaan sa mga lower-caste na Hindu dahil sa sila’y dumanas ng kawalang-katarungan bunga ng caste system. Kaya ikinatuwiran na ang mga relihiyon na hindi nagkapit ng caste system ay hindi makaaasa ng mga benepisyong ito. Gayunman, sinasabi ng mga Kristiyanong Dalit na dahil sa sila’y mga nakumberteng nasa lower caste, o untouchable, sila man ay nakararanas ng pagtatangi, hindi lamang mula sa mga Hindu kundi maging sa kanilang ‘mga kapuwa Kristiyano.’ Totoo ba ito?

Ang mga Misyonero ng Sangkakristiyanuhan at ang Caste

Maraming Hindu ang nakumberte ng mga misyonerong Portuges, Pranses, at Britano, kapuwa Katoliko at Protestante, noong panahon ng pananakop. Maraming tao mula sa lahat ng antas ang naging mga naturingang Kristiyano, anupat ang ilang mángangarál ay nakaakit ng mga Brahman, ang iba naman ay ng mga Untouchable. Ano ang naging epekto ng mga turo at paggawi ng mga misyonero sa malalim-ang-pagkakaugat na paniniwala sa caste?

Tungkol sa mga Britano sa India, sinabi ng awtor na si Nirad Chaudhuri na sa mga simbahan “ang mga mananampalatayang Indian ay hindi maaaring tumabi sa mga Europeo sa upuan. Ang pagiging palaisip sa kahigitan ng lahi na namayani sa pamamahala ng mga Britano sa India ay hindi naiwaksi ng Kristiyanismo.” Taglay ang gayunding saloobin, isang misyonero ang nag-ulat noong 1894 sa Board of Foreign Missions ng Estados Unidos na ang pangungumberte sa mga lower caste na tao ay “pagtitipon ng basura sa Simbahan.”

Maliwanag, ang pagkadama ng kahigitan ng lahi sa panig ng mga unang misyonero at ang pagkakasanib ng mga kaisipang Brahman sa mga turo ng simbahan ang siyang may malaking pananagutan sa isang caste system na hayagang isinasagawa ng marami sa mga tinaguriang Kristiyano sa India.

Ang Caste sa mga Simbahan sa Ngayon

Ang Katolikong Arsobispo na si George Zur, samantalang nagpapahayag sa Catholic Bishops Conference of India noong 1991, ay nagsabi: “Ang mga nakumberteng scheduled caste ay tinatrato bilang mga low caste hindi lamang ng mga high caste na Hindu kundi maging ng mga high caste na Kristiyano. . . . May nakahiwalay na mga dako na itinalaga para sa kanila sa mga parokya ng simbahan at sa mga libingan. Ang pag-aasawa ng magkaibang antas ay hindi sinasang-ayunan . . . Laganap ang casteism sa klero.”

Sinabi ng Obispo na si M. Azariah, ng Church of South India, isang United Protestant Church, sa kaniyang aklat na The Un-Christian Side of the Indian Church: “Kaya nga ang mga Kristiyanong Scheduled Caste (Dalit) ay hinahamak at inaapi ng mga kapuwa Kristiyano sa iba’t ibang simbahan bagaman hindi nila ito kasalanan kundi sila’y nagkataong naisilang nang gayon, kahit na sila’y ika-2, ika-3 o ika-4 na salinlahi ng mga Kristiyano. Ang high caste na mga Kristiyano na kakaunti lamang sa Simbahan ay nagtatangi pa rin ng antas kahit pagkalipas ng maraming salinlahi, anupat hindi sila nabago ng Kristiyanong paniniwala at kaugalian.”

Natuklasan ng isang imbestigasyon ng pamahalaan sa mga problema ng mga mahihinang grupo sa India, na kilala bilang Mandal Commission, na ang mga di-umano’y Kristiyano sa Kerala ay nababahagi “sa iba’t ibang grupong etniko salig sa kanilang pinagmulang antas. . . . Kahit pagkatapos makumberte, ang mga nakumberteng nasa lower caste ay patuloy pa ring tinatrato bilang mga Harijanb . . . Ang mga miyembrong Siriano at Pulaya ng Simbahan ding iyon ay nagdaraos ng magkakahiwalay na relihiyosong mga ritwal sa magkabukod na mga gusali.”

Ganito ang sinabi ng isang balita sa Indian Express noong Agosto 1996 hinggil sa mga Kristiyanong Dalit: “Sa Tamil Nadu, nakabukod ang kanilang tirahan sa mga nasa higher caste. Sa Kerala, sila ay halos mga manggagawang walang pag-aaring lupain, at mga trabahador lamang ng mga Kristiyanong Siriano at iba pang nasa mataas na antas na may mga lupain. Hindi kailanman kumakaing magkasama o pinag-aasawa ang mga Dalit at ang mga Kristiyanong Siriano. Kadalasan, ang mga Dalit ay sumasamba sa kanilang sariling simbahan, na tinatawag na ‘simbahang Pulaya’ o ‘simbahang Paraya.’ ” Ito ay mga tawag sa iba pang antas. Ang anyong Anglikano ng “paraya” ay “pariah.”

Mga Reaksiyon sa Pagkadi-Kontento

Ang mga pangkat ng mga legong aktibista, gaya ng FACE (ang Forum Against Christian Exploitation), ay humihiling ng mga benepisyo ng pamahalaan para sa mga Kristiyanong Dalit. Ang pangunahing layunin ay ang tulungan sa kabuhayan ang mga nakumberteng Kristiyano. Subalit ang iba ay nababahala sa paraan ng pagtrato sa loob ng simbahan. Sa isang liham kay Pope John Paul II, mga 120 lumagda ang nagsabi na kanilang “niyakap ang Kristiyanismo upang mapalaya sa caste system” ngunit sila’y hindi pinahihintulutang pumasok sa simbahan ng nayon o makibahagi sa mga serbisyo. Sila ay napilitang magtayo ng mga bahay sa kahabaan ng iisang kalye na doo’y walang high-caste na mga Kristiyano​—at walang pari ng parokya​—ang kailanma’y pumaparoon! Isa ring nagugulumihanang Katolikong babae ang nagsabi: “Talagang importante sa akin na makapag-aral ang aking anak na lalaki sa isang mahusay na paaralan sa kolehiyo. Subalit lalong mahalaga na siya ay ituring na kapantay ng kaniyang mga [Katolikong] kapananampalataya.”

Bagaman sinisikap ng ilan na pabutihin ang kalagayan ng mga Kristiyanong Dalit, marami ang nawawalan nang pasensiya. Ang mga partido pulitikal na gaya ng Vishwa Hindu Parishad (World Hindu Organization) ay nagsisikap na ibalik ang mga nakumberteng Kristiyano sa lipunang Hindu. Iniulat ng Indian Express ang isang seremonya na dinaluhan ng 10,000 katao, kung saan ang mahigit na 600 tinaguriang “Kristiyanong” pamilya ay muling yumakap sa Hinduismo.

Ang Tunay na Landasing Kristiyano

Kung itinuro lamang ng mga misyonero ng mga simbahan ang mga turo ni Kristo salig sa pag-ibig, wala sanang “mga Kristiyanong Brahman,” walang “mga Kristiyanong Dalit,” walang “mga Kristiyanong Paraya.” (Mateo 22:37-40) Wala sanang nakabukod na mga simbahan para sa mga Dalit at walang pagbubukud-bukod sa kainan. Ano itong nagpapalayang turo ng Bibliya na nakapananaig sa pagtatangi ng antas?

“Sapagkat si Jehova na inyong Diyos ang Diyos ng mga diyos . . . , na hindi nagtatangi kaninuman ni tumatanggap man ng suhol.”​—Deuteronomio 10:17.

“Ngayon ay masidhi kong pinapayuhan kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay dapat magsalita nang magkakasuwato, at na hindi dapat na magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi na kayo ay lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.”​—1 Corinto 1:10.

“Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35.

Itinuturo ng Bibliya na ginawa ng Diyos ang buong sangkatauhan mula sa isang tao. Sinasabi rin nito na lahat ng inapo ng taong iyon ay dapat na ‘humanap sa Diyos at magsikap na masumpungan siya, bagaman hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.’​—Gawa 17:26, 27.

Nang ang pagtatangi ng antas ay magsimulang pumasok sa unang Kristiyanong kongregasyon, ang manunulat na si Santiago, sa ilalim ng pagkasi, ay tahasang tumuligsa rito. Sinabi niya: “Kayo ay may pagtatangi-tangi sa gitna ninyo at kayo ay naging mga hukom na nagbibigay ng mga balakyot na pasiya, hindi nga ba gayon?” (Santiago 2:1-4) Ang tunay na turong Kristiyano ay hindi nagpapahintulot sa anumang uri ng caste system.

Ang Pangangailangan Ukol sa Bagong Sanlibutang Kaisipan

Ang milyun-milyong Saksi ni Jehova ay handang magbago ng kanilang dating paniniwala at paggawi na natutuhan mula sa maraming iba’t ibang relihiyon. Inalis ng mga turo ng Bibliya sa kanilang puso at isip ang pagkadama ng kahigitan o kababaan, ito man ay nag-ugat sa pananakop ng banyaga, lahi, pagtatangi ng lipi, o sa caste system. (Roma 12:1, 2) Sila ay may malinaw na pagkaunawa sa tinatawag ng Bibliya na “isang bagong lupa,” na doo’y “tatahan ang katuwiran.” Isa ngang maluwalhating pag-asa para sa mga karamihan na nagdurusa sa lupa!​—2 Pedro 3:13.

[Mga talababa]

a Ang “scheduled castes” ay isang opisyal na termino para sa mga lower caste na Hindu, o ang mga outcaste, mga Untouchable, na pinagkaitan sa lipunan at sa kabuhayan.

b Isang termino na kinatha ni M. K. Gandhi para sa mga lower caste. Ito ay nangangahulugang “Bayan ni Hari,” isa sa mga pangalan ng diyos na si Vishnu.

[Blurb sa pahina 25]

“Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Anong Pakiramdam Mo Rito?

Oo, ano ang pakiramdam ng isang tinatrato bilang outcaste ng mga taong nag-aangking Kristiyano? Isang Kristiyano, na ang mga ninuno ay nakumberte mula sa lower caste ng Hinduismo na kilala bilang Cheramar o Pulaya, ang naglahad ng isang pangyayari na naganap sa kaniyang tinubuang estado ng Kerala mga ilang taon na ang nakalipas:

Ako ay inanyayahan sa isang kasalan na ang ilan sa mga panauhin ay mga miyembro ng simbahan. Nang makita nila ako sa piging, nagkaroon ng kaguluhan, at yaong kabilang sa Orthodox Syrian Church ay nagsabi na hindi sila mananatili sa piging kung hindi ako aalis, yamang hindi sila makikisalo sa pagkain sa isang pulayan. Nang hindi mapasunod ang ama ng kasintahang babae sa kanilang ultimatum, iniwan nilang lahat ang piging. Pagkaalis nila, inihain ang pagkain. Subalit ayaw tanggalin niyaong mga naghahain sa mga mesa ang dahon ng saging na aking pinagkainan at ayaw ring linisin ang aking mesa.

[Larawan]

Isang pangkaraniwang simbahan sa Timog India, kung saan ang mga lower caste lamang ang nagtitipon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share