Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/22 p. 4-6
  • Kaigtingan—Ang “Mabagal na Lason”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaigtingan—Ang “Mabagal na Lason”
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kaigtingan at ang Iyong Sistema ng Imyunidad
  • Hindi Tanging Sanhi ni Tanging Lunas
  • Nakabubuting Kaigtingan, Nakasasamang Kaigtingan
    Gumising!—1998
  • Nai-stress Ka Ba?
    Gumising!—2020
  • Stress—Ang Epekto Nito sa Atin
    Gumising!—2010
  • Ano ang Stress?
    Gumising!—2020
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/22 p. 4-6

Kaigtingan​—Ang “Mabagal na Lason”

“Lagi nating naririnig na sinasabi ng mga tao, ‘Huwag mong sagarin ang sarili mo anupat nagkakasakit ka na.’ Malamang na hindi nila nalalaman na ito sa totoo ay may biyolohikal na batayan.”​—Dr. David Felten.

SI Jill, isang nagsosolong ina na may tin-edyer na anak na lalaki, papaubos nang deposito sa bangko, at maigting na kaugnayan sa kaniyang mga magulang, ay may maraming dahilan upang masagad. Sumunod, biglang-bigla, tinubuan ng makati at mahapding butlig ang kaniyang braso. Sinubukan niya ang mga antibiyotiko, mga cortisone cream, at mga antihistamine, ngunit hindi nakatulong ang mga ito. Sa halip, kumalat ang butlig-butlig sa buong katawan ni Jill, pati na sa kaniyang mukha. Talagang nasasagad na siya.

Pinapunta si Jill sa isang klinika para sa mga sakit sa balat na nagsusuri sa emosyonal na kalagayan ng mga pasyente nito. “Sinisikap naming malaman kung ano ang nangyayari sa kanilang buhay,” sabi ni Dr. Thomas Gragg, ang isa sa mga nagtatag ng klinika. Madalas niyang matuklasan na bukod pa sa medikal na pangangalaga ang mga taong may malalang suliranin sa balat ay nangangailangan ng tulong upang makayanan ang kaigtingan. “Napakasimpleng sabihin na ang iyong nadarama o paraan ng pagkilos ang siyang sanhi ng sakit sa balat,” inamin ni Dr. Gragg. “Ngunit maaari nating sabihin na ang nadarama ng isang tao ay gumaganap ng malaking bahagi sa mga sakit sa balat, at hindi tayo dapat na laging nagrereseta ng steroid cream nang hindi tinutulungan din ang isang tao na makayanan ang kaigtingan sa kaniyang buhay.”

Nadama ni Jill na ang pagkatutong makayanan ang kaigtingan ang talagang nakagamot sa kaniyang balat. “Mayroon pa rin akong butlig-butlig,” sabi niya, “pero ang balat ko ay hindi na grabe kagaya ng dati.” Isang di-pangkaraniwang kaso? Hindi. Maraming doktor ang naniniwala na ang kaigtingan ay madalas na isang sanhi ng ilang sakit sa balat, kasali na ang tagulabay, psoriasis (pamumula ng balat na may kasamang balikuskos), acne, at eksema. Ngunit hindi lamang ang iyong balat ang maaaring maapektuhan ng kaigtingan.

Kaigtingan at ang Iyong Sistema ng Imyunidad

Ipinakikita ng mga pananaliksik sa ngayon na maaaring pigilin ng kaigtingan ang iyong sistema ng imyunidad, marahil maghantad sa iyo sa ilang nakahahawang sakit. “Ang kaigtingan ay hindi nagbibigay sa iyo ng sakit,” sabi ng dalubhasa sa virus na si Ronald Glaser. “Ngunit pinalalaki nito ang panganib na ikaw ay magkasakit dahil sa ginagawa nito sa iyong sistema ng imyunidad.” May totoong kapani-paniwalang ebidensiya na nauugnay ang kaigtingan sa sipon, trangkaso, at herpes. Bagaman patuloy tayong nalalantad sa gayong mga virus, ang mga ito ay karaniwan nang nilalabanan ng ating sistema ng imyunidad. Ngunit sinasabi ng ilang eksperto na kapag ang isang tao ay labis na nababalisa, maaaring matalo ang mga panlabang ito.

Ang nasasangkot na biyolohikal na mga proseso ay hindi pa lubusang nauunawaan, ngunit ipinapalagay ng ilan na ang mga hormone na naghahanda sa iyo para kumilos kapag dumaranas ka ng kaigtingan ay maaaring makasagabal sa pag-andar ng iyong imyunidad habang ang mga ito ay bumubugso sa iyong daluyan ng dugo. Karaniwan, hindi ito dapat ikabahala, yamang pansamantala lamang ang gawain ng mga hormone na ito. Gayunpaman, sinasabi ng ilan na kapag ang isang tao ay dumaranas ng patuloy at matinding kaigtingan, baka humina ang kaniyang sistema ng imyunidad hanggang sa punto na madali na siyang tablan ng sakit.

Maaari itong makatulong upang ipaliwanag kung bakit tinataya ng mga doktor sa Canada na ang idinaraing ng mga 50 hanggang 70 porsiyento ng mga pasyenteng kumukunsulta sa kanila ay may kaugnayan sa kaigtingan, karaniwang may kasamang sakit ng ulo, insomya, pagkahapo, at mga sakit sa tiyan. Sa Estados Unidos, ang bilang ay tinatayang nasa pagitan ng 75 at 90 porsiyento. Nadarama ni Dr. Jean King na hindi siya lumalabis kapag sinasabi niya: “Ang malubhang kaigtingan ay tulad sa isang mabagal na lason.”

Hindi Tanging Sanhi ni Tanging Lunas

Sa kabila ng mga nabanggit na, hindi nakatitiyak ang mga siyentipiko na ang kaigtingan lamang ay sapat nang makaapekto sa sistema ng imyunidad upang mabago ang kalagayan sa kalusugan ng isang tao. Kaya naman, hindi masasabi nang tahasan na ang lahat ng dumaranas ng kaigtingan, maging sa malubhang kaso nito, ay magkakasakit na. Sa kabaligtaran, hindi maaaring sabihin na ang kawalan ng kaigtingan ay gagarantiya ng mabuting kalusugan, ni isang katalinuhan na tumangging magpagamot dahil sa maling palagay na ang sakit ay mapapawi sa pamamagitan ng pagiging optimista at ng positibong kaisipan. Nagbabala si Dr. Daniel Goleman: “Ang ganitong waring kahanga-hangang kaisipan na ang saloobin ng isa ay makagagamot sa anumang sakit ay lumilikha ng laganap na kalituhan at maling pagkaunawa tungkol sa kung hanggang saan maaapektuhan ng isip ang karamdaman, at marahil ay masahol pa, inuudyukan ang mga tao na makadama ng pagkakasala sa pagkakaroon ng sakit, na para bang iyon ay tanda ng isang paglihis sa moral o pagiging di-nararapat sa espirituwal.”

Kung gayon, dapat matanto na ang sanhi ng sakit ay bihirang limitado sa iisang dahilan. Gayunman, ang kaugnayan sa pagitan ng kaigtingan at sakit ay nagdiriin sa karunungan ng pagkatutong malunasan ang “mabagal na lason” na ito kailanma’t maaari.

Bago talakayin kung paano ito magagawa, tingnan nating mabuti ang uri ng kaigtingan at kung paanong sa ilang kalagayan ay maaari pa nga itong makabuti sa iyo.

[Kahon sa pahina 5]

Ilang Karamdaman na Iniuugnay sa Kaigtingan

• mga alerdyi

• arthritis

• hika

• kirot sa likod, leeg, at balikat

• sipon

• panlulumo

• diarrhea

• trangkaso

• mga sakit sa tiyan

• sakit ng ulo

• sakit sa puso

• insomya

• migraine

• peptic ulcers

• di-normal na kakayahan sa sekso

• mga sakit sa balat

[Larawan sa pahina 6]

Ang isang mataas na porsiyento ng mga kumukunsulta sa mga doktor ay dahil sa kaigtingan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share