Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/22 p. 15-19
  • Garing—Gaano Kahalaga Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Garing—Gaano Kahalaga Ito?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Walang Patumanggang Ilegal na Pangangaso
  • Pangglobong Pagbabawal
  • Ang mga Elepante sa Katimugang Aprika
  • Mga Nakaimbak na Garing
  • Naantala ang Pagmamalasakit
  • Ano ang Kinabukasan ng Elepante?
  • Panahon Na ba Upang Magpaalam?
    Gumising!—1989
  • Garing
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pangangalaga sa Mapayapang Pachyderm
    Gumising!—1992
  • Mga Nakaliligtas sa Disyerto ng Namib
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/22 p. 15-19

Garing​—Gaano Kahalaga Ito?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA

Sa isang internasyonal na komperensiya sa Harare, Zimbabwe, noong Hunyo 1997, ang mga delegado mula sa 138 bansa ay bumoto upang paluwagin ang pitong taóng pangglobong pagbabawal sa kalakalan ng garing. Ang desisyon, na kasunod ng maiinit na debate, ay nagpapahintulot sa tatlong bansa sa timog Aprika​—Botswana, Namibia, at Zimbabwe​—na may-pasubaling makapagbibili ng garing sa isang bansa lamang, ang Hapon. Ang mga kinatawan mula sa katimugang Aprika ay nagalak sa desisyon, anupa’t sila’y biglang napaawit. Ang iba namang delegado ay nalungkot kalakip ang pangamba sa maaaring maging epekto nito para sa mga elepante sa Aprika.

NANG hamunin ni Hannibal ang hukbo ng Roma noong ikatlong siglo B.C.E., taglay niya ang isang hanay ng mga alagang elepante sa Aprika. Sa mga panahong iyon ang mga elepante sa Aprika ay bumibilang marahil ng sampu-sampung milyon at ang mga ito’y masusumpungan mula sa Cape hanggang sa Cairo.

Ang mga bagay-bagay ay nagbago. Wika ng isang tagapagmasid: “Ang mga isla ng tao sa karagatan ng mga elepante ay nagbago tungo sa paliit nang paliit na mga isla ng mga elepante sa karagatan ng mga tao.” Sa pagdami ng bilang ng tao, natatalo ang mga elepante sa paligsahan sa lupa. Ang isa pang dahilan sa pag-unti ng mga elepante ay ang patimog na paglawak ng Disyerto ng Sahara.

Gayunpaman, nakahihigit pa sa mga dahilang ito ay ang pangangailangan para sa garing. Di gaya ng buto ng tigre at sungay ng rhino, ang garing ay walang kaugnayan sa maling paniniwala na ito’y may bisa sa panggagamot. Gayunman, ito ay marangya, maganda, matibay, at madaling ukitin. Noon pa mang unang panahon, ang garing mula sa mga pangil ng elepante ay inuuri na kabilang sa mahahalaga at kanais-nais na mga bagay.

Apat na raang taon pagkalipas ni Hannibal, nilipol ng Imperyong Romano ang populasyon ng mga elepante sa hilagang Aprika upang masapatan ang pagnanasa sa garing. Mula noon, ang marubdob na pagnanasa ay nagpatuloy lalo na sa Kanlurang daigdig. Maaga sa siglong ito, ang pangangailangan ay lalo pang tumindi​—hindi lamang para sa sining at relihiyosong kagamitan gaya noong una kundi para sa paggawa ng mga teklado ng piyano. Ayon sa aklat na Battle for the Elephants, noong taon ng 1910 lamang, humigit-kumulang sa 700 tonelada ng garing (na kumakatawan sa 13,000 pinatay na elepante) ang ginamit sa paggawa ng 350,000 teklado sa Estados Unidos.

Ang Walang Patumanggang Ilegal na Pangangaso

Kasunod ng unang digmaang pandaigdig, ang pangangailangan para sa garing ay umunti, mga bagong batas ang pinagtibay upang pangalagaan ang buhay-ilang, anupat muling dumami ang bilang ng mga elepante. Gayunpaman, sa pagpapasimula ng mga taon ng 1970, nagsimula na naman ang lansakang pagpatay. Ngayon ang kahilingan para sa garing ay mula sa bagong nagsisiyamang mga bansa sa Asia.

Sa pagkakataong ito, dalawang salik ang magdudulot ng kapahamakan para sa mga elepante sa Aprika. Una ay ang madaling pagkuha ng mga sandatang magaan at mahusay ang pagkakagawa. Kagyat na naging madali ang pamamaril hindi lamang ng indibiduwal na mga elepante kundi gayundin ng buong kawan. Ikalawa, sa pamamagitan ng mga de-kuryenteng kasangkapan sa pag-uukit maaaring gumawa kaagad ng mga bagay-bagay mula sa hilaw na garing para ipagbili. Noon, ang isang mang-uukit na Hapones ay maaaring gumugol ng isang taon sa pag-ukit ng iisang pangil lamang. Gayunpaman, sa pamamagitan ng mga kasangkapang de-kuryente, sa loob lamang ng isang linggo, ang isang pabrika na may walong tao na gumagawa ng alahas at ng hanko (isang tatak na popular sa Hapon) ay maaaring umubos ng mga pangil ng 300 elepante. Ang lumalaking pangangailangan para sa garing ay nagpataas ng mga presyo nito. Sabihin pa, ang kalakhang salapi ay hindi napunta sa mga ilegal na mangangaso kundi sa mga ahente at mga negosyante, na ang karamihan ay yumaman nang di-kawasa.

Ang nangyari sa mga elepante ay nakapangingilabot. Sa loob ng humigit-kumulang sa dalawang dekada, ang Tanzania ay nawalan ng 80 porsiyento ng mga elepante nito, karaniwan na sa mga ilegal na mangangaso. Ang Kenya ay nawalan ng 85 porsiyento ng mga elepante nito. Ang Uganda ay nawalan ng 95 porsiyento. Sa pasimula, ang mga ilegal na mangangaso ay namamaril lamang ng mga lalaking elepante, sapagkat ang mga ito ang may pinakamalalaking pangil. Subalit sa pag-unti ng matatandang elepante, ang mga ilegal na mangangaso ay nagpasimulang mamaril kahit na ng mga batang elepante para sa kanilang maliliit na pangil. Sa panahong iyon, mahigit sa isang milyong elepante ang maaaring pinatay dahilan sa kanilang garing, na nagbawas sa populasyon ng elepante sa Aprika hanggang sa 625,000.

Pangglobong Pagbabawal

Nakalulungkot na nabigo ang mga pagsisikap na kontrolin ang kalakalan sa garing at pahintuin ang lansakang pagpatay. Sa wakas, noong Oktubre 1989, sa isang komperensiya sa Switzerland, ipinagbawal ng Convention on International Trade in Endangered Species of Flora and Fauna (CITES) sa mga miyembrong bansa nito ang lahat ng pangangalakal sa garing. Ang pagbabawal ay udyok ng malaking salaping ginugugol upang pangalagaan ang mga elepante sa parang.

Hinulaan ng ilan na ang pagbabawal sa garing ay magpapataas ng mga presyo sa black-market at na ang ilegal na pangangaso ay darami. Kabaligtaran ang nangyari. Ang mga presyo ay bumagsak, at ang dating pinagkakakitaang negosyo ay humina. Halimbawa, sa India, ang pagtitingi ng garing ay bumagsak ng 85 porsiyento, at ang karamihan sa mga manggagawa ng garing sa bansa ay kinailangang humanap ng ibang trabaho. Malaki ang iniurong ng ilegal na pangangaso. Bago ang pagbabawal, ang mga ilegal na mangangaso sa Kenya ay pumatay ng mga 2,000 elepante sa isang taon. Noong 1995, ang bilang ay bumagsak sa 35. Tangi sa riyan, ang populasyon ng elepante sa Kenya ay lumaki mula 19,000 noong 1989 hanggang sa halos ay 26,000 sa ngayon.

Dahilan dito, ipinagbunyi ng Environmental Investigation Agency, na nakatalaga sa London, ang pagbabawal sa kalakalan ng garing bilang “isa sa pinakamalaking tagumpay na nakamit ng di pa nagtatagal na kasaysayan ng konserbasyon.” Gayunpaman, hindi lahat ay nakikiisa sa kasiyahang ito, lalo na sa katimugang Aprika.

Ang mga Elepante sa Katimugang Aprika

Ang mga bansa sa katimugang Aprika ay may mahigit sa 200,000 elepante, o halos ikatlo ng buong populasyon ng Aprikanong elepante. Sa isang bahagi ito’y dahilan sa mabisang mga patakaran sa konserbasyon at sa kabilang bahagi naman ay dahilan sa ang mga bansang ito ay nakalibre sa mga armadong milisya na pumatay sa mga kawan ng Silangan at Sentral Aprika.

Gayunman, habang dumarami ang populasyon ng elepante, kadalasa’y nagkakaroon ng paglalaban sa pagitan ng mga elepante at ng mga taong naninirahan sa mga lalawigan. Sabihin pa, ang isang nasa hustong gulang na elepante ay malakas kumain at kayang umubos ng mahigit sa 300 kilo ng pananim sa isang araw. Kung may elepante sa inyong kapaligiran, naiintindihan ninyo ito.

Ang Africa Resources Trust, na nakatalaga sa Zimbabwe, ay nagsabi: “Ang mga elepante ay minamalas taglay ang pagkatakot, paghihinala at pagkapoot ng karamihan sa mga Aprikanong taga- lalawigan. Sa ilang oras lamang, maaaring wasakin ng mga elepante ang kabuhayan ng mga tao sa pamamagitan ng pagkain ng kanilang mga tanim o pagyurak sa kanilang alagang hayop hanggang sa mamatay ito. Sinisira rin nila ang mga bahay at mga eskuwelahan, mga silungan ng baka, mga punungkahoy na namumunga, mga prinsa at mga ayos ng lupa. Sa araw-araw ang lokal na mga pahayagan ay naglalaman ng mga ulat ng pinsalang nilikha ng elepante.”

Ipinagmamalaki ng mga bansa sa katimugang Aprika ang kanilang tagumpay sa pagpapanatili ng malaking bilang ng mga elepante. Subalit ang konserbasyon sa mga ito ay napakamahal, at hindi sila naniniwala na dapat silang magdusa dahilan sa mga suliranin ng ibang mga bansa sa Aprika. Ayon sa kanila, ang kontroladong kalakalan sa garing ay magpapangyaring maibalik-muli ang pera sa konserbasyon para sa ginagawang pagsisikap nito at ito’y makatutulong upang mabayaran ang mga magsasaka sa lalawigan dahilan sa kanilang kalugihan.

Mga Nakaimbak na Garing

Sa mga bansang laganap ang mga elepante, naiimbak ang mga garing. Ito’y nanggagaling sa mga elepanteng pinatay sa legal na paraan upang mabawasan ang kanilang bilang, mula sa mga elepanteng kusang namamatay, at mula sa mga nakumpiskang garing na itinatago nang ilegal. Ano ang ginawa sa mga garing na ito?

Sinusunog ng Kenya ang mga garing nito. Mula noong Hulyo 1989, hayagang sinunog ng Kenya ang hilaw na garing na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar, na walang tuwirang pakinabang mula sa labas. Noong 1992, sinunog din ng Zambia ang mga nakaimbak na garing nito. Ang mensahe ay maliwanag: Ayaw ng Kenya at ng Zambia na magkaroon ng bahagi sa kalakalan ng garing.

Iningatan naman ng ibang mga bansa ang kanilang mga nakaimbak na garing bilang puhunan sa hinaharap. Tinataya ng TRAFFIC, ang pinakamalaking organisasyon sa daigdig sa pagsubaybay sa buhay-ilang, na ang kabuuang dami ng garing na ngayo’y nakaimbak sa mga bansa sa Aprika ay di-kukulangin sa 462 tonelada, na nagkakahalaga ng 46 na milyong dolyar. Ang Botswana, Namibia, at Zimbabwe, tatlong bansa na ngayo’y pinahintulutang makipagkalakalan sa Hapon, ay nagtataglay ng 120 tonelada ng garing. Dahilan dito, marami ang nagtatanong, ‘Sa isang rehiyon kung saan ang mga tao’y naghihirap sa ekonomiya, bakit hahayaang maalikabukan lamang ang mga garing sa mga bodega? Bakit hindi ipagbili ito at ilagay ang pondo sa konserbasyon?’

Naantala ang Pagmamalasakit

Bagaman ang ilang bansang Aprikano ay nangangatuwiran na ang pagluluwag ng pagbabawal sa garing ay makatutulong sa konserbasyon ng elepante, ang iba naman ay lubusang naniniwala na ang isang ganap na pagbabawal sa kalakalan nito ang siyang tanging paraan na makahahadlang sa muling pagdami ng ilegal na pangangaso. Ang pagkabahala ay nakasentro sa kung gaano kahigpit na nakokontrol ang kalakalan. Maglalaan kaya ng butas na malulusutan ang paraan ng pagbebenta upang ang ilegal na pinangasong garing ay makapasok sa legal na kalakalan? Gayundin, ano naman ang inaasahang pakinabang sa hinaharap ng ilegal na pangangaso? Ang pagluluwag ba sa pagbabawal ay nangangahulugan na ang mga elepante ay papatayin at ang garing ay itatago ng mga umaasang ang pagbabawal ay higit pang luluwag sa hinaharap?

Karagdagan pa sa alalahaning ito ay ang bagay na ang mga baril ay mas marami ngayon sa Aprika higit kailanman. Ang mga gera sibil dito ay naglagay ng awtomatik na mga baril sa kamay ng mga tao anupat udyok ng mahirap na mga kalagayan sa buhay ay handang gamitin ang mga ito upang magkapera. Si Nehemiah Rotich, direktor ng East African Wildlife Society, ay sumulat: “Sa presyong nakalagay sa garing [dahilan sa panibagong kalakalan], walang duda na ang mga baril na ito ay gagamitin sa mga elepante​—sabihin pa’y mas madaling bumaril ng elepante sa isang malawak na parke kaysa manloob ng isang bangko sa siyudad.”

Ang isa pang karagdagang suliranin ay na ang pagsugpo sa ilegal na pangangaso ay hindi lamang magastos kundi mahirap pa. Ang pagpapatrolya sa malalawak na lugar kung saan pagala-gala ang mga elepante ay nangangailangan ng pagkarami-raming salapi. Sa Silangang Aprika, mahirap hanapin ang mga ito.

Ano ang Kinabukasan ng Elepante?

Ang mga kahihinatnan ng desisyong paluwagin ang pagbabawal sa kalakalan ng garing ay makikita sa hinaharap. Gayunman, kahit na mabuti ang resulta nito, ang panganib sa mga elepante ay hindi pa rin mawawala. Ang mga elepante ay nanganganib dahil sa lumalaking bilang ng mga tao na nangangailangan ng lupa para sakahin at para sa iba pang mga kadahilanan. Sa katimugang Aprika lamang, kinakaingin ng mga tao, karamihan ay para sa agrikultura, ang humigit-kumulang sa 850,000 ektarya ng lupain taun-taon​—na ang sukat ay kalahati ng laki ng Israel. Habang lumalaki ang karagatan ng tao, ang mga isla ng elepante ay lalo namang lumiliit.

Ang magasing World Watch ay nagsabi: “May isang punto na pinagkakasunduan ng lahat ng nag-aaral sa suliraning ito: ang elepante sa Aprika ay nakaharap sa isang mahirap na kinabukasan. Ang krisis sa tirahan [dahil sa lumalaking bilang ng mga tao] ay maaaring mangahulugan, sa paano’t paano man, na maraming elepante ang mamamatay nang wala sa panahon. Kung hindi man sila mapatay ng lisensiyadong pangangaso o ng operasyon sa pagbabawas​—o mapatay ng ilegal na mangangaso​—marami pa ang mamamatay naman sa gutom na dagling magbabawas sa kanilang populasyon.”

Hindi isinasaalang-alang ng madilim na tanawing ito ang pangmalas ni ang layunin ng Maylikha ng elepante, ang Diyos na Jehova. Ang pagkabahala ng Diyos sa mga nilalang na kaniyang ginawa ay maliwanag sa mga salita ni Jesu-Kristo, na nagsabi: “Ang limang maya ay nabibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos.” (Lucas 12:6) Kung hindi nalilimutan ng Diyos ang maliliit na maya, nakatitiyak tayo na hindi niya ipagwawalang-bahala ang mahirap na kalagayan ng malalaking elepante.

[Kahon sa pahina 16]

Tungkol sa Garing

“Walang alinlangan na ang garing ay isang magandang bagay. Ito’y nagtataglay ng brilyo at sigla na di-tulad ng iba pang materyales na ginagamit sa dekorasyon o eskultura. Subalit nadarama ko sa tuwi-tuwina na nalilimutan ng mga tao na ang garing ay pangil ng isang elepante. Inihihiwalay sa ating isipan ng salitang garing ang ideya ng isang elepante. Ang isa’y nahihilig na uriin ito kasama ng jade, teak, ebony, amber, at maging ng ginto at pilak, subalit may malaking pagkakaiba: Ang ibang materyales na ito ay hindi nagmula sa isang hayop; ang pangil na garing ay isang ngipin sa harapan sa naiibang anyo. Kapag hinahawakan ng isang tao sa kaniyang kamay ang isang magandang pulseras na garing o isang inukit sa kaakit-akit na paraan, kailangang palawakin ang unawa upang mabatid na ang pirasong iyon ng garing ay nagmula sa isang elepante na dati’y naglalakad sa palibot na ginagamit ang pangil nito sa pagkain, paghuhukay, panunundot, paglalaro at pakikipaglaban, at bukod dito ang elepante ay kailangang patayin upang ang pirasong iyon ng garing ay mailagay sa kamay ng isa.”​—Elephant Memories, ni Cynthia Moss.

[Kahon sa pahina 19]

Tungkol sa mga Elepante

Ang mga elepante ay pagkalaki-laki at pagkalakas-lakas, at kapag sila’y nagagalit, ang lupa ay yumayanig. Maaari kang sunggaban ng isang elepante sa pamamagitan ng kaniyang nguso at ihagis ka sa himpapawid gaya ng isang bato. Ngunit, maaari ka ring haplusin sa pamamagitan ng nguso ng elepante o mabanayad na kunin ang pagkain sa iyong kamay. Ang mga elepante ay matalino, mahirap unawain, at nakatutuwa. Sila’y nagpapamalas ng malaking katapatan sa pamilya at nag-aasikaso sa sugat ng isa’t isa, nagbabantay sa kanilang maysakit, at nagdaramdam sa kamatayan ng miyembro ng pamilya. Bagaman hindi pinapansin ang bangkay ng ibang hayop, nakikilala nila ang mga buto ng iba pang elepante at sila’y kumikilos upang ikalat o ilibing ang mga iyon.

[Mga larawan sa pahina 18]

Sinunog ng dalawang bansa ang kanilang garing; iningatan ng iba ang kanilang mga nakaimbak na garing bilang puhunan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share