Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dumarami ang May Genital Herpes
  • Humihina ang Simbahan ng Inglatera
  • Isinakdal ng Lalaki ang Kaniyang Asawa Dahil sa Paninigarilyo
  • Mga Ligaw na Kamelyo sa Australia
  • Arsenikong Pagkalason
  • Mga Nagtatrabahong Ina
  • Nagiging Palasak ang Pagkabangkrap
  • Nakapipinsalang Paraan ng Pangingisda
  • Moral ng Kabataan sa Britanya
  • Kamelyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Talaga Bang May mga Kamelyo Noon si Abraham?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Napabilad ang Herpes at AIDS
    Gumising!—1985
  • Kung Saan ang mga Kamelyo at mga Brumby ay Malayang Gumagala
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Dumarami ang May Genital Herpes

“Sa kabila ng pagbibigay-diin sa ligtas na pagtatalik upang maiwasan ang AIDS, tumaas pa rin nang limang ulit ang genital herpes mula noong huling mga taon ng 1970 sa mga tin-edyer na puti” sa Estados Unidos, sabi ng ulat ng Associated Press. Gayunman, napansin na ang ibang sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik, gaya ng gonorea, ay umunti sa panahon ding iyon. Bakit lumaganap ang herpes? Kabilang sa mga dahilan ay ang pagdami ng pagtatalik bago ang kasal at ng mga taong kung sinu-sino ang katalik. Tinataya ngayon na 45 milyong Amerikano ang may mikrobyo ng herpes, at karamihan sa kanila ay hindi nakaaalam nito. Ang mikrobyo ay nagbubunga ng paminsan-minsang pagsusugat o pangangati sa genital area at kung minsan ay sa palibot ng puwitan o sa mga hita.

Humihina ang Simbahan ng Inglatera

Ang opisyal na pagtantiya sa mga sumisimba sa Simbahan ng Inglatera tuwing Linggo ay isang milyon. Sa lihim, inaamin ng ilang nakatataas na mga klerigo na maaaring 25 porsiyento na mas kakaunti ang sumisimba sa kanilang mga simbahan. Gayunman, ipinakikita ng isang siyentipikong surbey na ang pangunahing mga miyembro, yaong tumatanggap ng Komunyon, ay bumaba hanggang wala pang kalahati ng isang milyon sa kauna-unahang pagkakataon. Bakit kaya pinalalaki ng mga klerigo ang bilang ng sumisimba sa kanila? Pangunahin na, upang huwag maipasara ang kanilang mga simbahan. Kapag nangyari iyan, pagsasama-samahin ang mga parokya at mas kakaunting klerigo ang kakailanganin. Naging tapat sa paano man ang isang pari sa parokya na sabihin: “Nahihilig akong palakihin ang mga bilang. Nakapanghihina ng loob kapag kakaunti lamang ang nagsisimba, kaya nakapagpapatibay-loob sa akin kapag iniuulat ko ang higit kaysa sa aktuwal na naroroon,” ulat ng The Sunday Times ng London.

Isinakdal ng Lalaki ang Kaniyang Asawa Dahil sa Paninigarilyo

Sa loob ng mahigit na 20 taon, nakiusap at nagsumamo si Richard Thomas sa pagsisikap na mapatigil ang kaniyang asawa sa paninigarilyo, ngunit walang nangyari. Kaya isinakdal niya ito sa hukuman. Sinabi ni Ginoong Thomas na nais niyang tulungan siya ng pamahalaan na maingatan siya na huwag mawala ang pag-ibig at suporta at pakikisama ng babaing kaniyang iniibig. Wala na ang kaniyang ina dahil sa sakit sa puso, at ang kaniyang ama naman ay naistrok na naging dahilan upang ito’y maparatay sa loob ng pitong taon. Ang kaniyang mga magulang ay kapuwa malakas manigarilyo, at sinabi niyang ayaw niyang mawala ang kaniyang asawa dahil sa pagkasugapa sa nikotina. Gayunman, bago nakapagpalabas ng utos ang hukuman, bumalik si Ginoong Thomas na may magandang balita. “Pumayag nang huminto sa paninigarilyo ang aking asawa,” aniya. Pumasok si Ginang Thomas sa isang pagamutan sa mga sugapa at sumumpa na hindi na siya maninigarilyo kailanman. Ayon sa The New York Times, magkahawak ang kamay ng mga Thomas nang lisanin nila ang hukuman.

Mga Ligaw na Kamelyo sa Australia

Ang mga kamelyo ay inangkat papasok sa Australia maraming taon na ang nakalilipas para gamitin sa pagtatayo ng isang linya ng telegrapo at riles ng tren sa liblib na lugar ng bansa. Nang ipalit sa malalakas na hayop na ito ang mga trak, pinakawalan ang mga ito sa kagubatan ng karamihan sa mga may-ari nito na mga Afghan sa halip na pagpapatayin ang mga ito. Dumami ang mga kamelyo sa tuyong sentral Australia, at sa ngayon ay mayroon nang 200,000 na masusumpungan doon. Naniniwala ngayon ang ilang tao na ang mga kamelyo ay maaaring maging isang mahalagang pag-aari ng bansa, ayon sa ulat ng pahayagang The Australian. Sinubukan nang ipagbili ang mga karne ng kamelyo at sinasabing ito’y kasinlambot ng karne ng baka at mas kakaunti lamang ang taba. Kabilang sa mga produktong mula sa kamelyo ay ang balat, gatas, balahibo, at taba para sa sabon at mga kosmetiko. Kailangan din ang buháy na mga kamelyo. Ayon kay Peter Seidel, ng Central Australian Camel Industry, “gusto ng maraming internasyonal na mga zoo at mga parkeng panturista ang mga kamelyong galing sa Australia sapagkat taglay namin ang walang-sakit na kawan.”

Arsenikong Pagkalason

“Halos 15 milyong mamamayan ng Bangladesh at 30 milyong mamamayan ng West Bengal, kasali na ang Calcutta, ang nakalantad sa arsenikong pagkalason,” ulat ng The Times of India. Ang suliranin ay mula sa di-inaasahang kakambal na produkto ng green revolution. Nang hukayin ang mga balon ng tubig para sa irigasyon ng mga pananim, ang likas na mga arsenikong nakabaon sa lupa ay sumama sa tubig, at nang maglaon ay tumagas sa mga balon na iniinuman. Kamakailan ay dinalaw ng dalubhasa sa kapaligiran na si Willard Chappel, ng University of Colorado, E.U.A., ang apektadong mga lugar at inilarawan ang suliranin bilang “makapupong pinakamalaking kaso ng maramihang pagkalason sa daigdig.” Mahigit na 200,000 katao ang apektado na ng mga sakit sa balat, isang tanda ng arsenikong pagkalason. “Wari ngang nalutas natin ang gutom (sa pamamagitan ng green revolution), ngunit lumikha naman ng higit pang kasawian sa pagsasagawa nito,” sabi ni Ishak Ali, isang opisyal ng pamahalaan sa Bangladesh.

Mga Nagtatrabahong Ina

Tinaya ng National Association of Working Women noong 1991 na “pagsapit ng kalagitnaan ng mga taon ng 1990, 65% ng mga babaing [Amerikana] may mga anak na hindi pa nag-aaral at 77% niyaong may nag-aaral na mga anak ay magtatrabaho.” Gaano kawasto ang kanilang prediksiyon? Noong 1996, ayon sa Census Bureau ng Estados Unidos, 63 porsiyento ng mga babaing may mga anak na wala pang limang taon ang edad ang nagtatrabaho, ulat ng The Washington Post. Sa mga babaing may nag-aaral nang mga anak, 78 porsiyento ang mga nagtatrabahong ina. Kumusta naman ang Europa? Ayon sa impormasyong tinipon ng Statistical Office of the European Union, ang “proporsiyon ng mga nagtatrabahong ina na may mga anak na nasa 5 hanggang 16 ang edad” sa Europeong mga bansa noong 1995 ay Portugal 69 porsiyento, Austria 67, Pransiya 63, Finland 63, Belgium 62, Britanya 59, Alemanya 57, Netherlands 51, Gresya 47, Luxembourg 45, Italya 43, Ireland 39, at Espanya 36.

Nagiging Palasak ang Pagkabangkrap

Noong 1996 “1.2 milyong Amerikano ang nagdeklara ng pagkabangkrap, anupat tumaas ng 44 na porsiyento mula 1994,” sabi ng magasing Newsweek. “Gayon na lamang ang pagiging palasak ng pagkabangkrap anupat hindi na ito itinuturing na isang kahihiyan.” Ano ang dahilan ng pagdami ng nababangkrap? Ang isang dahilan ay ang “nauusong pagtanggap sa pagkabangkrap bilang isa lamang piniling istilo ng buhay,” sabi ng Newsweek. “Sinasabi ng mga kreditor na ang pagbabago ng saloobin ay humahantong sa pag-abuso: sinasabi ng isang pag-aaral na 45 porsiyento ng mga nagdedeklara ng pagkabangkrap ay makababayad naman sa karamihan ng kanilang utang.” Subalit sa halip na ipakita ang pagnanais na magbayad ng kanilang utang at makadama ng kahihiyan, marami ang basta nagsasabing, ‘Kailangan kong magsimulang muli.’ Parami nang paraming indibiduwal at mga korporasyon ang bumabaling sa pagdedeklara ng pagkabangkrap, at ang mga ito’y naiimpluwensiyahan din ng anunsiyo ng mga abogado na “lutasin ang iyong problema sa utang nang mabilis at madali!!” Habang patuloy na tumataas ang bilang ng pagkabangkrap sa panahon ng umuunlad na ekonomiya, nangangamba ang mga eksperto sa maaaring mangyari kapag bumagsak ang stock market o nagkaroon ng resesyon.

Nakapipinsalang Paraan ng Pangingisda

Ang pangkomersiyong mga pangkat ng mangingisda ay namumuhunan sa kagamitan upang magalugad ang pinakasahig ng dagat sa paghahanap ng paunti nang paunting bilang ng mga isda. Upang salukin ang mga kauriang dati’y hindi pinapansin, isang pansahig ng dagat na kagamitan, na kilala bilang mobile gear, ay hinihila sa sahig ng dagat sa ubod-lalim na hanggang 1,200 metro. Ang problema ay napakalaking bilang ng mga “tube worms, espongha, anemone, hydrozoan, urchin, at iba pang mga naroroon sa kalaliman” ang napapasama at “itinatapon lamang bilang basura,” ulat ng Science News. Ang pagpinsala sa mga ito ay nakadaragdag sa pagkaubos ng mga isda. Dahil sa ang mga hayop na ito’y nagsisilbing pagkain at tahanan ng maliliit na isda, sinabi ni Elliott Norse, direktor ng Marine Conservation Biology Institute sa Redmond, Washington, E.U.A., na ang pagpinsala ng mga tirahan sa dagat sa pamamagitan ng pamamaraang ito ng pangingisda ay maihahalintulad sa “pagkalbo ng kagubatan sa lupa.”

Moral ng Kabataan sa Britanya

Isang ulat kamakailan ang nagpapahiwatig na nabibigo ang mga institusyong relihiyoso sa Britanya na ikintal sa mga tin-edyer ang moralidad sa sekso. Tinanong ng London University ang 3,000 tin-edyer “kung mali sa moral na paraan na magtalik ang matagal nang nagsasama nang di-kasal.” Gaya ng inaasahan, halos lahat ng naglarawan ng kanilang sarili bilang mga ateista o agnostiko ang nagsabi ng hindi. Gayunman, 85.4 porsiyento ng mga Romano Katoliko at 80 porsiyento ng mga Anglikano ang nagsabi rin na ito’y hindi mali. Ang bilang ay katulad din para sa iba pang maraming relihiyon, na sinuri bilang isang grupo​—kasali na ang mga Muslim, Hudyo, Hindu, at iba pa. Ang surbey “ay nakapanghihina ng loob para sa mga nasa simbahan na nagtatangkang itaguyod ang tradisyonal na mga pamantayan sa moralidad sa sekso,” komento ng The Times ng London.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share