Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/8 p. 16-19
  • Kung Saan ang mga Kamelyo at mga Brumby ay Malayang Gumagala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Saan ang mga Kamelyo at mga Brumby ay Malayang Gumagala
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naitatag sa Tulong ng mga Kamelyo
  • Ano ba ang Brumby?
  • Ang Solusyong Mala-Hudas
  • Matibay at Palaanakin
  • Ang Kamelyong Arabe—Ang Maraming-Gamit na Sasakyan sa Aprika
    Gumising!—1992
  • Kamelyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pagdalaw sa Bilihan ng Kamelyo sa Omdurman
    Gumising!—1995
  • Paano Na Tayo Kung Walang Buriko?
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/8 p. 16-19

Kung Saan ang mga Kamelyo at mga Brumby ay Malayang Gumagala

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG ILANG ng Australia​—ano ang naguguniguni mo kapag may narinig ka tungkol sa lugar na ito? Isang lupain na punô ng paluksu-luksong mga kangaroo at di-makalipad na mga emu, maalikabok at mapulang mga disyerto at napakainit na mga araw? Sa isang banda ay tama ka​—ngunit lupain din ito ng mga sorpresa.

Alam mo ba na ang Australia ay tahanan ng huling mga kawan ng maiilap na kamelyo na natitira sa lupa, ng pinakamalaking pangkat ng maiilap na kabayo sa daigdig, at ng mapanalot na mga buriko na walang katulad sa planetang ito? Ang pagdating at pananatiling-buháy ng matitibay na mga hayop na ito ay isang di-gaanong hayag na kuwento tungkol sa pakikibagay at magkakasalungat na interes at isang nabubuhay na paalaala ng nakalipas na panahon.

Naitatag sa Tulong ng mga Kamelyo

Sa loob ng nakalipas na apat na dekada, idinaing ng ilang nag-aalaga ng baka sa ilang ang gaya ng inireklamo ng isang tagapag-alaga ng baka sa aklat na The Camel in Australia: “Nakakita ako ng patotoo rito kung saan 5 kamelyo ang sumira sa 10 kilometro ng bakod sa hangganan . . . Sa isang lugar ay hindi lamang nila pinutol ang mga alambre kundi ibinuwal pa nila ang lahat ng poste.”

Hindi kayang pigilan ng mamahaling mga bakod ang mahahabang binti at malaking katawan ng isang determinadong kamelyo. Gayunman, ang matitibay na mga binti ring ito ang nagpangyaring maitatag ang mga pinagmumulan ng ikabubuhay na bumabagtas sa tigang na looban ng kontinenteng ito.

Inangkat mula sa India noong 1860, ang mga kamelyo ay kasama ng mga manggagalugad na sina Burke at Wills sa kanilang makasaysayang pagbagtas sa Australia mula timog patungong hilaga. Ang kakaibang mga nilalang na ito ang mas gustong kasama ng unang mga adbenturero dahil sa kanilang nakahihigit na lakas at katatagan. Ang mga ito’y kahanga-hanga sa katipiran sa enerhiya at bumubuhat ng 300 kilo ng kargamento sa layong 800 kilometro sa 15 litro lamang ng tubig.

Palibhasa’y talagang maaasahan, ang mga kamelyo ay tumulong sa paghahatid ng pagkain at kagamitan sa mga bagong bayan na pinagmiminahan ng ginto, sa pagtatayo ng pangkatihang linya ng telegrapo mula sa Adelaide hanggang sa Darwin, at sa pagsusurbey ng Trans-Australian Railway na nag-uugnay sa Sydney at Perth. Sa lugar na may lawak na apat na milyong kilometro kuwadrado, gumawa ang mga ito ng landas na mahirap pa ring sundan ng makabagong mga makinarya.

Ang bilang ng mga alagang kamelyo ay umabot sa pinakasukdulan nito na 22,000 noong 1922, ngunit habang dumarami ang mga awto, maraming kamelyo ang pinakawalan. Yamang malaya silang gumala at magparami, iniuulat na mahigit sa 200,000 ngayon ang nasa mga disyerto ng Australia, at tinataya ng ilang tao na ang populasyon ay magiging doble sa loob ng anim na taon.

Gayunman, hindi lahat ng mga kamelyong ito ay pinababayaang gumala. Isang tagapagsalita para sa Central Australian Camel Association ang nagsabi sa Gumising!: “Tanging ang Australia ang may mga kawan ng mga kamelyong walang sakit sa buong daigdig, kung kaya’t bawat taon, isang maliit na bilang ang ipinadadala sa mga zoo at parke sa Estados Unidos at Asia.” Ang lokal na mga tour operator ay nag-aalok din sa mga bisita ng pagkakataon na makasakay sa kamelyo at muling tuklasin ang ilang na looban ng Australia​—isang looban na tahanan din ng iba pang mga hayop na pantrabaho na pinalaya.

Ano ba ang Brumby?

Idiniskarga ng unang plota ng mga barko ng Inglatera ang lulan nito na mga bilanggo, mga sundalo, at mga kabayo sa dalampasigan ng Australia noong 1788. Ang kasaysayan ng kabayo sa bansang ito, gaya ng kasama nitong mga tao, ay kapuwa kapana-panabik at kalunus-lunos.

Mahalaga sa kanilang pagsisikap na sakupin ang bagong lupain, sumakay sa mga kabayo ang naging mga tagapanguna tungo sa apat na sulok ng kontinente. Ang mga ligáw at nakawalang mga kabayo ay bumuo ng maiilap na kawan sa di-kalaunan, at ang mga kabayong ito ay nakilala bilang mga brumby. Ang salitang “brumby” ay nagmula marahil sa salita ng mga katutubo sa Queensland na baroomby, na nangangahulugang “mailap.”

Ang pagiging mailap at malaya ng brumby ay pumukaw sa imahinasyon ng mga makatang gaya ni A. B. (Banjo) Paterson, at ang kaniyang tulang “The Man From Snowy River” ang nag-ukit sa brumby sa mga puso ng maraming Australiano. Ang bilang ng mga brumby ay dumami matapos ang Digmaang Pandaigdig I nang ang pangangailangan para sa Waler​—isang kabayo na pantanging pinarami para sa Australian Light Horse Brigade at ginamit ng hukbo ng India​—ay bumaba at ang mga Waler ay pinakawalan. Ngayon ay tinatayang 300,000 maiilap na kabayo ang gumagala sa kontinente.

Habang gumagala ang mga ito, tinatapakan ng mga paa nito ang maselan na ibabaw ng lupa na gaya ng pagpukpok ng martilyo ng panday at natitibag ang mga pampang ng mga sapang maiinuman. Kapag sumasapit ang tagtuyot, nagugutom ang mga ito o namamatay sa uhaw. Sa lupaing nahihirapan na sa labis-labis na populasyon ng mga baka, ang mga brumby na ito ay lubhang nagiging pabigat. Dahil dito, libu-libo ang kinakatay taun-taon. Ang ilan ay ginagawang pagkain ng tao; ang iba ay ipinagbibili bilang pagkain ng mga alagang hayop.

Gayunman, kung dami ang pag-uusapan, ang pinsan ng brumby, ang buriko, ang talagang higit na kumapal ang bilang. Mas palaanakin kaysa sa mailap na kabayo at mas nakakalat sa mas malawak na lugar kaysa sa kamelyo, ito’y naging biktima ng sarili nitong pagdami.

Ang Solusyong Mala-Hudas

Gaya ng kabayo, ang mga buriko ay unang inangkat noong huling mga taon ng dekada ng 1700 upang ipanghila ng mga kargada o ipang-araro sa bukid, at kaagad na nakibagay ang mga ito sa mga kalagayan. Ang mga ito ay pinakawalan nang maramihan sa ilang noong dekada ng 1920, at ang kapal ng kanilang populasyon ay umabot sa 30 ulit ng dami ng katutubong mga kawan ng maiilap na asno.

Dinisenyo para mabuhay sa disyerto, ang mga buriko, gaya ng kamelyo, ay hindi pinapawisan kapag kulang na sa tubig at nananatiling buháy mawalan man ng tubig na katumbas ng 30 porsiyento ng bigat ng kanilang katawan. (Ang pagkawala ng 12 o 15 porsiyento ay nakamamatay sa maraming ibang mga mamal.) Mas gusto nilang kumain sa madamong pastulan ngunit maaari silang mabuhay sa pagkain ng magagaspang na halaman na hindi kinakain ng mga baka. Pagsapit ng dekada ng 1970, mahigit sa 750,000 buriko ang nagkalat sa kalahati ng kontinente. Ang pagdaming ito ay naging banta sa ekolohiya at industriya ng bakahan anupat kinailangan ang pagkilos.

Sa sistematikong pagkatay mula noong 1978 hanggang 1993, mahigit sa 500,000 buriko ang pinatay sa hilagang-kanlurang Australia lamang. Sa kasalukuyan, 300 buriko ang kinabitan ng mga radio transmitter sa tinatawag na Judas program. Matapos pakawalan upang sumama sa kanilang kawan, ang mga burikong ito ay sinusubaybayan ng mga helikopter, at ang kanilang mga kasama ay kinakatay sa makataong paraan. Habang kinakaibigan ng “Hudas” na buriko ang iba namang grupo, ang mga ito rin ay natatagpuan at pinapatay.

“Ito ay isang pangmatagalang suliranin,” ang sabi sa Gumising! ng isang opisyal sa pagsasanggalang ng agrikultura sa Kanlurang Australia. “Kung ang isang maliit na grupo ng buriko na may kakayahang magparami ay pababayaan, sa loob lamang ng napakaikling panahon, ang bilang ng mga buriko ay muling babalik sa dami nito noong dekada ng 1970,” ang babala niya. “Kadalasa’y hindi nauunawaan ng mga tao kung bakit ang mga hayop na ito ay pinapatay at iniiwan kung saan sila bumagsak. Ngunit ang hindi natatanto ng mga tao ay kung gaano kahirap marating ang mga lugar na ito. Walang mga kalsada rito, at ang kalakhang bahagi ng lugar na ito ay mararating lamang sa pamamagitan ng helikopter. Ang panghihimasok ng tao ang sanhi ng suliranin, kaya sinisikap naming paliitin ang pinsala sa pinakamakataong paraan.”

Matibay at Palaanakin

Mapagpapaumanhinan ka na kung iniisip mo na ang gitnang bahagi ng Australia ay isang malawak na siksikan ng ipinagtatabuyang mga hayop na pangkarga. Ngunit ang bakuran ng Australia ay napakalaki. Ang mga hayop na ito ay gumagala sa isang lugar na kasinlaki ng Europa at halos kasinliblib ng buwan​—na may lupaing katulad ng dalawang lugar na ito. Ang pagsubaybay lamang sa mga kawan ay isa nang hamon, kaya lalo na ang pagkontrol sa mga ito.

Di-tulad ng maraming katutubong uri na papaubos na, ang matibay at palaanaking mga hayop na ito ay nagiging permanenteng bahagi na ng tanawin. Dahil sila’y walang likas na mga maninila at malayo sa sakit, malaya silang gumagala-gala sa ilang ng Australia!

[Larawan sa pahina 16]

Mga 200,000 kamelyo ang malayang gumagala sa mga disyerto ng Australia

[Credit Line]

Agriculture Western Australia

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ang mga brumby ay malayang gumagala sa hangganan ng Simpson Desert

[Larawan sa pahina 17]

Isang pulutong ng mga kamelyo na may kargang mga lana, 1929

[Credit Line]

Image Library, State Library of New South Wales

[Larawan sa pahina 18]

Paghuli ng mga brumby​—pamamaraan sa ilang

[Credit Line]

© Esther Beaton

[Larawan sa pahina 18]

Pagkakabit ng radio transmitter sa isang “Hudas” na buriko

[Credit Line]

Agriculture Western Australia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share