Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magastos na Bisyo sa Droga
  • Nakalimutang Batas
  • Maagang IQ Test Para sa mga Bata
  • Maiingat na Tagakopya
  • Talaga Nga Bang Inalisan Iyon ng Caffein?
  • Pambuong-Daigdig na Pagkalbo sa Kagubatan
  • Ninakaw na mga Kayamanan
  • Humingi ng Tawad ang Simbahang Katoliko
  • Mapaminsalang mga Weevil
  • Kahigitan ng Nakatatandang mga Empleado
  • Ang Problema sa Kape
    Gumising!—1991
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2005
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Magastos na Bisyo sa Droga

Tinataya ng isang ulat ng pamahalaan sa Estados Unidos na gumastos ang mga Amerikano ng $57.3 bilyon sa ipinagbabawal na gamot noong 1995. Dalawang-katlo ng benta ay para sa cocaine, samantalang ang heroin, marihuwana, at iba pang bawal na gamot ang siyang bumubuo ng natitirang bahagi. Sinabi ni Barry McCaffrey, direktor ng White House Office of National Drug Control Policy, na ang salaping ginugol sa mga drogang ito ay maaari sanang ibayad sa apat-na-taóng kurso sa kolehiyo para sa isang milyon katao o 83 bilyon litro ng gatas para sa mga sanggol na kulang sa pagkain, ulat ng Associated Press. Bukod dito, hindi pa kasali sa halagang ito ang dulot na pinsala sa lipunan, gaya ng pagdami ng krimen, pagkasira ng buhay ng mga indibiduwal at mga pamilya, at ang pagkalat ng mga sakit gaya ng hepatitis at AIDS.

Nakalimutang Batas

Ilan sa Sampung Utos sa Bibliya ang mabibigkas mo? Natuklasan sa isang pag-aaral sa Rio de Janeiro na mahigit sa 1 sa 4 na taga-Brazil ang hindi makabanggit ng isa man sa mga ito! Sa mga nakaalam ng kahit man lamang isa sa mga utos, 42 porsiyento ang bumanggit ng “Huwag kang papatay” o “Huwag kang magnanakaw.” Nagunita ng iba ang “Huwag mong pagnanasahan ang asawa ng iyong kapuwa” (38 porsiyento), “Igalang ang [iyong] ama at ina” (22 porsiyento), at “Huwag kang sasaksi ng bulaang patotoo” (14 porsiyento), ulat ng Veja. Labintatlong porsiyento lamang ng mga tumugon ang nakaalaala ng ikatlong utos: “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang banal na pangalan ng Diyos.”

Maagang IQ Test Para sa mga Bata

Naniniwala ngayon ang mga siyentipikong nag-aaral sa katalinuhan ng tao na ang utak ng isang sanggol ay dumaraan sa pinakamaselan na yugto ng pagsulong nito sa pagitan ng kapanganakan at ng tatlong taong gulang. Inakala rin na bilang tugon sa mga pagpapasigla sa isip, natatatag sa utak sa yugtong ito ang mga permanenteng koneksiyon. Kaya naman, sinimulan ng ilang magulang na bigyan ng mga IQ test ang kanilang mga anak bago pa man pumasok ang mga ito sa kindergarten, upang matulungan silang magkaroon ng kalamangan sa pakikipagkompetensiya, ulat ng Modern Maturity. Gayunman, nagpahayag ng pagkabahala si Dr. Barry Zuckerman, tsirman ng department of pediatrics sa Boston University School of Medicine, hinggil sa mga magulang na nakadarama ng “panggigipit na ‘pasiglahin’ ang kanilang sanggol minu-minuto” sa pagtatangkang magkaroon ng isang “super baby.” Idinagdag ni Richard Weinberg, propesor sa child psychology: “Ang pagtulak sa mga bata na makipagkompetensiya nang napakaaga ay malimit na may masamang epekto. Hayaang masiyahan ang inyong mga anak sa kanilang pagkabata.”

Maiingat na Tagakopya

Ang mga tekstong bumubuo sa Griegong Kasulatan ng Bibliya ay metikolosong kinopya at ipinasa nang buong-ingat sabi ni Dr. Barbara Aland, pangulo ng Institute for New Testament Research, sa Münster, Alemanya. “Bihira ang mga pagkakamali o maging ang mga pagbabagong udyok ng teolohiya,” ulat ng Westfälische Nachrichten. Mula pa noong 1959 ay pinag-aralan na ng surian ang mahigit sa 5,000 sulat-kamay na manuskrito, na may petsang mula noong Edad Medya at sinaunang klasiko. Mga 90 porsiyento ng mga manuskrito ang nairekord na sa microfilm. Bakit gayon na lamang ang pag-iingat ng mga tagakopya upang hindi makagawa ng mga pagkakamali? Sapagkat kanilang “itinuring ang kanilang sarili na ‘mga tagakopya’ at hindi mga awtor,” sabi ng pahayagan.

Talaga Nga Bang Inalisan Iyon ng Caffein?

Yaong mga sensitibo sa caffein ay malimit bumaling sa isang inuming inalisan ng caffein bilang isang panghalili. Ngunit ano ang inyong tsansa na makakuha ng kape na talagang inalisan ng caffein kapag humingi kayo nito? Ayon sa isang ulat sa The New York Times, iyon ay mga 1 sa 3. Binigyang-katuturan ng U.S. Food and Drug Administration ang kape na inalisan ng caffein na may taglay na dalawa hanggang limang miligramo ng caffein. Ngunit ang mga sampol ng kape mula sa 18 restoran sa New York City ay nagsiwalat na ang dami ng caffein sa isang limang-onsang tasa ay lubhang magkakaiba, mula sa 2.3 miligramo ng caffein hanggang sa 114 miligramo! Ayon sa National Coffee Association, ang karaniwang tasa ng regular na kape ay naglalaman ng 60 hanggang 180 miligramo ng caffeine.

Pambuong-Daigdig na Pagkalbo sa Kagubatan

“Dalawang-katlo ng kagubatan ng planeta ay nasira na,” ulat ng Jornal da Tarde. Sa 80 milyong kilometro kudrado ng orihinal na kagubatan sa lupa, 30 milyon na lamang ang natitira. Natuklasan ng World Wildlife Fund (WWF) na ang kontinenteng nakalbo nang husto ang kagubatan ay Asia, anupat nasira na ang 88 porsiyento ng orihinal na pananim nito. Ang bilang sa Europa ay 62 porsiyento, 45 porsiyento sa Aprika, 41 porsiyento sa Latin Amerika, at 39 porsiyento sa Hilagang Amerika. Ang Amazonia, na siyang kinaroroonan ng pinakamalaking tropikong maulang gubat sa daigdig, ay may nalalabing 85 porsiyento ng orihinal na kagubatan nito. Sinipi ng O Estado de S. Paulo ang sinabi ni Garo Batmanian ng WWF: “May pagkakataon pa ang Brazil na maiwasang maulit ang mga pagkakamaling nagawa sa ibang kagubatan.”

Ninakaw na mga Kayamanan

Ibinalita kamakailan sa Canada na “ang pandaigdig na mga sindikato sa krimen ay nagtutuon ng pansin sa mga kayamanan ng Mesopotamia na naiwang halos walang depensa bunga ng digmaan sa Gulpo ng Persia noong 1991,” ulat ng World Press Review. Noong 1996, pinasok ng mga magnanakaw ang Babylon Museum nang umaga at kinuha ang mga silindro at tapyas na may inskripsiyong cuneiform. Ang mga antigong bagay na pambihira, na ang iba ay may petsa noong panahong naghahari pa si Nabucodonosor II, ay tinatayang nagkakahalaga ng mahigit sa $735,000 sa pandaigdig na pamilihan ng mga gawang sining. Isa pang larangan na pinupuntirya ng mga magnanakaw ay ang sinaunang lunsod ng Al-Hadhr. Sa pagsisikap na maingatan ang natitira pa sa mga kayamanan, sinarhan ng pamahalaan ang lahat ng pintuan ng lunsod at ang mga daanan sa pamamagitan ng mga laryo at argamasa, sabi ng magasin.

Humingi ng Tawad ang Simbahang Katoliko

Ang Simbahang Katoliko Romano sa Pransiya ay nagpalabas ng isang pormal na “Kapahayagan ng Pagsisisi,” na humihingi ng tawad sa Diyos at sa bayang Judio para sa “pagwawalang-bahala” na ipinakita ng Simbahang Katoliko sa pag-uusig sa mga Judio sa ilalim ng pamahalaan ng Vichy noong panahon ng digmaan sa Pransiya. Mula noong 1940 hanggang 1944, mahigit sa 75,000 Judio ang inaresto at itinapon mula sa Pransiya tungo sa mga kampong patayan ng Nazi. Sa isang pahayag na binasa ni Arsobispo Olivier de Berranger, inamin ng simbahan na hinayaan nitong ang sariling kapakanan “ay magpalabo sa utos ng Bibliya na igalang ang bawat tao na nilalang ayon sa larawan ng Diyos,” ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Bagaman may ilang klerigong Pranses na nagsalita nang pabor sa mga Judio, ang karamihan ay sumuporta sa pamahalaan ng Vichy at sa mga patakaran nito. Ganito ang isang bahagi ng kapahayagan: “Dapat aminin ng simbahan na hinggil sa pag-uusig sa mga Judio, lalo na may kinalaman sa iba’t ibang hakbang na anti-Semitiko na ipinag-utos ng mga awtoridad ng Vichy, ang pagwawalang-bahala ay makapupong higit na nangibabaw sa pagkagalit. Ang pananahimik ang siyang umiral, at bihira ang mga nagtanggol sa mga biktima. . . . Ngayon, inaamin namin na isang pagkakamali ang pananahimik na ito. Tinatanggap din namin na nabigo ang simbahan sa Pransiya sa misyon nito bilang edukador ng budhi ng taong-bayan.”

Mapaminsalang mga Weevil

Mula nang sumipot sa Peninsula ng Arabia ang red palm weevil, kulang-kulang na 20 taon na ang nakalilipas, ang maliit na insektong ito ay bumutas na ng lungga sa libu-libong palmera ng datiles at nagdulot ng katakut-takot na pinsala. “Ikinababahala pa nga na ang mga datiles​—ang 5,000-taóng-gulang na ‘bungang-kahoy ng buhay’ ng Arabia​—ay maaaring malipol,” pag-uulat ng The Economist. Ang weevil, na may habang 5 centimetro lamang, ay bumutas ng sunud-sunod na tunel sa loob ng katawan ng palmera at unti-unting pinapatay ang puno. Hindi gaanong naging epektibo sa insekto ang mga pamatay-kulisap, at ito’y nagpatuloy sa mabilis na pagdami sa buong rehiyon.

Kahigitan ng Nakatatandang mga Empleado

Ang mga manggagawang mahigit sa edad na 47 ay mas alisto at mas mahusay sa umaga kaysa sa kanilang nakababatang mga kasamahan, ulat ng The Times ng London. Yamang ang kalagayang ito ay nababaligtad sa bandang hapon, iminumungkahi ni Tom Reilly, ng John Moores University sa Liverpool, na isaayos ng mga maypatrabaho ang oras ng trabaho ng kanilang nakatatandang mga empleado sa bandang umaga at ang mga nakababata naman sa bandang hapon at gabi. Isiniwalat din ng mga tagapagsalita sa isang komperensiya ng British Medical Association tungkol sa pagtanda na mas pinipili sa mga supermarket at mga tindahang sariling-silbi ang nakatatandang mga tao bilang mga empleado. Bakit? Sapagkat sila’y mas higit na nagmamalasakit sa mga parokyano at mas nakaaalam kung paano gagawin ang mga bagay kahit na walang nakasulat na mga tagubilin. Sumusunod din sila sa “mga pamantayan sa etika na maaaring nakakalimutan na ng kompanya,” ulat ng pahayagan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share