Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 5/8 p. 12-13
  • Makaliligtas Kaya ang Ating Maulang Gubat?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makaliligtas Kaya ang Ating Maulang Gubat?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Isang Bagong Internasyonalismo”?
  • Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Ang Pagwasak sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Bakit Dapat Pangalagaan ang Kagubatan?
    Gumising!—1990
  • May Kinabukasan ba ang Kagubatan?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 5/8 p. 12-13

Makaliligtas Kaya ang Ating Maulang Gubat?

SA PAGSISIMULA ng siglong ito, ang passenger pigeon ng Hilagang Amerika ay nalipol na. Ito marahil ang pinakamaraming ibon na umiral kailanman. Tinatantiya ng mga ornitologo na dalawang siglo na ang nakalipas ang populasyon nito ay nasa pagitan ng limang bilyon at sampung bilyon!

Gayunman, sa loob ng isang daang taon, ang isang maliwanag na saganang suplay ng murang karne ng ibon ay naglaho sa tinatawag na “pinakagrabeng pagbaba ng bilang [ng isang uri] kailanman.” Sa bantayog para sa passenger pigeon sa Wyalusing State Park, Wisconsin, E.U.A., ganito ang mababasa: “Ang uring ito ay nalipol dahil sa kasakiman at kawalang-malasakit ng tao.”

Ang sinapit ng passenger pigeon ay nagpapaalaala sa atin na kahit ang pinakamabilis magparami sa mga nilalang sa lupa ay maaaring sirain ng pagsalakay ng tao. Ang kasakiman at kawalang-malasakit ay palasak pa rin. At ngayon ay hindi lamang isang uri kundi isang buong ekosistema ang nanganganib. Kung maglalaho ang maulang gubat, ang lahat ng naninirahan dito​—mga kalahati ng mga uri ng halaman at hayop sa planeta​—ay maglalahong kasama nito. Sinasabi ng mga siyentipiko na ang gayong kapahamakan ay magiging “ang pinakamalaking biyolohikal na kapahamakan na [kagagawan] ng tao kailanman.”

Totoo, mas marami tayong nalalaman tungkol sa kapaligiran kaysa sa nalalaman natin isang siglo ang nakalipas. Ngunit hindi naging sapat ang malalim na unawang ito upang pigilin ang walang-humpay na daluyong ng pagkawasak. “Winawasak natin ang isang bagay na napakahalaga,” ang malungkot na sinabi ng botanikong si Manuel Fidalgo, “at wala na tayong gaanong panahong natitira. Nangangamba ako na sa loob lamang ng ilang taon, ang tanging mga gubat na natitirang hindi pa nagagalaw ay yaong nasa dalisdis ng mga bundok na hindi nararating ng mga magtotroso.”

Nababahala rin ang mga naturalista dahil napakahirap mapanauli ang maulang gubat. Ang aklat na The Emerald Realm: Earth’s Precious Rain Forests ay tahasang naglalarawan sa muling pagtatanim sa kagubatan bilang isang “mabagal at magastos, . . . na huling gagawin bilang tugon sa pagwasak ng maulang gubat.” Sa pinakamabuting kalagayan, ang muling pagtatanim ay marahil nagsasangkot lamang ng ilang uri ng tropikong mga punungkahoy, at ang mga usbong ay nangangailangan ng palagiang atensiyon upang mahadlangang masiksik ito ng mga panirang damo.

Kung mabawi man ng isang gubat ang dating karingalan nito ay nakasalalay sa pagiging malapit ng lugar na muling tinamnan sa basal na maulang gubat. Tanging ang pagiging malapit ang magpapangyari na ang lugar na muling tinamnan ay tirahan sa dakong huli ng sampu-sampung libong uri ng mga halaman at hayop na bumubuo sa isang tunay na maulang gubat. Kahit gayon, gugugol pa rin ng ilang siglo ang prosesong ito. Ang ilang lugar na pinabayaan libu-libong taon na ang nakaraan nang gumuho ang sibilisasyon ng mga Maya ay hindi pa rin lubusang nakabawi.

“Isang Bagong Internasyonalismo”?

Nagmungkahi ang isang siyentipiko sa Smithsonian Institution, sa Washington, D.C., ng paglalaan ng 10 porsiyento ng nananatiling maulang gubat para sa mga susunod na salinlahi, upang maingatan ang pinakamaraming uri hangga’t maaari. Sa kasalukuyan ay mga 8 porsiyento ang pinangangalagaan, ngunit ang marami sa mga reserbadong dako o mga pambansang parkeng ito ay mga parke sa pangalan lamang, yamang walang pondo ni mga tauhan upang mapangalagaan ang mga ito. Maliwanag, higit pa ang kailangang gawin.

Ganito ang paliwanag ni Peter Raven, isang tagapagsalita para sa pangangalaga sa maulang gubat: “Ang mga pagsisikap na iligtas ang maulang gubat ay nangangailangan ng isang bagong internasyonalismo, isang katunayan na ang mga tao sa lahat ng dako ay may bahagi sa kasasapitan ng lupa. Kailangang matuklasan ang mga paraan upang malunasan ang karukhaan at gutom sa buong daigdig. Kailangang bumuo ng mga bagong kasunduan sa pagitan ng mga bansa.”

Waring makatuwiran ang kaniyang rekomendasyon para sa maraming tao. Ang pagliligtas sa maulang gubat ay nangangailangan ng isang pangglobong solusyon​—gaya ng marami pang ibang kalagayan na nakaharap sa sangkatauhan. Ang suliranin ay nakasalalay sa pagbuo ng “mga kasunduan sa pagitan ng mga bansa” bago maganap ang isang pandaigdig na kapahamakan at bago ang pinsalang nagawa ay hindi na maayos pa. Gaya ng ipinahiwatig ni Peter Raven, ang pagwasak sa maulang gubat ay may malapit na kaugnayan sa iba pang malulubhang suliranin ng nagpapaunlad na mga bansa, gaya ng gutom at karukhaan.

Hanggang sa ngayon, limitado lamang ang tagumpay ng mga pagsisikap ng mga bansa na harapin ang gayong mga suliranin. Nagtatanong ang ilang tao, Mapagtatagumpayan kaya ng mga bansa balang araw ang kanilang makasarili at nagkakasalungatang pambansang mga interes alang-alang sa kabutihan ng lahat, o panaginip lamang ang paghahanap ng “isang bagong internasyonalismo”?

Waring hindi nagbibigay ang kasaysayan ng batayan para maging positibo. Gayunpaman, isang bagay ang malimit na kinaliligtaan​—ang pangmalas ng Maylalang ng maulang gubat. “Dapat tandaan na sinisira natin ang bahagi ng Sangnilalang,” sabi ni Propesor Edward O. Wilson ng Harvard, “sa gayo’y ipinagkakait sa lahat ng susunod na salinlahi ang bagay na sa atin mismo ay ipinamana.”

Hahayaan kaya ng Maylalang ng lupa ang sangkatauhan na lubusang sirain ang gawa ng kaniyang kamay? Mahirap isipin iyan.a Sa halip, humuhula ang Bibliya na ‘dadalhin ng Diyos sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Paano ipatutupad ng Diyos ang kaniyang solusyon? Nangako siyang magtatatag ng isang Kaharian​—isang pamahalaan sa langit na nakahihigit sa mga bansa​—na siyang lulutas sa lahat ng suliranin ng lupa at na “hindi magigiba kailanman.”​—Daniel 2:44.

Hindi lamang wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang pag-aabuso ng tao sa planeta kundi pangangasiwaan din nito ang pagsasauli sa likas na kagandahan ng lupa. Ang buong lupa sa dakong huli ay magiging isang pangglobong parke, gaya ng nilayon ng ating Maylalang sa pasimula pa lamang. (Genesis 1:28; 2:15; Lucas 23:42, 43) Ang mga tao sa lahat ng dako ay magiging mga “naturuan ni Jehova,” at matututo silang umibig at magpahalaga sa lahat ng kaniyang nilalang, kasali na ang maulang gubat.​—Isaias 54:13.

Sa paglalarawan sa pinagpalang panahong iyon, sumulat ang salmista: “Hayaang humiyaw nang may kagalakan sa harap ni Jehova ang lahat ng punungkahoy sa kagubatan. Sapagkat siya’y dumating; sapagkat siya’y dumating upang hatulan ang lupa. Hahatulan niya ang mabungang lupain sa katuwiran at ang mga bayan sa kaniyang katapatan.”​—Awit 96:12, 13.

Mabuti na lamang, ang kinabukasan ng maulang gubat ay hindi nakasalalay sa pagmamalasakit​—o sa kasakiman​—ng tao. Binibigyan tayo ng Bibliya ng dahilan upang magtiwala na ang Maylalang mismo ay makikialam upang iligtas ang ating tropikong kagubatan. Sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan, makikita ng mga susunod na salinlahi ang kaluwalhatian ng maulang gubat.​—Apocalipsis 21:1-4.

[Talababa]

a Kapansin-pansin, inilalarawan ng mga tagapangalaga na may layuning sagipin ang pinakamaraming nanganganib malipol na uri hangga’t maaari ang kanilang etika gaya sa “simulain ni Noe,” yamang inutusan si Noe na ipasok sa daong ang “bawat nilalang na buháy sa bawat uri ng laman.” (Genesis 6:19) “Ang matagal nang pag-iral [ng mga uri] sa kalikasan ay pinaniniwalaang may kaakibat na di-matututulang karapatan sa patuloy na pag-iral,” ang ikinatuwiran ng biyologong si David Ehrenfeld.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share