Sa Larawan ba ng Diyos o ng Hayop?
ANG unang tao, si Adan, ay tinawag na “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Walang anumang hayop ang nagtaglay kailanman ng ganiyang karangalan. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na may ilang bagay na doo’y nagkakatulad ang mga tao at ang mga hayop. Halimbawa, mga kaluluwa kapuwa ang mga tao at mga hayop. Nang anyuan ng Diyos si Adan, “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy,” sabi ng Genesis 2:7. Sumang-ayon ang 1 Corinto 15:45: “Ang unang taong si Adan ay naging isang kaluluwang buháy.” Ang mga tao ay mga kaluluwa, kaya ang kaluluwa ay hindi isang tulad-aninong bagay na nananatili pagkatapos mamatay ang katawan.
Hinggil sa mga hayop, sinasabi ng Genesis 1:24: “Bukalan ang lupa ng mga nabubuhay na kaluluwa ayon sa kani-kanilang uri, maamong hayop at gumagapang na hayop at mailap na hayop sa lupa ayon sa uri nito.” Kaya bagaman binibigyang-dangal ang mga tao sa pamamagitan ng pagsisiwalat na tayo ay nilalang sa larawan ng Diyos, ipinaaalaala rin sa atin ng Bibliya ang ating hamak na kalagayan bilang makalupang mga kaluluwa, kasama ng mga hayop. Gayunman, may isang bagay pa na pareho sa tao at sa hayop.
Ipinaliliwanag ng Bibliya: “May nangyayari sa mga anak ng mga tao at may nangyayari sa hayop, at ang nangyayari sa kanila ay magkatulad. Kung paanong ang isa ay namamatay, gayundin namamatay yaong isa . . . Ang tao ay walang kahigitan sa hayop . . . Ang lahat ay pumaparoon sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay bumabalik sa alabok.” Oo, magkatulad din ang tao at hayop pagdating sa kamatayan. Kapuwa sila bumabalik “sa lupa,” “sa alabok,” na kanilang pinanggalingan.—Eclesiastes 3:19, 20; Genesis 3:19.
Ngunit bakit gayon na lamang ang pagdadalamhati ng tao sa kamatayan? Bakit tayo nangangarap na mabuhay magpakailanman? At bakit dapat tayong magkaroon ng layunin sa buhay? Tiyak, ibang-iba tayo sa mga hayop!
Kung Paano Tayo Naiiba sa mga Hayop
Masisiyahan ka kaya na mabuhay nang walang layunin maliban sa kumain, matulog, at magparami? Tinatanggihan maging ng masisigasig na ebolusyonista ang kaisipang ito. “Ang modernong tao, ang mapag-alinlangan at agnostikong ito na naliwanagan,” isinulat ng ebolusyonistang si T. Dobzhansky, “ay hindi mapigil kahit man lamang sa palihim na pag-iisip tungkol sa matatagal nang katanungan: Ang buhay ko kaya ay may kahulugan at layunin bukod pa sa pagpapanatiling buháy ng aking sarili at pagpapatuloy ng kawing ng pamumuhay? Mayroon kayang anumang kahulugan ang sansinukob na aking kinalalagyan?”
Oo, ang pagtanggi sa pag-iral ng isang Maylalang ay hindi pumipigil sa pagsasaliksik ng tao sa kahulugan ng buhay. Bilang pagsipi sa sinabi ng mananalaysay na si Arnold Toynbee, sumulat si Richard Leakey: “Ang espirituwal na kaloob na ito sa [tao] ay nagtatalaga sa kaniya sa habang-buhay na pakikipagpunyagi na itugma ang kaniyang sarili sa sansinukob na kaniyang sinilangan.”
Subalit, namamalagi pa rin ang mga saligang tanong tungkol sa kalikasan ng tao, sa ating pinagmulan, at sa ating espirituwalidad. Maliwanag na may isang malaking agwat na umiiral sa pagitan ng tao at ng mga hayop. Gaano kalaki ang agwat na iyan?
Napakalaking Agwat ba Para Mapagtagumpayan?
Ang saligang suliranin sa teoriya ng ebolusyon ay ang malaking agwat na naghihiwalay sa mga tao at mga hayop. Sa totoo, gaano kalaki ito? Isaalang-alang ang ilan sa mga bagay na sinabi ng mga ebolusyonista mismo tungkol dito.
Si Thomas H. Huxley, isang prominenteng tagapagtanggol ng teoriya ng ebolusyon noong ika-19 na siglo, ay sumulat: “Wala nang hihigit pang kumbinsido kaysa sa akin kung tungkol sa laki ng agwat sa pagitan . . . ng tao at ng mga hayop . . . , sapagkat siya lamang ang nagtataglay ng kahanga-hangang kaloob na katalinuhan at makatuwirang pananalita [at] . . . nakaaangat dito na gaya ng nasa taluktok ng isang bundok, anupat makapupong higit sa antas ng kaniyang hamak na mga kapuwa.”
Sinabi ng ebolusyonistang si Michael C. Corballis na “may isang kapuna-punang patlang sa pagitan ng mga tao at ng iba pang primate . . . ‘Ang ating utak ay mas malaki nang tatlong ulit sa inaasahan natin sa isang primate na ang pangangatawan ay kagaya ng sa atin.’ ” At ganito ang paliwanag ng neurologong si Richard M. Restak: “Ang utak [ng tao] ang siyang tanging bahagi ng katawan sa kilalang sansinukob na nagtatangkang unawain ang sarili nito.”
Inamin ni Leakey: “Ang kabatiran ay naghaharap sa mga siyentipiko ng isang malaking suliranin, na sa paniniwala ng ilan ay hindi kailanman malulutas. Ang pagiging palaisip sa sarili na nararanasan ng bawat isa sa atin ay napakalinaw anupat binibigyang-liwanag nito ang lahat ng ating iniisip at ginagawa.” Sinabi rin niya: “Talaga namang lumilikha ng malaking agwat ang wika sa pagitan ng Homo sapiens [mga tao] at ng nalalabing bahagi ng kalikasan.”
Bilang pagtukoy sa isa pang kamangha-manghang bagay tungkol sa isip ng tao, sumulat si Peter Russell: “Ang memorya ay walang-alinlangang isa sa pinakamahahalagang kakayahan ng tao. Kung wala nito ay walang pagkatuto . . . , walang talino, walang pagkabuo ng wika, ni alinman sa mga katangian . . . na pangkaraniwang iniuugnay sa pagiging tao.”
Isa pa, walang hayop ang nagsasagawa ng pagsamba. Kaya naman, sinabi ni Edward O. Wilson: “Ang patiunang hilig sa relihiyosong paniniwala ang siyang pinakamasalimuot at matinding puwersa sa isip ng tao at malamang na isang bahagi na hindi maaaring alisin sa ugali ng tao.”
“Ang paggawi ng tao ay naghaharap ng marami pang ibang misteryo tungkol sa Darwinismo,” inamin ng ebolusyonistang si Robert Wright. “Ano ba ang gamit ng pagiging mapagpatawa at pagtawa? Bakit nangungumpisal ang mga taong naghihingalo na? . . . Ano ba talaga ang layunin ng pamimighati? . . . Ngayong patay na ang tao, ano pa ang kabuluhan ng pamimighati para sa mga gene?”
Inamin ng ebolusyonistang si Elaine Morgan: “Apat sa pinakamalalaking misteryo tungkol sa mga tao ay: (1) bakit sila lumalakad sa pamamagitan ng dalawang binti? (2) bakit nila naiwala ang kanilang balahibo? (3) bakit sila nagkaroon ng gayong kalalaking utak? (4) bakit sila natutong magsalita?”
Paano sinasagot ng mga ebolusyonista ang mga tanong na ito? Nagpaliwanag si Morgan: “Ang napagkasunduang sagot sa mga tanong na ito ay: (1) ‘Hindi pa namin alam’; (2) ‘Hindi pa namin alam’; (3) ‘Hindi pa namin alam’; at (4) ‘Hindi pa namin alam.’ ”
Isang Mabuway na Teoriya
Sinabi ng manunulat ng aklat na The Lopsided Ape na ang kaniyang layunin “ay ang maglaan ng pangkalahatang larawan ng ebolusyon ng tao sa pamamagitan ng panahon. Ang marami sa mga konklusyon ay mga haka-haka, batay pangunahin na sa ilang matatandang ngipin, buto, at mga bato.” Sa katunayan, maging ang sariling orihinal na teoriya ni Darwin ay hindi tinatanggap ng marami. Ganito ang sabi ni Richard Leakey: “Ang bersiyon ni Darwin tungkol sa paraan ng ating ebolusyon ay nangibabaw sa siyensiya ng antropolohiya hanggang nitong nakalipas na ilang taon, at lumabas na ito pala’y mali.”
Maraming ebolusyonista, ayon kay Elaine Morgan, “ang nawalan ng tiwala sa mga sagot na inakala nilang alam nila tatlumpung taon na ang nakalipas.” Kaya naman, hindi nakapagtataka na gumuho ang ilang teoriya na pinanghahawakan ng mga ebolusyonista.
Nakalulungkot na mga Resulta
Natuklasan sa ilang pag-aaral na ang dami ng mga babaing hayop na sinisipingan ng mga lalaking hayop ay may kaugnayan sa pagkakaiba ng sukat ng katawan ng magkabilang sekso. Mula rito, ipinasiya ng ilan na ang kinaugalian ng mga tao sa sekso ay dapat na katulad niyaong sa mga chimpanzee, yamang ang mga lalaking chimp, tulad ng katumbas nila sa mga tao, ay mas malaki lamang nang kaunti sa mga babae. Kaya ikinakatuwiran ng ilan na tulad ng mga chimp, dapat na pahintulutan ang mga tao na magkaroon ng higit sa isang kapareha sa sekso. At, totoo naman, ganiyan ang ginagawa ng maraming tao.
Ngunit ang bagay na waring totoo para sa mga chimp ay karaniwan nang napatunayang isang kapahamakan para sa mga tao. Ipinakikita ng mga pangyayari na ang kawalang delikadesa ay isang daan tungo sa kahapisan na doo’y nagkalat ang watak-watak na mga pamilya, aborsiyon, sakit, mental at emosyonal na trauma, paninibugho, karahasan sa pamilya, at pinabayaang mga bata na lumaking hindi marunong makibagay, na magpapatuloy lamang sa nakapipinsalang siklong ito. Kung totoo na pareho ang kalikasan ng tao at ng hayop, bakit may ganitong pinsala?
Ang ebolusyonaryong kaisipan ay naglalagay rin ng pag-aalinlangan tungkol sa pagiging sagrado ng buhay ng tao. Ano ang saligan ng pagiging sagrado ng buhay ng tao kung sinasabi nating walang Diyos at itinuturing ang ating sarili na walang kabuluhan kundi nakahihigit lamang na mga hayop? Ang atin kayang katalinuhan? Kung ganiyan nga, samakatuwid ang tanong na ibinangon sa aklat na The Human Difference ay magiging totoong naaangkop: “Makatuwiran ba na ituring ang mga tao na mas mahalaga kaysa sa mga aso at mga pusa dahil lamang sa taglay natin ang lahat ng [ebolusyonaryong] pagkakataon?”
Habang lumalaganap ang mas bagong bersiyon ng ebolusyonaryong kaisipan, ito “ay tiyak na makaaapekto nang husto sa moral na kaisipan,” sabi ng aklat na The Moral Animal. Ngunit iyon ay isang malupit na moralidad na nakasalalay sa saligan na tayo ay nabuo sa pamamagitan ng “natural selection,” na sa prosesong ito, gaya ng sabi ni H. G. Wells, “nadaraig ng malalakas at tuso ang mahihina at madaling magtiwala.”
Kapansin-pansin, ang marami sa teoriya ng mga ebolusyonista na unti-unting sumira sa moralidad sa paglipas ng mga taon ay nabuwag sa harap ng sumunod na pagdagsa ng mga palaisip. Ngunit ang trahedya ay ang bagay na nananatili pa rin ang pinsalang dulot ng gayong mga teoriya.
Dapat Bang Sambahin ang Nilalang o ang Maylalang?
Ang ebolusyon ay nag-uudyok sa isa na tumingin nang paibaba sa nilalang para sa mga sagot, hindi tumingala sa Maylalang. Sa kabilang panig, ibinabaling ng Bibliya ang ating mga mata paitaas sa tunay na Diyos para sa ating moral na mga pamantayan at layunin sa ating buhay. Ipinaliliwanag din nito kung bakit kailangan nating makipagpunyagi upang maiwasan ang pagkakasala at kung bakit ang mga tao lamang ang nababagabag ng gayon na lamang dahil sa kamatayan. Bukod dito, ang paliwanag nito kung bakit may hilig tayo na gumawa ng masama ay waring totoo sa isip at puso ng tao. Inaanyayahan namin kayo na isaalang-alang ang kasiya-siyang paliwanag na iyan.
[Mga larawan sa pahina 7]
Gaano kalaki ang agwat sa pagitan ng tao at ng hayop?