Mga Tao—Sino Ba Tayo?
WARING nalilito ang mga tao kung sino nga ba talaga sila. Sinabi ng ebolusyonistang si Richard Leakey: “Maraming siglo nang tinatalakay ng mga pilosopo ang mga aspekto ng pagiging tao, ng sangkatauhan. Ngunit nakapagtataka, walang napagkasunduang katuturan ng katangian ng pagiging tao.”
Gayunman, tahasang ibinigay ng Copenhagen Zoo ang opinyon nito sa pamamagitan ng isang eksibit sa pamilya ng mga primate nito. Ganito ang paliwanag ng 1997 Britannica Book of the Year: “Isang mag-asawang Danes ang lumipat sa pansamantalang mga tuluyan sa zoo sa layuning ipaalaala sa mga bisita ang kanilang malapit na kaugnayan sa mga bakulaw.”
Tinatanggap ng mga akdang reperensiya ang gayong diumano’y malapit na kaugnayan ng ilang hayop sa mga tao. Halimbawa, ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang mga tao, pati na ang mga bakulaw, lemur, unggoy at mga boot (tarsier), ang bumubuo ng pamilya ng mga mamal na tinatawag na mga primate.”
Subalit ang totoo, taglay ng tao ang napakaraming natatanging katangian na hindi matatagpuan sa mga hayop. Kabilang sa mga ito ang pag-ibig, budhi, moralidad, espirituwalidad, katarungan, awa, pagiging mapagpatawa, pagiging malikhain, palaisip sa panahon, palaisip sa sarili, pagkilala sa kagandahan, pagkabahala sa kinabukasan, kakayahang magtipon ng kaalaman sa paglipas ng mga salinlahi, at ang pag-asa na ang kamatayan ay hindi siyang ultimong katapusan ng ating pag-iral.
Sa pagtatangkang itugma ang mga katangiang ito sa katangian ng mga hayop, itinuturo ng ilan ang ebolusyonaryong sikolohiya, na isang paglalahok ng ebolusyon, sikolohiya, at panlipunang agham. Niliwanag ba ng ebolusyonaryong sikolohiya ang palaisipan tungkol sa ugali ng tao?
Ano ba ang Layunin ng Buhay?
“Ang saligan ng ebolusyonaryong sikolohiya ay simple,” sabi ng ebolusyonistang si Robert Wright. “Ang isip ng tao, gaya ng iba pang sangkap, ay dinisenyo upang maglipat ng mga gene sa susunod na salinlahi; ang mga damdamin at kaisipan na nililikha nito ay nauunawaan nang husto sa ganitong paraan.” Sa ibang salita, ang buong layunin ng ating buhay, gaya ng idinidikta ng ating mga gene at masasalamin sa pag-andar ng ating isip, ay ang magparami.
Sa katunayan, “ang malaking bahagi ng ugali ng tao,” ayon sa ebolusyonaryong sikolohiya, “ay nag-uugat sa masidhing henetikong interes sa sarili.” Ganito naman ang sabi ng aklat na The Moral Animal: “‘Nais’ ng natural selection (matira ang matibay) na ang mga lalaki ay makipagtalik sa napakaraming sunud-sunod na babae.” Ayon sa ideyang ito sa ebolusyon, ang imoralidad sa ilang kalagayan ay itinuturing din na likas para sa mga babae. Maging ang pag-ibig ng magulang ay minamalas bilang isang udyok-ng-gene na taktika upang tiyakin ang kaligtasan ng supling. Kaya naman, idiniriin ng isang pananaw ang kahalagahan ng henetikong pamana sa pagtiyak na magpapatuloy ang pamilya ng tao.
Ang ilang aklat tungkol sa pagpapasulong ng sarili ay sumasabay ngayon sa bagong kausuhan ng ebolusyonaryong sikolohiya. Inilalarawan ng isa sa mga ito na ang ugali ng tao ay “hindi gaanong naiiba sa ugali ng chimpanzee, ng gorilya, o ng baboon.” Sinabi rin nito: “Pagdating sa ebolusyon, . . . ang pagpaparami ang siyang mahalaga.”
Sa kabilang panig, itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga tao sa isang layunin maliban sa pagpaparami lamang. Ginawa tayo sa “larawan” ng Diyos, taglay ang kakayahan na magpaaninaw ng kaniyang mga katangian, lalo na ang pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. Idagdag ang natatanging mga katangian ng tao na nabanggit na, at nagiging lalong maliwanag kung bakit itinatakda ng Bibliya na ang mga tao ay nakahihigit sa mga hayop. Sa katunayan, isinisiwalat ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga tao na taglay hindi lamang ang hangarin na mabuhay magpakailanman kundi pati ang kakayahan na tamasahin ang katuparan ng hangaring iyan sa isang matuwid na bagong sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos.—Genesis 1:27, 28; Awit 37:9-11, 29; Eclesiastes 3:11; Juan 3:16; Apocalipsis 21:3, 4.
Mahalaga Kung Ano ang Pinaniniwalaan Natin
Ang pagtiyak sa tamang pananaw ay talagang hindi haka-haka, sapagkat ang pinaniniwalaan natin tungkol sa ating pinagmulan ay maaaring makaapekto sa paraan ng ating pamumuhay. Binanggit ng mananalaysay na si H. G. Wells ang mga konklusyon na nabuo ng marami matapos mailathala ang Origin of Species ni Charles Darwin noong 1859.
“Sumunod ang isang matinding demoralisasyon. . . . Nagkaroon ng malaking kawalan ng pananampalataya pagkaraan ng 1859. . . . Ang makapangyarihang mga bayan sa pagtatapos ng ikalabinsiyam na siglo ay naniwala na sila’y nangibabaw dahil sa Pakikipagpunyagi Para Mabuhay, na doo’y nadaraig ng malalakas at tuso ang mahihina at madaling magtiwala. . . . Ipinasiya nila na ang tao ay isang panlipunang hayop na kagaya ng Indian hunting dog. . . . Waring tama para sa kanila na ang malalakas na aso ng sangkatauhan ay dapat na manakot at manupil.”
Maliwanag, mahalaga na magkaroon tayo ng wastong pananaw hinggil sa kung ano talaga tayo. Sapagkat, gaya ng itinanong ng isang ebolusyonista, “kung ang simpleng makalumang Darwinismo . . . ay umubos sa moral na lakas ng Kanluraning kabihasnan, ano ang mangyayari kapag bumaon nang husto ang bagong bersiyon [ng ebolusyonaryong sikolohiya]?”
Yamang ang ating paniniwala hinggil sa ating pinagmulan ay nakaaapekto sa ating saligang mga pananaw sa buhay at sa kung ano ang tama at mali, mahalaga na suriin nating mabuti ang buong tanong na ito.
[Blurb sa pahina 4]
Binanggit ng mananalaysay na si H. G. Wells ang mga konklusyon na nabuo ng marami matapos mailathala ang Origin of Species ni Charles Darwin noong 1859: “Sumunod ang isang matinding demoralisasyon. . . . Nagkaroon ng malaking kawalan ng pananampalataya pagkaraan ng 1859”