Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang Kaloob na Pandinig Ibig kong ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “Ang Iyong Pandinig—Isang Kaloob na Dapat Pahalagahan.” (Setyembre 22, 1997) Bago ko nabasa ang artikulo, akala ko ay marami na akong nalalaman tungkol sa mga gawain ng tainga at kung paano tayo nakaririnig. Subalit, hindi ko natanto kung gaano kaliit ang nalalaman ko tungkol dito. Ang ilustrasyon sa pahina 23 ay kamangha-mangha! Namangha ako sa laki ng pag-iisip at pagsisikap na ginawa upang malikha ang ilustrasyong ito ng tainga. Lalo pa akong namangha sa pagkagawa ng tunay na tainga!
A. S., Estados Unidos
Kami ng kaibigan ko ay kapuwa mga dalubhasa sa medisina, at kami’y taimtim na naniniwala na sa aming maraming taon ng sekular na pag-aaral, hindi pa kami kailanman nakabasa ng isang artikulo na napakasimple at wastong naglalarawan sa tainga. Ang artikulong ito ay nagpangyari sa amin na sumang-ayon sa mga salita sa Awit 139:14: “Ako’y ginawa sa kamangha-manghang paraan.”
M. B. at Z. B., Venezuela
Ako’y biktima ng isang lasing na tsuper. Pagkatapos makoma sa loob ng isang buwan, nagising ako na hindi na makarinig. Pagkalipas ng 18 taon ay bingi pa rin ako, ngunit sa tulong ng mga hearing aid, nakaririnig ako nang bahagya. Ang napapanahong artikulong ito ay talagang nakatutulong sa mga nakaririnig na makiramay sa mga may pinsala sa pandinig.
K. C., Estados Unidos
Kilimanjaro Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Kilimanjaro—Ang Pinakabubong ng Aprika.” (Setyembre 8, 1997) Nakita ko ang Bundok ng Kilimanjaro noong Enero 1994 nang ako’y dumalo sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kenya. Ako’y totoong naantig sa pagkakita nito at ako’y nagpasalamat kay Jehova sa kaniyang kamangha-manghang gawa bilang ating maibiging Maylalang.
E. J., Estados Unidos
Hindi Bahagi ng Sanlibutan Naibigan ko ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: ‘Hindi Bahagi ng Sanlibutan’—Ano ang Kahulugan Nito?” (Setyembre 8, 1997) Pagkatapos na pag-aralan ito, ipinasiya kong itigil ang paggamit ng ekspresyong “worldling” upang ilarawan ang mga di-Kristiyano. Tutal, 30 taon na ang nakalipas, ako mismo ay hindi pa isang Kristiyano. Kung ang taong unang nagpakilala sa akin sa Bibliya ay may mapagmataas na saloobin, baka kailanman ay hindi ko na ginustong makipag-usap pa sa isang Saksi!
B. G., Estados Unidos
Mga Manggagantso Hindi ako nagkapanahong basahin ang seryeng “Mag-ingat sa mga Manggagantso!” nang una kong matanggap ang labas ng Setyembre 22, 1997. Kinabukasan, apat kaming nabiktima ng isang tila palakaibigang tsuper ng taksi na pinagsamantalahan ang aming pagiging ignorante sa siyudad. Kami’y pinagbayad ng malaking halaga ng salapi at ibinaba na malayo sa aming pupuntahan. Sana’y ikinapit namin ang mga salita sa Kawikaan 14:15, na sinipi sa katapusan ng artikulo: “Sinumang walang karanasan ay naglalagak ng pananampalataya sa bawat salita, subalit isinasaalang-alang ng isang matalino ang kaniyang mga hakbang”!
J. P., Pilipinas
Mga Krusada Gumagawa ako ng ilang pananaliksik tungkol sa paksang mga Krusada nang dumating ang labas ng Oktubre 8, 1997, na may artikulong “Ang mga Krusada—Isang ‘Kalunus-lunos na Ilusyon.’ ” Talagang tumanggap kami ng impormasyon sa tamang panahon! Ako’y napaalalahanan tungkol sa kahalagahan ng pagbabasa ng magasin karaka-raka pagkatanggap ko nito.
T. K., Finland
Paraisong Walang Suliranin Ako po’y siyam na taóng gulang, at gusto ko po kayong pasalamatan sa artikulong “Isang Paraisong Walang Suliranin—Malapit Nang Magkatotoo.” (Oktubre 8, 1997) Ang artikulo ay talaga pong nagpakilos sa akin sapagkat ang akin pong itay ay malayo, at kami po ni inay ay takot kahit man lamang magbukas ng bintana sa gabi dahil baka may manloob sa aming bahay. Kaya nang mabasa ko po kung paanong si Jehova ay nangangakong aalisin ang lahat ng krimen at karahasan, ako po’y naaliw.
D. M., Estados Unidos