Ang Impluwensiya ng Pag-aanunsiyo
NOON, ang isang patalastas sa telebisyon ay ipapakilala sa pamamagitan ng mga salitang, “At ngayon, ilang pangungusap mula sa aming tagatangkilik.” Ang mga tagatangkilik ay mga kompanya na nagbabayad para ianunsiyo ang kanilang mga produkto. Samantalang ang “ilang pangungusap mula sa aming tagatangkilik” ay naging napakarami na, itinataguyod pa rin ng mga tagatangkilik sa pinansiyal na paraan ang media ng pagbabalita at libangan—telebisyon, magasin, pahayagan, at radyo. Dahil dito, sinisikap ng mga tagatangkilik na sila ang masunod sa kung ano ang ipalalabas at hindi ipalalabas ng media.
Upang ilarawan: Noong 1993, isang kompanya na gumagawa ng magarang kotse sa Alemanya ang sumulat sa 30 magasin na nagdidikta sa mga ito na ang mga anunsiyong nagtatampok sa kanilang kotse ay dapat iharap “tanging sa isang angkop na kalagayang editoryal.” Ipinaliwanag ng liham na ang mga isyu ng magasing naglalaman ng kanilang mga anunsiyo ay hindi dapat magtampok ng anumang materyal na pumupuna sa kanilang kotse, mga produkto ng Alemanya, o sa Alemanya mismo. Sabihin pa, hindi nakapagtataka na ang kompanyang ito, na gumugugol ng $15 milyon sa pag-aanunsiyo sa magasin, ay aasa sa “isang angkop na kalagayang editoryal.”
Hindi rin nakapagtataka kapag ang mga magasing nag-aanunsiyo ng mga bagong damit pangkasal ay hindi tumatanggap ng mga anunsiyo para sa segunda manong damit pangkasal o kapag ang mga pahayagang may talaan ng mga ahente sa pagbebenta ng bahay at lupa ay hindi nagsasabi sa iyo kung paano bibili ng bahay nang hindi gumagamit ng ahente. Gayundin, hindi tayo magtataka kapag ang media na nag-aanunsiyo ng sigarilyo o loterya ay hindi pumupuna sa paninigarilyo o pagsusugal.
Ang Kultura ng Mamimili
Samakatuwid, ang impluwensiya ng pag-aanunsiyo ay higit pa sa pagbebenta ng mga kalakal. Nagtataguyod ito ng isang istilo ng buhay ng mamimili, isang pangglobong kultura na nakasentro sa materyal na mga bagay.
Mayroon bang anumang masama rito? Depende kung sino ang tatanungin mo. Ikinakatuwiran ng mga tagapag-anunsiyo na gustung-gusto ng mga tao na bumili at magtaglay ng mga bagay; nagagamit ang pag-aanunsiyo para sa kanilang kapakanan. Isa pa, sabi nila, ang pag-aanunsiyo ay lumilikha ng mga trabaho, tumatangkilik sa palakasan at sa sining, tumutulong na maglaan ng abot-kayang media, nagpapasigla ng paligsahan, pinabubuti ang mga produkto, pinabababa ang halaga ng mga bilihin, at pinapangyayari ang mga tao na piliin ang kanilang binibili batay sa kabatiran.
Inaangkin ng ilan na pinapangyayari ng pag-aanunsiyo na di-mapalagay at di-makontento ang mga tao sa taglay na nila, anupat pumupukaw at lumilikha ng walang-katapusang pagnanais. Ganito ang isinulat ng mananaliksik na si Alan Durning: “Ang pag-aanunsiyo, tulad ng ating panahon, ay pabagu-bago, makasarili, punô ng mga ideya, at nauudyukan ng mga uso; niluluwalhati nito ang indibiduwal, itinatampok ang pagbili bilang daan sa personal na kasiyahan, at iginigiit ang pagsulong sa teknolohiya bilang ang puwersang humuhubog sa kapalaran.”
Ang Impluwensiya Nito sa Iyo
Nakatutulong ba ang komersiyal na pag-aanunsiyo sa paghubog sa ating pagkatao at mga hangarin? Malamang. Gayunman, ang pagiging malaki man o maliit ng impluwensiyang iyan ay depende sa iba pang impluwensiya.
Kung inuugitan tayo ng mga simulain at pamantayan sa Bibliya, kikilalanin natin na walang masama sa pagtataglay ng materyal na mga bagay. Tutal, pinagpala ng Diyos sina Abraham, Job, Solomon, at ang iba ng malaking kayamanan.
Sa kabilang panig, kung ikakapit natin ang mga simulain sa Kasulatan, iiwasan natin ang pagiging di-kontento ng mga naghahanap ng kalubusan at kaligayahan sa isang walang-katapusang pagsusumakit ukol sa materyal na mga bagay. Hindi sinasabi ng Bibliya na “Mamili ka hanggang sa mapagod ka.” Sa halip, sinasabi nito sa atin:
Magtiwala ka sa Diyos. “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas-ang-pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay nang sagana para sa ating kasiyahan.”—1 Timoteo 6:17.
Maging kontento. “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang bagay na mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:7, 8.
Maging mahinhin. “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang mga sarili ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga estilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na naaangkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, alalaong baga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.”—1 Timoteo 2:9, 10.
Tandaan na ang makadiyos na karunungan ay nakahihigit sa kayamanan. “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagtataglay nito bilang pakinabang ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at ang pagtataglay nito bilang ani kaysa sa ginto mismo. Mahalaga nga kaysa mga korales, at lahat ng iba pang kinalulugdan mo ay hindi maihahalintulad dito. Ang haba ng mga araw ay nasa kanang kamay nito; sa kaliwang kamay nito ay mga kayamanan at kaluwalhatian. Ang mga daan nito ay mga daan ng kaligayahan, at lahat ng landas nito ay kapayapaan. Ito’y punungkahoy ng buhay sa lahat ng nanghahawakan dito, at tatawaging maliligaya yaong mga patuluyang nanghahawakang mahigpit dito.”—Kawikaan 3:13-18.
Ugaliin ang pagbibigay. “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Maaaring ikatuwiran ng isa na ang seryeng ito ng mga artikulo sa ganang sarili ay isang uri ng anunsiyo, isa na “nagbebenta” ng ideya na hindi dapat isaisantabi ang espirituwal na mga pamantayan kapalit ng materyal na mga bagay. Tiyak na sasang-ayon ka sa konklusyon na ito.
[Kahon sa pahina 9]
Pag-aanunsiyo ng Kaharian ng Diyos
Ano ang isa sa pinakamahusay na paraan para maabot ang mga tao taglay ang nakahihikayat na mensahe? Ang aklat na Advertising: Principles and Practice ay nagsasabi: “Sa isang ulirang daigdig, bawat tagagawa ay makapagsasalita nang tuwiran sa bawat mamimili tungkol sa produkto o serbisyo na iniaalok.” Ang mga tunay na Kristiyano ay boluntaryong naghahayag ng Kaharian ng Diyos sa ganitong paraan sa loob ng halos 2,000 taon. (Mateo 24:14; Gawa 20:20) Bakit hindi gamitin ng mas maraming negosyo ang ganitong paraan ng pag-abot sa mga tao? Ipinaliliwanag ng aklat: “Napakamahal nito. Ang halaga ng pagdalaw na gagawin ng mga tagapagbenta ay maaaring umabot ng mahigit sa $150 bawat pagdalaw.” Mangyari pa, boluntaryong “iniaanunsiyo” ng mga Kristiyano ang Kaharian ng Diyos. Bahagi ito ng kanilang pagsamba.
[Mga larawan sa pahina 8]
Hindi sinasabi ng Bibliya na “Mamili ka hanggang sa mapagod ka”