Ang Trahedya ng Pagkamatay ng mga Kabataan
“Basta’t nadarama kong namamatay ang aming henerasyon.”—Johanna P., isang 18-taong-gulang na nasa unang taon sa pamantasan, Connecticut, E.U.A.
ISANG kagimbal-gimbal na tanawin ang tumambad sa mga pulis sa isang bukid sa labas lamang ng Hobart, na kabiserang lunsod ng Tasmania, ang estadong isla ng Australia. Nasa loob ng bahay ang apat na batang babae na ang mga edad ay 10 hanggang 18. Silang lahat ay patay, pinagpapaslang ng kanilang ama, na nakahandusay sa di-kalayuan at may tama ng riple sa kaniyang ulo. Pinutol niya ang kaniyang kanang kamay sa pamamagitan ng palakol. Ang pagpaslang-pagpapatiwakal na ito ay bumulabog sa buong populasyon ng Tasmania. At nag-iwan ito ng isang nakalilitong tanong sa isip ng mga tao—Bakit? Bakit iyon pang apat na inosenteng batang iyon?
Balisang-balisa pa rin ang Belgium sa resulta ng seksuwal na pang-aabuso sa anim na batang babae at ng pagpatay sa apat sa kanila ng isang manghahalay na nakalaya nang may-pasubali. At muli, ang tanong—Bakit? Sa Argentina, naniniwala ang ilang ina na 30,000 katao, marami sa mga ito ay kanilang mga anak, ang naglaho dahil sa pangyayaring kilala ngayon bilang ang maruming digmaan.a Ang ilan sa mga sawing-palad na ito ay pinahirapan, pinainom ng droga, at saka isinakay sa eroplano at itinapon sa dagat. Marami sa kanila ang inihagis na buhay pa. Bakit sila kailangang mamatay? Naghihintay pa rin ng sagot ang kanilang mga ina.
Tinuligsa ng World Congress of Mothers noong 1955 ang kawalang-saysay ng digmaan at ipinahayag na ang pagpupulong ay “higit sa lahat isang malaking sigaw, isang sigaw ng babala mula sa lahat ng kababaihang nakikipagpunyagi upang ipagsanggalang ang kanilang mga anak, malalaki at maliliit, mula sa kasamaang dulot ng digmaan at ng mga paghahanda sa digmaan.” Balintuna, ang bilang ng mga kabataan na namatay sa madugong mga alitan sapol nang pagpupulong na iyon ay patuloy na dumarami sa buong daigdig—isang malaking kawalan sa sangkatauhan na maaari pang magkaroon ng mga anak na may iba’t ibang talino at kakayahan.
Mahabang Kasaysayan ng Pagkamatay ng mga Kabataan
Ang mga pahina ng kasaysayan ay tigmak sa dugo ng mga kabataan. Maging sa ating tinaguriang naliwanagang ika-20 siglo, naging pangunahing puntirya ang mga kabataan sa mga pagpapatayan dahil sa alitan ng mga tribo at lahi. Waring buhay ng mga kabataan ang nagiging kabayaran sa mga pagkakamali at ambisyon ng kanilang matatanda.
Sa isang bansa sa Aprika, isang grupo ng mga relihiyosong kabataang sundalo na tinatawag ang kanilang sarili na Lord’s Resistance Army ang naturuang maniwala na hindi sila tinatablan ng bala, ulat ng pahayagang The New Republic. Hindi nakapagtatakang ang artikulo ay may pamagat na “Sayang na mga Tin-edyer”! Kaya naman, wastong naitatanong ng mga pamilyang nawalan ng mga anak na lalaki at babae, na sa katunaya’y tinatablan ng bala: Bakit kinailangang mamatay ang aming mga kabataan? Ano ang dahilan ng lahat ng ito?
Karagdagan pa sa lahat ng kahapisan at pagdurusang ito ay ang dumaraming nagpapakamatay na kabataan.
[Mga talababa]
a Ang tinaguriang maruming digmaan ay naganap noong namamahala ang isang hunta militar (1976-83) na doo’y pinatay ang libu-libong tao na pinaghinalaang mga subersibo. Ang ilang pagtantiya sa bilang ng mga biktima ay sa pagitan ng 10,000 at 15,000.