Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 9/8 p. 9-10
  • Kapag Nanumbalik ang Pag-asa at Pag-ibig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Nanumbalik ang Pag-asa at Pag-ibig
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Makatutulong ang mga Kaibigan at Ibang Nasa Hustong Gulang
  • Nasagip Mula sa Posibleng Pagpapatiwakal
  • Wala Nang Mamamatay na Kabataan
  • Tapusin Ko Na Lang Kaya ang Buhay Ko?
    Gumising!—2008
  • Kung Bakit Sumusuko sa Buhay ang mga Tao
    Gumising!—2001
  • Pagpapatiwakal—Isang Salot sa mga Kabataan
    Gumising!—1998
  • Pinagkalooban ng Pagnanais na Mabuhay
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 9/8 p. 9-10

Kapag Nanumbalik ang Pag-asa at Pag-ibig

NATATANTO ng mga magulang, mga guro, at ng iba pa na nakikitungo sa mga nagbibinata at nagdadalaga na hindi nila mababago ni ng mga kabataan ni ng sinumang tao ang daigdig. May mga puwersang kumikilos na gaya ng mga dambuhalang alon, na hindi mapipigil ninuman. Gayunman, tayong lahat ay maraming magagawa upang maging mas maligaya, mas malusog, at mas mahusay makibagay ang mga kabataan.

Yamang mas mabuti ang paghadlang kaysa sa paggamot, dapat na isiping mabuti ng mga magulang kung paanong ang kanilang istilo ng pamumuhay at mga priyoridad ay maaaring humubog sa saloobin at paggawi ng kanilang mga anak. Ang paglalaan ng maibigin at mapagmalasakit na kapaligiran sa tahanan ay nagbibigay ng kapanatagan na pinakamagaling na hahadlang sa paggawing makapipinsala sa sarili. Ang isa sa pinakamalaking pangangailangan ng mga kabataan ay ang pagkakaroon ng isa na makikinig sa kanila. Kung hindi makikinig ang mga magulang, marahil ay gagawin iyon ng mga taong hindi kanais-nais.

Ano ang kahulugan nito para sa mga magulang ngayon? Maglaan ng panahon para sa inyong mga anak kapag kailangan nila ito​—habang bata pa sila. Hindi madali ito para sa maraming pamilya. Nagsisikap silang ilaan ang mga pangangailangan, anupat walang mapagpilian ang kapuwa magulang kundi ang parehong magtrabaho. Yaong mga nagkukusa at nakapagsasakripisyo para magkaroon ng higit na panahon sa kanilang mga anak ay kadalasang umaani ng gantimpala na makita ang kanilang mga anak na lalaki at babae na nagtatagumpay sa buhay. Gayunman, gaya ng nabanggit na, kung minsan kahit nagsikap nang husto ang mga magulang, maaaring bumangon ang malulubhang suliranin sa kanilang mga anak.

Makatutulong ang mga Kaibigan at Ibang Nasa Hustong Gulang

Ang pakikidigma, panghahalay, at pang-aabuso sa mga kabataan ay nangangailangan ng higit-sa-karaniwang pagsisikap mula sa mga adultong tunay na nagmamalasakit sa kanila upang maibsan ang epekto ng pinsalang kanilang naranasan. Ang mga kabataang natrauma ng gayong mapapait na karanasan ay maaaring hindi tumugon nang maayos maging sa mga pagsisikap na tulungan sila. Maaari itong mangahulugan ng malaking panahon at pagsisikap mula sa iyo. Tiyak na hindi isang katalinuhan o pag-ibig na maliitin sila o itakwil sila. Maaari kayang dagdagan pa natin ang pagmamalasakit at pagsisikap at magpakita ng kinakailangang kabaitan at pag-ibig upang maabot yaong mga nanganganib?

Hindi lamang mga magulang kundi pati mga kaibigan at maging mga kapatid ang kailangang lalo nang maging mapagbantay upang makita ang mga hilig sa kabataan na maaaring magpahiwatig na sila’y may mahina at malamang na di-timbang na damdamin. (Tingnan ang kahon na “Kailangan ang Angkop na Tulong,” pahina 8.) Kung naroroon ang mga palatandaan, maging handa na makinig. Kung maaari, sikaping pukawin ang nababalisang mga kabataan sa pamamagitan ng may-kabaitang mga tanong upang tiyakin sa kanila ang iyong taimtim na pakikipagkaibigan. Ang pinagkakatiwalaang mga kaibigan at kamag-anak ay maaaring makatulong sa mga magulang sa pagharap sa mahihirap na situwasyon; ngunit, siyempre pa, dapat silang mag-ingat na hindi maagaw ang papel ng mga magulang. Kadalasang ang hilig ng mga kabataan na magpatiwakal ay isang matinding panawagan para sa atensiyon​—sa atensiyon ng mga magulang.

Ang isa sa pinakamabuting regalo na maibibigay ng sinuman sa mga kabataan ay ang isang matibay na pag-asa para sa isang maligayang kinabukasan, ang pangganyak para mabuhay. Natanto ng maraming kabataan ang katotohanan ng mga pangako ng Bibliya na isang mas mabuting daigdig na malapit nang dumating.

Nasagip Mula sa Posibleng Pagpapatiwakal

Mula sa Hapon, ganito ang sabi ng isang kabataang babae na madalas magbalak na magpatiwakal: “Ilang beses na hinangad kong gawin iyon. Nang ako’y batang-bata pa, ako’y seksuwal na inabuso ng isa na aking pinagkatiwalaan. . . . Noong nakaraan, maraming beses ko ring isinulat na ‘Gusto ko nang mamatay’ anupat hindi ko na mabilang kung ilang ulit. Naging isa akong Saksi ni Jehova, at ngayon ay naglilingkod ako bilang isang buong-panahong ebanghelisador, ngunit nadarama ko pa rin paminsan-minsan ang gayong simbuyo ng damdamin. . . . Ngunit pinahintulutan ako ni Jehova na manatiling buhay, at waring may-kabaitang sinasabi niya sa akin, ‘Patuloy kang mabuhay.’”

Nagpaliwanag ang isang 15-taong-gulang na babae sa Russia: “Nang ako’y walong taong gulang, nadama ko na walang may gusto sa akin. Walang panahon ang mga magulang ko para kausapin ako, at sinikap kong lutasing mag-isa ang aking mga problema. Ibinukod ko ang aking sarili. Palagi akong nakikipag-away sa aking mga kamag-anak. Pagkatapos ay naisip kong magpatiwakal. Mabuti na lamang at nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova!”

At mula sa Australia ay nanggaling ang ganitong nakapagpapasiglang komento mula kay Cathy, na ngayo’y nasa mga unang taon ng treinta anyos, na nagpapakitang maaaring mahalinhan ng pag-asa ang pagkasira ng loob: “Palagi kong napapanaginipan ang iba’t ibang paraan para tapusin ang aking buhay at sa wakas ay nagtangka akong magpatiwakal. Gusto kong takasan ang daigdig na ito, na lipos ng pasakit, galit, at kawalang-saysay. Dahil sa panlulumo ay naging mahirap para sa akin na kumawala sa ‘sapot ng gagamba’ na nadama kong bumitag sa akin. Kaya naman, waring pagpapatiwakal ang sagot nang panahong iyon.

“Nang una kong marinig na magiging paraiso ang lupa, na ang lahat ay magiging mapayapa at maligaya, talagang inasam-asam ko iyon. Pero iyon ay tila isang imposibleng pangarap. Gayunman, unti-unti kong naunawaan ang pangmalas ni Jehova sa buhay at kung gaano kahalaga sa kaniyang paningin ang bawat isa sa atin. Nagsimula akong manalig na may pag-asa pa ang bukas. Sa wakas, natagpuan ko ang paraan para makawala sa ‘sapot ng gagamba’ na iyon. Subalit napatunayang kong mahirap na makawala roon. Kung minsan ay nadaraig ako ng panlulumo, at litung-lito ako. Subalit ang pagtutuon ng aking pansin sa Diyos na Jehova ay nagpalapit sa akin sa kaniya at nagpapanatag ng aking loob. Pinasasalamatan ko si Jehova sa lahat ng nagawa niya para sa akin.”

Wala Nang Mamamatay na Kabataan

Sa pag-aaral ng Bibliya, matatanto ng isang kabataan na mayroong mas mabuting bagay na maaasahan​—ang tinatawag ng Kristiyanong si apostol Pablo na “tunay na buhay.” Pinayuhan niya ang kabataang si Timoteo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman . . . na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay nang sagana para sa ating kasiyahan; na gumawa ukol sa mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, . . . maingat na nagtitipon para sa kanilang mga sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan sila nang mahigpit sa tunay na buhay.”​—1 Timoteo 6:17-19.

Sa diwa, ang payo ni Pablo ay nangangahulugan na dapat tayong makisalamuha sa ibang tao, anupat tulungan sila na magkaroon ng matibay na pag-asa para sa kinabukasan. Ang “tunay na buhay” ay yaong ipinangako ni Jehova sa kaniyang bagong sanlibutan ng “bagong mga langit at isang bagong lupa.”​—2 Pedro 3:13.

Maraming kabataan na dating nanganib ay nakaunawa na ang pag-aabuso sa droga at imoral na istilo ng pamumuhay ay wala kundi isang mahaba at paliku-likong daan tungo sa kamatayan, na pagpapatiwakal ang pinakamadaling daan. Natanto nila na ang daigdig na ito, na may mga digmaan, pagkakapootan, mapang-abusong paggawi, at salat sa pag-ibig na mga daan ay malapit nang lumipas. Nalaman nila na hindi na maaari pang tubusin ang sistemang ito ng sanlibutan. Isinapuso nila na ang Kaharian ng Diyos ang tanging tunay na pag-asa, sapagkat pangyayarihin nito ang isang bagong daigdig na doo’y hindi lamang mga kabataan kundi ang buong masunuring sangkatauhan ay hindi kailanman kailangang mamatay​—hindi, ni magnanais mang mamatay.​—Apocalipsis 21:1-4.

[Kahon sa pahina 8]

Kailangan ang Angkop na Tulong

Sinasabi ng The American Medical Association Encyclopedia of Medicine na “mahigit sa 90 porsiyento ng pagpapatiwakal ay bunga ng karamdaman sa isip.” Itinala nito ang mga karamdaman gaya ng matinding panlulumo (mga 15 porsiyento), schizophrenia (mga 10 porsiyento), pagkasugapa sa alak (mga 7 porsiyento), pagkagalit sa mundo (mga 5 porsiyento), at ang isang anyo ng neurosis (wala pang 5 porsiyento). Nagpayo ito: “Hindi dapat ipagwalang-bahala ang lahat ng pagtatangkang magpatiwakal. Dalawampu hanggang 30 porsiyento ng mga taong nagtatangkang magpatiwakal ay muling nagtatangka sa loob lamang ng isang taon.” Sumulat si Dr. Jan Fawcett: “Mahigit sa 50 porsiyento ng mga pagpapatiwakal [sa Estados Unidos] ay ginagawa ng mga taong hindi nagpapatingin sa isang propesyonal sa kalusugang mental.” At sabi pa ng isang pinagmumulan ng impormasyon: “Ang pinakamahalagang bahagi ng paggamot ay ang pagpapatingin kaagad ng isang tao sa isang psychiatrist upang malutas ang natatagong panlulumo.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share