Pagharap sa Alzheimer’s Disease
“ANG aking asawa, si Alfie, ay isang kapatas sa isa sa mga minahan ng ginto sa Timog Aprika,” paliwanag ni Sally. “Hindi ako makapaniwala nang sabihin niya sa akin na gusto na niyang magretiro. Siya ay 56 na taong gulang lamang at isang matalino at masipag na tao. Nang maglaon, nalaman ko mula sa kaniyang mga kamanggagawa na si Alfie ay nakagagawa na ng di-karaniwang mga pagkakamali sa pagpapasiya. Madalas nilang pinagtatakpan siya.
“Nang magretiro siya, bumili kami ng isang otel. Yamang magaling ang mga kamay ni Alfie, naisip namin na magiging abala siya sa pag-aayos ng lugar na iyon. Pero sa halip, lagi siyang tumatawag ng isang tagakumpuni.
“Nang taon ding iyon ay isinama naming magbakasyon sa isang dalampasigan sa Durban ang aming tatlong-taong-gulang na apong babae. Gustung-gusto niyang maglaro sa trampoline na naroon lamang sa kabilang kalsada mula sa apartment na tinuluyan namin. Isang hapon, mga 4:30 n.h., isinama siya ni Alfie para maglaro sa trampoline at sinabing babalik sila pagkaraan ng kalahating oras. Alas siyete na ng gabi, hindi pa sila bumabalik. Tumawag ako sa pulisya, ngunit sinabi nila na hindi sila naghahanap ng mga taong nawawala malibang 24 na oras na ang lumipas mula nang sila’y mawala. Para akong mababaliw nang gabing iyon, dahil lagi kong naiisip na baka napatay na sila. Bandang tanghali kinabukasan, may kumatok sa pintuan, at naroong nakatayo si Alfie na hawak ang aming apo.
“‘Saan ka nanggaling?’ sabi ko.
“‘Huwag kang magalit sa akin,’ sagot niya. ‘Hindi ko alam.’
“‘Lola,’ paliwanag ng aming apo, ‘naligaw kami.’
“Akalain mong maligaw sila mula lamang sa kabila ng kalsada! Hindi ko pa rin alam kung saan sila natulog nang gabing iyon. Anuman ang nangyari, nakita sila ng isa kong kaibigan at itinuro sa kanila ang tamang apartment.”
Matapos ang pangyayaring iyon, dinala ni Sally si Alfie sa isang neurologo, na nagpatunay na si Alfie ay dumaranas ng dementia (pagpurol ng isip). Lumilitaw na si Alfie ay may Alzheimer’s disease (AD), na para rito ay wala pang mabisang paggamot o lunas.a Sinasabi ng pahayagang New Scientist sa Britanya na ang AD ay “ikaapat na pangunahing mamamatay-tao sa mauunlad na bansa kasunod ng sakit sa puso, kanser at stroke.” Iyon ay tinawag na “ang pangunahing talamak na karamdaman sa pagtanda.” Ngunit maaaring lumitaw ang AD kahit na bata pa ang isa, gaya ng nangyari kay Alfie.
Dahil sa parami nang paraming tao sa mga nakaririwasang bansa ang humahaba ang buhay, nakababahala ang mga hula tungkol sa dami ng pinahihirapan ng dementia. Ayon sa isang pag-aaral, sa pagitan ng 1980 at 2000, maaaring magkaroon ng 14-na-porsiyentong pagdami sa Britanya, isang 33-porsiyentong pagdami sa Estados Unidos, at 64-na-porsiyentong pagdami sa Canada. Ganito ang sabi ng isang dokumentaryo sa TV sa Australia noong 1990: “Tinatayang 100,000 katao ngayon sa Australia ang may Alzheimer’s. Ngunit sa pagtatapos ng siglo, aabot ito sa 200,000.” Tinatayang 100 milyon katao sa buong daigdig ang pahihirapan ng AD pagsapit ng taóng 2000.
Ano ba ang Alzheimer’s Disease?
Bagaman sinasaliksik na ang ilang posibleng sanhi, hindi pa rin nalalaman ang aktuwal na sanhi ng AD. Gayunman, batid na ngayon na ang AD ay unti-unting sumisira sa mga selula sa utak, kaya ang mga bahagi ng utak ay maaaring literal na lumiliit. Ang mga bahaging lubhang naaapektuhan ay yaong may kaugnayan sa memorya at kakayahang mag-isip. Ang mga selula sa sistema ng utak na may kaugnayan sa emosyon ay apektado sa maagang yugto ng sakit na ito, anupat nagbubunga ng mga pagbabago sa personalidad. Ang iba pang bahagi ng utak ay maaaring maapektuhan na lamang sa dakong huli—mga bahaging may kaugnayan sa paningin at pandamdam gayundin sa motor cortex, na siyang nagdidirekta sa gawain ng mga kalamnan. Ang mga pagbabagong ito, paliwanag ng Scientific American, “ang sanhi ng pangkaraniwan at nakalulungkot na larawan ng isang tao na nakapaglalakad, nakapagsasalita at nakakakain ngunit hindi nakaiintindi sa mga nangyayari.”
Pangkaraniwan, ang sakit ay tumatagal nang mula 5 hanggang 10 taon—ngunit kung minsan ay mahigit sa 20 taon. Habang lumalala ito, lalong nababawasan ang nagagawa ng mga maysakit. Sa kalaunan, baka hindi pa man din nila makilala ang kanilang mga mahal sa buhay. Sa mga huling yugto, ang mga maysakit ay kadalasang nakaratay sa kama at hindi makapagsalita o makakain nang mag-isa. Gayunman, maraming biktima ang namamatay dahil sa ibang sanhi bago umabot sa mga huling yugtong ito.
Bagaman walang pananakit ng katawan ang panimulang yugto ng AD, matindi namang kirot sa damdamin ang idinudulot nito. Hindi nakapagtataka kung sa una ay hindi ito kayang harapin ng ilan, anupat umaasa na lilipas na lamang ang problema.b Gayunman, malaki ang magagawa ng pagharap sa karamdamang ito at pagkatuto kung paano iibsan ang kirot ng damdamin na idinudulot nito. “Sana’y nalaman ko noon pa kung paano makaaapekto sa pasyente ang pagiging ulianin,” sabi ni Bert, na ang 63-taong-gulang na kabiyak ay may AD. Oo, makatutulong sa mga pamilya na malaman ang mga katangian ng AD gayundin ang tungkol sa mga pamamaraan upang harapin ito. Pakisuyong samahan ang Gumising! sa pagsusuri sa mga ito at sa iba pang salik sa susunod na dalawang artikulo.
[Mga talababa]
a Ang AD ay mula sa pangalan ni Alois Alzheimer, isang pisikong Aleman na unang naglarawan sa sakit na ito noong 1906 matapos na gumawa ng awtopsiya sa isang pasyente na nagkasakit ng matinding dementia. Ipinagpapalagay na AD ang sanhi ng mahigit sa 60 porsiyento ng mga kaso ng dementia, na nakaaapekto sa 1 sa bawat 10 katao na mahigit sa 65 taong gulang. Isa pang uri ng dementia, ang multi-infarct dementia, ay sanhi ng mahihinang stroke, na pumipinsala sa utak.
b Babala: Mahalaga ang isang lubusang pagsusuring medikal bago ipasiya na ang isang tao ay may AD. Mga 10 hanggang 20 porsiyento ng mga kaso ng dementia ang bunga ng mga karamdaman na maaari pang gamutin. Kung tungkol sa pagsusuri sa AD, ganito ang paliwanag ng aklat na How to Care for Aging Parents: “Matitiyak lamang ang Alzheimer’s sa pamamagitan ng pagsusuri sa utak sa isang awtopsiya, ngunit maaaring hindi isaalang-alang ng mga doktor ang ibang posibilidad at saka magsusuri sa pamamagitan ng eliminasyon.”
[Blurb sa pahina 4]
Tinatayang 100 milyon katao sa buong daigdig ang pahihirapan ng Alzheimer’s disease pagsapit ng taóng 2000