Ang Cock-of-the-Rock—Isang Kagandahan sa Kagubatan ng Amason
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil
MAGING ang mga simpleng naturalista ay mapapatula kapag inilalarawan ang cock-of-the-rock mula sa Guiana, isang nakasisilaw at di-popular na ibon sa maulang-gubat ng Amason.a “Isang kimpal ng nagniningning na apoy,” isinulat ng isa. “Isang umaapoy na kometa,” sabi naman ng isa. “Hindi mapapantayan ang . . . ganap na pagiging kahali-halina nito,” pagtatapos naman ng ikatlo. Kapag nakita mo ito, lahat sila’y nagkaisa, hindi mo na ito malilimot. Ano nga ba ang dahilan at di na malilimot ang ibong ito na kasinlaki ng kalapati? Ang isa sa mga dahilan ay ang makulay nitong hitsura.
Ang lalaking cock-of-the-rock ay may palong na kulay-dalandan na parang pamaypay at natatakpan nito ang kabuuan ng tuka. Pinatitingkad ng kulay-kastanyas na guhit nito sa gilid ang walang-depektong hugis ng palong na hating-bilog. Mula palong hanggang kuko, ang ibon ay nababalot halos ng kulay-dalandan na balahibo. Ang kaniyang mga pakpak, na kulay-itim na may patseng puti, ay nababalutan ng malambot na suson ng mga balahibong kulay-ginintuang-dalandan, na para bang siya’y binalutan ng balabal. “Ang kariktan ng kanilang anyo at hitsura,” pagbubuod ng aklat na Birds of the Caribbean, “ay di-kayang ilarawan ng mga salita.” Subalit, hindi lamang iyan ang masasabi sa ibong ito. Naaaninag sa balahibo nito ang kaniyang karakter. Sa anong paraan?
Buweno, sasang-ayon ka na sa matingkad na berdeng maulang-gubat, hindi dapat na kulay-matingkad na dalandan ang iyong suot kung ayaw mong mapansin. Ngunit gusto ng pustoryosong ito sa kagubatan na makita siya. Ipinagpaparangalan niya ang kaniyang magilas na hitsura upang patalsikin ang mga karibal at akitin ang mga tagahanga.
Alitan sa Hangganan at Awayan sa Mana
Sa pagsisimula ng taon, sa panahon ng pagpaparami, ang mga lalaking cock-of-the-rock ay bumababa sa mga hangganan ng kagubatan na tinatawag na mga lek na dakong tanghalan ng taunang pagsasayaw ng mga ibon habang nagliligawan. Ang salitang ito na “lek” ay malamang na galing sa pandiwang Sweko na att leka, na nangangahulugang “maglaro.” Oo, ilang taon nang nauunawaan ng mga naturalista na ang masiglang pagluksu-lukso ng mga ibon habang nagliligawan ay paglalaro lamang—isang kawili-wiling palabas sa tanghalan ng kagubatan. Gayunman, kamakailan lamang, napag-alaman nila na ang lek ay hindi lamang lugar ng sayawan kundi isang arena ng tunggalian at isang tanghalan din naman. Bakit?
Matapos lusubin ng isang pangkat na mga lalaking cock-of-the-rock ang isang lek, sinasakop ng bawat ibon ang isang lugar sa kagubatan bilang kaniyang sariling teritoryo sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga nalaglag na mga dahon dito. Inaangkin din niya ang madadapuang mga baging sa itaas ng kaniyang teritoryo, anupat ang nasasakupan niya’y hugis silindrong may humigit-kumulang na isa’t kalahating metro ang luwang at dalawang metro naman ang taas. Palibhasa’y mga 50 ibon ang nagsisiksikan sa isang lek, sabi ng mananaliksik na si Pepper W. Trail, ang kanilang mga teritoryo ang “may pinakasiksikang kumpol ng mga ibon sa lek.” Ang resulta? Alitan sa hangganan at awayan sa mana.
Ang kanilang alitan sa hangganan ay gaya ng kapana-panabik ngunit di-nakapipinsalang mga sayaw ng digmaan—pabigla-biglang taas-baba ng ulo, pagtuka-tuka, pagpagaspas ng pakpak, at pagkagalkal ng mga balahibo, kasabay ng pagputak at matataas na pagtalon. Pagkalipas ng isa o dalawang minuto, kapag inakala ng bawat ibon na napahanga na niya ang iba, kapuwa sila babalik sa kani-kanilang hangganan. Gayunman, kapag dalawang ibon ang nagkagusto sa isang magandang puwesto sa lek na naiwan dahil sa pagkamatay ng isa pang ibon, ang alitan ay nagiging isang pangkaraniwang labanan sa mana.
“Pinagkakawing ng mga ibon ang kanilang matitibay na kuko, naghahampasan ng pakpak, at paminsan-minsan ay pinagkakabit ang mga tuka. Ang gayong sagupaan,” isinulat ni Trail sa magasing National Geographic, “ay maaaring tumagal hanggang tatlong oras anupat nangangapos na sa hininga ang magkalaban.” Kapag nagtabla sa unang sagupaang ito, nagpapahinga muna ang mga ibon, ngunit pagkatapos nito, muli silang magsasabong at magpapatuloy ito hanggang sa maging maliwanag kung sino ang tanging tagapagmana. Hindi nga nakapagtataka na tawagin ang ibong ito na cock-of-the rock!
Gayunman, hindi pa man humuhupa ang alikabok, ang masiglang mambubuno ay nagbabago tungo sa pagiging isang buháy na istatuwa, at ang lek ay nagiging isang tanghalan. Bakit nabago ang eksena? Ang huling bahagi ng pangalan ng ibon, cock-of-the-rock, ang sumasagot.
At ang Nagwagi ay Si . . .
Habang nakikipag-away sa sahig ng kagubatan ang mga lalaki, may ilang di-napapansing makukulay na ibon na tahimik na nag-aayos ng kanilang pugad sa nakakanlungang mga butas ng kalapit na malalaking bato. Oo, sila ang mga babaing cock-of-the-rock. Di-gaya ng lalaki, ang babae ay hindi magiging kalahok sa huling bahagi ng timpalak ng kagandahan para sa mga ibon. Ito, mataktikang isinulat ng mananaliksik na si David Snow, ay “isang lubhang naiibang ibon.” Ang ulo nito ay may maliit na korona, “mas maliit na bersiyon ng napakagarang palong ng lalaki, na ginagawang medyo katawa-tawa ang hitsura ng ulo nito.” Ang maiikling binti nito na may malalaking paa ay nagdadala sa isang pangit na kulay-kapeng katawan na “may mabigat at asiwang anyo.”
Gayunman, para sa ating mga pustoryoso ng kagubatan, ito ang panalo. Kapag ito’y dumadapo sa mga sanga sa itaas ng lek, kasabay ng paghuni ng napakatinis na kiuoou, napapalingon ang bawat ulo na may kulay-dalandang balahibo at nauudyukan sila na magtanghal ng isang palabas na maihihilera sa “pinakakawili-wili at kahanga-hangang panliligaw na makikita sa daigdig ng mga ibon.” (The Life and Mysteries of the Jungle) Ano ngayon ang mangyayari? Sinasabi ng mananaliksik na si Trail na sa una pa lamang pagkakita sa isang babae, “ang lek ay halos sumabog na sa nagsama-samang kulay, galaw, at tunog,” dahil sa pagsisikap ng bawat lalaki na madaig ang iba at maagaw ang atensiyon ng panauhing ibon. Pagkatapos, ang mga lalaki ay tumatalon mula sa kani-kanilang pinagdadapuan at lumalapag sa kani-kanilang teritoryo kasabay ng kalabog at siyap. Ang kanilang pumapagaspas na mga pakpak ay nakatatawag ng pansin sa babae at nalilinis na rin ang teritoryo niya mula sa mga nalaglag na dahon. Pagkatapos ay bigla na lamang mananahimik. Dumating na ang sandali ng pagpapasiya.
Ang bawat lalaki ay matigas na yumuyuko, na bukang-buka ang kaniyang nakaladlad na balahibo, at walang kagalaw-galaw na para bang nahihipnotismo. Natatakpan ng kaniyang nakaladlad na palong ang kaniyang tuka habang ikinukubli naman ng kaniyang malalambot na balahibo ang hugis ng kaniyang katawan, anupat ito’y nagmumukhang kulay-dalandang bulaklak na nalaglag sa sahig ng kagubatan. “Hindi kapani-paniwala ang isang nagtatanghal na cock-of-the-rock,” sabi ng isang aklat, “anupat sa unang tingin ay hindi ka makapaniniwalang ito’y isang ibon.”
Subalit alam ng babae kung ito’y isang bulaklak o isang manliligaw at bumababa ito sa tatlo o apat na nananahimik na mga lalaki, na pinananatiling nakadapa ang kanilang mga katawan at nakatalikod sa babae. Subalit, ang kanilang mga ulo ay nakatagilid anupat ang isang mata ay nakasilip sa itaas, na nakatingin sa gantimpala. Ilang minuto ang lumilipas bago makapagpasiya ang babae, hanggang sa wakas, pipiliin na niya ang nagwagi. Lalapag siya sa dakong likuran ng kaniyang paborito, tatalon patungo rito, yuyuko, at tutuka-tukain ang animo’y mga nakalawit na sinulid sa mga balahibo ng pakpak nito. Sa gayo’y muling gagalaw ang lalaki. Sila’y magtatalik sa teritoryo nito o sa isang kalapit na sanga. Pagkatapos nito ay lilipad nang palayo ang babae. Karaniwan nang bumabalik siya sa lalaki ring iyon kapag panahon na upang magtalik muli.
Hangga’t hindi pa panahon ng muling panliligaw, nalilimutan ng pustoryoso ng kagubatan ang kaniyang asawang ibon at hindi rin nito alintana ang pangangalaga sa mga inakay. Palibhasa’y walang iniintindi, naghahanda na naman siya para sa susunod na palabas, habang ang babaing ibon naman ay mag-isang nangangalaga sa kaniyang pamilya. Tama ka, tila hindi patas ang hatian ng pananagutan, ngunit mas mabuti pa nga para sa babae at sa kaniyang mga inakay na malayo sa kanila ang lalaki. Sapagkat kung magpapalibut-libot ang isang kulay-dalandang ibon sa pugad, para itong isang nagliliwanag na panandang nakaturo sa iyong pinagtataguan.
Ang Sumunod na Henerasyon
Ang mapusyaw na kulay ng balahibo ng babae ay tamang-tamang panakip sa dalawang batik-batik na itlog na kulay-kape na nasa isang malaking pugad na putik na nakadikit sa gilid ng isang malaking bato sa tulong ng laway ng ibon. Matapos limliman ng inahin ang mga itlog sa loob ng apat na linggo, lalabas ang mga inakay. Bagaman hindi magaganda kapag bagong pisa, ang mga ito nama’y handang-handa upang makayanan ang kanilang mga araw habang nasa pugad. Di-nagtatagal matapos mapisa sa itlog, paliwanag ng mananaliksik na si Trail, ikinakawit nila ang kanilang matatalas na kuko sa gilid ng pugad at, sa pamamagitan ng kanilang malalakas na binti, sila’y kumakapit nang mahigpit kapag ang inahing ibon ay nagkakandahirap sa paghahanap ng matatapakan.
Buong-sikap na pinakakain ng inahing ibon ng mga prutas at kung minsan ay kulisap o butiki ang mga inakay. Pagkalipas ng isang taon, ang balahibo ng isang lumalaking lalaking ibon ay kulay-kape pa rin, ngunit mayroon nang maliit na palong ang ulo nito. Kapag dalawang taon na ito, ang kulay-kapeng balahibo nito ay napapalitan ng kulay-ginintuang-dalandang balahibo na nagpapabago sa kaniya, gaya ng isinulat ng isang naturalista, tungo sa pagiging “isa sa pinakamagagandang ibon sa daigdig.”
Sa kabila ng pagkasira ng kagubatang pinaninirahan ng cock-of-the-rock, umaasa ang mahihilig sa kalikasan na hindi aagawan ng tao ang makukulay na mananayaw na ito ng Amason ng pagkakataong ipagpatuloy ang kahanga-hangang pagsasayaw nito kapag nagliligawan.
[Mga talababa]
a Ang uring ito ay iba sa cock-of-the-rock ng Peru, na naninirahan sa mga dalisdis ng Andes Mountains sa Bolivia, Colombia, Ecuador, at Peru.
[Kahon sa pahina 17]
ID Card ng Cock-of-the-Rock
Siyentipikong pangalan: Rupicola rupicola, o “naninirahan sa malalaking bato”
Pamilya: Cotingidae
Lawak ng paninirahan: Hilagang Timog Amerika, sa loob at sa palibot ng Amason
Haba: Mga tatlumpung centimetro
Pugad: Yari sa putik at materyales mula sa halaman na pinagdikit-dikit sa pamamagitan ng laway, at tumitimbang ng tres punto nuwebe kilo
Pangingitlog: Karaniwan nang dalawang itlog taun-taon; ang panahon ng paglimlim ay 27 hanggang 8 araw—“isa sa nakikilalang pinakamahabang panahon para sa isang ibong umaawit (passerine)”
[Mga mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang tahanan ng cock-of-the-rock ng Guiana
TIMOG AMERIKA
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Kenneth W. Fink/Bruce Coleman Inc.