Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/8 p. 14-15
  • Isang Tulay na Isinunod sa Pangalan ni Vasco Da Gama

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Tulay na Isinunod sa Pangalan ni Vasco Da Gama
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Masayang Pasimula
  • Isang Lumalaking Pangangailangan
  • Pagtawid sa Tulay
  • Mga Hakbang Para sa Seguridad
  • Mga Hamon sa Ekolohiya
  • Ang Golden Gate Bridge—50 Taóng Gulang
    Gumising!—1987
  • Tower Bridge—Pintuang-daan ng London
    Gumising!—2006
  • Mga Tulay—Paano Na Kaya Tayo Kung Wala ang mga Ito?
    Gumising!—1998
  • Ang Tulay na Ilang Ulit Nang Ginawa
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/8 p. 14-15

Isang Tulay na Isinunod sa Pangalan ni Vasco Da Gama

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PORTUGAL

ANG mga pahayagang Portuges ay punô ng balita​—katatapos lamang na pasinayaan ang isa sa pinakamahabang tulay sa Europa kasabay ng pagpapaputok ng mga kuwitis. Marso 29, 1998, nang buksan ang Vasco da Gama Bridge na may habang 17.2 kilometro. Taglay ang pangalang isinunod sa manggagalugad na Portuges na nagbukas ng ruta sa dagat mula sa Kanlurang Europa patungo sa India noong ika-15 siglo, ang bagong tulay ay nagbubukas naman ng mga bagong ruta patungo sa industriyalisadong hilaga ng bansa, sa mga puting baybaying-dagat ng timog sa Algarve, at sa Espanya.

Ang tulay, na panlima sa pinakamahabang tulay sa daigdig, ay bumabagtas sa wawa ng Ilog Tagus mula sa kabisera ng Portugal, ang Lisbon, patungo sa bayan ng Montijo, sa pampang sa timog. Ang nakabiting bahagi nito na may habang 826 na metro ay nagpapahintulot sa malalaking barko na makaraan sa ilalim nito na may taas na 45 metro.

Isang Masayang Pasimula

Ang pambukas na seremonya ay aktuwal na nagpasimula bilang isang malaking handaan isang linggo bago ang opisyal na pagpapasinaya. Oo, masidhi ang kasabikan noong Linggo, Marso 22, nang imbitahan ang 15,000 tao para pagsaluhan ang isang tradisyonal na pagkaing Portuges na feijoada, o sinabawang balatong. Saan kaya pakakainin ang napakaraming tao? Siyempre pa, sa bagong tulay! Kay gandang masdan ang isang mesa na umabot sa limang kilometro ng tulay! Matagumpay na nairaos ang salu-salo, at nagpasalamat ang mga tao dahil sa paanyayang iyon.

Isang Lumalaking Pangangailangan

Bakit kailangan ang gayong tulay? Mula noong 1966, ginamit na ng Lisbon ang 1,013 metro na ika-25 ng Abril na nakabiting tulay. Ang katamtamang tumatawid na sasakyan sa araw-araw ay umaabot ng mga 130,000. Naguguniguni ba ninyo ang pagsisikip ng trapiko kapag nagkasabay-sabay ang mga sasakyan at kapag dulo ng sanlinggo? Karaniwan na sa mga namamasahe ang gumugol ng isa o dalawang oras upang makatawid dito, sa pagitan ng Lisbon at ng timog ng Portugal. Kaya naman kailangan ang isa pang matatawiran. Ang anim na linya ng bagong tulay, na matatagpuan mga labintatlong kilometro sa gawing itaas ng ilog, ay nakapagdulot ng kaginhawahan. Ito ay dinisenyo anupat kapag umabot sa 52,000 ang sasakyan sa isang araw, makapagdaragdag pa ng isang linya sa bawat direksiyon. Inaasahang bibilis ang daloy ng trapiko anupat makapagpapatakbo hanggang sa 100 kilometro bawat oras.

Pagtawid sa Tulay

Samahan ninyo kami sa aming pagtawid sa tulay mula sa timog, sa Montijo. Paglampas sa lupa at latian, tayo ngayon ay nasa sampung-kilometrong bahagi ng Ilog Tagus. Panahon ngayon ng pagtaas ng tubig, at tayo ay lubusang napalilibutan ng tubig. Ang di-madulas na sementadong daan ay nagdudulot ng kapanatagan lakip na ang 1,500 haligi na sumusuhay sa kahabaan ng tulay.

Tayo ngayon ay nasa nakabiting bahagi ng tulay. Ang kahabaang ito ay sinusuhayan ng mga kable mula sa tuktok ng dalawang tore na may taas na 150 metro ang bawat isa anupat ang mga ito ay parang nakaladlad na mga layag. Ang mga pundasyon ng mga pansuhay na haligi ay ibinaon sa lalim na mula 50 hanggang 65 metro. Para sa karagdagang seguridad, ang tulay ay itinayo na may kakayahang labanan ang bugso ng hangin hanggang sa 220 kilometro bawat oras at ang pagyanig ng lupa na apat at kalahating ulit ng lakas ng lindol na nagwasak sa kalakhang bahagi ng Lisbon noong 1755.

Nang marating natin ang dulo ng Vasco da Gama Bridge, tumambad sa atin ang mga punong palmera sa hilagang-silangan ng gilid ng Lisbon. Kung gugustuhin natin, maaari na tayong magpatuloy ngayon sa superhaywey na magdadala sa atin sa hilagang bahagi ng bansa. Ang bagong tulay ang nagpapangyari na makapaglakbay sa isang magandang sistema ng haywey mula Algarve sa timog patungo sa lalawigan ng Minho sa hilaga, na hindi na kinakailangang makipaggitgitan sa magulong trapiko ng Lisbon!

Mga Hakbang Para sa Seguridad

Sa pagtatayo ng tulay na ito, pinag-ukulan ng pantanging pansin ang pangkaligtasang mga hakbang. Ang simpleng pagkasira ng kotse ay maaaring magdulot ng grabeng pagbabara ng trapiko. Gayunman, dahil sa 87 video camera na inilagay sa mga istratehikong dako sa tulay at sa mga bukana nito, lahat ng di-normal na daloy ng trapiko ay nasusubaybayan ng mga monitor na naroroon sa istasyon ng pulisya at sa traffic control center ng trapiko. Kapag huminto ang isang sasakyan, tutunog ang isang alarma sa control room.

Bukod dito, lahat-lahat ay 36 na pares ng teleponong SOS ang ikinabit sa bawat 400 metro ng labimpitong-kilometrong haba ng tulay. Paano gumagana ang pangkagipitang sistema? May pantanging sasakyan na palaging nagpapabalik-balik sa tulay upang tugunan ang anumang babangong pangangailangan, kasali na ang pagpatay ng sunog at paghila ng sasakyan.

Paano naman kapag biglang nagbago ang lagay ng panahon? Dalawang istasyon sa meteorolohiya ang sumusukat sa bilis, lakas, at direksiyon ng hangin at nagmomonitor sa lagay ng panahon at sa kalagayan ng mga daan, anupat binabago ang mga hinihiling na takdang tulin ayon sa klima.

Ang kagandahan ng simetriya ng mga kable ay lalo pang pinaganda ng mga ilaw kung gabi, na binubuo ng 1,200 ilaw sa haywey.

Mga Hamon sa Ekolohiya

Ang pagpapasiya kung saan itatayo ang bagong tulay ay hindi naging madali. Anu-ano ang isinaalang-alang?

Ang dakong pagtatayuan ay nagharap ng malaking hamon may kinalaman sa ekolohiya. Ito ay dahilan sa ang tulay ay babagtas sa isang reserbadong lugar na pinamumugaran ng mga ibon, na matatagpuan sa isa sa pinakamalaking wawa ng ilog sa Kanlurang Europa. Malawakang pag-aaral ang kinailangang gawin para mabigyan ng proteksiyon ang mga halaman, isda, ibon, mga tuklas sa arkeolohiya, kalidad ng tubig at hangin, at ang daan-daang ektarya ng pinagkukunan ng asin. Bakit ang wawa ng Tagus ay nakaaakit ng buhay sa ilang? Ito ay isa sa pinakamahalagang mahalumigmig na sona ng Portugal at ng Europa, anupat ginagawa itong angkop na lugar para sa pagpaparami ng internasyonal na iniingatang mga dumadayong ibon, tulad ng black-winged stilt, ng Kentish plover, at ng little tern. Sa panahon ng taglagas at taglamig, libu-libong ibon ang gumagamit sa maalat na latiang ito bilang isang kanlungan sa pagtaas ng tubig.

Ang matagal nang mga nursery (dakong pinamumugaran) ng maliliit na isda ay dapat ding isaalang-alang. Nangangahulugan ito na karagdagang pag-iingat ang kailangang gawin upang hindi gaanong magambala ang mga isda hangga’t maaari. Tatlong libong isda, pangunahin na ang mga sole at sea bass, ang tinandaan upang masubaybayan ang mga nursery.

Sa sandaling panahon, ang tahimik, likas na tirahang ito ay nailapit sa lunsod. Hanggang saan kaya maaapektuhan ang likas na kapaligirang ito? Inaasahan na ang mga hakbang na isinagawa upang mapanatili ang napakahalagang baybayin sa timog ay magsasanggalang sa likas na yaman ng reserbasyon hangga’t maaari.

Ang Vasco da Gama Bridge ay tunay na isang malaking tagumpay sa pagsulong ng inhinyeriya, sa ganda ng arkitektura, at ng simetriya. Makatuwiran lamang na ipagmalaki ng Portugal ang tulay na nagtataglay ng pangalan ni Vasco da Gama!

[Mga mapa/Larawan sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PORTUGAL

ESPANYA

[Mapa]

PORTUGAL

Lisbon

Montijo

Vasco da Gama Bridge

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Lusoponte/Sonomage

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share