Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/8 p. 23-25
  • Pagtuklas sa Walang-Kupas na Kagandahan ng Kahoy

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtuklas sa Walang-Kupas na Kagandahan ng Kahoy
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang-Kupas na Pang-akit ng Solidong Kahoy
  • Pagbalik sa Daras
  • Ang Kasama Nito​—Ang Drawknife
  • Resiklong Kahoy​—Binigyan ng Bagong Gamit
  • Mga Himaton Kung Tungkol sa Pamamaraan
  • Kabihasahan na Nagbibigay-Kasiyahan
  • Bakit Kahoy ang Gagamitin sa Pagtatayo?
    Gumising!—1995
  • Mga Regalo ng Punungkahoy
    Gumising!—1985
  • Mabangong Kahoy
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/8 p. 23-25

Pagtuklas sa Walang-Kupas na Kagandahan ng Kahoy

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa New Zealand

ANG kahoy, lalo na yaong uring katutubo, ay mabilis na umuunti. Nakakalbo ang kagubatan nang napakabilis sa maraming dako sa daigdig. Ang kakapusan ng mga panustos na kahoy ang dahilan ng napakataas na halaga ng kahoy, isa sa pangunahin at dating saganang pangangailangan ng daigdig.

Balintuna nga na dito sa New Zealand, may nananatili pang mga taniman ng punong pino radiata, na itinanim noong mga taon ng 1930, samantalang umuunti naman ang mga katutubong puno na tumutubong magkakasunod, gaya ng rimu, kauri, beech, at kahikatea.

Walang-Kupas na Pang-akit ng Solidong Kahoy

Sa loob ng libu-libong taon, nasiyahan ang tao sa paghugis sa kahoy sa lahat ng uri ng kapaki-pakinabang na mga bagay. Ang kulay, natatanging haspe, at ang amoy pa nga ng karamihan sa uri ng kahoy ay kadalasang nagpapalugod sa mga tao. Nagdulot ng kasiyahan ang maraming-gamit na mga bagay sa loob ng maraming taon at, sa ilang kaso, sa loob ng mga dantaon.

Mula noong unang mga panahon, ang mga muwebles na yari sa solidong kahoy ay ginagamit na sa mga tahanan. Sa paggamit ng simpleng mga kasangkapan, ipinakita ng mga lalaki’t babae ang kakayahan at kadalubhasaan sa paggawa ng mahahalagang bagay na gaya ng mesa, mangkok, tuntungan, bariles, baul, at silya.

Pinabilis ng modernong teknolohiya ang paggawa ng mga bagay na ito sa ngayon. Ang mga kasangkapang de kuryente, gaya ng mga lagari, barena, katam, at panliha, ay buong husay, bagama’t maingay, na nagagawa ang kahoy na maging matibay na muwebles na kahoy. Maipagmamalaki ng maraming bansa ang mga pagawaan ng mga gawaing-kahoy na maramihang gumagawa ng mga muwebles sa abot-kayang halaga.

Ngunit ang mga muwebles na iyon ay karaniwan nang hindi matibay dahil sa (1) pinalitan ng mga kahalili (tapal na kahoy, chipboard) ang solidong kahoy o (2) ang mga pamamaraan sa paghuhugpong ay inaasa sa mabilis na paggawa, na ginagamit ang mga makinang pang-staple o mga tack o pako.

Pagbalik sa Daras

Sa pagsisikap na mapagtagumpayan ang mga kakulangan ng modernong teknolohiya, hinahanap ng ilan ang nagagawa ng isang sinaunang kasangkapan sa gawaing-kahoy​—ang daras (adz). Ito’y binibigyan-kahulugan bilang “isang kasangkapang pamutol na may manipis at bahagyang nakalikong talim na nakakabit nang ayos panulukang-parisukat sa hawakan at karaniwang ginagamit sa paghugis ng kahoy.” Sa New Zealand, ginagamit ng mga taong Maori ang mga daras na batong-luntian ( jade) upang tabtabin ang mga bangka at gawan ng hugis ang mga pingga para sa pag-ukit. Gayunman, karamihan ng mga daras ngayon ay yari sa metal.

Noong nakalipas na mga dantaon, ginamit ng mga karpintero ang daras sa pagbalanse at pagpatag ng balangkas sa paggawa ng bahay at barko. Pinakikinis nila ang mga tabla na nakalagay sa pagitan ng kanilang mga paa, na ginagamit ang nakakurbang talim ng daras upang tabasin ang mga bilog o kuping butas sa ibabaw ng kahoy.

Ang Kasama Nito​—Ang Drawknife

Nagpapalitaw sa natatagong kagandahan ng bagay na ginagawa at nagsisilbing kasama ng daras ay ang isa pang mahalagang kasangkapan, ang drawknife. Ginagamit ito upang pakinisin ang mga gilid o ibabaw ng kahoy. Kapuwa ang daras at drawknife ay dapat panatilihing matalas na parang labaha.

Kapag mayroon ka nang mga kasangkapang ito, ang susunod na mga hakbang ay humanap ng angkop na hilaw na materyales at, pagkatapos, gawin itong anumang muwebles ayon sa gusto mo. Dito, sa tingin ng karpintero, may malaking bentaha ang makaluma at panlalawigang istilo ng paggawa ng muwebles kung ihahambing sa mas makabagong pamamaraan ng paggawa ng mga muwebles.

Ang mga tabla ng kahoy na hindi pulido ang pagkakalagari, basta tuyo at hindi kiwal o kurbada, ay maaaring gawing muwebles na matibay at maganda. Ang gayong tabla ay maaaring makuha sa iba’t ibang pinagmulan: itinapong muwebles (bihisan, uluhan ng kama, ibabaw ng mesa), lumang mga kahon, mga biga mula sa ginibang mga gusali, at lumang mga poste ng bakod.

Resiklong Kahoy​—Binigyan ng Bagong Gamit

Ang matanda nang kahoy na hindi sinira ng uod-kahoy o nabulok ay maaaring magkabuhay at gumanda sa mga kamay ng isang eksperto.

Ang mga mantsa, butas ng pako, at mga gupi ay makalilikha ng pambihirang mga katangian sa resiklong kahoy na gagamitin sa paggawa ng muwebles. Kung hahayaan ito sa likas na anyo nito o kukulayan at babarnisan, ang bagay na gawa ng iyong kamay ay magdudulot ng kasiyahan at kaluguran bilang isang bagay na ginawang mainam at matibay.

Katulad ng isang hardinero na naglilinang sa lupa, ng magpapalayok na nagmamasa ng luwad, at ng manghahabi na humahabi ng likas na himaymay, natutuklasan ng karpinterong naghuhugis at nag-aanyo sa isang pirasong kahoy na gumagamit ng daras o isang drawknife na ito’y totoong kasiya-siya. Oo, ito’y masikap na paggawa. Oo, mas matagal ito kaysa sa modernong pamamaraan. Gayunman, ang kabatiran na ang iyong pagpapagal ay magdudulot sa iyo ng kasiyahan at na ang iyong muwebles na gawang-kamay ay mapapakinabangan ng tatanggap nito sa loob ng maraming taon ay nagbubunga ng namamalaging kagalakan na nauugnay sa paggawa sa mga kahoy.

Mga Himaton Kung Tungkol sa Pamamaraan

Ang daras ay hindi bagay na gamitin sa lahat ng kahoy. Ang hilatsa ng matitigas na kahoy na masusumpungan sa tropiko ay karaniwang lumalaban sa talim ng daras. Karaniwan na, ang kahoy na mas malambot ay mas mabuting gamitan ng daras. Hindi problema ang mga bukó. Sa paggamit ng isang lukób (pait na pabilog ang hugis ng talim), mauukit o mabubutas mo ang mga ito, sa gayo’y lumilikha ng isang pantanging disenyo sa ibabaw ng ginagawa mo.

Ang ilan sa pinakamagandang kulay ay karaniwang makikita sa mga tabla na nilagari sa pinakagitna ng puno. Bihirang kailanganin na kulayan pa ang mga muwebles na gawa rito. Gayunman, kung gusto mong mas mapatingkad ang kulay at ang karakter ng isang karaniwang kahoy, maraming mapagpipiliang kulay na angkop sa personal na gusto mo.

Kahit na ang prosesong ito ay hindi kailangang maging magastos. Pinapahiran ng ilan ng grasa ng sasakyan ang mapusyaw na kulay ng kahoy at natuklasan nilang kamangha-manghang napaganda nito ang bagay na gawa ng kamay.

Upang tapusin ang iyong likha, maraming mapagpipiliang polyurethane o barnis na maaaring iisprey o ipahid sa muwebles. Para sa panghuling patong na magpapanatiling natural ang kahoy sa halip na basta barnisan ito, maaari mong lagyan at pahiran ang kahoy ng langis na pampakintab na gawa mula sa sumusunod: limang bahaging suka, apat na bahaging agwaras, dalawang bahaging hilaw na langis ng linseed, at isang bahaging methylated spirits. Tunawin ang ilang pagkit sa iyong halo, at hayaan itong tumagos sa kahoy sa loob ng ilang araw.

Kabihasahan na Nagbibigay-Kasiyahan

Ang muwebles na yari sa solidong kahoy na natatanging ginawa ng iyong sariling mga kamay ay laging makaaakit habang ito’y naroroon sa iyong paboritong sulok ng inyong bahay, gaano man kasimple ito. Sa buong daigdig, sa mga mansiyon at maliliit na bahay, makasusumpong ang isa ng maraming kawili-wiling halimbawa, kung minsan ay mga dantaon na ang edad, ng mga muwebles na gawang kamay ng bihasang manggagawa. Ang mga ito’y tiyak na isang patotoo sa kadalubhasaan, kasipagan, at pagtitiyaga ng mga taong ito. Nakadarama sila ng kasiyahan at kaluguran sa paggawa ng mga bagay na palibhasa’y maibiging iningatan ay nagdudulot ng praktikal na kahalagahan at kagandahan. Nakadaragdag ang mga ito ng isang antas ng kakanyahan sa mga tirahang ginagayakan ng mga ito.

Sa panahong ito, na higit at higit na nalilipos ng mga produktong yari sa plastik at resina, ang kaloob na punungkahoy ng ating Maylalang ay nagagamit pa rin sa maraming kapaki-pakinabang na mga layunin. Ang isang pangunahing gamit nito ay ang paglalaan ng hilaw na kahoy na tumatawag sa sabik na bihasang manggagawa para gawin itong isang magandang muwebles na kahoy.

[Mga larawan sa pahina 23]

Rimu

Tawa

Encina

Mabukong pino radiata

Pinong may barnis

Pinong may grasa

Pinong maitim ang kulay

[Mga larawan sa pahina 24]

Paggamit ng daras

at ng drawknife

[Larawan sa pahina 25]

Gawang-kamay na tokador

[Larawan sa pahina 25]

Panulukang istante

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share