Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/22 p. 6-7
  • Isang Pananaw Mula sa Ika-29 na Palapag

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pananaw Mula sa Ika-29 na Palapag
  • Gumising!—1998
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Natapos ang Isang Maghapong Trabaho’
    Gumising!—1998
  • Karapatang Pantao Para sa Lahat—Iiral sa Buong Daigdig!
    Gumising!—1998
  • Mga Karapatan at Kamalian ng Tao sa Ngayon
    Gumising!—1998
  • Mga Karapatan na Walang Pananagutan?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/22 p. 6-7

Isang Pananaw Mula sa Ika-29 na Palapag

KAPAG lumabas ka sa elevator sa ika-29 na palapag ng gusali ng United Nations sa New York City, ituturo ng isang maliit na karatulang asul ang direksiyon patungo sa Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR). Ang tagapag-ugnay na tanggapang ito ay kumakatawan sa punong-tanggapan ng OHCHR sa Geneva, Switzerland​—ang sentro para sa mga gawain ng UN hinggil sa mga karapatang pantao. Bagaman si Mary Robinson, ang Mataas na Komisyonado sa mga Karapatang Pantao, ang namumuno sa OHCHR sa Geneva, ang Griegong si Elsa Stamatopoulou naman ang siyang puno sa tanggapan sa New York. Maaga sa taóng ito, buong-lugod na tinanggap ni Gng. Stamatopoulou ang isang tauhang manunulat ng Gumising! at binalikang-tanaw ang limang dekada ng mga gawain hinggil sa mga karapatang pantao. Narito ang ilang halaw mula sa panayam.

T. Ano pong pagsulong ang inaakala ninyong nagawa na para sa pagtataguyod ng mga karapatang pantao?

S. Bibigyan kita ng tatlong halimbawa ng pagsulong: Una, 50 taon na ang nakaraan, ang ideya ng mga karapatang pantao ay wala noon sa agenda ng mga bansa; ngayon ay mayroon na nito sa lahat ng dako at handang ipatupad. Pinag-uusapan ito ngayon ng mga pamahalaan na hindi kailanman nakabalita tungkol sa mga karapatang pantao noong nakaraang ilang dekada. Pangalawa, tayo ngayon ay mayroon nang pang-internasyonal na kodigo ng batas, o aklat sa batas, na binubuo ng maraming kasunduan na maliwanag na nagsasabi sa mga pamahalaan kung ano ang kanilang obligasyon sa kanilang mga nasasakupan. [Tingnan ang kahon na “Ang Pang-internasyonal na Katipunan ng mga Karapatang Pantao,” sa pahina 7.] Gumugol ng maraming taon ng masikap na paggawa para mabuo ang kodigong ito. Totoong ipinagmamalaki namin ito. Ang ikatlong halimbawa ay ang bagay na mas maraming tao sa ngayon kaysa kailanman ang nakikibahagi sa mga kilusan para sa mga karapatang pantao at buong-husay na nakapagpapahayag ng kanilang sarili sa mga usapin tungkol sa mga karapatang pantao.

T. Ano naman po ang mga hadlang?

S. Matapos ang 17 taon ng paggawa sa mga programa ng UN para sa mga karapatang pantao, siyempre, natanto ko na nakakaharap natin ang nakasisiphayong mga suliranin. Ang pinakamalaki rito ay ang kadalasang pangmalas ng mga pamahalaan sa mga karapatang pantao bilang usaping pulitikal sa halip na ukol sa kapakanang pantao. Maaaring atubili nilang ipatupad ang mga kasunduan sa mga karapatang pantao sapagkat inaakala nilang nanganganib sila sa pulitikal na paraan. Sa mga kalagayang iyon, nawawalan ng saysay ang mga kasunduan sa mga karapatang pantao. Isa pang hadlang ang kawalang-kakayahan ng UN na hadlangan ang malulubhang paglabag sa mga karapatang pantao sa mga lugar na gaya ng dating Yugoslavia, Rwanda, at, kamakailan lamang, sa Algeria. Ang kawalang-kakayahan ng UN na hadlangan ang mga masaker na naganap sa mga bansang ito ay isang malaking kabiguan. Naroroon naman ang mga mekanismo para sa mga karapatang pantao, ngunit kailangang may isa na magpapatupad sa mga ito. Sino ang isang iyon? Kung hindi nakataya ang mga kapakanan ng mga bansang makapagbibigay ng proteksiyon, kadalasan nang walang pulitikal na hangaring kumilos at hadlangan ang mga paglabag.

T. Ano po ang nakikita ninyo sa kinabukasan?

S. Nakikita ko ang isang panganib at isang pangako sa daan patungo sa mga karapatang pantao para sa lahat. Ang ikinababahala ko ay ang panganib na inihaharap ng pangglobong paglawak ng ekonomiya, na nag-uudyok sa malalaking korporasyon na magtatag ng kanilang sarili sa mga lupain kung saan mas mababa ang halaga ng patrabaho. Sa ngayon, kung kailangan, maaari nating sisihin at gipitin ang mga pamahalaan dahil sa paglabag sa mga karapatang pantao. Pero sino ang maaari nating sisihin sa mga paglabag kapag inililipat ng maramihang panig na mga kasunduan sa kalakalan ang higit at higit na kapangyarihan mula sa mga pamahalaan tungo sa pangglobong mga puwersa sa ekonomiya? Yamang hindi natin kontrolado ang mga puwersang ito sa ekonomiya, pinahihina nito ang katayuan ng mga organisasyon ng mga pamahalaan gaya ng UN. May kinalaman sa mga karapatang pantao, mapangwasak ang kalakarang ito. Napakahalaga ngayon na ibaling ang interes ng pribadong sektor sa mga karapatang pantao.

T. At ang pangako po?

S. Ang pagkabuo ng isang pangglobong lipunan para sa mga karapatang pantao. Ang ibig kong sabihin, sa pamamagitan ng edukasyon ay matutulungan natin ang mga tao na magkaroon ng higit na kabatiran tungkol sa mga karapatang pantao. Sabihin pa, malaking hamon iyan dahil nasasangkot dito ang pagbabago ng pag-iisip. Kaya nga, sampung taon na ang nakalipas, naglunsad ang UN ng isang pambuong-daigdig na kampanya ng paghahatid ng impormasyon sa publiko upang turuan ang mga tao tungkol sa kanilang mga karapatan at ang mga bansa naman tungkol sa kanilang mga responsibilidad. Karagdagan pa, itinakda ng UN ang mga taon ng 1995 hanggang 2004 bilang ang “Dekada ng Edukasyon Para sa mga Karapatang Pantao.” Sana, mabago ng edukasyon ang isip at puso ng mga tao. Maaaring halos kagaya ito ng Ebanghelyo, pero pagdating sa edukasyon para sa mga karapatang pantao, ako’y isang tunay na mananampalataya. Umaasa ako na tatanggapin ng daigdig ang lipunan ng mga karapatang pantao bilang ideolohiya nito sa susunod na siglo.

[Kahon sa pahina 7]

Ang Pang-Internasyonal na Katipunan ng mga Karapatang Pantao

Bukod sa Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao, umiiral din ang isang Pang-internasyonal na Katipunan ng mga Karapatang Pantao. Paano nagkakaugnay ang mga ito?

Buweno, kung ihahambing mo ang Pang-internasyonal na Katipunan ng mga Karapatang Pantao sa isang aklat na may limang kabanata, kung gayon ay maihahalintulad sa kabanata 1 ang Pansansinukob na Deklarasyon. Ang mga kabanata 2 at 3 ang siyang Pang-internasyonal na Kasunduan sa mga Karapatang Sibil at Pulitikal at ang Pang-internasyonal na Kasunduan sa mga Karapatang Pangkabuhayan, Panlipunan at Pangkultura. At ang kabanata 4 at 5 ay parehong naglalaman ng Opsyonal na Protokol.

Samantalang ang Pansansinukob na Deklarasyon ay inaakalang may moral na kahalagahan, anupat sinasabi sa mga bansa kung ano ang dapat nilang gawin, ang apat na karagdagang dokumentong ito ay may bisa ayon sa batas, anupat sinasabi sa mga bansa kung ano ang kailangan nilang gawin. Bagaman sinimulan ang pagbuo sa mga dokumentong ito noong 1949, gumugol ng mga dekada bago nagkaroon ng bisa ang lahat ng ito. Sa ngayon, ang apat na dokumentong ito kasama na ang Pansansinukob na Deklarasyon ang siyang bumubuo sa Pang-internasyonal na Katipunan ng mga Karapatang Pantao.

Bukod sa Pang-internasyonal na Katipunan na ito, pinagtibay ng UN ang mahigit sa 80 iba pang mga kasunduan sa mga karapatang pantao. “Kaya isang pagkakamali na isiping ang mga kasunduan sa mga karapatang pantao sa Pang-internasyonal na Katipunan ay mas mahalaga,” komento ng isang dalubhasa sa mga karapatang pantao. “Halimbawa, ang 1990 Kombensiyon sa mga Karapatan ng Bata ang siyang pinakamalaganap na pinagtibay at pansansinukob na dokumento ng UN, gayunma’y hindi ito bahagi ng Pang-internasyonal na Katipunan. Ang terminong ‘Pang-internasyonal na Katipunan ng mga Karapatang Pantao’ ay nilikha lalo na para gamitin sa publisidad kaysa bilang isang pormal na ideya. At, sasang-ayon ka, na ito ay isang nakalilinlang na parirala.”a

[Talababa]

a Habang isinusulat ito, 191 bansa (183 ng mga miyembrong bansa ng UN pati na ang 8 bansa na hindi miyembro) ang nagpatibay sa Kombensiyon ng mga Karapatan ng Bata. Dalawang bansa lamang ang hindi nagpatibay nito: ang Somalia at ang Estados Unidos.

[Larawan sa pahina 6]

Elsa Stamatopoulou

[Credit Line]

UN/DPI photo ni J. Isaac

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share