Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/22 p. 8-11
  • Mga Karapatan at Kamalian ng Tao sa Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Karapatan at Kamalian ng Tao sa Ngayon
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkakapantay-pantay ng Lahat?
  • Mga Batang Hindi Nakaranas ng Pagkabata
  • Pagpili at Pagbabago ng Relihiyon ng Isang Tao
  • Nananakit ang Likod Ngunit Walang Laman ang Pitaka
  • Medikal na Pangangalaga Para sa Lahat?
  • Isang Pananaw Mula sa Ika-29 na Palapag
    Gumising!—1998
  • ‘Natapos ang Isang Maghapong Trabaho’
    Gumising!—1998
  • Karapatang Pantao Para sa Lahat—Iiral sa Buong Daigdig!
    Gumising!—1998
  • Mga Karapatan na Walang Pananagutan?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/22 p. 8-11

Mga Karapatan at Kamalian ng Tao sa Ngayon

KAMAKAILAN ay nakagawa ng isang pambihirang bagay ang mga tagapagtaguyod ng mga karapatang pantao. Una, pinagkaisa nila ang mahigit sa 1,000 organisasyon sa 60 bansa sa isang kilusan na tinatawag na International Campaign to Ban Landmines (ICBL). Pagkatapos, isinulong nila ang isang pang-internasyonal na kasunduan na nagbabawal sa mga sandatang ito. Pagkatapos nito, ang ICBL at ang waring di-napapagod na direktor nito, ang Amerikanong aktibista na si Jody Williams, ay nanalo ng Nobel Peace Prize para sa 1997.

Subalit kaakibat ng gayong tagumpay ang isang seryosong komento. Gaya ng binanggit ng Human Rights Watch World Report 1998, ang pagpapairal ng mga karapatang pantao sa lahat ng dako ay “sumasailalim [pa rin] ng patuloy na pagsalakay.” At hindi lamang ang tinaguriang mahinang uring mga diktadura ang dapat sisihin. “Ang pangunahing mga kapangyarihan,” sabi ng ulat, “ay nagpakita ng kapansin-pansing hilig na ipagwalang-bahala ang mga karapatang pantao kapag napatunayang di-kombinyente ang mga ito sa mga kapakanang pang-ekonomiya o pang-estratehiya​—isang karamdaman na pangkaraniwan kapuwa sa Europa at sa Estados Unidos.”

Para sa milyun-milyong tao sa buong daigdig, imposibleng ipagwalang-bahala ang mga paglabag sa karapatang pantao. Nararanasan pa rin nila sa araw-araw ang pagtatangi, kahirapan, pagkagutom, pag-uusig, panghahalay, pang-aabuso sa bata, pang-aalipin, at marahas na kamatayan. Sa mga biktimang ito, ang magagandang kalagayan na nakasaad sa gabundok na salansan ng mga kasunduan sa mga karapatang pantao ay isang libong milya ang layo sa daigdig na nakikilala nila. Sa katunayan, para sa karamihan ng mga tao, kahit ang mga saligang karapatan na nakatala sa 30 artikulo sa Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao ay nananatiling isang pangakong napapako. Upang ilarawan, tingnan sandali kung paano gumagana sa pang-araw-araw na buhay ang ilan sa matatayog na karapatang binanggit sa Deklarasyon.

Pagkakapantay-pantay ng Lahat?

Ang lahat ng tao [human beings] ay ipinanganganak na malaya at pantay-pantay sa dignidad at mga karapatan.​—Artikulo 1.

Ang isang naunang balangkas ng Artikulo 1 sa Pansansinukob na Deklarasyon ay nagsabi: “Ang lahat ng tao [men] ay . . . pantay-pantay.” Gayunman, upang tiyakin na ang pangungusap na ito ay hindi bibigyang kahulugan na hindi kasali ang mga kababaihan, iginiit ng mga babaing miyembro ng nagbabalangkas na komisyon na baguhin ang pananalita. Nanaig sila, at “ang lahat ng tao [men] . . . ay pantay-pantay” ay naging “ang lahat ng tao [human beings] ay . . . pantay-pantay.” (Amin ang italiko.) Ngunit binago ba ng pagbabago sa mga salita ng artikulong ito ang katayuan ng mga kababaihan?

Noong Disyembre 10, 1997, Araw ng mga Karapatang Pantao, sinabi ng Unang Ginang ng Estados Unidos, si Hillary Clinton, sa UN na ang daigdig ay patuloy na “nakikitungo sa mga kababaihan bilang nakabababa sa ganap na mga mamamayan.” Nagbigay siya ng ilang halimbawa: Sa mga dukha sa daigdig, 70 porsiyento ay mga kababaihan. Dalawang-katlo ng 130 milyong bata sa daigdig na hindi makapag-aral ay mga batang babae. Dalawang-katlo ng 96 milyon sa daigdig na hindi marunong bumasa’t sumulat ay mga kababaihan. Matindi rin ang pagdurusa ng mga kababaihan bunga ng karahasan sa tahanan at sekso, na nananatiling “isa sa pinakamadalas na di-iniuulat at palasak na paglabag sa mga karapatang pantao sa daigdig,” sabi pa ni Gng. Clinton.

Ang ilang kababaihan ay nagiging biktima ng karahasan bago pa man sila isilang. Lalo na sa ilang bansa sa Asia, ipinalalaglag ng ilang ina ang kanilang di pa naisisilang na mga sanggol na babae dahil mas gusto nila ang mga anak na lalaki kaysa mga babae. Sa ilang lugar, ang henetikong pagsusuri ng kasarian ay naging isang malaking negosyo dahil sa ginagawang pagpili sa mga anak na lalaki. Isang klinika sa pagsusuri ng kasarian ang nag-anunsiyo ng mga serbisyo nito sa pamamagitan ng pagmumungkahi na mas mabuti pa ang gumastos ng $38 ngayon sa pagpapalaglag ng ipinagbubuntis na sanggol na babae kaysa sa gumastos ng $3,800 sa bandang huli para mabayaran ang kaniyang dote. Naging mabisa ang gayong mga anunsiyo. Natuklasan sa isang pag-aaral na isinagawa sa isang malaking ospital sa Asia na 95.5 porsiyento ng nakilalang ipinagbubuntis na sanggol na babae ang ipinalaglag. Mas gusto rin ang mga anak na lalaki sa ilang bahagi ng daigdig. Nang tanungin ang isang dating kampeon sa boksing sa Estados Unidos kung ilan ang kaniyang naging anak, ganito ang sagot niya: “Isang lalaki at pitong pagkakamali.” Binanggit ng publikasyon ng UN na Women and Violence na “ang pagbabago sa saloobin at kaisipan ng mga tao hinggil sa mga kababaihan ay mangangailangan ng matagal na panahon​—di-kukulangin sa isang salinlahi, ayon sa marami, at marahil mas matagal pa.”

Mga Batang Hindi Nakaranas ng Pagkabata

Walang sinuman ang dapat alipinin o manilbihan; ang pang-aalipin at ang pagbebenta ng mga alipin ay ipagbabawal sa lahat ng anyo nito.​—Artikulo 4.

Sa papel, wala nang pang-aalipin. Ang mga pamahalaan ay lumagda ng maraming kasunduan na nagbabawal sa pang-aalipin. Gayunman, ayon sa Anti-Slavery Society ng Britanya, na kilala bilang ang pinakamatandang organisasyon sa daigdig para sa mga karapatang pantao, “mas maraming alipin ngayon kaysa noon.” Kasali sa modernong-panahong pang-aalipin ang iba’t ibang uri ng paglabag sa mga karapatang pantao. Ang sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata ay isang anyo ng pang-aalipin sa ngayon.

Si Derivan, isang batang lalaki sa Timog Amerika, ay isang malungkot na halimbawa. ‘Puro galos na ang kaniyang maliliit na kamay dahil sa pagbubuhat ng magagaspang na dahon ng sisal, isang halaman na ginagamit sa paggawa ng mga kutson. Ang trabaho niya ay buhatin ang mga dahon mula sa isang bodega at dalhin ang mga ito sa isang makina na 90 metro ang layo. Sa pagtatapos ng 12-oras na pagtatrabaho sa isang araw, nakabuhat na siya ng isang tonelada ng mga dahon. Si Derivan ay nagsimulang magtrabaho nang siya ay limang taóng gulang. Ngayon ay 11 taong gulang na siya.’​—World Press Review.

Tinatantiya ng International Labour Office na sangkapat ng isang bilyong bata na ang edad ay nasa pagitan ng 5 at 14 ang nagtatrabaho ngayon​—isang hukbo ng mumunting manggagawa na halos kasinlaki ng pinagsamang populasyon ng Brazil at Mexico! Marami sa mga batang ito na hindi nakaranas ng pagkabata ang nagpapagal sa mga minahan, anupat humihila ng mga sisidlang punô ng uling; lumulusong sa mga putikan upang mag-ani ng mga pananim; o nakayuko sa mga habihan upang makagawa ng mga alpombra. Kahit ang mga paslit​—tatlo-, apat-, at limang-taong-gulang​—ay pinagtutuwang nang pangkat-pangkat upang mag-araro, magpunla, at maghimalay sa mga bukid mula sa madaling-araw hanggang sa takipsilim. “Ang mga bata,” sabi ng isang may-ari ng lupa sa isang bansa sa Asia, “ay mas matipid na gamitin kaysa sa mga traktora at mas matalino kaysa sa mga barakong baka.”

Pagpili at Pagbabago ng Relihiyon ng Isang Tao

Ang lahat ay may karapatan sa malayang kaisipan, budhi at relihiyon; kasali sa karapatang ito ang kalayaang magbago ng kaniyang relihiyon.​—Artikulo 18.

Noong Oktubre 16, 1997, ang Pangkalahatang Kapulungan ng UN ay tumanggap ng isang “pansamantalang report hinggil sa pag-aalis ng lahat ng uri ng di-pagpaparaya sa relihiyon.” Ang report, na inihanda ng Pantanging Tagaulat ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao, si Abdelfattah Amor, ay nagtala ng patuloy na mga paglabag sa Artikulo 18. Sa pagbanggit tungkol sa maraming bansa, sinipi ng report ang napakaraming kaso ng ‘pananakot, pagbabanta, pagmamaltrato, pag-aresto, pagpapakulong, pagkawala, at mga pagpaslang.’

Katulad nito, sinabi ng 1997 Human Rights Reports, na tinipon ng Kawanihan sa Demokrasya, Karapatang Pantao, at Paggawa sa Estados Unidos, na maging ang mga bansa na may matagal nang tradisyon ng demokrasya “ay nagsisikap na takdaan ang mga kalayaan ng isang naiibang grupo ng minoryang mga pananampalataya, anupat pinagsasama-samang lahat ang mga ito bilang ‘mga kulto.’ ” Nakababahala ang gayong kalakaran. Ganito ang sabi ni Willy Fautré, presidente ng organisasyong Human Rights Without Frontiers na nakabase sa Brussels: “Ang kalayaan sa relihiyon ay isa sa pinakamaliliwanag na pahiwatig ng pangkalahatang kalagayan ng kalayaan ng tao sa anumang lipunan.”

Nananakit ang Likod Ngunit Walang Laman ang Pitaka

Ang bawat isa na nagtatrabaho ay may karapatan sa makatuwiran at angkop na kabayaran upang makatiyak para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya ng isang pamumuhay na nararapat sa isang taong may dignidad.​—Artikulo 23.

Ang mga mamumutol ng tubó sa Caribbean ay maaaring kumita ng tatlong dolyar sa isang araw, ngunit ang halaga ng upa at kasangkapan ay nagbabaon sa kanila sa pagkakautang sa mga may-ari ng taniman. Karagdagan pa, hindi sila binabayaran ng salapi kundi sa pamamagitan ng mga voucher (resibo sa paggasta). At yamang ang tindahan ng kompanya ng taniman ang siyang tanging tindahan na mararating ng mga mamumutol, napipilitan silang bumili roon ng kanilang mantika, bigas, at balatong. Subalit bilang singil sa serbisyo para sa pagtanggap sa voucher ng mga manggagawa, binabawasan ng tindahan ng 10 hanggang 20 porsiyento ang halaga ng voucher. Ganito ang sabi ni Bill O’Neill, katulong na direktor ng Komite ng mga Abogado Para sa mga Karapatang Pantao, sa isang pagsasahimpapawid ng UN sa radyo: “Sa katapusan ng panahon ng pag-aani, wala pa rin silang pera sa kabila ng mga sanlinggo at mga buwan ng mabigat na trabaho. Wala silang naipon, at halos muntik na silang di-makaraos sa panahong iyon.”

Medikal na Pangangalaga Para sa Lahat?

Ang lahat ay may karapatan sa isang antas ng pamumuhay na sasapat sa kalusugan at kapakanan ng kaniyang sarili at ng kaniyang pamilya, kasali na ang pagkain, pananamit, pabahay at medikal na pangangalaga.​—Artikulo 25.

‘Sina Ricardo at Justina ay mga dukhang Latino Amerikanong magsasaka na nakatira mga 80 kilometro ang layo sa pinakamalapit na lunsod. Nang magkasakit si Gemma, ang kanilang sanggol na babae, dinala nila siya sa isang pribadong klinika, ngunit tinanggihan sila ng mga tauhan dahil maliwanag na walang pambayad si Ricardo. Kinabukasan, nanghiram si Justina ng pera sa mga kapitbahay upang maipamasahe at makapaglakbay siya patungo sa malayong lunsod. Nang sa wakas ay makarating si Justina at ang sanggol sa maliit na ospital ng pamahalaan sa lunsod, sinabihan si Justina na walang kama na magagamit at bumalik na lamang siya kinabukasan. Yamang wala siyang mga kamag-anak sa lunsod at walang pambayad sa isang kuwarto, pinalipas ni Justina ang magdamag na iyon sa isang mesa sa palengke. Niyakap ni Justina ang sanggol para mabigyan ito ng ginhawa at proteksiyon, pero nawalan ng saysay. Namatay si Gemma nang gabing iyon.’​—Human Rights and Social Work.

Sa buong daigdig, 1 sa 4 na tao ang nabubuhay lamang sa halos isang dolyar (U.S.) sa isang araw. Nakakaharap nila ang katulad na nakamamatay na suliranin na gaya ng kina Ricardo at Justina: May makukuhang pribadong pangangalaga sa kalusugan ngunit hindi ito abot-kaya, samantalang ang pampublikong pangangalaga sa kalusugan ay abot-kaya ngunit walang makukuha. Nakalulungkot, bagaman ang mahigit sa isang bilyong dukha sa lupa ay may ‘karapatan sa medikal na pangangalaga,’ ang kapakinabangan ng medikal na pangangalaga ay hindi pa rin nila maabot.

Walang katapusan ang nakapangingilabot na talaan ng mga pang-aabuso sa karapatang pantao. Ang mga situwasyong nabanggit ay maaaring paramihin nang daan-daang milyong ulit pa. Sa kabila ng malaking pagsisikap ng mga organisasyon sa mga karapatang pantao at sa kabila ng dedikasyon ng libu-libong aktibista na literal na nagsasapanganib ng kanilang buhay upang mapasulong ang kalagayan ng mga kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa buong daigdig, ang mga karapatang pantao para sa lahat ay nananatili pa ring isang pangarap lamang. Magkakatotoo pa kaya ito? Tiyak na tiyak, ngunit kailangan munang maganap ang ilang pagbabago. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang dalawa sa mga ito.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

Sa kagandahang-loob ng MgM Stiftung Menschen gegen Minen (www.mgm.org)

[Picture Credit Lines sa pahina 9]

UN PHOTO 148051/J. P. Laffont​—SYGMA

WHO photo/PAHO by J. Vizcarra

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share