Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 11/22 p. 15-18
  • Lake Victoria—Malaking Loobang Dagat ng Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lake Victoria—Malaking Loobang Dagat ng Aprika
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinagmumulan ng Nilo
  • Buhay sa Lawa
  • Buhay-Iláng sa Tubig
  • Nanganganib na Katubigan
  • Baikal—Ang Pinakamalalim na Lawa sa Daigdig
    Gumising!—2007
  • Kulay-Rosas na Lawa?
    Gumising!—2005
  • Lawa ng Apoy
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Lumulutang na mga Isla sa Lawa ng Titicaca
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 11/22 p. 15-18

Lake Victoria​—Malaking Loobang Dagat ng Aprika

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya

SA GITNA ng Aprika, noong taóng 1858, nilakad ng nag-iisang Ingles ang lupaing iláng at hindi pa nagagalugad. Naglalakbay na kasama ang ilan lamang Aprikanong kargador at nahihirapan dahil sa sakit, pagod, at kawalang-katiyakan, hinimok niya ang kaniyang mga tauhan na magpatuloy. Hinahanap ni John Hanning Speke ang kanais-nais na bagay na mahirap makita​—ang pinagmumulan ng Nilo.

Palibhasa’y naganyak ng mga kuwento tungkol sa malaking loobang katubigan na tinatawag na Ukerewe ng mga Arabeng mangangalakal ng alipin, binagtas ni Speke ang animo’y walang-katapusang palumpong. Sa wakas, pagkaraan ng 25 araw ng paglalakad, ang maliit na pangkat ng mga manlalakbay ay ginantimpalaan ng isang kahanga-hangang tanawin. Naroon sa harap nila, sa lawak na hanggang sa matatanaw ng mata, ang napakalaking loobang dagat ng tubig-tabang. Nang maglaon ay sumulat si Speke: “Walang kaduda-dudang ang lawang tinutuntungan ko ang pinagmulan ng kawili-wiling ilog na iyon, ang pinagmulan ng naging paksa ng labis na espekulasyon, at ang layon ng napakaraming manggagalugad.” Pinanganlan niya ang kaniyang natuklasan sa karangalan ng nagpupunong reyna ng Inglatera noon​—si Victoria.

Ang Pinagmumulan ng Nilo

Taglay pa rin ng lawa sa ngayon ang pangalan na kilala bilang ang ikalawa sa pinakamalaking tubig-tabang na lawa sa daigdig​—tanging ang Lake Superior, sa Hilagang Amerika, ang mas malaki sa sukat. Tulad ng isang pagkalaki-laking salamin na nagniningning sa araw sa ekwador, ang patag at malasalamin na ibabaw ng Lake Victoria ay may sukat na sumasaklaw ng 69,484 kilometro kudrado. Binabagtas ng ekwador sa hilagaang dulo nito at nasa pagitan ng silangan at kanlurang bahagi ng Great Rift Valley, ang kalakhang bahagi nito ay nasa Tanzania at Uganda at ang hangganan ay nasa Kenya.

Ang pangunahing ilog na pasukan ng lawa ay ang Kagera River sa Tanzania, na tinitipon ang tubig nito mula sa mga bundok ng Rwanda. Gayunman, karamihan ng tubig na umaagos sa Victoria ay mula sa tubig-ulan na natitipon sa napakalaking dakong sumasalo ng tubig na nakapaligid dito, na umaabot ng mahigit sa 200,000 kilometro kudrado ang sukat ng lupa. Ang tanging labasan ng lawa ay sa Jinja, sa Uganda. Sa puntong ito ang tubig ay humuhugos pahilaga at siyang pinagmumulan ng White Nile. Bagaman ang Lake Victoria ay hindi siyang tanging pinagmumulan ng Ilog Nilo, nagsisilbi ito bilang isang malaking imbakan ng tubig na nagpapanatili sa patuloy na daloy ng tubig-tabang at nagsusustine sa buhay hanggang sa Ehipto.

Buhay sa Lawa

Isang naglalayag na bangka, na ang puting layag nito ay kahawig ng isang tuwid na pakpak ng paruparo, ang tumatakbo sa ibabaw ng lawa. Tinatangay ng araw-araw na hangin na mula sa nakapaligid na lupain, ang munting bangka ay inaanod sa gitna ng lawa. Sa katanghalian, ang hangin ay nagbabago at tinatangay ito pabalik sa pinagmulan nito. Ang rutin na ito ay inuulit sa loob ng libu-libong taon ng mga mangingisda sa lawa.

Nakapaligid sa tubig ng Victoria ang mga nayon at baryo, na may mga bahay na ang bubong ay pawid. Para sa mga taganayon ng Nilo, isda ang pangunahing ikinabubuhay, at sila’y dumedepende sa lawa upang maglaan ng kanilang pang-araw-araw na kabuhayan. Nagsisimula ang araw ng mangingisda bago sumikat ang araw. Nililimas ng mga lalaki ang tubig mula sa kanilang tumatagas na mga bangka at pumapalaot sa maulap na katubigan. Umaawit nang magkakatugma ang tono, nagsasagwan sila patungo sa mas malalim na tubig at itinataas ang kanilang punit-punit na layag. Nagmamasid sa baybayin ang kababaihan habang ang mumunting bangka ay naglalaho sa abot-tanaw. Di-nagtatagal at nag-aalisan na sila, sapagkat napakarami pang gagawin.

Samantalang ang mga bata ay nagtatampisaw at naglalaro sa mababaw na tubig, ang mga babae ay naglalaba ng mga damit at sumasalok ng inuming tubig sa lawa. Sa wakas, ang kanilang gawain sa tubig ng pampang ay tapos na. Maingat na sinusunong ang mga banga ng tubig, mga sanggol na nakatali sa kanilang likod, at ang dalawang kamay na bitbit ang mga basket ng mga nilabhan, ang mga babae ay dahan-dahang maglalakad pauwi ng bahay. Doon, nag-aalaga sila ng maliliit na hardin ng mais at balatong, nagtitipon ng gatong na kahoy, at nagkukumpuni ng kanilang mga bahay na yaring-luwad sa pamamagitan ng pinaghalong dumi ng baka at abo. Sa gawi pa roon sa kahabaan ng baybayin, bihasang hinahabi ng mga babae ang mga hibla ng sisal upang gawing matibay na lubid at magagandang basket. Ang bagsak ng palakol ay umaalingawngaw habang tinatabtab ng ilang lalaki ang malalaking kahoy upang maging bangka.

Sa pagsapit ng dilim, ang mga mata ng kababaihan ay muling nakatuon sa napakalawak na dagat ng tubig-tabang. Ang mga dulo ng puting layag sa abot-tanaw ay magbabadya ng pagbabalik ng kalalakihan. Inaasam-asam nila ito, sabik na makita ang kani-kanilang asawa at ang isdang dadalhin nila.

Sa kahabaan ng baybayin ng lawa at mga isla, tinatanggap ng maliliit na pamayanang ito ang mga bisita na nagdadala ng isang mensahe ng kapayapaan. Naglalakad o sakay ng bangka, nararating ang bawat nayon at baryo. Ang mga tao’y mapagpakumbaba at sabik na makinig. Lalo nang tuwang-tuwa silang mabasa ang literatura sa Bibliya na nalimbag sa kanilang sariling wikang Nilotiko at Bantu.

Buhay-Iláng sa Tubig

May mahigit na 400 uri ng isda sa Lake Victoria, ang ilan dito ay hindi masusumpungan saanman sa daigdig. Ang pinakakaraniwan ay ang uri ng isda na tinatawag ng cichlid. Ang makulay na maliit na isdang ito ay may naglalarawang pangalan, gaya ng flameback, pink flush, at Kisumu frogmouth. Ang ilang cichlid ay may pambihirang paraan ng pangangalaga sa kanilang mga anak. Kapag may nagbabantang panganib, ibinubuka nang husto ng magulang na isda ang bibig nito at ang maliliit na anak nito ay nagmamadaling pumasok sa proteksiyon ng nakabukas na bibig. Pagkalampas ng panganib, basta iniluluwa muli nito ang mga ito, at nagbabalik sa kanilang normal na gawain.

Ang Lake Victoria ang tahanan ng magaganda’t sari-saring ibong-tubig. Sumisisid ang mga grebe, cormorant, at anhingas sa ilalim ng tubig at may kasanayang sinisibat ang isda sa pamamagitan ng matutulis na tuka nito. Ang mga tipol, kandangaok, siguanas, at ibis ay lumalakad nang painut-inot sa mababaw na tubig, walang katinag-tinag na humihinto sa kalagitnaan ng hakbang, habang matiyagang naghihintay sa isang walang kamalay-malay na isda na lumangoy na malapit dito. Sa ibabaw, mga kawan ng pelikano ang nagdaraan na parang malalaking-tiyan na mga eroplano. Kapag lumalangoy nang grupu-grupo, pinaiikutan nila ang mga isda at saka sinasalok ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang malalaki’t tulad-basket na mga tuka. Ang agilang kumakain ng isda ang naghahari sa himpapawid, palibhasa’y may malalakas na pakpak. Lumilipad nang mataas mula sa sanga ng isang punungkahoy sa ibabaw ng tubig, mabilis itong sumasalimbay pababa, anupat ang hangin ay humuhuni sa malalakas na pakpak nito, at walang kahirap-hirap na dumadagit ng isda mula sa ibabaw ng lawa. Nagpupugad ang matitingkad-kulay na mga weaverbird sa makakapal na mga palumpong ng mga tambo ng papiro na nakapaligid sa lawa, at ang malungkot na huni ng kalaw ay maririnig sa gawi pa roon ng baybayin sa mga kagubatan ng acacia.

Sa araw at gabi, ang mababang ungal ng mga hippopotamus ay umaalingawngaw sa tahimik na lawa. Natutulog ang mga ito sa katanghalian sa kahabaan ng pampang, na parang makikinis na abuhing bato na ang kalahati’y nakalubog sa mababaw na tubig. Ingat na ingat ang mga tao sa lawa dahil sa mapanganib na buwaya ng Nilo. Ang ilan sa nakatatakot na mga reptilyang ito ay nakatira pa rin sa mas liblib na mga sulok ng Lake Victoria, bagaman ang karamihan sa kanila ay napatay na ng tao.

Nanganganib na Katubigan

Pumutok ang populasyon ng Aprika mula noong panahong unang masilayan ni John Speke ang Victoria. Nakatira sa loob ng mga hangganan ng baybayin ng lawa ang mahigit na 30 milyong tao na ngayo’y umaasa sa tubig-tabang nito para sa kanila mismong ikabubuhay. Noon, ang lokal na mga mangingisda ay umaasa sa tradisyonal na mga paraan ng pangingisda. Nasasangkapan ng hinabing pambitag ng isda, mga lambat na papiro, kawit, at mga sibat, hinuhuli nila ang kailangan nila. Ngayon, sa pagdating ng mga bapor na pamalakaya at mga lambat na yari sa nylon na napakalayo ng naaabot at sumasalok ng tone-toneladang isda sa mas malalim na tubig, isinasapanganib ng labis-labis na pangingisda ang ekolohiya ng lawa.

Ang paglalagay ng eksotikong mga uri ng isda ay lumikha ng hindi pagkakatimbang ng ekolohiya na sumira sa lokal na pangingisda. Nakadaragdag sa kaabahan ng lawa ang water hyacinth, isang lumulutang na tambo na may magandang purpurang bulaklak. Galing sa Timog Amerika, ang tambo ay napakabilis na tumutubo anupat nababarahan at nasasakal nito ang malalaking dako ng baybayin ng lawa at mga ilog na pasukan, sa gayo’y nahahadlangan ang pagtungo sa mga dalampasigan at mga piyer ng mga barkong pangkargamento, mga barkong pampasahero, at mga bangka ng lokal na mga mangingisda. Naisasapanganib ang kinabukasan ng lawa dahil sa pagkalbo sa kagubatan sa lugar kung saan natitipon ang tubig ng lawa, sa dumi ng alkantarilya, at sa industriyalisasyon.

Makaligtas kaya ang Lake Victoria? Pinagtatalunan pa ang tanong na iyan, at walang tiyak na nakaaalam kung paano malulutas ang marami sa mga problema nito. Gayunpaman, ang Lake Victoria ay isang likas na kagandahan na malamang na mamamalagi sa lupa pagkatapos alisin ng Kaharian ng Diyos yaong mga “sumisira sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Sa panahong iyon, maaaring bulay-bulayin ng sangkatauhan ang kagandahan ng malaking loobang dagat ng Aprika sa lahat ng panahon.

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

Ang Isda na Sumisira sa Lawa

Malangis ito, matakaw, mabilis dumami, at lumalaki hanggang sa haba na anim na talampakan. Ano ba ito? Lates niloticus! Karaniwang kilala bilang ang Nile perch, ang napakalaki at gutom na gutom na isdang ito, na dinala sa Lake Victoria noong mga taon ng 1950, ay napatunayang isang kasakunaan sa ekolohiya. Sa loob ng 40 taon ay naubos nito ang halos kalahati ng 400 katutubong uri ng isda sa lawa. Isinapanganib ng lansakang paglipol na ito ang pinagmumulan ng pagkain ng milyun-milyong tagaroon na dumedepende sa mas maliliit na tilapia, cichlid, at iba pang katutubong isda upang pakanin ang kani-kanilang pamilya. Ang maliliit na isdang ito ang siya ring may pananagutan sa kalinisan ng lawa. Ang ilan sa kanila ay kumakain ng suso na sanhi ng nakapanghihilakbot na sakit na bilharzia, anupat tumutulong upang mabawasan ang paglitaw ng sakit. Kinakain naman ng iba ang mga lumot at iba pang halamang dagat na ngayo’y hindi mapigilan ang pagdami. Ang di-masawatang pagdaming ito ay lumikha ng kalagayan na tinatawag na eutrophication, na doon nauubos ang oksiheno sa tubig dahil sa nabubulok na pananim. Dahil sa mas kaunting katutubong isda ang maglilinis nito, dumami ang mga “dead zone,” mga dako ng tubig na walang oksiheno, anupat pumapatay ng mas maraming isda. Palibhasa’y kaunting isda lamang ang makakain, ang laging gutom na Nile perch ay bumabaling sa isang bagong pinagmumulan ng pagkain​—ang mga anak nito! Isinasapanganib ngayon ng isda na sumisira sa lawa ang sarili nito!

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UGANDA

KENYA

TANZANIA

LAKE VICTORIA

[Larawan sa pahina 15]

Pagpapatotoo sa mga baybayin ng Lake Victoria

[Larawan sa pahina 16]

Weaverbird

[Larawan sa pahina 16, 17]

Mga pelikano

[Larawan sa pahina 17]

Tagak

[Larawan sa pahina 16, 17]

Buwaya ng Nilo

[Larawan sa pahina 16, 17]

Kandangaok na nakatayo sa hippo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share