LAWA NG APOY
Ang pananalitang ito ay sa aklat ng Apocalipsis lamang lumilitaw at maliwanag na makasagisag. Ibinibigay mismo ng Bibliya ang paliwanag at katuturan ng sagisag na ito sa pagsasabing: “Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.”—Apo 20:14; 21:8.
Sa mga paglitaw nito sa aklat ng Apocalipsis, ipinakikita rin ng konteksto na makasagisag ang lawa ng apoy. Ang kamatayan ay sinasabing ihahagis sa lawa ng apoy na ito. (Apo 19:20; 20:14) Maliwanag na hindi maaaring literal na masunog ang kamatayan. Karagdagan pa, ang Diyablo, isang di-nakikitang espiritung nilalang, ay ihahagis sa lawang ito. Palibhasa’y espiritu, hindi siya maaaring mapinsala ng literal na apoy.—Apo 20:10; ihambing ang Exo 3:2 at Huk 13:20.
Yamang ang lawa ng apoy ay kumakatawan sa “ikalawang kamatayan” at yamang sinasabi ng Apocalipsis 20:14 na kapuwa ang “kamatayan at ang Hades” ay ihahagis doon, maliwanag na ang lawa ay hindi maaaring kumatawan sa kamatayang minana ng tao kay Adan (Ro 5:12), ni tumutukoy man ito sa Hades (Sheol). Samakatuwid, tiyak na sumasagisag ito sa ibang uri ng kamatayan, isa na hindi mapawawalang-bisa, sapagkat walang binabanggit ang ulat na ibibigay ng “lawa” yaong mga naroon, di-gaya ng gagawin ng Adanikong kamatayan at ng Hades (Sheol). (Apo 20:13) Kaya naman yaong mga hindi masusumpungang nakasulat sa “aklat ng buhay,” na mga di-nagsisising mananalansang sa soberanya ng Diyos, ay ihahagis sa lawa ng apoy, na nangangahulugang walang-hanggang pagkapuksa, o ang ikalawang kamatayan.—Apo 20:15.
Bagaman nililinaw ng nabanggit na mga teksto na ang lawa ng apoy ay makasagisag, ginagamit ito ng iba para suportahan ang paniniwala sa isang literal na dako ng apoy at pagpapahirap. Ginagamit nila ang Apocalipsis 20:10, dahil sinasabi nito na ang Diyablo, ang mabangis na hayop, at ang bulaang propeta ay ‘pahihirapan araw at gabi magpakailan-kailanman’ sa lawa ng apoy. Gayunman, hindi ito maaaring tumukoy sa pagpapahirap sa mga may-malay. Yaong mga ihahagis sa lawa ng apoy ay daranas ng “ikalawang kamatayan.” (Apo 20:14) Sa kamatayan ay walang kabatiran, o kamalayan, samakatuwid, walang pagkadama ng kirot o paghihirap.—Ec 9:5.
Sa Kasulatan, ang maapoy na pagpapahirap ay iniuugnay sa pagkapuksa at kamatayan. Halimbawa, sa Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan, ang salita para sa pagpapahirap (baʹsa·nos) ay ilang ulit na ginagamit upang tumukoy sa parusang kamatayan. (Eze 3:20; 32:24, 30) Sa katulad na paraan, hinggil sa Babilonyang Dakila, sinasabi ng aklat ng Apocalipsis na “ang mga hari sa lupa . . . ay tatangis at dadagukan ang kanilang sarili sa pamimighati dahil sa kaniya, kapag nakita nila ang usok na mula sa pagsunog sa kaniya, habang nakatayo sila sa malayo dahil sa kanilang takot sa pahirap [sa Gr., ba·sa·ni·smouʹ] sa kaniya.” (Apo 18:9, 10) May kinalaman sa kahulugan ng pagpapahirap na ito, isang anghel ang nagpaliwanag: “Gayon ibubulid sa isang mabilis na paghahagis ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli.” (Apo 18:21) Kaya naman, ang maapoy na pagpapahirap dito ay katumbas ng pagkapuksa, at sa kaso ng Babilonyang Dakila, ito ay walang-hanggang pagkapuksa.—Ihambing ang Apo 17:16; 18:8, 15-17, 19.
Samakatuwid, yaong mga ‘pahihirapan magpakailanman’ (mula sa Gr., ba·sa·niʹzo) sa lawa ng apoy ay daranas ng “ikalawang kamatayan” na mula roo’y wala nang pagkabuhay-muli. Ang kaugnay na salitang Griego na ba·sa·ni·stesʹ ay isinasalin bilang “tagapagbilanggo” sa Mateo 18:34. (RS, NW, ED; ihambing ang tal 30.) Sa gayon, yaong mga ihahagis sa lawa ng apoy ay mapipigilan, o “mabibilanggo,” nang walang hanggan sa kamatayan.—Tingnan ang GEHENNA; PAHIRAP.