Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 1/22 p. 6-9
  • Ano ang Sanhi ng mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Sanhi ng mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kultura na Nagpaparangal sa Kapayatan
  • Ang Pagkain at ang Emosyon
  • Mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain—Ano ang Makatutulong?
    Gumising!—1999
  • Kapag Kaaway Mo ang Pagkain
    Gumising!—1999
  • Sino ang Nagkakaroon ng mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain?
    Gumising!—1990
  • Bakit Isang Modernong-Panahong Salot?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 1/22 p. 6-9

Ano ang Sanhi ng mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain?

“Hindi basta na lamang lumilitaw ang isang sakit na nauugnay sa pagkain. Ito’y isang sintomas, isang palatandaan na may isang bagay na mali sa buhay ng isang tao.”​—Nancy Kolodny, social worker.

HINDI na bago ang mga sakit na nauugnay sa pagkain. Unang pormal na nasuri ang anorexia nervosa noong 1873, at ang mga sintomas ay naiulat na napansin mga 300 taon ang nakalipas. Subalit mula noong Digmaang Pandaigdig II, waring biglang dumami ang mga anorexic. Gayundin ang situwasyon kung tungkol sa bulimia. Ang sakit na ito ay kilala na sa loob ng maraming siglo, ngunit sa nakalipas na mga dekada, gaya ng pagkasabi ng isang aklat, “pumagitna ito sa eksena.”

Ano ba ang nasa likod ng mga sakit na nauugnay sa pagkain? Ang mga ito ba’y minana, o di-pangkaraniwang reaksiyon sa isang kultura na lumuluwalhati sa kapayatan? Anong papel ang ginagampanan ng kapaligiran sa pamilya? Hindi madaling sagutin ang mga tanong na ito. Gaya ng sabi ng social worker na si Nancy Kolodny, ang pagbibigay-katuturan sa isang sakit na nauugnay sa pagkain “ay hindi tuwiran na gaya sa pagsusuri ng isang sakit na gaya ng tigdas o bulutong-tubig, kung saan alam ng doktor kung ano talaga ang sanhi, kung paano mo nakuha ito, kung hanggang kailan tatagal ang karamdaman, at kung ano ang pinakamabisang paraan ng paggamot.”

Gayunpaman, itinuturo ng mga mananaliksik ang maraming salik na maaaring sanhi ng pagkakaroon ng mga sakit na nauugnay sa pagkain. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.

Ang Kultura na Nagpaparangal sa Kapayatan

Sa nakaririwasang mga lupain, ang industriya ng moda ay nagpaparada ng napakapayat na mga modelo sa harap ng mga kabataan at humahangang manonood, anupat ikinikintal sa kanila ang ideya na maganda lamang ang isang babae kapag siya’y payat. Ang pilipit na mensaheng ito ay nag-uudyok sa maraming babae na pagsikapang magkaroon ng timbang na kapuwa di-nakabubuti at di-makatotohanan. Ganito ang sabi ni Dr. Christine Davies: “Ang pangkaraniwang babae ay may taas na limang talampakan, limang pulgada at may timbang na 145 libra. Ang pangkaraniwang modelo ay may taas na limang talampakan, 11 pulgada at 110 libra. Siyamnapu’t limang porsiyento sa atin ang hindi makaaabot at hindi kailanman makaaabot nito.”

Sa kabila nito, gagawin ng ilang babae ang lahat upang magkaroon lamang ng inaakala nilang modelong pangangatawan. Halimbawa, sa isang surbey noong 1997 sa 3,452 kababaihan, 24 na porsiyento ang nagsabing handa nilang isakripisyo ang tatlong taon ng kanilang buhay upang makamit lamang ang kanilang minimithing timbang. Para sa isang kapansin-pansing minorya, sabi ng surbey, “ang buhay ay may kabuluhan lamang kung ikaw ay payat.” Yamang 22 porsiyento ng mga sinurbey ang nagsabing naimpluwensiyahan ng mga modelo sa mga magasin tungkol sa moda ang minimithi nilang pangangatawan noong sila’y bata pa, sinabi ng ulat: “Hindi na maaaring itanggi ang bagay na ang larawan ng mga modelo sa media ay may malaking epekto sa paraan ng pagtingin ng mga babae sa kanilang sarili.”

Sabihin pa, yaong malamang na masilo sa artipisyal na huwaran ng media ay yaong may mababang pagtingin sa kanilang sarili. Gaya ng sabi ng isang nagsusuring social worker na si Ilene Fishman, “ang ugat ay ang pagpapahalaga sa sarili.” Napansin na ang mga taong nasisiyahan na sa kanilang hitsura ay bihirang kakitaan ng pagkahibang sa pagkain.

Ang Pagkain at ang Emosyon

Sinasabi ng maraming eksperto na bukod sa pagkain, higit pa ang nasasangkot sa mga sakit na nauugnay sa pagkain. “Ang isang sakit na nauugnay sa pagkain ay isang pulang bandila,” sabi ng social worker na si Nancy Kolodny, “na nagsasabi sa iyong kailangan mong bigyang-pansin ang ilang kalagayan sa iyong buhay na ipinagwawalang-bahala o iniiwasan mo. Ang isang sakit na nauugnay sa pagkain ay paalaala sa iyo na hindi mo ipinakikipag-usap ang anumang kaigtingan o siphayo na maaaring nararanasan mo.”

Anong uri ng mga kaigtingan at siphayo? Para sa ilan, maaaring may kinalaman ito sa mga suliranin sa tahanan. Halimbawa, nagunita ni Geneen Roth na noong bata pa siya, ang pagkain​—lalo na ang matatamis​—ay naging kaniyang “panlaban sa binabalibag na mga pintuan at mga sigawan.” Sabi niya: “Kapag nadarama kong malapit nang mag-away ang aking mga magulang, bigla kong ibabaling ang aking isip, na para bang naglilipat ka lamang ng channel sa TV, mula sa pagkadama na hindi ko maipagtatanggol ang aking sarili mula sa aking ina at ama tungo sa isang daigdig na doo’y walang ibang umiiral kundi ako lamang at ang matamis sa aking bibig.”

Kung minsan, mas malalim pa ang ugat ng isang sakit na nauugnay sa pagkain. Halimbawa, sinabi ng aklat na The New Teenage Body Book: “Ipinakikita ng mga pag-aaral na maaaring hindi namamalayan niyaong may mapait na karanasan sa sekso (pag-abuso o pagmolestiya) na sinisikap nilang ipagsanggalang ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpapapangit ng kanilang katawan at pagtutuon ng kanilang pansin sa isang ligtas na bagay tulad ng pagkain.” Mangyari pa, hindi dapat padalus-dalos ang mga tao sa pagsasabi na ang isa na pinahihirapan ng sakit na nauugnay sa pagkain ay seksuwal na minolestiya.

Ang mga binhi ng sakit na nauugnay sa pagkain ay maaaring ihasik sa waring mapayapang lupain. Sa katunayan, ang isang pangunahing kandidato sa anorexia ay maaaring isang batang babae na nasa isang kapaligiran na doo’y hindi siya malayang gumawa ng sariling mga pasiya o magpahayag ng kaniyang negatibong damdamin. Sa panlabas, sumusunod siya; pero sa loob, siya’y naliligalig at nakadaramang wala siyang kontrol sa sarili niyang buhay. Palibhasa’y hindi nangangahas na hayagang magrebelde, nagtutuon siya ng pansin sa isang bahagi ng kaniyang buhay na nakokontrol niya​—ang kaniyang katawan.

Gayunman, dapat tandaan na ang mga sakit na nauugnay sa pagkain ay hindi laging bunga ng kaligaligan sa pamilya o mapait na karanasan sa sekso. Para sa ilan, lumilitaw ang sakit na nauugnay sa pagkain dahil lamang sa ang timbang ay isang nangingibabaw na isyu sa pamilya. Marahil ang isang magulang ay labis-labis ang timbang o palaging nagdidiyeta at nagpapasigla ng isang lubhang maingat​—o nakatatakot pa nga​—na saloobin tungkol sa pagkain. Para sa iba naman, ang pagsisimula ng pagbibinata’t pagdadalaga ay isang dahilan sa ganang sarili nito. Ang mga pagbabago sa katawan na bahagi ng nalalapit na pagkaadulto ay maaaring magpadama sa isang batang babae na siya ay mataba​—lalo na kung mas mabilis siyang magdalaga kaysa sa kaniyang mga kaedad. Baka umabot pa siya sa puntong hinahadlangan niya ang mga hubog ng pagkababae kung nasusumpungan niyang nakatatakot ang pagbabagong ito.

Bukod sa pagbanggit sa mga emosyonal na salik, sinasabi ng ilang mananaliksik na maaaring may pisikal na salik na nasasangkot. Halimbawa, sinasabi nila na ang bulimia ay maaaring nakaugat sa kemistri ng utak ng may ganitong sakit. Inaangkin nila na nasasangkot ang bahagi ng utak na kumokontrol sa damdamin at gana at maaaring ipinaliliwanag nito kung bakit mabisa kung minsan ang mga pampakalma para maibsan ang mga sintomas ng bulimia.

Anuman ang kalagayan, mahirap para sa mga mananaliksik na ituro ang nag-iisang salik na sanhi ng anorexia o bulimia. Pero ano ba ang magagawa upang matulungan yaong nakikipagpunyagi sa mga sakit na ito na nauugnay sa pagkain?

[Larawan sa pahina 7]

Kadalasang pilipit ang pangmalas ng mga anorexic sa kanilang hitsura

[Larawan sa pahina 8, 9]

Itinatampok ng media ang ideya na ang payat ay maganda

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share