Mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain—Ano ang Makatutulong?
KUNG may sakit na nauugnay sa pagkain ang iyong anak na babae, kailangan niya ng tulong. Huwag ipagpaliban ang mga bagay-bagay sa pag-aakalang basta na lamang lilipas ang sakit na ito. Ang sakit na nauugnay sa pagkain ay isang masalimuot na karamdaman, na may bahaging pisikal at emosyonal.
Mangyari pa, nagharap ang mga eksperto ng nakalilitong dami ng paggamot para sa mga sakit na nauugnay sa pagkain. Ang ilan ay nagrerekomenda ng medikasyon. Iminumungkahi naman ng iba ang psychotherapy (paggamot ng mental o emosyonal na karamdaman sa pamamagitan ng sikolohiya). Marami ang nagsasabi na napakabisa ang kombinasyon ng dalawang ito. Nariyan pa ang pagpapayo tungkol sa pamilya, na sinasabi ng ilan ay lalo nang mahalaga kung ang maysakit ay nakatira pa rin sa kanilang tahanan.a
Bagaman nagkakaiba ang mga eksperto sa kanilang pamamaraan, ang karamihan ay sumasang-ayon sa di-kukulangin sa isang punto: Hindi lamang tungkol sa pagkain ang mga sakit na nauugnay sa pagkain. Suriin natin ang ilang mas malalalim na isyu na karaniwan nang kailangang harapin kapag tinutulungan ang isang tao na gumaling mula sa anorexia o bulimia.
Isang Timbang na Pangmalas sa Minimithing Pangangatawan
“Talagang tinigilan ko na ang pagbili ng mga magasin tungkol sa moda nang ako’y mga 24 anyos,” sabi ng isang babae. “Nagkaroon ng napakatindi at negatibong epekto ang paghahambing ko ng aking sarili sa mga modelo.” Gaya ng natalakay na, maaaring pilipitin ng media ang ideya ng isang batang babae tungkol sa kagandahan. Sa katunayan, binanggit ng ina ng isang batang babaing may sakit na nauugnay sa pagkain ang tungkol sa “walang-tigil na publisidad sa ating mga pahayagan at magasin at telebisyon na nag-aanunsiyo ng pagiging payat, payat, payat.” Sabi niya: “Gusto naming mag-ina ang pagiging balingkinitan, ngunit nadarama namin na ang sunud-sunod na pag-aanunsiyo ay nagiging siyang pinakamahalagang bagay sa buhay, na una sa lahat.” Maliwanag, ang paggaling mula sa isang sakit na nauugnay sa pagkain ay maaaring mangailangan ng pagtanggap sa mga bagong paniniwala tungkol sa kung ano ang katangian ng tunay na kagandahan.
Makatutulong ang Bibliya sa bagay na ito. Sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pedro: “Huwag hayaan na ang inyong panggayak ay maging yaong panlabas na pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi hayaang ito ay maging ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na may napakalaking halaga sa mga mata ng Diyos.”—1 Pedro 3:3, 4.
Sinasabi ni Pedro na dapat tayong lalong magtuon ng pansin sa panloob na mga katangian kaysa sa panlabas na anyo. Sa katunayan, tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang paraan ng pagtingin ng tao ay di-gaya ng sa Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Nakaaaliw ito, sapagkat bagaman hindi natin mababago ang ilang katangian ng ating pangangatawan, lagi nating mapasusulong ang uri ng ating pagkatao.—Efeso 4:22-24.
Yamang ang mga sakit na nauugnay sa pagkain ay maaaring dahil sa mababang pagtingin sa sarili, baka kailanganin mo na muling suriin ang iyong sarili bilang isang tao. Totoo, sinasabi sa atin ng Bibliya na huwag tayong mag-isip nang higit sa ating sarili kaysa sa nararapat. (Roma 12:3) Ngunit sinasabi rin nito sa atin na maging ang isang maya ay mahalaga sa paningin ng Diyos, anupat idinagdag: “Kayo ay mas mahalaga kaysa maraming maya.” (Lucas 12:6, 7) Kaya ang Bibliya ay makatutulong sa iyo upang magkaroon ng paggalang sa sarili. Pahalagahan mo ang iyong katawan, at aalagaan mo ito.—Ihambing ang Efeso 5:29.
Pero paano kung talagang kailangan mong magbawas ng timbang? Marahil ay makatutulong ang isang nakapagpapalusog na diyeta at isang programa sa ehersisyo. Sinasabi naman ng Bibliya na “ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang,” kahit na limitado lamang. (1 Timoteo 4:8) Pero hindi ka dapat labis na mabahala sa iyong timbang. “Marahil ang pinakamatalinong gawin,” pagtatapos ng isang surbey sa minimithing pangangatawan, “ay ang palaging mag-ehersisyo—at tanggapin ang iyong sarili kung ano ka sa halip na sikaping hubugin ang iyong sarili sa isang huwaran na limitado ang pagpapakahulugan at ayon lamang sa kapritso.” Natuklasan ng isang 33-taong-gulang na babaing taga-Estados Unidos na kapaki-pakinabang ang pamamaraang ito. “Mayroon akong isang simpleng alituntunin,” sabi niya. “Sikaping pasulungin kung ano ang makatotohanang mababago mo, at huwag mag-aksaya ng panahon sa pagkabalisa tungkol sa iba pang bagay.”
Kung magkakaroon ka ng positibong pananaw sa buhay at lalakipan ito ng isang nakapagpapalusog na diyeta at makatuwirang programa sa ehersisyo, malamang na mawawala ang anumang libra na kailangang mawala.
Pagkasumpong ng “Isang Tunay na Kasama”
Matapos pag-aralan ang maraming bulimic, ipinasiya ni Propesor James Pennebaker na sa kalakhang bahagi, ang kanilang siklo ng pagkain at pagpurga ay nagtutulak sa mga babaing ito na magkaroon ng lihim na pamumuhay. Sabi niya: “Halos lahat ay kusang nakapansin ng labis-labis na panahon at pagsisikap na kailangan upang ikubli ang kaniyang kaugalian sa pagkain mula sa kaniyang malalapit na kaibigan at kapamilya. Silang lahat ay nabubuhay sa kasinungalingan at kinamumuhian ito.”
Ang isang pangunahing hakbang para gumaling, kung gayon, ay ang basagin ang katahimikan. Kapuwa ang mga anorexic at mga bulimic ay kailangang magsalita tungkol sa kanilang sakit. Pero kanino? Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tunay na kasama ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kagipitan.” (Kawikaan 17:17) Ang “tunay na kasama[ng]” iyan ay maaaring isang magulang o isa pang maygulang na adulto. Natuklasan din ng ilan na kailangang magtapat sa isang tao na makaranasan sa paggamot ng mga sakit na nauugnay sa pagkain.
Ang mga Saksi ni Jehova ay may karagdagang pinagmumulan ng tulong—ang matatanda sa kongregasyon. Ang mga lalaking ito ay maaaring maging “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:2) Sabihin pa, ang matatanda ay hindi mga doktor, kaya bukod sa kanilang nakatutulong na payo, baka kailanganin mo pa ring magpatingin sa doktor. Gayunpaman, ang kuwalipikado sa espirituwal na mga lalaking ito ay maaaring maging isang napakahusay na alalay sa iyo sa iyong paggaling.b—Santiago 5:14, 15.
Subalit ang iyong pinakadakilang katapatang-loob ay ang iyong Maylalang. Sumulat ang salmista: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova mismo, at siya mismo ang susustine sa iyo. Hindi niya kailanman hahayaang humapay-hapay ang isa na matuwid.” (Awit 55:22) Oo, interesado ang Diyos na Jehova sa kaniyang mga anak sa lupa. Kaya huwag kailanman kaliligtaang ipanalangin sa kaniya ang iyong pinakamatitinding kabalisahan. Pinayuhan tayo ni Pedro: “Ihagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”—1 Pedro 5:7.
Kapag Kailangang Magpaospital
Ang pagpapaospital ay hindi lunas sa ganang sarili nito. Gayunman, kung ang isang batang babae ay nagkulang na sa sustansiya dahil sa matinding anorexia, baka kailangan niya ng pantanging pangangalaga. Totoo, hindi madali para sa magulang na gawin ang hakbang na ito. Tingnan si Emily, na ang anak na babae ay kinailangang maospital matapos na ang buhay, gaya ng pagkasabi ni Emily, ay “hindi na niya at namin makayanan.” Sinabi pa niya: “Ang pagdadala sa kaniya sa ospital, habang umiiyak, ang siyang pinakamahirap na bagay na naranasan ko, ang pinakamasamang araw sa aking buhay.” Katulad din nito ang nadama ni Elaine, na kinailangang magpaospital ng isang anak na babae. “Sa palagay ko ang pinakamatinding sandali na maaalaala ko,” sabi niya, “ay noong nasa ospital siya at ayaw niyang kumain at kinailangan nilang lagyan siya ng tubo para mapakain. Sa pakiwari ko’y sinira nila ang kaniyang kalooban.”
Maaaring hindi kanais-nais na isipin ang pagpapaospital, pero maaaring kailangan ito sa ilang kalagayan. Para sa maraming may sakit na nauugnay sa pagkain, nagbubukas ito ng daan tungo sa paggaling. Ganito ang sabi ni Emily tungkol sa kaniyang anak: “Talagang kailangan siyang maospital. Ang pagpapaospital ang talagang nakatulong sa kaniya para magsimulang gumaling.”
Pamumuhay na Walang mga Sakit na Nauugnay sa Pagkain
Bilang bahagi ng pagpapagaling, kailangang matutuhan ng isang anorexic o isang bulimic na mamuhay nang walang sakit na nauugnay sa pagkain. Maaaring mahirap ito. Halimbawa, tinatantiya ni Kim na sa panahong siya’y may anorexia, nabawasan siya ng 40 libra sa loob ng sampung buwan. Gayunman, gumugol siya ng siyam na taon para mabawi ang 35 sa mga librang iyon! “Sa matinding hirap,” sabi ni Kim, “unti-unti akong muling natutong kumain nang normal, nang hindi na binibilang ang bawat kalori, sinusukat ang aking pagkain, kumakain lamang ng ‘ligtas’ na mga pagkain, natataranta kapag hindi ko alam ang mga sangkap sa isang pagkain sa kaserola o panghimagas, o kumakain lamang sa mga restoran na may mga ensalada.”
Pero ang paggaling ay nangahulugan ng higit pa para kay Kim. “Natutuhan kong kilalanin at ipahayag ang aking damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita sa halip na sa mga pagkilos o kaugalian sa pagkain,” sabi niya. “Ang pagkabatid ng mga bagong paraan upang harapin at lutasin ang mga pakikipag-alitan sa iba ay nagbukas ng mga pagkakataon para sa mas matalik na kaugnayan sa mga kaibigan at kapamilya.”
Maliwanag, isang hamon ang pagpapagaling mula sa isang sakit na nauugnay sa pagkain, subalit sa dakong huli ay sulit ang pagsisikap. Ganiyan ang paniniwala ni Jean, na nabanggit sa unang artikulo sa seryeng ito. “Ang pagbabalik sa di-maayos na pagkain,” sabi niya, “ay magiging gaya ng pagbabalik sa isang seldang nababalot ng kutson matapos na mamuhay nang malaya sa sandaling panahon.”
[Mga talababa]
a Hindi inirerekomenda ng Gumising! ang anumang partikular na paggamot. Dapat gumawa ng sariling pasiya ang mga Kristiyano, na tinitiyak na anumang paggamot na gagamitin nila ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya. Hindi dapat punahin o hatulan ng iba ang gayong mga pasiya.
b Para sa higit na impormasyon tungkol sa kung paano tutulungan ang mga anorexic at mga bulimic, tingnan ang artikulong “Pagtulong sa mga May Sakit na Kaugnay ng Pagkain,” sa Pebrero 22, 1992, isyu ng Gumising!, at ang serye na “Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain—Ano ang Maaaring Gawin?” sa isyu ng Disyembre 22, 1990.
[Kahon sa pahina 11]
Paglalagay ng Saligan sa Pagpapagaling
ANO ang dapat mong gawin kung sa palagay mo ay may sakit na nauugnay sa pagkain ang iyong anak na babae? Maliwanag, hindi mo maaaring ipagwalang-bahala ang situwasyon. Pero paano mo bubuksan ang paksa? “Ang tuwirang pagtatanong sa kaniya ay mabisa kung minsan, pero kadalasang natatapos ito sa pagkadamang para kang nakikipag-usap sa pader,” sabi ng awtor na si Michael Riera.
Dahil dito, maaaring mas mabisa ang mahinahong paraan. “Kapag kinakausap mo ang iyong anak,” mungkahi ni Riera, “kailangan niyang maunawaan at madama na hindi mo siya pinagbibintangang nakagawa ng anumang kasalanan. Kung magagawa mo ito, maraming nagbibinata’t nagdadalaga ang magiging tapat sa iyo, maaari pa ngang maginhawahan. Nagtagumpay ang ilang magulang sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham sa kanilang anak na tin-edyer na nagpapahayag ng kanilang pagmamalasakit at suporta. Pagkatapos, kapag nag-usap na sila, nailagay na ang saligan.”
[Kahon sa pahina 12]
Isang Hamon sa mga Magulang
ANG pagkakaroon ng isang anak na may sakit na nauugnay sa pagkain ay naghaharap ng maraming hamon sa mga magulang. “Kailangang maging matatag ka,” sabi ng isang ama. “Nakikita mong nasisira ang buhay ng iyong anak.”
Kung ikaw ay may anak na may sakit na nauugnay sa pagkain, maaasahan lamang na kung minsan ay nasisiphayo ka sa kaniyang katigasan ng ulo. Pero maging matiyaga. Huwag kang magsawa sa pagpapakita ng pag-ibig. Si Emily, na ang anak na babae ay dumanas ng anorexia, ay umamin na hindi ito laging madali. Gayunpaman, sinabi niya: “Sinikap kong lagi siyang haplusin; sinikap kong yakapin siya; sinikap kong hagkan siya. . . . Naisip ko na kung hihinto na ako ng pagpapadama sa kaniya ng pagmamahal at hihinto ng pagpapakita ng pag-ibig sa kaniya, hindi na kami kailanman muling magkakalapit pa.”
Ang isa sa pinakamahuhusay na paraan upang matulungan ang iyong anak para gumaling mula sa isang sakit na nauugnay sa pagkain ay ang pakikipag-usap sa kaniya. Sa paggawa nito, baka kailangan mong higit na makinig kaysa sa magsalita. At pigilin ang iyong sarili na sumabad sa pamamagitan ng mga salitang, “Hindi totoo iyan” o, “Hindi ka dapat makadama ng ganiyan.” Oo, huwag mong ‘takpan ang iyong pandinig sa daing ng mababa.’ (Kawikaan 21:13) Kapag may malayang pag-uusap, ang isang kabataan ay may masusulingan kapag nababalisa at malamang na hindi bumaling sa di-mabuting kaugalian sa pagkain.
[Mga larawan sa pahina 10]
Kailangan ang pagtitiis, pang-unawa, at nag-uumapaw na pag-ibig upang makatulong sa mga may sakit na nauugnay sa pagkain