Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 1/22 p. 16-19
  • Mga Leon—Ang Mariringal na Pusang May Kilíng Mula sa Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Leon—Ang Mariringal na Pusang May Kilíng Mula sa Aprika
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Nakapupukaw-Interes at Kaakit-akit na Nilalang
  • Simbaa​—Isang Mahilig Makisalamuhang Pusa
  • Ang Maninila
  • Ang mga Sinisila
  • Leon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Bakit Nila Ginagawa Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Maaari Bang Mamuhay Nang Payapa ang Tao at ang Hayop?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 1/22 p. 16-19

Mga Leon​—Ang Mariringal na Pusang May Kilíng Mula sa Aprika

NG KABALITAAN NG “GUMISING!” SA KENYA

SUMISIKAT na ang araw sa Kapatagan ng Serengeti sa Aprika. Sa malamig na hangin ng umaga, nakaupo kami sa aming Land Rover at minamasdan ang isang kawan ng mga babaing leon kasama ang mga anak ng mga ito. Ang kayumangging balat ng mga ito ay makikinis at makikintab at ginintuan, anupat marikit na bumabagay sa mahahaba at tuyong damo. Ang mga batang leon ay masisigla at lipos ng kalakasan. Nagluluksuhan at naglalaro ang mga ito sa malalaking katawan ng mga babaing leon, na waring hindi gaanong pumapansin sa katawa-tawang kilos ng mga ito.

Walang anu-ano ay natigilan ang buong kawan. Ang lahat ay tumingin, tumitig sa malayo. Mula sa aming mataas na kinaroroonan, tinunton namin ang tinitingnan ng mga ito at natuklasan ang kanilang pinag-uukulan ng pansin. Inilantad ng silahis ng bukang-liwayway ang kahanga-hangang anyo ng isang malaking lalaking leon. Nagkatitigan ang mga mata namin habang nakatingin ito sa amin. Nanginig ang aming katawan, hindi dahil sa ginaw ng umaga, kundi sa pagkatanto na kami ang tinititigan nito. Ito ay nakatatakot, gayunma’y maganda ang anyo. Isang makapal at ginintuang kilíng na may guhit-guhit na itim ang nakapalibot sa malaking ulo nito. Ang malalaking mata nito ay kulay amber at alisto. Gayunman, kinuha ng kaniyang pamilya ang pansin nito, at dahan-dahan niyang ibinaling ang kaniyang tingin sa mga ito at humakbang patungo sa mga ito.

Ang paghakbang nito ay napakakisig, maringal pa nga. Hindi man lamang kami muling sinulyapan, lumampas ito sa mismong harapan ng aming sasakyan at lumapit sa mga babaing leon at sa mga anak ng mga ito. Lahat ng mga ito ay tumayo at sumalubong sa kaniya at isa-isang idinampi ang kanilang mukha sa kaniyang matipunong nguso sa karaniwang paraan ng pagdadampian ng mukha ng mga pusa bilang pagbati. Pagdating sa gitna ng kawan, biglang sumubsob ang lalaking leon na parang hapung-hapo sa kaniyang paglalakbay at gumulong nang patihaya. Ang kaniyang antok ay nakahahawa, at di-nagtagal, ang buong kawan ay natulog nang mababaw sa unang mainit na sikat ng araw sa umagang iyon. Nakatambad sa amin ang isang larawan ng kapayapaan at pagkakontento na napalilibutan ng ginintuan at hinihipan-ng-hangin na damuhan sa malawak na kapatagan.

Isang Nakapupukaw-Interes at Kaakit-akit na Nilalang

Marahil ay walang hayop na nakapukaw nang higit sa imahinasyon ng tao maliban sa leon. Noon, pinapalamutihan ng mga Aprikanong dalubsining ang mga mukha ng bato ng mga ipinintang larawan ng mga leon na naninila ng kanilang biktima. Ang sinaunang mga palasyo at templo ay may mga dekorasyon na malalaking istatuwang bato ng mga leon na may makakapal na kilíng. Sa ngayon, ang mga tao ay nagdaragsaan sa mga zoo upang makita ang kaakit-akit na mga pusang ito. Ang leon ay inilarawan na kagila-gilalas sa mga aklat at pelikula, gaya sa Born Free, isang totoong salaysay tungkol sa isang ulilang batang leon na hinuli at pinalaki at sa wakas ay pinalaya. At ang leon ay pangit na inilarawan sa mga kuwento​—ang kalahati ay katha, at ang kalahati ay totoo​—bilang isang mabangis na mangangain ng tao. Hindi kataka-taka na ang leon ay nananatiling isang nakapupukaw-interes at kaakit-akit na nilalang!

Ang mga leon ay maaaring maging napakabagsik at, kung minsan naman, napakaamo at mapaglaro na gaya ng mga kuting. Ang mga ito’y umuungol nang mahina kapag kontento gayunma’y makauungal nang napakalakas anupat maririnig sa layong walong kilometro. Kung minsan, ang mga ito ay parang tamad at antukin, subalit sila’y may-kakayahang kumilos sa nakagugulat na bilis. Ang leon ay ginawang bantog ng tao dahil sa katapangan nito, at ang isang matapang na tao ay sinasabing may pusong leon.

Simbaa​—Isang Mahilig Makisalamuhang Pusa

Ang mga leon ay kabilang sa pinakamahilig makisalamuha sa lahat ng pusa. Ang mga ito’y namumuhay kasama ng malalaking pamilya na tinatawag na mga kawan (pride), na maaaring kinabibilangan lamang ng ilang miyembro o maaaring umabot sa mahigit na 30. Ang kawan ay binubuo ng isang grupo ng mga babaing leon na maaaring magkakamag-anak. Sila’y namumuhay, naninila, at nanganganak nang magkakasama. Ang matalik na buklod na ito, na maaaring tumagal nang habambuhay, ay naglalaan ng pundasyon ng pamilya ng leon at tumitiyak sa patuloy na pag-iral nito.

Ang bawat kawan ay may isa o higit pang lalaking leon na lubos na ang laki na nagpapatrulya at tinatandaan ang amoy ng teritoryo ng kawan. Mula sa dulo ng kanilang itim na ilong hanggang sa dulo ng kanilang buntot na may nakatungkos na buhok, ang malalaking hayop na ito ay maaaring humaba ng mahigit sa tatlong metro, at maaaring tumimbang ng mahigit na 225 kilo. Bagaman pinangingibabawan ng lalaking leon ang kawan, ang mga babaing leon ang talagang nangunguna. Ang mga babaing leon ang karaniwang nagpapasimuno sa gawain, tulad ng paglipat sa isang malilim na lugar o pagpapasimula ng paninila.

Ang mga babaing leon ay karaniwan nang nanganganak tuwing ikalawang taon. Ang mga batang leon ay karaniwan nang isinisilang na mahinang-mahina. Ang pag-aalaga ng mga batang leon ay isang gawain ng buong kawan, at lahat ng mga babaing leon ay magsasanggalang at magpapasuso sa mga batang leon ng kawan. Mabilis lumaki ang mga batang leon; sa loob ng dalawang buwan, nagtatakbuhan at naglalaro na ang mga ito. Nagsisirkuhang magkakasama na gaya ng mga kuting, nagbubunuan ang mga ito, nagdadambahan sa kanilang mga kalaro, at nagtatalunan sa matataas na damuhan. Naaakit sila sa anumang bagay na gumagalaw at nilulukso ang mga paru-paro, hinahabol ang mga insekto, at nakikipagbuno sa mga patpat at baging. Ang lalo nang kawili-wili ay ang paggalaw ng buntot ng kanilang ina, na sadya naman nitong pinagagalaw, anupat inaanyayahan ang mga ito na maglaro.

Ang bawat kawan ay namumuhay sa loob ng isang takdang teritoryo na maaaring lumawak nang maraming ektarya. Mas gusto ng mga leon ang matataas na lugar na may maraming tubig at lilim mula sa matinding sikat ng araw sa katanghalian. Doon, ang mga ito ay naninirahang kasama ng mga elepante, giraffe, buffalo, at iba pang hayop sa kapatagan. Ang paraan ng pamumuhay ng mga leon ay nahahati sa mahahabang oras ng pagtulog at maiikling yugto ng paninila at pagpaparami. Ang totoo, ang mga leon ay maaaring masumpungang nagpapahinga, natutulog, o nakaupo nang 20 oras sa isang araw. Kapag mahimbing ang tulog, ang mga ito ay mukhang mapapayapa at maaamo. Subalit huwag padadaya​—ang leon ay isa sa pinakamabangis sa lahat ng mababangis na nilalang!

Ang Maninila

Sa pagdadapit-hapon, ang damuhan na pinainit ng araw ay nagsisimulang lumamig. Ang tatlong babaing leon sa kawan na minamasdan namin ay nagsimulang bumangon mula sa kanilang gitnang-araw na pamamahinga. Palibhasa’y gutom, nagsimulang kumilos ang mga pusa, inaamoy-amoy ang hangin habang nakatingin ang mga ito sa kabila pa roon sa manilaw-nilaw na damuhan. Kapanahunan ng pandarayuhan ng mga wildebeest, at sampu-sampung libo sa mga pangit na antilopeng ito ang payapang nanginginain sa gawing timog namin. Ang tatlong pusa ay kumilos ngayon patungo sa direksiyong iyon. Naghiwa-hiwalay na pumuwesto sa malawak na lugar, palihim na gumapang ang mga ito sa mabakong daanan. Ang kulay kayumangging mga pusa ay halos di-makita sa matataas na damo at nagawa ng mga ito na makalapit ng 30 metro sa walang kamalay-malay na kawan. Saka ngayon nagpasiyang kumilos ang mga pusa. Sa bilis na parang kidlat, dinaluhong nila ang pulutong ng nagulantang na wildebeest. Nagtakbuhan ang kawan sa lahat ng direksiyon, anupat inililigtas ng may malalaking-matang nilalang ang kanilang buhay. Daan-daang kumakaskas na mga paa ang halos pumulbos sa lupa, anupat nagpailanlang ng isang ulap ng pulang alikabok. Habang napapawi ang alikabok, nakita namin ang tatlong babaing leon na nakatayong walang huli, anupat humihingal nang matindi. Nalansi sila ng kanilang mga sinisila. Marahil, may isa pang pagkakataon para manila sa gabing iyon, o baka wala na. Bagaman maliksi at mabilis, 30 porsiyento lamang ng panahon ng paninila ng mga leon ang matagumpay. Kaya naman ang pagkagutom ay isa sa pinakamalaking banta na nakakaharap ng mga leon.

Ang lakas ng isang leon na lubos na ang laki ay kamangha-mangha. Kapag nanila ang buong kawan, ang mga ito’y kilala na nakapagpapabagsak at nakapapatay ng mga hayop na tumitimbang ng 1,300 kilo. Sa unang pagtugis, maaaring maabot ng leon ang bilis na hanggang 59 na kilometro bawat oras, subalit hindi sila makatatagal sa ganoong bilis. Dahil dito, ginagamit nila ang pagapang-at-patambang na pamamaraan upang makuha ang kanilang pagkain. Ginagawa ng mga babaing leon ang 90 porsiyento ng paninila, subalit ang malalaking lalaking leon ang karaniwang nakakakuha sa malaking bahagi kapag nagsimula na ang pagkain. Kapag kaunti ang nasila, kung minsan ay itataboy ng mga leon ang kanilang mga anak mula sa kanilang nasila dahil sa tindi ng gutom.

Ang mga Sinisila

Noon, ang mariringal na mga leon ay naglipana sa buong kontinente ng Aprika at sa ilang bahagi ng Asia, Europa, India, at Palestina. Palibhasa’y isang maninila, kakompetensiya ito ng tao. Yamang isang banta sa mga alagang hayop at nakapipinsala sa tao, ang leon ay naging isang nilalang na binabaril kapag namataan. Ang pagdami ng populasyon ng tao ay naging malaking kabawasan sa tirahan ng mga leon. Sa labas ng Aprika, mayroon na lamang ilang daang leon na nabubuhay ngayon sa iláng. Ngayon, ang mga leon ay ligtas lamang sa tao kapag nasa mga protektadong lugar at sa mga parkeng inilaan para sa mga buhay-iláng.

Nakatutuwa naman, may mga pagbabagong nakalaan para sa kamangha-manghang mga hayop na ito. Inilalarawan ng Bibliya ang isang panahon sa hinaharap na ang leon ay mamumuhay sa kapayapaan kasama ng mga tao. (Isaias 11:6-9) Di-magtatagal at pangyayarihin ito ng ating maibiging Maylalang. Sa panahong yaon, ang mariringal na pusang may kilíng mula sa Aprika ay mamumuhay sa pagkakaisa at kapayapaan kasama ng iba pang nilalang.

[Talababa]

a Ang simba ay “leon” sa Swahili.

[Kahon sa pahina 19]

Kapag ang Leon ay UMUUNGAL

ANG mga leon ay kilala sa kanilang pambihirang kakayahan na umungal nang malakas na umaabot nang maraming kilometro. Ang ungal ng leon ay itinuturing na isa sa “pinakakahanga-hangang likas na tunog.” Ang mga leon ay karaniwang umuungal kapag gabi at sa madaling-araw. Ang mga lalaki at babaing leon ay kapuwa umuungal, at kung minsan ang buong kawan ay sabay-sabay na umuungal.

Ang mga siyentipikong nagsusuri sa mga leon ay nagsasabi na naisasakatuparan ng pag-ungal ang ilang bagay. Ang mga lalaking leon ay umuungal upang ipabatid ang hangganan ng teritoryo ng mga ito at, bilang kapahayagan ng pakikipaglaban, upang babalaan ang ibang lalaking leon na maaaring pumasok sa kanilang teritoryo. Angkop naman na tinukoy ng Bibliya ang mabalasik, palalo, at sakim na mga tagapamahalang Asiryano at Babiloniko bilang umuungal na “may kilíng na mga batang leon” na marahas na sumalansang at lumamon sa bayan ng Diyos.​—Isaias 5:29; Jeremias 50:17.

Nagagawa rin ng pag-ungal na matunton ng mga miyembro ng kawan ang isa’t isa kapag napahiwalay sa malayo o sa dilim. Pagkatapos na makasila, ipinahihiwatig din ng ungal na ito sa ibang miyembro ng kawan ang kinaroroonan ng naghihintay na pagkain. Sa pagtukoy sa ugaling ito, sinasabi ng Bibliya: “Ang mabalahibong batang leon ba ay maglalakas ng kaniyang tinig mula sa kaniyang taguang dako kung wala siyang nahuling anuman?”​—Amos 3:4.

Ang nakapagtataka, kapag naninila ng mga hayop sa iláng, hindi ginagamit ng mga leon ang pag-ungal bilang pamamaraan sa paninila upang takutin ang kanilang sinisila. Sa kaniyang aklat na The Behavior Guide to African Mammals, sinabi ni Richard Estes na “walang pahiwatig na sadyang umuungal ang mga leon upang itaboy ang sinisila patungo sa dakong pagtatambangan (sa aking karanasan, karaniwan nang hindi pinapansin ng mga uring sinisila ang ungal ng leon).”

Kung gayon, bakit tinutukoy ng Bibliya si Satanas bilang isang “leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila”? (1 Pedro 5:8) Bagaman ang mga hayop sa iláng ay waring hindi nasisindak sa ungal ng leon, hindi naman ganito ang nangyayari sa tao at sa kaniyang mga alagang hayop. Ang nakapangingilabot na ungal ng leon, na umaalingawngaw sa kadiliman ng gabi, ay makatatakot at makasisindak sa sinumang wala sa proteksiyon ng isang saradong pintuan. Noon pa man ay may-katumpakan nang sinabi: “May leong umungal! Sino ang hindi matatakot?”​—Amos 3:8.

Si Satanas ay dalubhasa sa pananakot nang sa gayon ay sindakin ang mga tao upang sumunod. Mabuti na lamang, ang bayan ng Diyos ay may makapangyarihang kapanalig. Taglay ang matibay na pananampalataya sa tulong ni Jehova, matagumpay nilang malalabanan ang makapangyarihang “leong umuungal” na ito. Ang mga Kristiyano ay pinatitibay-loob na ‘manindigan laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.’​—1 Pedro 5:9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share