Ang Uri ng Ating Pananamit—Talaga Bang Mahalaga Ito?
“HINDI ko alam kung ano ang isusuot ko!” Pamilyar ba sa iyo ang ganitong paghingi ng tulong? Sabihin pa, ang mga kosturera ay lagi nang handang tumulong sa iyo—o lalo ka pang lituhin—sa pamamagitan ng kanilang pinakabagong mga istilo.
Lalo pang nagiging mahirap ang pagpapasiya dahil sa ngayon, baka hinihimok ka na magbihis nang di-pormal sa halip na pormal. Sa ganitong baligtad na kausuhan sa dekada ’90, ganito ang sabi ng isang editoryal tungkol sa moda: “Nakasisiyang malaman na hindi lamang katanggap-tanggap ang magmukhang losyang, matanda, luma at karaniwan nang kupas, kundi kaakit-akit pa iyon.”
Oo, sa nakalipas na mga taon, ang matinding pag-aanunsiyo, mga idolo sa telebisyon, mga kasamahan, pag-aangat ng sarili, at gayundin ang paghahangad na magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ay nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa kanilang paraan ng pananamit, lalo na sa mga kabataan. Ang ilan sa kanila ay nagnanakaw pa nga upang makasunod sa uso.
Maraming popular na istilo ng dekada ’90 ang nagmula sa naiibang mga kultura ng nagdaang mga taon gaya ng hippie movement sa Kanluraning lipunan ng dekada ’60. Ang mga balbas, di-nasusuklay at mahabang buhok, at burarang pananamit ay nagpahayag ng pagtanggi sa tradisyonal na mga simulain. Ngunit ang kasuutan ng pagrerebelde ay pumukaw rin ng isang bagong pagsunod, isang bagong panggigipit ng mga kasama.
Ang pananamit ay naging isang mas malawak at mas malayang kasangkapan upang ipakilala ang sarili. Ang mga damit, lalo na ang mga kamiseta, ay naging mga paskilan na tahimik na nag-aanunsiyo ng popular na isport at mga bayani sa isport, katatawanan, pagkasiphayo, kapusukan, moralidad—o kawalan nito—at komersiyal na mga produkto. O maaaring makagimbal ang mga ito. Tingnan ang isang kamakailang uluhan sa Newsweek: “Ang Kalupitan Bilang Isang Kapahayagan ng Kausuhan sa mga Tin-edyer.” Sinipi ng artikulo ang isang 21 anyos na bumanggit tungkol sa kaniyang kamiseta: “Isinusuot ko ito dahil sinasabi nito sa mga tao kung ano ang pakiramdam ko. Ayokong pinagsasabihan ako ng sinuman at ayokong pinakikialaman ako.”
Maaaring nagkakaiba-iba ang nakadispley sa dibdib at likod ng mga tao. Subalit ang pagsunod—sa pagkakakilanlan ng isang grupo o sa nangingibabaw na diwa ng pagrerebelde, ako-muna, kawalang-pagpipigil, o karahasan—ay kitang-kita. Isang tagadisenyo ang bumubutas sa mga damit ayon sa kagustuhan ng kaniyang mga parokyano. “Makapamimili sila ng mga butas ng baril, butas ng riple, o mga butas ng machine gun,” sabi niya. “Isa lamang itong kapahayagan ng uso.”
Ano ba ang Ipinahahayag ng Uso?
“Karaniwan na, ang mga damit ay isang paraan ng pagpapakilala ng iyong sarili bilang bahagi ng isang grupo sa lipunan,” sabi ni Jane de Teliga, isang katiwala ng mga uso sa Powerhouse Museum, sa Sydney, Australia. Sinabi pa niya: “Pumipili ka ng grupo na doo’y gusto mong mapabilang at nananamit ka ayon dito.” Sinabi ni Dr. Dianna Kenny, isang tagapanayam sa sikolohiya sa Unibersidad ng Sydney, na bilang isang paraan ng pag-uri sa mga tao, ang pananamit ay kasinghalaga ng relihiyon, kayamanan, trabaho, lahing pinagmulan, edukasyon, at direksiyon ng tahanan. Ayon sa magasing Jet, ang igtingan ng mga lahi sa isang paaralan sa Estados Unidos na halos puti ang lahat ng nag-aaral “ay sumiklab sa mga Puting estudyanteng batang babae na nakatirintas ang buhok, maluluwang ang damit, at iba pang ‘hip-hop’ na uso dahil ang mga ito ay iniuugnay sa mga Itim.”
Kitang-kita rin ang pagtatangi ng tribo sa ilang bumubukod na mga kultura, gaya sa larangan ng musika: “Sa maraming kalagayan,” sabi ng magasing Maclean’s, “ang pananamit ay bumabagay sa kinahihiligang musika: ang mga tagahanga ng reggae ay nagsusuot ng matitingkad na kulay at mga gora ng Jamaica, samantalang yaong may gusto ng grunge rock ay nagsusuot ng medyas na pang-ski at guhitang mga kamisadentro.” Subalit anumang klase, ang walang-pakialam, di-pormal, palaboy na hitsurang maralita, binansagang grunge, ay maaaring may kamahalan.
Ano ba ang Nangyayari sa mga Tuntunin sa Pananamit?
“Ang lahat ay kabaligtaran ng maaaring iniisip mo,” sabi ng isang kolumnista na si Woody Hochswender. “Ang moda sa mga lalaki, na dating inuugitan ng mahigpit na mga tuntunin, ay nagiging magulo . . . Ang lahat ay dapat magmukhang parang kinalaykay.” Gayunman, ang kausuhang ito ay maaaring magpahayag sa ilang kalagayan ng saloobing wala-akong-pakialam. O baka magsiwalat ito ng kawalan ng paggalang sa sarili o kawalan ng paggalang sa iba.
Sa isang artikulo tungkol sa pangmalas ng mga estudyante sa mga guro, ipinaliwanag ng magasing Perceptual and Motor Skills na “bagaman ang guro na nakamaong ay itinuturing na masayang kasama sa klase, ang kaniyang mga opinyon ay hindi gaanong iginagalang at kadalasang siya ang pinipili bilang guro na parang walang nalalaman.” Sinabi pa ng magasin ding ito na “ang isang babaing guro na nakamaong ay itinuturing na masaya, madaling lapitan, hindi gaanong marunong, hindi gaanong kagalang-galang, hindi mukhang guro, at karaniwang mas nagugustuhan.”
Samantala, sa larangan ng negosyo, may isa pa tayong kapahayagan ng uso: pananamit upang makahikayat. Sa nakalipas na mga taon, mas maraming babae ang nagnanais na umasenso sa trabaho. “Nananamit ako para umatake,” sabi ni Marie, isang ehekutibo sa isang kompanya sa paglalathala. “Gusto kong mapansin. Gusto kong ipakitang kahanga-hanga ang hitsura ko,” sabi pa niya. Tapat lamang si Marie sa pagsasabing ang mahalaga sa kaniya ay ang kaniyang sarili.
Nakapasok na rin sa mga simbahan ang mga popular na uso. Ginamit pa nga ng ilang mahihilig sa uso ang kanilang simbahan upang idispley ang kanilang pinakabagong mga kasuutan. Subalit, ngayon, bagaman nagagayakan ng kanilang mahahabang damit, mula sa pulpito ay kadalasang nakaharap ang mga klerigo sa isang kongregasyong nakamaong, nakasapatos na de goma o nakabihis nang sunod sa uso.
Bakit Ganito na Lamang ang Pagkahumaling sa Sarili at sa Pagkakakilanlan?
Ayon sa mga sikologo, ang mga damit na sunod sa uso—lalo na sa mga kabataan—ay isang katangian ng pagkamakasarili, yamang ipinahahayag nito ang pagnanais na makatawag ng pansin. Inilalarawan nila iyon bilang “ang talamak na hilig ng isang nagbibinata at nagdadalaga na makitang sila’y pinag-uukulan ng atensiyon ng ibang tao.” Sa diwa, kaniyang sinasabi: “Sa palagay ko’y nahuhumaling ka sa akin gaya ko sa aking sarili.”—American Journal of Orthopsychiatry.
Ang mga pilosopiya na nagdiriin sa kahalagahan ng tao at nagwawalang-bahala sa Diyos ay nagtaguyod din sa kaisipan (kadalasang pinalalaganap ng komersiyo) na ikaw, ang indibiduwal, ang siyang pinakamahalagang persona sa uniberso. Ang problema ay, mayroon na ngayong halos anim na bilyon na ‘pinakamahalagang’ mga personang ito. Milyun-milyon sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang nagbigay-daan din sa ganitong materyalistikong pagsalakay, anupat nagsusumakit para sa “magandang buhay, sa kasalukuyan.” (Ihambing ang 2 Timoteo 3:1-5.) Idagdag pa rito ang pagguho ng pamilya at ng tunay na pag-ibig, at hindi nakapagtataka na marami, lalo na sa mga kabataan, ang desperadong makilala at makadama ng kasiguruhan.
Gayunman, likas lamang na itanong niyaong nababahala tungkol sa kanilang pananamit at katayuan sa Diyos: Hanggang saan ako dapat sumunod sa nagbabagong mga tuntunin sa pananamit? Paano ko malalaman kung angkop ang aking pananamit? Nagpapahiwatig kaya ito ng nakalilito o mali pa ngang mensahe tungkol sa akin?
Angkop ba ang Aking Pananamit?
Kung ano ang isusuot natin ay talagang isang personal na pasiya. Nagkakaiba ang ating personal na hilig, gayundin ang ating pinansiyal na katayuan. At ang mga kaugalian ay hindi pare-pareho sa bawat lugar, bansa, at mga pook ayon sa klima. Subalit anuman ang iyong kalagayan, tandaan ang simulaing ito: “Sa lahat ng bagay ay may kapanahunan, at isang panahon para sa bawat bagay sa silong ng langit.” (Eclesiastes 3:1, Revised Standard Version) Sa ibang salita, manamit ka ayon sa okasyon. At pangalawa, “maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos.”—Mikas 6:8.
Hindi ito nangangahulugan ng pananamit nang maselan kundi, sa halip, sa paraan na “mabuti ang pagkakaayos” at nagpapakita ng “katinuan ng pag-iisip.” (1 Timoteo 2:9, 10) Kadalasan, nangangahulugan lamang ito ng pagpapakita ng pagpipigil, isang katangian na iniuugnay ng magasing Working Woman sa mabuting panlasa at pagka-elegante. Napatunayan ayon sa karanasan na makabubuting huwag kailanman hayaang damit mo ang unang mapansin, upang pahangain ang iba. Ganito ang sabi ng Working Woman: “Manamit ka . . . upang hindi mapansin ng mga tao ang iyong damit kundi makita ang iyong mabubuting katangian bilang isang indibiduwal.”
Ang magasing Perceptual and Motor Skills ay nagsasabi: “Ang isang kalipunan ng mga babasahin na nagsusuri sa papel na ginagampanan ng pananamit sa paglikha ng impresyon tungkol sa isang tao at sa paghahatid ng mensahe sa iba ay nagpapakita na ang pananamit ay isang mahalagang palatandaan na siyang basehan ng unang impresyon tungkol sa iba.” Dahil dito ay ganito ang nasabi ng isang babae na nasa kaniyang edad na 40 pataas, na dati’y tuwang-tuwa sa kaniyang kakayahan na makaakit sa pamamagitan ng kaniyang paraan ng pananamit: “Lumikha ito ng malalaking problema para sa akin dahil pinalabo nito ang kaibahan sa pagitan ng propesyonal at pribadong buhay. Laging may mga kanegosyo na gusto akong anyayahang kumain sa labas.” Upang ilarawan ang isang naiibang istilo, ganito naman ang inilahad ng isang babaing accountant: “Nakita ko kung paano gumawi ang mga lalaki sa mga babaing di-pormal manamit, o parang lalaki kung manamit. Ipinalalagay na sila’y mapupusok na babae na nagsasamantala sa mga kahinaan at dahil dito’y pinahihirapan sila ng mga lalaki.”
Natuklasan ng isang dalagang nagngangalang Jeffie na siya’y naghahatid ng nakalilitong mensahe nang ipagupit niya ang kaniyang buhok ayon sa pinakabagong uso. “Akala ko’y mukha lamang akong ‘naiiba,’” nagunita niya. “Pero tinatanong ako ng mga tao, ‘Talaga bang isa ka sa mga Saksi ni Jehova?’ at nakakahiya iyon.” Kinailangang suriin ni Jeffie ang kaniyang sarili. Oo, hindi ba totoo na “mula sa kasaganaan ng puso” ay hindi lamang ang ating bibig ang nangungusap kundi pati ang ating pananamit at pag-aayos? (Mateo 12:34) Ano ba ang isinisiwalat ng iyong pananamit—isang pusong nagnanais na tumawag ng pansin sa Maylalang o sa iyong sarili ?
Manamit Nang May “Katinuan ng Pag-iisip”
Isaalang-alang din ang epekto sa iyo ng iyong pananamit. Ang pananamit upang makahikayat at pananamit nang labis-labis ay maaaring mag-angat ng tingin mo sa iyong sarili, ang burarang damit ay maaaring magpatunay ng iyong mga negatibong kaisipan tungkol sa iyong sarili, at ang mga kamisetang nag-aanunsiyo ng iyong paboritong pelikula o manlalaro o iba pang idolo ay maaaring magtulak sa iyo sa pagsamba sa iyong hinahangaan—sa idolatriya. Oo, ang iyong pananamit ay nangungusap sa iba—at nagsasabi sa kanila ng tungkol sa iyo.
Ano ba ang sinasabi ng iyong pananamit tungkol sa iyo kung ikaw ay maluho o mapang-akit kung manamit? Ikaw ba’y nagpapatingkad ng mga katangiang dapat sana’y pinagsisikapan mong iwaksi? Isa pa, ano bang uri ng tao ang sinisikap mong akitin? Ang payo na nakaulat sa Roma 12:3 ay makatutulong sa atin na madaig ang labis na pagtutuon ng pansin sa sarili, pagmamataas, at negatibong kaisipan. Doon ay pinapayuhan tayo ni apostol Pablo na “huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.” Ang pagkakaroon ng “matinong kaisipan” ay nangangahulugan ng pagiging makatuwiran.
Ito ay lalo nang mahalaga para sa mga may pananagutan at pinagkakatiwalaan. Ang kanilang halimbawa ay may malakas na impluwensiya sa iba. Natural lamang, yaong umaabot sa mga pribilehiyo ng paglilingkuran sa kongregasyong Kristiyano at ang kani-kanilang asawang Kristiyano ay dapat din namang magpamalas ng mahinhin at magalang na saloobin sa paraan ng kanilang pananamit at pag-aayos. Hindi natin kailanman nanaising maging katulad ng taong tinukoy ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa piging ng kasal: “Nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin nakita niya roon ang isang taong hindi nadaramtan ng kasuutang pangkasal.” Nang malaman na ang taong ito ay walang matibay na dahilan sa pagsusuot ng gayong walang-galang na kasuutan, “sinabi ng hari sa kaniyang mga lingkod, ‘Gapusin ninyo siya sa kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas.’”—Mateo 22:11-13.
Kung gayon, mahalaga na sa pamamagitan ng salita at halimbawa ay ikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mabuting saloobin at mabuting pagpili sa pananamit. Maaaring mangahulugan ito na ang mga magulang ay kailangang maging matatag kung minsan habang nakikipagkatuwiranan sa kanilang anak. Subalit anong laking pampatibay-loob kapag nakatatanggap tayo ng di-inaasahang komendasyon dahil sa mataas na pamantayan sa pananamit at paggawi ng ating mga kabataan at ng ating sarili!
Oo, ang mga lingkod ni Jehova ay pinalaya na mula sa pagmamataas, mamahaling mga kausuhan, at pagkahumaling sa sarili. Mayroon silang banal na mga simulain, hindi ang espiritu ng sanlibutan, na gumagabay sa kanila. (1 Corinto 2:12) Kung namumuhay ka ayon sa mga simulaing ito, hindi magiging napakahirap ang pagpili ng iyong mga damit. Isa pa, tulad ng isang kuwadrong mahusay ang pagkakapili para sa isang larawan, ang iyong mga damit ay hindi mangingibabaw sa iyong personalidad ni hahamakin man ito. At habang lalo mong sinisikap na tularan ang Diyos, lalo kang magkakaroon ng isang espirituwal na kagandahan na lubhang nakahihigit sa magagawa ng iyong kasuutan.