Pagmamasid sa Daigdig
Mga Pagkakamali sa Pagbabasa at Pagwawasto ng mga Pruweba sa Bibliya
“Karaniwan na ang mga pagkakamali sa paglimbag ng Bibliya noong ika-17 at ika-18 siglo,” sabi ng magasing Bible Review, “subalit hindi iyan nangangahulugan na ang mga ito’y binale-wala.” Halimbawa, nailathala ang nakilala bilang Fool Bible noong panahon ng paghahari ni Charles I. Sa Awit 14, may pagkakamaling nabago ng mga tagapaglimbag ang isang salita. Bunga nito, ang unang talata ay kababasahan ng: “The fool hath said in his heart there is a God.” (Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, may Diyos.) Dahil dito, ito’y nagmulta ng 3,000 pounds. Ang isa pang kompanya, ang Barker and Lucas, ay nagmulta ng 300 pounds noong 1631 dahil sa pag-alis ng isang salita sa tinatawag na Adulterous Bible. Ito ang dahilan ng kanilang pagkabangkarote. Ganito ang mababasa sa kanilang salin: “Thou shalt commit adultery.” (Mangalunya ka.) Katulad din ito ng Sin On Bible, noong 1716. Kung saan sinabi ni Jesus sa lalaki na pinagaling niya na “sin no more” (huwag nang magkasala pa), sa saling ito ay sinabi niyang “sin on more” (patuloy na magkasala). Huwag ding kaligtaan ang Vinegar Bible, na inilathala noong 1717. Ang pamagat ng kabanata sa Lucas 20 ay nagsasabing, “The parable of the Vinegar” (Ang parabula ng Suka), sa halip sana ng, “The Parable of the Vineyard” (Ang Parabula ng Ubasan).
“Roller Cops”
Sa isang pagsisikap na makipag-alam sa mga tao sa kanilang pook, ang ilang opisyal ng pulisya sa Hilagang Amerika ay nagsusuot ng in-line skates. Nagiging karaniwan na ang pagpapatrulya na naglalakad, sakay ng kabayo, at sakay ng bisikleta, ulat ng The Toronto Star. Gumagamit ng skates ang mga pulis sa malalaking lunsod na gaya sa Chicago, Miami, at Montreal. Ganito ang sabi ng isang pulis na nanguna sa paggamit ng roller blades na si Sarhento Bill Johnston ng pulisya ng Fort Lauderdale: “Buong-puso itong tinanggap mula pa sa pasimula. Suot ang skates, waring ikaw ay higit na nagiging interesado sa publiko, mas madaling lapitan.” Binanggit ng The Toronto Star na “may bentaha ang paggamit ng skates—halimbawa, ang biglang pagsalakay ng mga magnanakaw ng kotse sa mga paradahan.”
Kompas ng Isda
Paano naglalayag ang isdang rainbow trout? Natuklasan ng mga biyologo sa New Zealand na ang mga ito’y may “magnetikong kompas sa kanilang mga ilong,” ang ulat ng magasing New Scientist. Nasasanay ng maraming ibon at reptilya at ng ilang mamal ang kanilang sarili may kinalaman sa magnetic field ng lupa. Subalit hindi kailanman nakilala ng mga siyentipiko ang mga selulang tumuturo-sa-hilaga, mga selulang pinaniniwalaang naglalaman ng magnetikong mineral na magnetite. Sa trout, natuklasan ng mga mananaliksik sa University of Auckland ang isang himaymay ng nerbiyo sa mukha ng isda na kumikibot kapag nalantad sa isang magnetic field. Ang pagtunton sa himaymay ay umakay sa kanila pabalik sa ilong ng isda, kung saan nasumpungan nila ang mga selula ng nerbiyo na naglalaman ng magnetite.
Karahasan sa Soccer
Ang matinding paligsahan ng iba’t ibang koponan na kalahok sa World Cup na kompetisyon ng soccer noong nakaraang taon ay nagpasigla sa mga selebrasyon na kadalasang nauuwi sa karahasan. Sa Mexico, mahigit na 1,500 pulis ang ipinadala upang sawatain ang mga tagahanga ng koponan ng Mexico. Mahigit na 200 katao ang ikinulong ng mga pulis, ang ulat ng pahayagang El Universal ng Mexico. Isang rebentador na inihagis noong kaguluhan ang sumabog sa mukha ng isang kabataang tagahanga, anupat nabasag ang bahagi ng kaniyang bungo. Sa Argentina, Belgium, at Brazil, sumamâ rin ang mga selebrasyon, anupat may mga nasugatan at naaresto. Sa Pransiya, ulat ng pahayagang Excelsior ng Lunsod ng Mexico, mga 1,000 katao ang naaresto may kaugnayan sa mga paligsahan sa World Cup, at 1,586 ang pinagbawalang muling makapasok sa bansa.
Ang Iyong mga Kamay at ang Kalusugan
“Kapag bumahin ang isang tao at tinakpan ng kaniyang kamay ang kaniyang bibig o kaya’y suminga siya, kailangang hugasan ang mga kamay bago humawak sa mga telepono o sa mga pinto,” ang sabi ng The Medical Post ng Canada. Sinipi ng The Post ang U.S. Association for Professionals in Infection Control and Epidemiology, na nagsasabing “80% ng karaniwang impeksiyon ay tuwirang ikinakalat ng mga kamay at paghipo, hindi sa pamamagitan ng hangin.” Inirerekomenda ni Dr. Audrey Karlinsky ng University of Toronto ang madalas na paghuhugas at pagkuskos ng sabon sa iyong mga kamay “sa loob ng 10 hanggang 15 segundo, anupat tinitiyak na nahuhugasan ang pagitan ng mga daliri at ang ilalim ng kuko.” Pagkatapos, iminungkahi niya, hugasan ang iyong kamay ng mainit na tubig at gumamit ng tuwalyang papel upang isara ang gripo. Paano mo mapaghuhugas ng kamay ang mga bata nang matagal? Ipabigkas mo sa kanila ang buong abakada samantalang nagsasabon sila, mungkahi ni Dr. Karlinsky.
Bagong Virus sa Dugo
Kasunod ng pagkatuklas sa isang bagong virus sa dugo ng mga Europeo na nagkaloob ng dugo, nagpasiya ang mga awtoridad sa kalusugan sa Pransiya na magtatag ng isang “permanenteng makasiyensiyang grupo na magbabantay,” ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Ang nakahahawang virus, kilala bilang transfusion transmitted virus (TTV), ay unang natuklasan sa Hapón noong 1997, kung saan 10 porsiyento ng mga nagkaloob ng dugo ay nahawahan. Hindi pa alam ng mga doktor ang eksaktong papel ng virus ng sakit, subalit isinisiwalat ng mga pag-aaral sa Britanya ang pagkakaroon ng TTV ng 25 porsiyento ng isang grupo ng mga pasyenteng may matinding impeksiyon sa atay na hindi malaman ang pinagmulan. Sa kasalukuyan, walang pamantayang proseso upang masuri ang virus na ito, sabi ng Le Monde.
Kauna-unahang Nasukat na ‘Pagyanig ng Araw’
Sa pagsusuri sa mga larawan na kuha ng sasakyang pangkalawakang Soho ng European Space Agency, napansin ng mga mananaliksik na sina Valentina Zharkova ng Glasgow University sa Scotland at Alexander Kosovichev ng Stanford University, sa California, ang isang ‘pagyanig ng araw’ sa kauna-unahang pagkakataon. “Nangyari ito pagkatapos ng isang katamtamang laki ng pagsiklab—isang pagsabog ng hidroheno at helium sa ibabaw ng Araw—na napansin noong Hulyo 1996,” ulat ng The Daily Telegraph ng London. Sa lakas na 11.3, nagkaroon ito ng mistulang alon dahil sa pagyanig na tatlong kilometro ang taas at lumikha ng maliliit na alon na katulad ng nangyayari kapag naghagis ka ng isang bato sa isang lawa. Ang maliliit na alon na ito’y naglalakbay ng hanggang 120,000 kilometro sa ibabaw ng araw, anupat umaabot sa bilis na 400,000 kilometro sa isang oras. Ang ‘pagyanig ng araw’ na ito ay naglabas ng enerhiya na kasindami ng enerhiyang nakukunsumo ng Estados Unidos sa loob ng 20 taon at 40,000 ulit ang lakas ng pagyanig kaysa sa lindol sa San Francisco noong 1906, na may lakas na 8.3 sa Richter scale.
Kagalakang Dulot ng Sanggol—At Higit na Trabaho!
“Minamaliit ng maraming kabataang mag-asawa ang dagdag na trabaho na kaakibat ng pagkakaroon ng anak. Ito’y kadalasang humahantong sa away ng mag-asawa pagkasilang ng anak,” sulat ng Nassauische Neue Presse ng Alemanya. Ipinakita ng isang pag-aaral na isinagawa sa University of Groningen, sa Netherlands, na ang mga kabataang ina ay kadalasang hindi nasisiyahan dahil sa malaking pagbabago na dala ng pagsilang ng isang anak. Sa katamtaman, kailangan ng mga ina ang karagdagang 40 oras isang linggo para sa bata—6 dito ay para sa karagdagang paglilinis, paglalaba, at pagluluto na kailangan at ang 34 ay para naman sa pagtutok sa kanilang mga anak. Para sa mga ama, 17 oras na tuwirang nakatalaga sa bata ang kanilang tanging karagdagang gawain. Ayon sa report, ang kaigtingan ng mag-asawa “ay hindi kung sino ang magpapalit ng lampin o magigising sa gabi upang pasusuhin sa bote ang bata kundi, bagkus, sa paghahati ng gawain sa bahay.”
TV at mga Aksidente
Malamang na gayahin ng mga batang gumugol ng maraming oras sa panonood ng TV ang mapanganib na mga stunt na napapanood nila. Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Kastilang mananaliksik na si Dr. José Umberos Fernández, lumalaki ang posibilidad na mapinsala ang mga bata sa bawat oras na ginugugol ng isang bata sa panonood ng TV. Sinabi ni Fernández na ito’y dahil sa inihaharap ng TV ang isang pilipit na pangmalas sa katotohanan. Ano ang magagawa ng mga magulang upang mabawasan ang epektong ito? Ayon sa Griegong pahayagang To Vima, dapat na may bahagi ang mga magulang sa pagpili ng mga programa na pinanonood ng kanilang mga anak at tulungan ang mga ito na maging “mapanuri at istrikto sa panonood,” sa halip na tanggaping totoo ang lahat ng napapanood nila.
Mga Bata at Caffeine
Kahit na kung ang mga bata ay hindi umiinom ng kape o tsa, karamihan ay nakakainom pa rin ng marami-raming caffeine mula sa mga inuming carbonated at tsokolate anupat hinahanap-hanap nila ito kapag sila’y huminto sa pag-inom ng mga ito, ulat ng The New York Times. Isang pangkat ng mga saykayatris na pinangunahan ni Dr. Gail A. Bernstein, ng University of Minnesota Medical School, ang nagtuon ng pansin sa mga epekto ng caffeine sa haba ng atensiyon ng 30 batang mag-aaral. Ang iniinom na caffeine ng mga bata ay dinagdagan na katumbas ng pag-inom ng tatlong lata ng cola sa isang araw. Pagkaraan ng isang linggo, ang mga bata ay hindi pinainom ng may caffeine sa loob ng isang araw. Sa araw na ito at pagkalipas ng isang linggo, biglang bumaba ang haba ng atensiyon ng mga estudyante. “Ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang bagay na ito,” komento ng mga mananaliksik, “ay huwag painumin ang mga bata ng mga inuming maraming caffeine.”