Ang mga “Bagong” Lolo’t Lola
“Malugod na tinatanggap kayo kina Lolo’t Lola—Pinalalayaw ang mga Bata Habang Kayo’y Naghihintay.” Iyan ang mababasa sa karatula sa pasukan ng tahanan nina Gene at Jane.
PERO pagpasok mo, hindi ka makakakita ng isang matandang mag-asawa na nasa tumba-tumba. Sa halip, masusumpungan mo ang isang masigla at malakas na mag-asawa na nasa edad na mga 40. Palibhasa’y hindi iniiwasan ang kanilang papel bilang ‘mga nakatatandang estadista,’ buong-pananabik na tinanggap nina Gene at Jane ang pagiging lolo’t lola. “Totoo, isa iyon sa mumunting palatandaan na ikaw ay tumatanda na,” sabi ni Gene, “pero isa ito sa mga gantimpala, ang kagantihan sa pagpapalaki sa iyong mga anak—ang mga apo.”
Sabi ng isang sinaunang kawikaan: “Ang putong ng matatandang lalaki ay ang kanilang mga apo.” (Kawikaan 17:6) Kadalasa’y nagtatamasa ang mga lolo’t lola at ang kanilang mga apo ng isang natatanging buklod ng pag-ibig at malapit na kaugnayan. At ayon sa peryodikong Generations, “isang wala pang katulad na bilang ng mga tao sa lipunang Amerikano ang mga lolo’t lola na.” Ang dahilan? “Ang mas mahabang buhay at mga bagong katangian ng siklo ng buhay pampamilya,” paliwanag ng artikulo. “Ang mga pagbabago sa bilang ng mga namamatay at ipinanganganak ay nangangahulugan na isang tinatayang tatlong-kapat ng mga nasa hustong gulang ang magiging mga lolo’t lola . . . Ang karamihan sa mga taong nasa katanghaliang-edad ay nagiging mga lolo’t lola sa edad na mga 45.”
Isang bagong henerasyon ng mga lolo’t lola ang lumilitaw sa ilang lupain. Subalit marami ang higit at higit na nagsasabalikat ng pag-aasikaso sa kanilang mga apo. Halimbawa, ang anak na lalaki at manugang na babae nina Gene at Jane ay nagdiborsiyo at parehong may karapatang mangalaga sa mga anak. “Sinisikap naming makatulong sa pamamagitan ng pag-aalaga sa aming apo habang nagtatrabaho ang aming anak,” paliwanag ni Jane. Ayon sa isang surbey, ang mga lolo’t lola sa Estados Unidos na nag-aalaga sa kanilang mga apo ay gumugugol ng mga 14 na oras sa isang linggo sa paggawa nito. Katumbas ito ng hanggang 29 na bilyong dolyar na halaga ng pagtatrabaho sa isang taon!
Anong kagalakan ang tinatamasa ng mga lolo’t lola ngayon? Ano ang mga hamon sa kanila? Tatalakayin sa susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.