Kapag ang mga Lolo’t Lola ay Naging mga Magulang
“Kauuwi ko lamang galing sa isang pulong sa Kingdom Hall. May kumatok nang malakas sa pintuan, at sa labas ay may dalawang pulis na may kasamang dalawang maruruming bata na ang mga buhok ay nakasabukot at mukhang hindi napaliguan nang ilang buwan. Hindi mo makikilalang sila’y mga bata! Sila’y aking mga apo, at ang kanilang ina—isang sugapa sa droga—ay nagpabaya sa kanila. Ako’y isang biyuda, at mayroon na akong anim na anak. Pero hindi ako makatanggi.”—Sally.a
“Hiniling ng aking anak na babae na alagaan ko ang kaniyang mga anak hanggang sa maituwid niya ang kaniyang buhay. Hindi ko alam na nagdodroga pala siya. Ako na tuloy ang nagpalaki sa kaniyang dalawang anak. Pagkaraan ng ilang taon, nanganak na naman ang aking anak. Ayaw ko na sanang alagaan ito, pero nagmakaawa sa akin ang aking apong lalaki, na nagsabi, ‘Lola, puwede bang mag-alaga tayo ng isa pa?’”—Willie Mae.
ANG pagiging lolo’t lola ay sinasabi noon na “isang kasiyahan na walang pananagutan.” Pero hindi na ngayon. Tinataya ng ilan na sa Estados Unidos lamang, mahigit sa tatlong milyong bata ang nakatira sa kanilang lolo’t lola. At mabilis na lumalaki pa ang bilang.
Ano ang nasa likod ng nakababahalang kausuhang ito? Ang mga anak ng mga magulang na nagdiborsiyo ay maaaring mauwi sa kanilang mga lolo’t lola. Gayundin ang mga batang pinababayaan o inaabuso ng kanilang mga magulang. Sinasabi ng babasahing Child Welfare na dahil sa nakapipinsalang epekto nito sa mga sugapang magulang, ‘ang shabu ay lumilikha ng isang nawawalang henerasyon.’ Nariyan din ang milyun-milyong bata na “walang magulang” dahil sa pagpapabaya, pagkamatay ng magulang, at sakit sa isip. Ang mga batang namatayan ng kanilang ina dahil sa AIDS ay maaari ring mauwi sa pangangalaga ng kanilang mga lolo’t lola.
Maaaring nakapapagod ang pagsasabalikat ng pananagutang magpalaki sa bata sa panahon ng katanghaliang-edad o sa “kapaha-pahamak na araw” ng katandaan. (Eclesiastes 12:1-7) Maraming tao ang talagang mahina na para magbantay sa mumunting bata. May ilang lolo’t lola na nag-aalaga rin ng kanilang matatanda nang magulang. Ang iba naman ay nabalo o nakipagdiborsiyo at kailangang mabuhay nang walang suporta ng isang asawa. At nasusumpungan ng marami na hindi sila handa sa pinansiyal upang magsabalikat ng gayong pasan. Sa isang surbey, 4 sa 10 lolo’t lolang tagapangalaga ng bata ang halos naghihikahos na. “Nagkakasakit ang mga bata,” nagunita ni Sally. “Napilitan akong gumastos ng malaki para sa gamot. Halos wala akong nakukuhang tulong na salapi mula sa estado.” Ganito ang nagunita ng isang may edad nang babae: “Napilitan akong gamitin ang salaping inilalaan ko sa aking katandaan para maalagaan ang aking mga apo.”
Ang mga Kaigtingan at Kahirapan
Hindi nakapagtataka, natuklasan sa isang pag-aaral na “ang pag-aalaga ng mga apo ay nagdadala ng malaking kaigtingan sa mga lolo’t lola, na 86 na porsiyento mula sa 60 lolo’t lola na sinurbey ang nag-ulat na ‘laging nanlulumo o nababalisa.’” Sa katunayan, marami ang nag-ulat na ang mga ito’y nagkakasakit. “Naapektuhan ako sa pisikal, mental, at espirituwal na paraan,” sabi ni Elizabeth, isang babaing nag-alaga sa kaniyang tin-edyer na apong babae. Ganito ang sabi ni Willie Mae na pinahihirapan ng sakit sa puso at alta presyon: “Naniniwala ang aking doktor na ito’y dahil sa mga kaigtingan ng pagpapalaki sa mga bata.”
Marami ang hindi handa sa pagbabago ng istilo ng pamumuhay na kinakailangan sa pagpapalaki ng mga apo. “May mga panahon na hindi ako makaalis ng bahay,” sabi ng isang lolo. “Hindi ako mapalagay . . . na iwan sila sa iba, kaya sa halip na pumunta sa ibang lugar o gumawa ng isang bagay, hindi ako umaalis o hindi ko ginagawa iyon.” Inilarawan naman ng isa na “wala” siyang panahon para sa kaniyang sarili. Pangkaraniwan ang pagbubukod ng sarili at kalungkutan. Sabi ng isang lola: “Sa mga kaedad namin, marami sa aming mga kaibigan ay walang [maliit na] mga anak at bunga nito, kadalasa’y hindi kami inaanyayahan dahil sa ang aming mga anak [mga apo] ay hindi naman imbitado.”
Masakit din ang mga panggigipit sa emosyon. Sabi ng isang artikulo sa U.S. News & World Report: “Marami sa kanila [mga lolo’t lola] ang pinipighati ng kahihiyan at pagkadama ng kasalanan sa bagay na ang kanilang sariling mga anak ay bigo bilang mga magulang—at sinisisi ng marami ang kanilang sarili, anupat nagtatanong kung saan sila nagkamali bilang mga magulang. Upang makapaglaan ng ligtas at may pagmamahal na kanlungan sa kanilang mga apo, kailangang ilayo nila ang kanilang damdamin sa kanilang sariling mga anak na abusado o sugapa sa droga.”
Ulat ng isang surbey: “Mahigit sa sangkapat . . . ang nagsabi na ang kasiyahan nila sa kanilang pag-aasawa ay nabawasan dahil sa pagiging tagapag-alaga.” Ang mga asawang lalaki, lalo na, ang kadalasa’y nakadaramang napapabayaan sila habang isinasabalikat ng kanilang maybahay ang malaking bahagi ng pag-aalaga sa bata. Nadarama ng mga asawang lalaki na talagang hindi na nila makayanan ang panggigipit. Sabi ng isang babae tungkol sa kaniyang asawa: “Nilayasan niya kami. . . . Sa palagay ko’y dahil sa inaakala niyang sukól na siya.”
Galít na mga Bata
Ganito ang sabi ng U.S. News & World Report: “Ang mga kaigtingan ay pinalulubha pa ng bagay na ang ilan sa mga bata na minana [ng mga lolo’t lola] ay yaong mga totoong naghihikahos, lubhang nasaktan ang damdamin at galit na galit na mga tao sa bansa.”
Tingnan ang apong babae ni Elizabeth. Talagang iniwanan ito ng ama ng bata sa kanto kung saan nagtatrabaho si Elizabeth bilang isang guwardiya sa tawiran sa paaralan. “Isa siyang galit na bata,” sabi ni Elizabeth. “Nasaktan siya.” Ganoon ding sugat ang nadarama ng mga apo ni Sally. “Naghihinanakit ang aking apong lalaki. Akala niya’y wala nang may gusto sa kaniya.” Ang pagkakaroon ng maibiging ama at ina ay karapatan ng isang bata sa kaniyang pagsilang. Isip-isipin ang nadarama ng isang bata na kanilang iniwan, pinabayaan, o tinanggihan! Ang pag-unawa sa mga damdaming ito ay maaaring siyang susi sa matiyagang pakikitungo sa mga bata na may suliranin sa paggawi. Sabi ng Kawikaan 19:11: “Ang malalim na unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.”
Halimbawa, baka tanggihan ng isang pinabayaang bata ang iyong mga pagsisikap na alagaan siya. Ang pag-unawa sa mga pangamba at kabalisahan ng isang bata ay makatutulong sa iyo na maging madamayin. Marahil ang pagkilala sa kaniyang mga pangamba at pagtiyak sa kaniya na gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang alagaan siya ay may malaking magagawa upang mapawi ang kaniyang mga pangamba.
Pagharap sa mga Panggigipit
‘Nasasaktan ako at naaawa ako sa aking sarili. Hindi makatuwirang mangyari ito sa amin.’ Ganiyan ang sabi ng isang lolang tagapangalaga. Kung ikaw ay nasa gayong kalagayan, maaaring ganiyan din ang iyong madarama. Ngunit may pag-asa pa. Una, maaaring dahil sa edad ay mahina ka sa pisikal, ngunit ang edad ay isang kayamanan pagdating sa karunungan, pagtitiis, at kasanayan. Hindi nakapagtataka, natuklasan sa isang pag-aaral na “ang mga batang lumaki sa kanilang mga lolo’t lola ay mas naging maayos kung ihahambing sa mga batang nasa mga pamilyang may isa lamang tunay na magulang.”
Hinihimok tayo ng Bibliya na ‘ihagis ang lahat ng ating kabalisahan kay Jehova, sapagkat nagmamalasakit siya sa atin.’ (1 Pedro 5:7) Kaya laging manalangin sa kaniya para sa lakas at patnubay, gaya ng ginawa ng salmista. (Ihambing ang Awit 71:18.) Bigyang-pansin ang inyong sariling espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) “Ang mga pulong Kristiyano at pangangaral sa iba ay nakatulong sa akin upang makaraos,” sabi ng isang babaing Kristiyano. Saanma’t posible, sikaping turuan ang iyong mga apo sa mga daan ng Diyos. (Deuteronomio 4:9) Tiyak na susuportahan ng Diyos ang iyong mga pagsisikap na magpalaki ng mga apo “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.”—Efeso 6:4.b
Huwag matakot na humingi ng tulong. Kadalasa’y nakatutulong ang mga kaibigan, lalo na sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sabi ni Sally: “Malaking tulong ang mga kapatid sa kongregasyon. Kapag nanlulumo ako, sila ang nagpapalakas sa akin. Tinutulungan pa nga ako ng iba sa pinansiyal na paraan.”
Huwag kaligtaan ang tulong na maaaring makuha mula sa pamahalaan. (Roma 13:6) Kapansin-pansin, ayon sa isang surbey sa mga lolo’t lola, “hindi alam ng karamihan kung ano ang makukuha o kung saan hihingi ng tulong.” (Child Welfare) Ang mga tauhan sa kawanggawa at lokal na ahensiya na tumutulong sa matatanda ay maaaring magturo sa iyo ng mga serbisyong makatutulong.
Sa maraming kalagayan, ang mga tagapangalagang lolo’t lola ay bunga ng “mga panahong [ito] na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Mabuti na lamang, ang mahihirap na panahong ito ay isang palatandaan na malapit nang makialam ang Diyos at lumikha ng “isang bagong lupa” na doo’y magiging bahagi na lamang ng nakaraan ang mga kalunus-lunos na situwasyong nagpapahirap sa napakaraming pamilya ngayon. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Samantala, kailangang gawin ng mga tagapangalagang lolo’t lola ang magagawa nila upang makayanan ang situwasyon. Marami naman ang nagtatagumpay sa kanilang mga pagsisikap! Laging tandaan na sa kabila ng kabiguan, nariyan ang mga kagalakan. Aba, maaari mo pa ngang taglayin ang kagalakan na makitang matuwid na umiibig sa Diyos ang iyong mga apo! Hindi ba gagawin nitong sulit ang lahat ng iyong pagpapagal?
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya (inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.) ay naglalaman ng maraming nakatutulong na simulain sa Bibliya na magagamit ng mga tagapangalagang lolo’t lola sa pagpapalaki sa kanilang mga apo.
[Kahon sa pahina 10]
Legal na Usapin
Kung kukuha man o hindi ng legal na karapatang mangalaga sa mga apo ay isang maselan at mahirap na tanong. Ganito ang paliwanag ni Mary Fron, isang eksperto sa paksang ito: “Sa isang banda, mayroon kang ilang legal na mga karapatan kahit hindi ikaw ang tagapangalaga. Kadalasan, maaaring ibalik at kunin ng tunay na mga magulang ang bata o mga bata anumang oras. Sa kabilang banda naman, maraming lolo’t lola ang atubiling kumuha ng karapatang mangalaga, dahil nangangahulugan iyan ng pagharap sa korte upang sabihin na ang iyong anak ay walang kakayahang magulang.”—Good Housekeeping.
Kung walang legal na karapatang mangalaga, kadalasang nahihirapan ang mga lolo’t lola na ipasok sa paaralan ang kanilang apo o kaya’y ipagamot ang mga ito. Gayunman, ang pagkuha ng karapatang mangalaga ay maaaring maging isang magastos, umuubos-panahon, at nakapanghihina-ng-loob na karanasan. At kahit makuha man iyon, maaaring maputol ang pinansiyal na suporta ng pamahalaan sa mga lolo’t lola. Kaya naman nagpapayo ang peryodikong Child Welfare sa mga lolo’t lola na “kumuha sila ng legal na payo mula sa isang lokal na abogado na makaranasan sa mga batas ng estado tungkol sa pamilya, mga kaso tungkol sa karapatang mangalaga, at kapakanan ng bata.”
[Kahon sa pahina 11]
Pagtaya sa Halaga
Ang makita ang isang batang nangangailangan—lalo na ang sariling laman at dugo—ay masakit sa loob. At inuutusan ng Bibliya ang mga Kristiyano na asikasuhin ang ‘sariling kanila.’ (1 Timoteo 5:8) Gayunpaman, sa maraming situwasyon ay isang katalinuhan para sa isang lolo o lola na mag-isip na mabuti bago akuin ang gayong responsibilidad. (Kawikaan 14:15; 21:5) Dapat tantiyahin ng isa ang halaga.—Ihambing ang Lucas 14:28.
Isaalang-alang nang may pananalangin: Talaga bang nasa pisikal, emosyonal, espirituwal, at pinansiyal na kalagayan ka para matugunan ang mga pangangailangan ng batang ito? Ano ang nadarama ng iyong kabiyak hinggil sa situwasyong ito? Mayroon bang paraan para pasiglahin o tulungan ang mga magulang ng bata upang sila mismo ang mag-alaga ng kanilang anak? Nakalulungkot sabihin, ipinagpapatuloy lamang ng ilang delingkuwenteng mga magulang ang kanilang imoral na istilo ng buhay. May sama ng loob na nagunita ng isang lola: “Kinuha ko na ang ilan sa kaniyang mga anak. Pero patuloy siyang nagdodroga at nagkakaanak. Dumating sa punto na kinailangan ko nang tumanggi!”
Sa kabilang banda, kung hindi mo aalagaan ang iyong sariling mga apo, ano kaya ang mangyayari sa kanila? Makakaya mo ba ang bigat sa kalooban kapag nalaman mong sila’y inaalagaan ng iba, marahil ng mga di-kilala? Paano na ang espirituwal na pangangailangan ng mga bata? Mapalalaki kaya sila ng iba ayon sa mga pamantayan ng Diyos? Maaaring sabihin ng ilan na sa kabila ng mga suliraning nasasangkot, wala silang magagawa kundi tanggapin ang responsibilidad.
Ito ay mahihirap na bagay na dapat isaalang-alang, at bawat isa ay kailangang gumawa ng sarili niyang pasiya.
[Larawan sa pahina 9]
Maraming lolo’t lola ang nahihirapang matugunan ang mga kahilingan sa pagpapalaki ng maliliit na bata
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga lolo’t lola na may takot sa Diyos ay makapagtitiwala na susuportahan sila ni Jehova sa kanilang pagsisikap