Doble-Vista—Sino ang Unang Mayroon Nito?
Dalawang siglo na ang nakalipas, si Benjamin Franklin ay kumuha ng dalawang pares ng salamin sa mata, isa para sa malayuang paningin at isa para sa malapitang paningin, at hinati nang pahalang ang bawat isa. Pagkatapos, sa iisang pabahay ng salamin sa mata, ikinabit niya ang itaas na hati ng mga lenteng pangmalayuan sa ibabaw ng hati ng mga lenteng pangmalapitan na nasa ibaba naman, at narito, ang unang pares ng doble-vista!
Sa ngayon, nagawa ng maunlad na teknolohiya ang mga doble-vista mula sa isa lamang piraso ng salamin, na may mga kurba ng iba’t ibang grado sa itaas at ibabang bahagi. At mayroon pa ngang mga contact lens na doble-vista. Subalit alam mo bang bago pa nagawa ng siyensiya patungkol sa mata ang mga doble-vista, isang isda sa tubig-tabang ang nagsusuot na ng ‘pinakabagong’ isang-lenteng doble-vista?
Masusumpungan mo ang isang piye ang haba at tulad-minnow na isdang ito, na tinatawag ng mga siyentipiko na Anableps, sa katubigan mula sa timog ng Mexico hanggang sa gawing hilaga ng Timog Amerika. Mula sa buntot hanggang sa hasang, wala itong ipinagkaiba sa hugis, subalit pagkalampas ng hasang, ito’y nakapagtataka.
Sa unang tingin, ang mga isdang ito’y para bang may apat na mata—isang pares na nakatingin sa itaas at isang pares na nakatingin sa ibaba—anupat tinatawag ito ng mga tao na isdang may apat na mata. Subalit iyan ay ilusyon lamang ng mata. Mayroon itong dalawang malalaking bilog na mata, subalit ang bawat mata ay nahahati nang pahalang sa dalawang bahagi sa pamamagitan ng isang tali ng balat. Yamang ang mga isdang ito’y lumalangoy sa ibabaw ng tubig, ang itaas na hati ng kanilang mata ay parang periscope na nakausli sa ibabaw ng tubig at nagmamasid sa himpapawid, samantalang ang ibabang bahagi ay nananatiling nakalubog at nakatingin sa ilalim ng tubig. Sa ganitong paraan ang isdang apat ang mata ay naghahanap ng pagkain sa ilalim at kasabay nito—o, mas angkop, ang dalawang mata—ay nagmamatiyag sa gutom na mga ibon-tubig sa itaas.
Gayunman, upang tumingin sa ilalim ng tubig, kailangan ng isda ang mas makapal na mga lente kaysa ginagamit nito sa pagtingin sa himpapawid. Paano nalulutas ang problemang ito? Doble-vista! Ang bawat mata ay nasasangkapan ng isang-piraso at hugis-itlog na lente na mas makapal sa ilalim kaysa sa itaas. Kaya ang anumang bagay na tinitingnan sa ilalim ng tubig ay nakikita sa pamamagitan ng mas makapal na bahagi ng mga lente, samantalang ang mas lapad at itaas na bahagi ay nagmamasid sa himpapawid.
Subalit ang dalawang-hanay na paningin ng isda ay malinaw lamang habang pinananatili nitong malinis ang mga lente. Paano nito nililinis ang kanilang mga lente? Kailanma’t natutuyo ang mga lente, basta inilulubog ng isda ang kanilang ulo sa ilalim ng tubig at lumilitaw na may maningning muli na mga doble-vista. Tiyak na ipinababanaag ng makintab na mga lenteng ito ang karunungan ng kanilang Maylalang!
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
Iginuhit na larawan ni Charles Willson Peale/Dictionary of American Portraits/Dover
©Dr. Paul A. Zahl, The National Audubon Society Collection/PR
©William E. Townsend, Jr., The National Audubon Society Collection/PR