May Nagdisenyo ba Nito?
Ang Lente ng Mata ng Newt na Tumutubo Uli
● Ang newt, isang butiking-tubig, ay kahanga-hanga dahil sa kakayahan nitong makapagpatubong muli ng mga bahagi ng kaniyang katawan, gaya ng mga organ, tisyu, paa, at buntot. Pero kasinghusay ba ng orihinal ang kapalit? Pagdating sa lente ng mga mata ng newt, ang sagot ng mga mananaliksik ay oo.
Pag-isipan ito: Muling napatutubo ng newt ang lente ng kaniyang mata dahil ang mga selula ng iris ay puwede niyang gawing selula ng lente. Para higit na maintindihan ang prosesong ito, 16 na taóng inobserbahan ng mga biyologo ang ilang Japanese newt. Labing-walong beses nilang tinanggalan ng lente ng mata ang bawat newt. At gaya ng inaasahan, muli at muling tumubo ang mga lente.
Sa pagtatapos ng pag-aaral, ang edad ng mga newt ay mga 30 taon na—sobra ng 5 taon sa karaniwang haba ng buhay nila. Pero mabilis pa rin silang nakakapagpatubo ng mga bagong lente gaya noong bata pa sila. Iniulat din ng University of Dayton sa Ohio, E.U.A., na ang bagong-tubong mga lente ay “katulad na katulad ng mga lenteng tinanggal sa mga adultong newt na hindi pa kailanman nagpalit ng lente.” Ang biyologong si Panagiotis Tsonis, isa sa mga nagsuri sa mga newt, ay nagsabi: “Ako man ay nagulat din.” Ayon sa kaniya, ang mga bagong lente ay “walang ipinagkaiba sa orihinal.”
Gustong madiskubre ng mga siyentipiko kung paano nagagawa ng newt na mapatubong muli ang nasirang bahagi ng kaniyang katawan para malaman kung paano ito maaaring gawing posible sa katawan ng mga tao. “Napakarami nating matututuhan sa newt pagdating sa regeneration,” ang sabi ni Tsonis, “lalo pa’t maaaring malaki ang magagawa nito sa mga problema sa pagtanda.”
Ano sa palagay mo? Ang lente ba ng mata ng newt na tumutubo uli ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?
[Dayagram sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang “kapalit” na lente ay katulad na katulad ng orihinal
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Top photo: © Vibe Images/Alamy; middle photo: © Juniors Bildarchiv/Alamy