Makabuluhang Buhay Kahit Walang Isang Binti o Braso
“BALIK na naman sa taluktok ang mang-aakyat.” Iyan ang sabi ng isang pahayagan nang marating ni Tom Whittaker ang taluktok ng Mount Everest. Marami nang nakaakyat sa napakataas na taluktok na iyan, ngunit si Tom Whittaker ang unang putol na nakagawa nito! Naputulan si Whittaker ng isang paa dahil sa isang aksidente sa sasakyan. Ngunit dahil sa isang artipisyal na paa, isang prosthesis, naging posible para sa kaniya na ipagpatuloy ang kaniyang isport. Ang mga aparatong katulad nito ay nagpapangyari sa libu-libo pang putol na matamasa ang isang mataas na kalidad ng buhay. Sa katunayan, pangkaraniwan na lamang ngayon ang makakita ng mga putol na mabilis na tumatakbo, nagbabasketbol, o namimisikleta.
Ang sinaunang bersiyon ng mga artipisyal na binti at kamay ay mga simpleng tulos na kahoy at mga kalawit na bakal. Subalit nagkaroon na ng pagsulong dahil sa libu-libong naputulan noong digmaan. Hindi nga kataka-taka, isang siruhano ng hukbo—ika-16-na-siglong taga-Pransiya na si Ambroise Paré—ang nabigyan ng kredito sa pagpapasimula ng unang henerasyon ng tinatawag na mga tunay na prosthesis. Ang mga aparato ngayon sa prosthetic ay gumagamit ng mga hydraulics, makabagong hugpungan ng tuhod, nababaluktot na mga paang gawa sa carbon-fiber, silicone, plastik, at iba pang modernong mga produkto na nagpangyari sa maraming tao na makalakad at makagalaw nang mas natural at komportable kaysa sa pinangarap nilang mangyari noon. Ang mga pagsulong sa microelectronics ay nagpangyari upang maigalaw nang mas natural ang artipisyal na mga braso at kamay. Gumanda na rin ang mga prosthesis. Ang modernong artipisyal na mga binti at braso ay may kakabit nang mga daliri sa kamay at paa, at ang ilan ay mistulang may mga ugat pa nga. Sa katunayan, isang modelong babae na nawalan ng isang binti dahil sa kanser ang nilagyan ng prosthesis na talaga namang mukhang totoong-totoo anupat naipagpatuloy pa niya ang kaniyang pagmomodelo.
Mahalaga ang Saloobin
Gayunpaman, nagbabala ang isang eksperto sa kalusugan ng isip na si Ellen Winchell: “Kapag dumaranas ka ng pansariling krisis gaya ng maputulan ng bahagi ng katawan, ikaw ay sinusubok nang husto sa bawat pitak ng iyong pagkatao—pisikal, emosyonal, mental, at espirituwal.” Tingnan natin si William, na naputulan ng isang binti dahil sa ganggrena matapos masugatan. Sabi niya: “Isa sa mga susi sa pagdaig sa anumang pagsubok sa buhay ay ang ating saloobin. Hindi ko kailanman itinuring na isang hadlang ang aking kapansanan. Sa halip, pinanatili ko ang isang positibong pangmalas hinggil sa anumang sagabal na naranasan ko mula nang ako’y maaksidente.” Si Ellen Winchell, isa ring putol, ay sumang-ayon, na sinasabing ang mga taong may positibong pangmalas ay malamang na mas madaling masanay sa pagkawala ng binti kaysa sa mga taong madaling masiraan ng loob. Gaya ng sabi ng Bibliya, “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”—Kawikaan 17:22.
Ang Gumising! ay nakipag-usap sa maraming Kristiyano na nasanay na sa pagkawala ng isang binti o braso. Karamihan ay nagmungkahi na iwasan ng mga putol na maging masyadong mahiyain o malihim hinggil sa kanilang kapansanan. “Lalo akong nababahala kapag itinuturing ng iba na ito’y isa sa mga paksang di-dapat pag-usapan,” sabi ni Dell, na nawalan ng kaniyang kaliwang binti. “Para sa akin, nagiging dahilan tuloy ito upang maging asiwa ang lahat.” Iminumungkahi ng ilang eksperto na kung wala kang kanang kamay at ikaw ay ipinakilala sa iba, ituloy mo ang pakikipagkamay sa pamamagitan ng iyong kaliwang kamay. At kapag tinanong ka hinggil sa iyong prosthesis, ikuwento mo ito sa kaniya. Dahil sa hindi mo ito ikinahihiya, nagiging komportable naman ang iba. Karaniwan na, ang pag-uusap ay nauuwi sa ibang paksa.
May “panahon ng pagtawa.” (Eclesiastes 3:4b) Isang babaing nawalan ng isang kamay ang nagsabi: ‘Higit sa lahat, panatilihin mo ang iyong pagiging palatawa! Dapat na tandaan nating palagi na kung ano ang saloobin natin sa ating sarili, malamang na iyon din ang magiging saloobin ng mga tao sa atin.’
“Panahon ng Paghagulhol”
Matapos putulin ang kaniyang isang binti, pasimula’y sinabi ni Dell sa kaniyang sarili, “Wala na. Tapos na ang lahat sa buhay ko.” Sina Florindo at Floriano ay kapuwa naputulan ng mga binti dahil sa minang pampasabog sa Angola. Sinabi ni Florindo na tatlong araw at gabi siyang nag-iiyak. Si Floriano man ay nakipaglaban din sa kaniyang emosyon. “Ako’y 25 taóng gulang lamang noon,” isinulat niya. “Nagagawa ko ang lahat ng bagay noon, ngunit nang sumunod na araw ay hindi man lamang ako makatayo. Nanlumo ako at nasiraan ng loob.”
May “panahon ng paghagulhol.” (Eclesiastes 3:4a) At natural lamang na mamighati kapag dumanas ng isang malubhang kapinsalaan. (Ihambing ang Hukom 11:37; Eclesiastes 7:1-3.) “Upang malampasan ang pamimighati, kailangang dumaan ka muna rito,” isinulat ni Ellen Winchell. Madalas na nakatutulong nang malaki ang pagsasabi ng iyong kalooban sa isang nakikiramay na tagapakinig. (Kawikaan 12:25) Subalit hindi dapat magpatuloy ang pamimighati. Pansamantala, ang ilang indibiduwal ay maaaring maging sumpungin, palapintasin, balisa, o walang-kibo matapos ang masakit na karanasan ng pagkawala ng binti o braso. Gayunman, ang damdaming ito ay karaniwan nang lumilipas. Kung hindi gayon, baka tumuloy na ito sa klinikal na panlulumo—isang karamdaman na nangangailangan ng gamutan. Ang mga miyembro at kaibigan ng pamilya ay dapat na maging alisto sa anumang palatandaan na ang kanilang mahal sa buhay ay nangangailangan ng ganitong tulong.a
Si W. Mitchell, paralisado ang dalawang binti, ay sumulat: “Kailangan nating lahat ang mga taong nagmamalasakit. Maaaring mabata ang halos lahat ng bagay kung nadarama ng isa na siya’y napalilibutan ng isang malaking grupo ng mga kaibigan at pamilya, ngunit ang isang maliit na problema ay maaaring makahadlang sa isang taong nag-iisa sa kaniyang pagsisikap na makibaka sa buhay. At ang pagkakaibigan ay hindi basta nagkataon lamang, dapat na ito’y masigasig na pasimulan at masigasig na panatilihin, kung hindi, ito’y mananamlay.”—Ihambing ang Kawikaan 18:24.
Makabuluhang Pamumuhay, Kahit Walang Isang Binti o Braso
Sa kabila ng kanilang kapansanan, maraming walang binti o braso ang nagkaroon ng makabuluhang buhay. Halimbawa, si Russell ay ipinanganak na walang paa kundi ang punong bahagi lamang ng kaniyang kaliwang binti. Sa edad na 78, regular pa rin siyang nag-eehersisyo at napakaraming karanasan sa buhay, bagaman sa ngayon ay gumagamit siya ng tungkod para makalakad. Palibhasa’y likas na masayahin, ipinagtapat ni Russell na matagal nang ang palayaw niya ay Maligaya.
Si Douglas, na naputulan ng binti noong Digmaang Pandaigdig II, ay nakalalakad sa tulong ng modernong prosthesis. Bilang isang Saksi ni Jehova, nasisiyahan siyang maglingkod bilang isang regular pioneer, isang buong-panahong ebanghelisador, sa loob ng anim na taon. At naaalaala mo pa ba si Dell, na nag-akalang tapos na ang lahat sa kaniyang buhay nang maputol ang kaniyang binti? Siya man ay may kasiya-siyang buhay bilang isang payunir, at nasusuportahan niya ang kaniyang sarili.
Kumusta naman ang mga naputulan na ng binti o braso na nasa lupaing ginigiyagis ng digmaan? Ganito ang sabi ng World Health Organization: “Ang katotohanan sa ngayon ay na isang maliit na porsiyento lamang ng mga taong may kapansanan ang tumatanggap ng tulong.” Marami ang umaasa sa tungkod at mga simpleng saklay upang makalakad. Gayunman, kung minsan ay natutulungan din sila. Sina Floriano at Florindo, mga taga-Angola na biktima ng minang pampasabog, ay kapuwa tumanggap ng mga prosthesis sa tulong ng International Red Cross at ng pamahalaan ng Switzerland. Si Floriano ay maligayang naglilingkod bilang ministeryal na lingkod sa isang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, at si Florindo naman ay naglilingkod bilang isang matanda at buong-panahong ebanghelisador.
Maganda ang pagkakasabi ng isang asosasyon na nagmamalasakit sa mga may kapansanan nang sabihin nito: “Ang tanging may-kapansanang mga tao ay yaong mga nasiraan ng loob!” Kapansin-pansin, malaki ang ginampanang papel ng Bibliya sa pagpapalakas-loob sa mga may kapansanan. “Napakalaki ng naitulong sa akin ng pagkatuto ng katotohanan sa Bibliya habang ako’y nagpapagaling,” sabi ni Dell. Gayundin, sinabi ni Russell: “Ang aking salig-Bibliyang pag-asa ay lagi nang nakatutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” Ano ba talaga ang pag-asang iniaalok ng Bibliya sa mga may kapansanan?
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Kung Papaano Tutulungan ang mga Nanlulumo Upang Muling Magalak,” sa Marso 15, 1990, isyu ng Ang Bantayan.
[Kahon sa pahina 8]
Mahiwagang Kirot
Ang mahiwagang pakiramdam ng binti o braso ay tumutukoy sa mismong pakiramdam na ang nawalang binti o braso ay naroroon pa rin. Ito ang normal na nararamdaman ng mga naputulan pagkatapos ng operasyon, at ito’y waring totoong-totoo anupat isang buklet para sa mga putol ang nagsasabi: “Mag-ingat sa mahiwagang pakiramdam kapag bumababa sa kama o sa silya nang wala ang iyong prosthesis. Palaging tumingin sa ibaba upang mapaalalahanan ang iyong sarili na wala na ang isa mong paa.” Isang pasyente na nawalan ng dalawang binti ang tumayo upang kamayan ang kaniyang doktor, sa halip, bumagsak siya sa sahig!
Ang isa pang problema ay ang mahiwagang kirot. Ito ang aktuwal na kirot na inaakalang nanggagaling sa inalis na binti o braso. Ang tindi, uri, at tagal ng mahiwagang kirot ay hindi pareho sa iba’t ibang tao. Nakatutuwang sabihin, kapuwa ang mahiwagang pakiramdam at mahiwagang kirot ay karaniwan nang nababawasan sa paglipas ng panahon.
[Larawan sa pahina 6]
Nagiging higit na kasiya-siya ang buhay para sa maraming taong may kapansanan dahil sa mga modernong prosthesis
[Credit Line]
Photo courtesy of RGP Prosthetics
[Larawan sa pahina 7]
Ang pamimighati ay isang normal na reaksiyon dahil sa malubhang pinsala
[Larawan sa pahina 8]
Maraming taong may kapansanan ang nagtatamasa ng makabuluhang buhay