Kapag Wala Nang Lahat ang Kapansanan
MINSAN ay sinabi ng isang lumpo na karamihan sa mga tao ay mayroon lamang “pansamantalang kalakasan ng katawan.” Totoong-totoo iyan, dahil sa malao’t madali, lilitaw ang pisikal na mga depekto sa ating lahat! Kaya naman, biglang lumakas ang negosyo ng mga salamin sa mata, contact lens, pustiso, hearing aid, elektronikong pacemaker, at pagpapalagay ng artipisyal na tuhod. Gaya ng sabi sa Roma 8:22, “ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”
Kung gayon, tayong lahat ay maaaliw sa pangako ng Diyos na ibabalik ang masunuring mga tao sa sakdal na kalusugan ng katawan sa isang matuwid na “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Sabi sa Isaias 35:5, 6: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. . . . Aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng di-makapagsalita ay hihiyaw sa katuwaan.”
Inihula sa Bibliya na “isang malaking pulutong” ang makaliligtas sa pagkawasak ng kasalukuyang balakyot na sistema. (Apocalipsis 7:9, 14; Awit 37:10, 11, 29) Walang alinlangan na di-magtatagal pagkatapos ng pagkawasak na iyan, yaong may malulubhang kapansanan at karamdaman ay makararanas ng biglang lunas sa kanilang mga sakit! (Isaias 33:24) Bilang patikim sa pagpapagaling na magaganap sa bagong lupa ng Diyos, si Jesus ay gumawa ng katulad na pagpapagaling nang siya’y naririto sa lupa. (Ihambing ang Marcos 5:25-29; 7:33-35.) Ni hindi kayang ilarawan ang katuwaang madarama ng mga tao at ang mga luha ng kagalakang tutulo habang itinatapon ng mga putol ang kanilang mga prosthesis, saklay, at silyang de-gulong! Palibhasa’y malalakas na ang katawan, makakaya na nilang balikatin ang bigay-Diyos na atas na tumulong upang gawing isang paraisong tahanan ang lupa.—Lucas 23:43.
Samantala, ang mga may kapansanan sa ngayon ay kailangan pang makipagpunyagi ayon sa kanilang limitasyon. Si Nelson, isang taong may kapansanan na taga-Canada, ay nagsabi: “Kapag naaawa ako sa aking sarili, pinag-iisipan ko ang mga salita ni Jesus sa Mateo 24:13: ‘Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.’” Sa kabila ng kanilang mga limitasyon, ang mga may kapansanan ay maaaring maging kumpleto at malusog sa pinakamahalagang paraan—sa espirituwal na paraan—sa pamamagitan ng pagbabata sa pananampalatayang Kristiyano.—Santiago 1:3, 4.
Milyun-milyon na ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na yakapin ang pananampalatayang ito. Si Dell, isang lalaking may kapansanan na tinukoy sa nakaraang artikulo, ay nagsabi: “Hindi ko masabi ang aking nadama nang mabatid kong ang mga pisikal na kapansanan na gaya ng sa akin ay talagang pansamantala lamang.” Oo, palibhasa’y napalakas ng gayong pag-asa, si Dell—at ang marami pang iba na gaya niya—ay hindi matatawag na may kapansanan.
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga makaliligtas sa dumarating na pagkawasak ay magtatamasa ng makahimalang pagpapagaling sa kanilang mga karamdaman