Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 6/8 p. 14-20
  • Pagsagip Mula sa Pumapatay na Bagyo!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsagip Mula sa Pumapatay na Bagyo!
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tinamaan ni Mitch ang Honduras
  • Naranasan ng El Salvador ang Poot ni Mitch
  • Dumaan si Mitch sa Nicaragua
  • Dumaluhong sa Guatemala
  • Mitch​—Pagkatapos Nito
  • Sama-samang Sumusulong sa Pag-ibig
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Isang Bagay na Hindi Matatangay ng Bagyo
    Gumising!—2003
  • Pagbibigay ng Tulong—Lumuluwalhati kay Jehova
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Isang Nagkakaisang Kapatiran na Di-natitinag
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 6/8 p. 14-20

Pagsagip Mula sa Pumapatay na Bagyo!

Naging ulong-balita sa buong daigdig ang pangwawasak na dala ng Bagyong Mitch noong nakaraang taon. Gayunman, hindi gaanong binigyang-pansin ang kadalasa’y natatanging pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova sa pagdadala ng tulong sa mga biktima ng pumapatay na bagyong ito. Madamdaming ipinapakita ng sumusunod na ulat kung paano maaaring mamayani ang tunay na Kristiyanismo at kapatiran, kahit na sa pinakamahihirap na kalagayan.

NOONG Oktubre 22, 1998, nagluwal ng isang mamamatay-tao ang katubigan sa timog-kanlurang Caribbean. Nagsimula ito bilang isang tropical depression. Sa loob lamang ng 24 na oras, ito’y naging isa nang tropikal na bagyo at binigyan ng isang pangalan na gugunitain nang may takot at kirot sa loob ng mahabang panahon​—Mitch. Habang lumalakas, si Mitch ay pumahilaga. Pagsapit ng Oktubre 26, ito’y naging isang Category 5 hurricane, anupat lumilikha ng patuloy na paghangin na may bilis na 290 kilometro bawat oras at mga bugso ng hangin na may bilis na mahigit sa 320 kilometro bawat oras.

Sa simula, waring nakatakdang tamaan ni Mitch ang Jamaica at ang Cayman Islands. Pero ang pumapatay na bagyo ay pumakanluran at nagtungo deretso sa Belize, sa baybayin ng Sentral Amerika. Subalit sa halip na sumalakay, buong-pagbabantang namalagi ito sa ibabaw ng hilagaang baybayin ng Honduras. At pagkatapos, biglang-bigla, kumilos ang pumapatay na bagyo. Noong Oktubre 30, nilusob ng Mitch ang Honduras, anupat lumikha ng kamatayan at pagkawasak sa isang mahaba at malawak na lugar.

Tinamaan ni Mitch ang Honduras

Ipinadama ni Mitch ang presensiya nito sa pamamagitan ng malalakas na buhos ng ulan. “Mga ala-una ng umaga, noong Sabado, Oktubre 31,” nagunita ni Víctor Avelar, isang buong-panahong ebanghelisador na nakatira sa Tegucigalpa, “nakarinig kami ng ingay na gaya ng isang pagkalakas-lakas na kulog. Ang dating maliit na sapa ay isa na ngayong rumaragasang ilog! Tinangay ng agos ang dalawang bahay, na ang mga nakatira ay nakulong sa loob at nagsisisigaw.” Sa isa pang lugar sa lunsod, 32 katao ang namatay sa pag-agos ng putik, kasali na ang 8 indibiduwal na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Gayunman, walang namatay na bautisadong Saksi.

Agad na tumugon ang mga opisyal ng Honduras sa krisis na ito, anupat nagtayo ng mga kanlungan para sa mga nagsilikas. Gayundin, kumilos ang isang internasyonal na pangkat sa pagtulong mula sa mahigit na labindalawang bansa. Nagsimula ring manguna ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagsisikap na magdala ng tulong, anupat isinasaisip ang mga salita sa Bibliya: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Kaya naman naitatag ang mga komite sa pagtulong sa mga biglaang kagipitan. Palibhasa’y natatalos kung gaano kalubha ang situwasyon sa mga bayan sa baybayin, naglunsad ang mga Saksi ng isang misyon sa pagsagip.

Ganito ang nagunita ng isang Saksing nagngangalang Edgardo Acosta: “Noong Sabado, Oktubre 31, kumuha kami ng isang maliit na bangka at naglakbay kami patungo sa lugar na binaha. Bagaman nakapagligtas kami ng dalawang kapatid,a natanto namin na kailangan namin ang isang mas malaking bangka upang makuha ang lahat ng kapatid sa lugar na iyon. Kaya kumuha kami ng isang whaleboat at sinimulan ang ikalawang paglalakbay maaga noong Linggo. Sa wakas, nailikas namin ang lahat ng miyembro ng kongregasyon, pati na ang ilang kapitbahay​—189 katao lahat-lahat.”

Tumulong si Juan Alvarado sa pagsagip malapit sa La Junta. Nagunita niya: “Naririnig namin ang hiyaw ng mga tao, ‘Saklolo! Iligtas ninyo kami!’ Iyon ang aking pinakakakila-kilabot na karanasan. Talagang nakulong ang mga kapatid. Marami ang nasa mga bubungan ng bahay.” Ganito naman ang paliwanag ng nakaligtas na si María Bonilla: “Parang karagatan ang tubig na nakapalibot sa amin. Umiiyak kaming lahat.” Ngunit nagtagumpay ang mga pagsisikap na sila’y masagip. Sinabi ng nakaligtas na si Humberto Alvarado: “Hindi lamang kami sinagip ng mga kapatid kundi binigyan din kami ng masisilungan, pagkain, at damit.” Nagunita pa ni Humberto: “Sinabi sa amin ng isang lalaking nakamasid sa pagsagip na walang sinuman mula sa kanilang simbahan ang nagsikap na sagipin siya​—ang mga Saksi ni Jehova lamang ang gumawa nito. Kumbinsido siya ngayon na taglay ng mga Saksi ni Jehova ang tunay na relihiyon!”

Sa isang bayan na tinatawag na La Lima, isang grupo ng mga Saksi ang nakulong sa isang bahay. Dahil tumataas na ang tubig sa palibot nila, binutas nila ang kisame at inakyat ang mga biga ng kisame. Ganito ang inilahad ng Saksing nagngangalang Gabi: “May sapat kaming pagkain sa loob ng ilang araw. Pero nang maubos na ito, isinapanganib ng isang kapatid ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng paglusong sa tubig para manguha ng mga niyog. Para mapagaan ang aming kapighatian, umawit kami ng mga awiting pang-Kaharian.” Ganito naman ang nagunita ni Juan, isang ministeryal na lingkod: “Hindi namin inisip na makaliligtas pa kami. Kaya naipasiya naming pag-aralan ang babasahin sa Bibliya na Ang Bantayan. Umiyak kaming lahat, anupat iniisip na ito na ang huling pagkakataon na mag-aaral kami nang magkakasama. Ang pag-aaral ay nagpalakas sa amin upang makapagbata.” Nagtiyaga sila sa loob ng walong araw, hanggang sa wakas ay masagip sila ng mga awtoridad.

Bagaman ligtas at buháy, maraming nakaligtas sa baha ang kinailangang humarap sa mapapait na katotohanan. Inamin ng isang Saksing nagngangalang Lilian: “Masakit ang mawalan ng personal na mga kagamitan gaya ng damit, muwebles, at mga litrato ng pamilya. Nang makita ko ang aking bahay na punô ng putik, basura, at mga ahas pa nga, talagang nakapangingilabot!” Subalit minsan pa, napatunayang mahalaga ang Kristiyanong kapatiran. “Dumating ang mga kapatid upang tumulong,” naalaala ni Lilian. “Ang aking asawa, na hindi naman isang Saksi, ay nagtanong, ‘Paano natin sila mababayaran sa lahat ng ginawa nila?’ Isa sa mga kapatid na babae ang sumagot sa pamamagitan ng pagsasabi sa akin, ‘Hindi mo ako kailangang pasalamatan. Kapatid mo ako!’”

Naranasan ng El Salvador ang Poot ni Mitch

Habang pumapakanluran ang Bagyong Mitch patungong El Salvador, medyo humina ito. Pero malakas pa rin ito para pumatay. Noon, ang mga Saksi ni Jehova sa El Salvador ay abala sa pagpaplano para sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong Kombensiyon. Mahigit sa 40,000 ang inaasahang dadalo. Habang papalapit si Mitch, waring malabo ang pag-asa na makadalo sa kombensiyon ang lahat ng kapatid. Umapaw ang mga ilog, anupat binaha ang mga pananim, lansangang-bayan, at mga kabahayan. Palibhasa’y nakalbo na ang kagubatan, ang mga burol ay naging umaagos na putik.

Si Nelson Flores ang punong tagapangasiwa sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa bayan ng Chilanguera. Noong Sabado ng umaga, Oktubre 31,nagising siya at natuklasan na sa kabila ng ilog kung saan dating naroroon ang Chilanguera, wala nang makikita ngayon! Limang daang kabahayan ang tinangay ng agos! Palibhasa’y alalang-alala sa buhay ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, tumalon si Nelson sa umaapaw na ilog nang hindi man lamang iniisip ang kaniyang sariling kaligtasan. “Nang makarating ako sa kabilang pampang,” nagunita ni Nelson, “tumayo ako at sinikap na tiyakin kung nasaan na ako. Araw-araw akong dumaraan sa lugar na ito, na nangangaral sa bahay-bahay, pero wala akong makita ni isang pamilyar na palatandaan!”

Mga 150 katao ang namatay nang gabing iyon sa Chilanguera. Kabilang sa kanila ang ilang indibiduwal na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, walang namatay na bautisadong Saksi.

Agad sinimulan ang pagsagip. Ipinaliwanag ni Arístedes Estrada, na tumulong sa pag-oorganisa ng mga operasyong ito: “Hindi kami pinahintulutang pumunta sa Chilanguera. Tumataas pa rin ang tubig! Hindi ko kailanman malilimutan ang tanawin ng mga taong humihingi ng saklolo ngunit iniwan ng mga tagasagip na napilitang umalis upang iligtas ang sarili nilang buhay.” Subalit nang maglaon, ligtas na nailikas ang lahat ng kapatid. Nagsilbing mga sentro para sa mga nagsilikas ang mga Kingdom Hall. Karagdagan pa, may mga Saksi na nagbantay sa mga ospital, paaralan, at iba pang lokasyon kung saan hahanapin nila kung may nakalistang mga pangalan ng mga Saksi sa mga talaan ng mga taong napinsala at nawalan ng tahanan. Agad na naglaan ang mga lokal na kongregasyon ng kinakailangang panustos.

Subalit hindi laging madali ang pagdadala ng mga panustos sa mga lugar kung saan maaaring kunin ito. Naglakbay ang mga kapatid mula sa isang bayan na tinatawag na Corinto upang dalhin ang mga ani mula sa kanilang sariling mga bukid, ngunit ang kanilang daraanan ay nabarahan ng natibag na lupa. Ang solusyon? Humukay sila para may madaanan! Sa simula, may pag-aalinlangang nagmamasid lamang ang mga tagaroon. Ngunit sa kalaunan, napakilos silang tumulong para mabuksan ang daan. Punô ng putik ang mga kapatid mula sa Corinto nang makarating sila sa kanilang patutunguhan ngunit maligaya sila na makapag-abuloy.

Ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ay nagsilbing isang sentro sa pangungulekta ng mga tulong. Ganito ang nagunita ni Gilberto, isang tauhan doon na tumulong sa paghahatid ng mga donasyon: “Pambihira! Napakaraming sasakyan ang dumating anupat kinailangang magtalaga ng mga boluntaryo para ayusin ang trapiko sa paradahan at sa kalye sa harap ng sangay.” Tinatayang 25 tonelada ng damit at 10 tonelada ng pagkain ang iniabuloy. Kinailangan ng 15 boluntaryo sa buong sanlinggo upang ayusin ang mga damit at ipadala ang mga ito.

Dumaan si Mitch sa Nicaragua

Malapit lamang sa hangganan ng Nicaragua ang dinaanan ni Mitch anupat nagbuhos din ng mapangwasak na ulan sa lupaing ito. Libu-libong bahay ang nawasak at nasira ang mga lansangang-bayan. Malapit sa bayan ng Posoltega, natabunan ng umaagos na putik ang buong mga nayon​—at ang mahigit na 2,000 katao.

Nang mabalitaan ng mga Saksi sa Nicaragua ang tungkol sa trahedya, bumuo ng malawakang kaayusan sa pagtulong. Nagpadala ng mga boluntaryo sa napakahirap at mapanganib na misyon ng awa​—upang hanapin ang kanilang mga kapatid! Dalawang pangkat ng mga Saksi, isa mula sa León (isang bayan sa timog ng Posoltega) at isa mula sa Chichigalpa (isang bayan sa hilaga), ang pumunta sa Posoltega, na bawat kapatid ay may dala-dalang mabigat na balutan ng mga panustos. Nagbabala ang mga tagasagip na halos hindi na madaanan ang mga kalye, ngunit nakapagpasiya na ang mga kapatid.

Maagang-maaga ng Lunes, Nobyembre 2, ikinarga ng mga kapatid sa León sa isang trak ang mga panustos at nagbiyahe sila hanggang sa isang nasirang tulay. Matapos diskargahan ang trak, ang mga kapatid ay bumuo ng dalawang pangkat ng mga siklista: Ang isa ay patungo sa Posoltega, at ang isa naman ay sa binahang bayan ng Telica. Nagsimula ang mga kapatid sa pamamagitan ng panalangin. “Pagkatapos ng panalangin,” sabi ng isa sa mga tagasagip, “nakadama kami ng di-pangkaraniwang lakas.” Kakailanganin nila iyon. Kailangan silang tumawid sa malalaking estero, kung minsan sa pamamagitan ng pagpapadulas sa putik at kung minsan naman sa pamamagitan ng pagbubuhat ng kanilang mga bisikleta. Kadalasa’y may mga nabuwal na punungkahoy na nakaharang sa kanilang daanan. At kinailangan nilang tiisin ang kakila-kilabot na tanawin ng mga bangkay na lumulutang sa tubig.

Nakapagtataka, ang mga siklista mula sa León at Chichigalpa ay halos magkakasabay na dumating sa Posoltega! Nagunita ni Nerio López, kabilang sa pangkat ng mga tagasagip: “Pudpod na ang mga gulong ng aking bisikleta. Inakala ko na tatagal lamang ito ng mga isa o dalawang kilometro.” Gayunman, sa paanuman ay nakatagal ang bisikleta. Pumutok lamang ang mga gulong nang pabalik na kami. Sa anumang kalagayan, ang mga kapatid ang mga unang dumating upang tumulong. Anong laking kagalakan nila nang makatagpo nila ang isang grupo ng mga Kristiyanong kapatid sa lugar na iyon! “Labis akong nagpapasalamat kay Jehova at sa ating mga kapatid dahil binigyan nila kami ng suporta at tulong,” sabi ng isang kapatid na babae. “Hindi namin kailanman naisip na darating kaagad ang aming mga kapatid upang tulungan kami.”

Una lamang ito sa ilang paglalakbay sakay ng bisikleta tungo sa mga lugar na binaha, at sa maraming pagkakataon, ang mga kapatid ang unang dumating upang tumulong. Nasaksihan ng bayan ng Larreynaga ang tanawin ng 16 na kapatid na dumarating sakay ng bisikleta! Napaluha ang mga kapatid doon sa kanilang pagsisikap. Minsan, kinailangang magpasan ang mga siklista ng mahigit sa 20 kilo ng panustos. Dalawang kapatid ang nagpasan ng mahigit sa 100 kilo ng mga panustos patungo sa bayan ng El Guayabo! Samantalang pasan-pasan ang buong makakaya niya sa kaniyang bisikleta, isang siklista ang nakasumpong ng kaaliwan sa pagbubulay-bulay sa teksto sa Bibliya na Isaias 40:29: “[Si Jehova] ay nagbibigay ng kapangyarihan sa pagod; at ang walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan.”

Ang mga Saksi sa bayan ng Tonalá ay nagsugo ng isang mensahero upang mag-ulat sa responsableng mga kapatid na ang kanilang pagkain ay halos ubos na. Nang dumating ang mensahero, nagulat siya nang malaman na nakapagpadala na pala ng mga panustos! At nang makauwi siya, may pagkaing naghihintay sa kaniya sa bahay niya. Nagunita ni Marlon Chavarría, na tumulong sa pagdadala ng mga panustos sa binahang lugar sa palibot ng Chinandega: “Sa isang bayan, may 44 na pamilyang Saksi. Gayunman, 80 pamilya ang nakinabang dahil ibinahagi ng mga kapatid ang kanilang pagkain.”

Napag-alaman ng mga awtoridad ang mga pagtulong na ito. Ang alkalde sa bayan ng Wamblán ay sumulat sa mga Saksi, at nagsabi: “Sumulat kami sa inyo hinggil sa posibilidad na makahingi ng tulong. . . . Nakita namin kung paano ninyo tinutulungan ang inyong mga kapatid dito sa Wamblán, at nais naming malaman kung may magagawa rin kayo para sa amin.” Tumugon ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapadala ng pagkain, gamot, at mga damit.

Dumaluhong sa Guatemala

Kung gaano kabilis nilisan ni Mitch ang Honduras at El Salvador, gayundin kabilis nito sinalakay ang Guatemala. Si Sara Agustín, isang Saksi na nakatira sa timugang bahagi ng Guatemala City, ay nagising sa ingay ng rumaragasang tubig. Ang libis kung saan siya naninirahan ay naging mistulang nagwawalang ilog. Kadalasan, kumakatok siya sa mga pintuan ng kaniyang mga kapitbahay upang ibahagi ang katotohanan sa Bibliya. Ngayon ay desperado siyang kumakatok sa mga pintuan upang gisingin sila! Pagkaraan ay umagos ang putik sa burol, anupat tinabunan ang marami sa mga tahanan ng kaniyang mga kapitbahay. Kumuha si Sara ng pala upang tulungan ang mga nakaligtas sa pamamagitan ng paghuhukay upang iahon sa putik ang ilang mumunting bata. Palibhasa’y isang komadrona, si Sara ang tumulong na maisilang ang isa sa mga batang ito. Nakalulungkot, ang tin-edyer na si Vilma ay kabilang sa mga namatay. Kamakailan lamang ay nakapagpasakamay si Sara sa kaniya ng mga babasahin sa Bibliya.

Bagaman hindi na gaanong nagngangalit si Mitch, ang patuloy na pag-ulan ay nagdala ng malaking pinsala sa mga pananim, tulay, at mga tahanan. Maraming panustos ang dinala sa lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Guatemala, at naipasiya na mas magagamit ang ilan sa mga panustos na ito upang matulungan ang mga kapatid sa Honduras. Yamang nawasak ang maraming tulay at binaha ang paliparan, kinailangang idaan sa karagatan ang mga panustos. Si Frede Bruun, mula sa tanggapang pansangay ay naglahad: “Umarkila kami ng isang 8-metro ang haba na bangkang yari sa fiberglass at nagtungo roon dala ang halos isang tonelada ng gamot at pagkain. Matapos ang napakahirap na paglalakbay sa maalong dagat, sa wakas ay nakarating kami sa daungan ng Omoa, nang basang-basâ.”

Mitch​—Pagkatapos Nito

Waring pahupa na si Mitch pagdating sa timog-silangang Mexico. Subalit bilang huling pagtatangka, nagtungo si Mitch sa gawing hilagang-silangan at humampas sa timugang Florida, E.U.A. Ngunit di-nagtagal at humina na si Mitch. Umurong ito sa Atlantiko at kaagad na nagsimulang mabasag. Pagsapit ng Nobyembre 5, inalis na ang lahat ng babala hinggil sa tropikal na bagyong ito.

Tinawag ng ilang eksperto si Mitch bilang “ang pinakamapangwasak na bagyong humampas sa Kanluraning Hemispero sa nakaraang dalawang siglo!” Ang huling bilang ng namatay ay maaaring umabot sa 11,000; libu-libo pang tao ang nawawala. Mahigit sa tatlong milyon ang nawalan ng tahanan o sa paanuman ay malubhang naapektuhan. Malungkot na sinabi ni Presidente Carlos Flores Facusse ng Honduras: “Nawala sa amin ang unti-unti naming itinayo sa loob ng 50 taon.”

Maraming Saksi ni Jehova ang nawalan ng tahanan dahil kay Mitch. Nakalulungkot, sa ilang kalagayan, wala na ngayon ang mga pitak ng lupa na dating kinatitirikan ng kanilang mga tahanan! Gayunpaman, gumawa ng mga kaayusan ang mga Saksi ni Jehova upang tulungan ang marami sa pagkukumpuni o muling pagtatayo ng kanilang tahanan.

Ang kahambal-hambal na mga kasakunaang tulad ng Bagyong Mitch ay isang malupit na paalaala na tayo’y nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang tunay na proteksiyon mula sa gayong mga kasakunaan ay darating lamang kapag namamahala na sa planetang ito ang Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4) Gayunman, nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova na wala silang kapatid na namatay dahil sa tuwirang nagawa ni Mitch.b Ang pagsunod sa mga utos ng paglikas sa mga lugar na iyon at ang mabuting kaayusan sa bahagi ng lokal na mga kongregasyon ay nakatulong sa marami upang makalayo sa panganib.

Nitong nakalipas na ilang buwan, ang mga Saksi ni Jehova sa mga apektadong lupain ay nagpagal nang husto upang makabalik sa kanilang kinaugaliang espirituwal na mga gawain. Halimbawa, sa El Salvador, isinaayos ang pagtulong sa mga biktima ng bagyo upang makadalo sa pandistritong kombensiyon na idinaos makalipas lamang ang ilang araw mula nang dumaan si Mitch. Umarkila ng mga bus upang masakyan, at kumuha ng mga matutuluyan. Gumawa pa nga ng mga kaayusan para gamutin ang mga maysakit upang makadalo rin sila! Tagumpay ang kombensiyon, na ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 46,855​—makapupong higit sa unang inaasahan. “Naging traumatiko ang aming karanasan,” ang pag-amin ni José Rivera, ang kapatid na taga-El Salvador na nawalan kapuwa ng kaniyang tahanan at negosyo dahil kay Mitch. “Pero nang umuwi kami mula sa asambleang iyan, malaki ang pagbabago sa amin dahil sa nasaksihan namin ang pagiging mapagpatuloy ng mga kapatid.” Iniulat na ang bilang ng dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing ito ay lubhang tumaas​—isang tuwirang resulta ng pagkamasid ng mga tagalabas sa ating mga pagsisikap na makatulong.

Subalit ang pinakamalaking epekto marahil ay naranasan ng mga Saksi mismo. Ganito ang sabi ni Carlos, na nakaligtas sa mga baha sa Honduras: “Ngayon ko lamang naranasan ang ganito. Personal kong nadama ang pag-ibig at pagmamahal ng aking mga kapatid.” Oo, balang araw ay malilimutan din ang pinsalang dala ng Bagyong Mitch. Ngunit hindi kailanman malilimutan ang pag-ibig na ipinakita ng mga Saksi ni Jehova, na marami sa kanila ang nagsapanganib ng kanilang buhay upang tulungan ang kanilang mga kapatid.

[Mga talababa]

a Karaniwan nang tinatawag ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa bilang “kapatid.”

b Pagkatapos ng bagyo, dumami ang kaso ng nakahahawang mga sakit. Isang Saksi sa Nicaragua ang namatay bunga nito.

[Kahon/Larawan sa pahina 19]

Tumulong ang mga Saksi Mula sa mga Karatig-Bansa

NANG sabihin ng mga tagaulat ng panahon na tatamaan ng Bagyong Mitch ang Belize, naghanda ang bansa sa magiging epekto nito. Yamang iniutos ng pamahalaan ang paglikas ng mga naninirahan sa mga baybayin at mabababang lugar, ang mga Saksi ni Jehova ay lumisan at nagtungo sa kabiserang lunsod, ang Belmopan, na halos 80 kilometro ang layo sa dagat, o sa iba pang bayan na nasa mas mataas na lugar.

Mabuti na lamang, nakalibre ang Belize mula sa poot ni Mitch. Ngunit nang marinig ang mahirap na kalagayan ng kanilang mga kapatid sa Honduras, Nicaragua, at Guatemala, ang mga kapatid sa Belize ay nag-abuloy ng pagkain, damit, dinalisay na inuming tubig, at salapi.

Ang totoo, pangkaraniwan na ang gayong pagtugon mula sa mga kapatid sa karatig na mga lupain. Ang mga Saksi sa Costa Rica ay nagpadala ng apat na malalaking container ng pagkain, damit, at gamot. Ang mga kapatid naman sa Panama ay nagtatag ng apat na sentro na tatanggap, mag-aayos, at mag-iimpake ng mga abuloy. Sa loob lamang ng ilang araw, mahigit sa 20,000 kilo ng abuloy ang natipon. Nagkomento ang isang di-Saksi: “Akala ko ang militar ang siyang numero uno sa pagsasaayos ng gawaing pagtulong. Pero ngayon ay nakikita ko na mga Saksi ni Jehova pala ang may hawak ng puwestong iyan.” Regular nang dinadalaw ngayon ng mga Saksi ang taong ito upang ibahagi sa kaniya ang katotohanan sa Bibliya.

Isang kapatid na ang negosyo’y mga sasakyan ang naglaan ng isang semitrailer at isang tsuper (di-Saksi) upang magdala ng tulong sa Nicaragua. Hindi na ipinatupad ng mga opisyal kapuwa sa Panama at Costa Rica ang mga kahilingan sa adwana para pahintulutang makaraan ang trak sa kanilang mga hangganan. Isang gasolinahan ang nag-abuloy ng gas upang punuin ang dalawang tangke ng trak​—sapat para sa biyaheng balikan! Sa Nicaragua, ang mga balutan ay hindi na rin siniyasat ng mga opisyal ng adwana. “Kung galing ito sa mga Saksi ni Jehova, hindi na namin kailangang siyasatin ito,” sabi nila. “Hindi pa kami kailanman nagkaproblema sa kanila.”

Subalit hindi posible ang paglalakbay sa Honduras sa pamamagitan ng mga lansangan. Ngunit isang Kristiyanong kapatid na babae na nagtatrabaho sa Embahada ng Honduras ang nakagawa ng mga kaayusan sa pamamagitan ng embahada upang ang mga tulong ay maisakay nang libre sa eroplano! Mahigit sa 10,000 kilo ng materyal ang naipadala sa ganitong paraan.

Kapansin-pansin, naantig ang ilang di-Saksi sa gawaing pagtulong ng mga Saksi. May ilang kompanya na nag-abuloy ng mga kahon, pandikit, at mga plastik na sisidlan. Ang iba naman ay nagbigay ng tulong na salapi at mga diskuwento. Lalo nang naantig ang mga empleado sa paliparan ng Panama nang makita ang mahigit sa 20 Saksing boluntaryo na nagdidiskarga ng mga donasyong ipadadala sa Honduras. Kinabukasan, ang ilan sa mga tauhang ito ng paliparan ay dumating taglay ang isang donasyon na kinolekta nila mismo sa isa’t isa.

[Kahon sa pahina 20]

Katulad na mga Gawaing Pagtulong sa Mexico

HINDI gaanong napinsala ng Bagyong Mitch ang Mexico. Ngunit ilang linggo bago tumama sa Sentral Amerika ang pumapatay na bagyong iyan, nagkaroon ng grabeng pagbaha sa estado ng Chiapas. Mga 350 pamayanan ang naapektuhan; naglaho ang ilang mga bayan.

Natural lamang na ang pagbaha ay lumikha ng maraming paghihirap sa mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyan. Gayunman, ang mabilis na pagkilos ng matatanda sa mga lokal na kongregasyon ay nakatulong upang mabawasan ang pinsalang dulot ng bagyo. Halimbawa, sa isang maliit na pamayanan, dinalaw ng matatanda ang bawat miyembro ng kongregasyon at sila’y binigyang-babala na manganlong sa Kingdom Hall kung magpapatuloy pa ang pag-ulan. Naniniwala sila na ang bulwagang ito ang siyang pinakamatibay na gusali sa pamayanang iyon. Sa madaling araw, ang bayan ay tinamaan ng pinagsamang puwersa ng dalawang umapaw na mga ilog! Ang mga Saksi​—at marami sa kanilang mga kapitbahay​—ay nakaligtas sa baha sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubong ng Kingdom Hall. Walang namatay na Saksi.

Gayunpaman, mga 1,000 Saksi sa Mexico ang napilitang lumipat sa mga kanlungang isinaayos ng pamahalaan. Mga 156 na tahanan ng mga Saksi ang lubusang nawasak, at 24 ang napinsala. Karagdagan pa, pitong Kingdom Hall ang lubusang nawasak.

Kaya naman, inorganisa ang anim na komite sa pagtulong upang paglaanan ang mga pangangailangan ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang mga kapitbahay. Agad na ipinamahagi ang mga pagkain, damit, kumot, at iba pang panustos. Sa katunayan, nang ipabatid sa mga lokal na opisyal ang lawak ng kanilang gawaing pagtulong, sinabi ng mga ito: “Kahit ang hukbo ay hindi ganiyan kabilis kumilos.”

Matagal nang kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pagiging matapat, at madalas na ito ay naging bentaha sa kanila. Halimbawa, nang isang grupo ng mga tao ang humingi ng tulong mula sa lokal na mga awtoridad, tinanong sila kung may mga Saksi ni Jehova sa kanilang pamayanan. Nang sumagot sila ng oo, sinabi sa kanila ng mga opisyal: “Kung gayo’y papuntahin ninyo sa amin ang isa sa kanila upang maibigay namin sa kaniya ang mga panustos!”

Mainam ang pagkakabuod ng isang matanda sa lokal na kongregasyon nang sumulat siya: “Napanatili ng mga kapatid ang positibong saloobin sa kabila ng kapahamakang ito. Kahit nanganib ang kanilang sariling buhay, maraming kapatid sa karatig na mga pamayanan ang dumating upang tulungan kami taglay ang pagkain at mga publikasyon sa Bibliya upang palakasin kami. Marami kaming dapat ipagpasalamat kay Jehova.”

[Mapa/Larawan sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mexico

Guatemala

Belize

El Salvador

Honduras

Nicaragua

Costa Rica

[Larawan sa pahina 15]

HONDURAS

◼ Ilog Guacerique

[Mga larawan sa pahina 16]

EL SALVADOR

◼ Pangunahing Lansangan sa Chilanguera

◼ Nakaligtas si José Lemus at ang kaniyang mga anak na babae, pati na ang Kingdom Hall

◼ Si José Santos Hernandez, sa harap ng kaniyang nawasak na tahanan

[Mga larawan sa pahina 17]

NICARAGUA

◼ Unang pangkat ng mga siklista na patungo sa Telica

◼ Malugod na tinanggap ng mga Saksi sa El Guayabo ang mga balutan ng pagkain

[Mga larawan sa pahina 18]

NICARAGUA

◼ Muling itinayo ng mga boluntaryo ang una sa maraming tahanan

◼ Ang mga Saksi sa lokal na mga kongregasyon ay tumulong sa pag-iimpake ng mga balutan ng pagkain

[Larawan sa pahina 18]

GUATEMALA

◼ Tumulong si Sara upang masagip ang pitong bata mula sa putik

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share