Kape, Tsaa, o Guarana?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
“ANO’NG gusto mong inumin?” ang tanong ng magiliw na punong-abala. “Kape, tsaa, o guarana?” Ito ang pangkaraniwang itinatanong kapag may mga salu-salo sa Brazil. Ngunit waring nagulat sa tanong na iyan ang kaniyang banyagang mga panauhin. Kaya bilang tugon, ipinakita ng punong-abala sa kaniyang mga panauhin ang isang boteng may etiketa na nagpapakita ng tatlong tulad-berry na mga prutas. Napanatag ang kanilang loob nang matanto ng mga panauhin na ang guarana ay hindi naman pala isang uri ng eksotikong amphibian kundi, sa halip, isang refrigerante, o soft drink.
Baka ngayon mo rin lamang narinig ang guarana. Bagaman kape at tsaa ang paborito sa buong daigdig, ang guarana ay lalo nang paborito sa Brazil. Gayunpaman, pare-parehong taglay ng tatlong inuming ito ang isang bagay: May caffeine ang mga ito. Sa katunayan, maaaring tatlong ulit ang dami ng caffeine sa guarana kaysa sa katumbas nitong isang tasang kape! Palibhasa’y naintriga, pinili ng mga panauhin ang guarana. Habang tinitikman ang nakapagpapaginhawang inumin at nasisiyahan sa maasim ngunit malaprutas na lasa nito, nagustuhan nilang pakinggan ang kasaysayan ng guarana.
Nalaman nila na ang guarana ay isang makahoy at gumagapang na halaman na katutubo sa lunas ng Amazon. Likas itong tumutubo malapit sa mga bayan ng Maués at Parintins at sa ibang bahagi ng estado ng Amazonas. Gayunman, itinatanim din ang guarana sa iba pang estado ng Brazil, gaya ng Pará, Goiás, at Mato Grosso.
Ang halaman ay maaaring gumapang sa taas na 10 metro. Ang maiitim na sanga nito ay may hugis-itlog na mga dahon na tulad-ngipin ang mga gilid at may kumpol ng mga bulaklak na may maiikling tangkay. Sa ikatlong taon nito, tuwing Enero o Pebrero, ang palumpong ay nagsisimulang mamunga. Ang isang limang-taóng-gulang na palumpong ay maaaring mamunga ng mga tatlong kilo ng mga prutas.
Ang prutas na guarana, na sinlaki ng isang ubas, ay may isa o dalawang makikinis at hugis-itlog na mga buto. Ang prutas ay kulay-matingkad na pula sa ibabaw at madilaw naman sa ilalim. Kapag inihahanda ang laman ng guarana, ang mga prutas ay ibinababad. Ito ay upang ihiwalay ang laman na nakabalot sa mga buto. Saka hinuhugasan, pinatutuyo, iniihaw, at ginigiling ang mga buto hanggang maging pulbos. Pagkaraan, ang pulbos na may caffeine ay inihahalo sa tubig at malamang na nilalahukan ng kakaw at balinghoy.
Matagal na bago pa man nalaman ng mga sumakop sa Brazil ang tungkol sa guarana, mahalaga na sa mga Indian ang prutas na ito. Upang makagawa ng inuming may nakatataas na uri, tinitiyak ng mga Indian na magugulang na prutas lamang ang pinipili, anupat hindi inihahalo ang mga hinog sa mga hilaw o pinakasim. Pagkatapos ay dinudurog ang mga buto at inihahalo sa tubig upang makagawa ng masa. Ang masa ay inihuhugis na gaya ng mga patpat na may habang labinlimang centimetro at dos punto singko naman ang diyametro. Ang mga patpat ay pinatutuyo upang maging sintigas ng bato—isang sinaunang paraan ng pagpepreserba ng pagkain sa mainit at mahalumigmig na mga klima. Pagkaraan, ang mga pinatuyong patpat ng guarana ay ginagadgad sa ngalangalang buto ng isang malaking isda na tinatawag na pirarucu. Pagkatapos ay inihahalo ang pulbos sa tubig o katas ng prutas.
Lubhang pinahahalagahan ng mga Indian sa Brazil ang inuming ito dahil sa kakayahan nitong makagaling. Karaniwan nang inirerekomenda ng mga albularyo sa mga maysakit ang iba’t ibang anyo ng inuming guarana. At kapag mahaba at mabigat ang trabaho, ginagamit ng mga Indian ang guarana upang malunasan ang pagkapagod.
Noong mga 1816, ang guarana ay nakarating sa Pransiya. Pagkaraan, noong 1826, ipinagawa ng eksperto sa halaman na si Karl von Martius sa kaniyang kapatid na si Theodore ang unang kemikal na pagsusuri sa prutas na ito. Gayunman, nanatiling limitado ang paggamit ng guarana sa Europa dahil sa inakala ng mga therapist na maaaring gumamit ng mas murang mga produkto na kahalili nito.
Gayunpaman, sa Brazil, parami nang paraming tao ang naniniwalang ang guarana ay makagagamot sa lahat ng sakit. Noong 1905, pinuri ni Luís Pereira Barreto, isang medikal na doktor na taga-Brazil, ang tao na unang nakatikim ng guarana at nakapansin sa mabubuting epekto nito bilang isa sa may pinakamalaking naitutulong sa sangkatauhan.
Mataas pa rin ang pagpapahalaga rito ng mga tumatangkilik sa inuming guarana. Sinasabi ng ilan na hindi lamang ito isang pampasiglang gamot kundi isa ring pampakalma sa puso at mabisang gamot sa pagsugpo ng arteriosclerosis, ang pagtigas ng mga ugat. Sinasabi rin na nakatutulong ang guarana sa paggamot ng diarrhea, disintirya, at migraine gayundin ng neuralgia, o pangingirot ng nerbiyo. Hindi pa napatutunayan kung mapaniniwalaan nga ang mga pag-aangking ito sa ilalim ng medikal na pagsusuri. Sa paano man, mula pa noong 1929, ang guarana ay isa nang popular na soft drink sa Brazil.
Naging maliwanag para sa mga panauhin ang pagtalakay na ito. “Gusto pa ba ninyo ng guarana?” ang tanong ng punong-abala. Nagkakaisa silang tumango. Ikaw? Gusto mo rin ba ng guarana?
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang guarana—bago ito gawing isang inumin