Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtatalo Tungkol kay Shakespeare Ang artikulong “Ang Palaisipan Tungkol kay William Shakespeare” (Agosto 8, 1998) ay nagpasigla sa akin na magsuri pa. Binanggit ng aklat na The Real Shakespeare: Retrieving the Early Years, ni Eric Sams, ang ilang punto na maaaring maging kawili-wili. Bilang halimbawa, maraming katanungan ang maipaliliwanag sa pamamagitan ng pag-unawa na si Shakespeare ay maaaring isang Katoliko sa Protestanteng Inglatera. Maaaring ipaliwanag ng pagtakas niya dahil sa relihiyosong pag-uusig ang kaniyang sinasabing nawawalang mga taon. Gayundin, maraming palatandaan sa mga unang taon ng kaniyang buhay ang sinasabing mga akda ni Shakespeare. Ang mga pangalan ng ilang tauhan ay mga pangalang kinuha mula sa kaniyang pamilya at mga kaibigan, pati na ang pangalang Hamlet—ang pangalan ng kaniyang anak na lalaki. Maraming detalye ang kaniyang mga dula na maaaring hinalaw mula sa kaniyang personal na karanasan sa gayong mga bagay na gaya ng pagkatay.
J. A., Estados Unidos
Ang pagtatalo tungkol sa makata ay malamang na hindi malulutas sa anumang panahon sa malapit na hinaharap. Gayunman, pinahahalagahan namin ang mga komentong ito.—ED.
Mahihilig sa Ibon Salamat sa inyong mahusay na paglalarawan ng isang kamangha-manghang nilalang ni Jehova sa artikulong “Ang Cock-of-the-Rock—Isang Kagandahan sa Kagubatan ng Amason.” (Setyembre 22, 1998) Pansamantalang inilipat ako ng inyong artikulo sa kagubatan ng Amason.
E. L. V., Brazil
Ang artikulong ito ay nakatawag ng aking pansin sa kakaibang paraan. Iniharap ito sa positibong paraan, at idiniin nito na ginawa ni Jehova ang lahat ng mga nilalang na ito para sa ating kasiyahan!
L. H., Barbados
Lubha akong nasiyahan sa artikulong “Pagmamasid-Ibon—Isa Bang Kawili-wiling Libangan Para sa Lahat?” (Hulyo 8, 1998) Subalit ang hummingbird, na tinukoy ninyo bilang isang ibon mula sa “Hilaga/Sentral Amerika,” ay makikita rin sa Timog Amerika.
J. P., Argentina
Hindi kumpleto ang aming pamagat, at pinasasalamatan namin ang paglilinaw.—ED.
Pagtutuon ng Isip Dati’y nahihirapan akong magtuon ng isip habang nagsasalita ang guro. Subalit natulungan ako ng inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maitutuon ang Aking Isip sa mga Bagay-Bagay?” (Setyembre 22, 1998) na baguhin ang aking mga kaugalian sa loob ng silid-aralan. Mula nang mabasa ko ang inyong artikulo, napagtagumpayan ko ang problemang ito, at ako ngayo’y higit na disiplinado.
M. A. M., Brazil
Problema ko ang magtuon ng isip. Hindi ko nabatid na kailangan lamang pala ng kaunting pangganyak at disiplina-sa-sarili upang makapagtuon ng isip. Ito’y nangangailangan ng pagsisikap, subalit sa palagay ko’y magagawa ko ito!
D. R. A., Estados Unidos
Ang Gumising! ay naglalaman ng maraming impormasyon na kawili-wili para sa mga kabataang tulad ko. Nakinabang ako mula sa artikulong ito sapagkat problema ko ang hindi pagtutuon ng isip. Taos-pusong pasasalamat.
M. N., Italya
Mga Tren Labis akong nasiyahan sa pagbabasa sa artikulong “Ang Daang-Bakal—Mananatili Ba Ito?” (Oktubre 8, 1998) Mula pa sa pagkabata ay interesado na ako sa mga tren. Ang inyong impormasyon sa kasaysayan ng teknolohiya sa daang-bakal mula noong unang mga taon ng dekada ng 1800 hanggang sa ngayon ay tumpak na tumpak. Salamat sa kasiya-siyang artikulong ito.
L. M., Estados Unidos
Nagtatrabaho ako sa isa sa pinakamodernong pagawaan ng tren sa daigdig, at binabati ko kayo sa pagsulat ng napakahusay na artikulong ito. Ang inyong impormasyon ay totoo at pinatutunayan ng maraming dokumento. Nais ko lang sabihin na ang ilang matutuling tren ay gumagamit ng mga materyal na tulad ng aluminyo sa halip na bakal na hindi kinakalawang. Gaya ng ipinakita sa isang sakuna ng tren kamakailan sa Alemanya, maaaring kaligtasan ang kabayaran ng labis na tulin.
I. D. C., Portugal