Kapaligiran—Ang Epekto Nito sa Iyong Kalusugan
KAMAKAILAN, sinabi ni Dr. Walter Reed, ng World Resources Institute, sa UN Radio na ang epekto ng tao sa pangglobong mga sistema sa kapaligiran ay nasa antas na ngayon na ang tao ay “sumisira sa mga siklong ito sa isang napakalawak na paraan.” Sinabi ni Dr. Reed na ang pagsirang ito sa kapaligiran ay nagdudulot naman ng mga panganib sa kalusugan sa buong daigdig. Sa isang artikulo na nagrerepaso sa aklat na World Resources 1998-99, itinala ng magasing Our Planet, inilalathala ng United Nations, ang ilan sa mga panganib na ito sa kalusugan ng mga tao. Kabilang sa mga ito ang sumusunod:
□ Ang polusyon ng hangin sa loob at labas ng bahay ay iniuugnay sa mga sakit sa palahingahan na sanhi ng kamatayan ng halos apat na milyong bata taun-taon.
□ Ang kawalan ng malinis na tubig at ng sanitasyon ay sanhi ng pagkalat ng mga sakit na diarrhea na kumikitil sa buhay ng tatlong milyong bata taun-taon. Halimbawa, ang kolera, na matagal nang nawala sa Latin Amerika, ay muling lumitaw roon at pumatay ng 11,000 katao noon lamang 1997.
Bawat araw, mahigit na 30,000 bata sa pinakamahihirap na rehiyon ng daigdig ang iniuulat na namamatay dahil sa mga sakit na nauugnay sa kapaligiran. Isip-isipin iyan—30,000 katao bawat araw sa isang taon, sapat na para mapuno ang lahat ng upuan sa mga 75 dambuhalang jet!
Gayunman, ang mga panganib sa kalusugan mula sa kapaligiran ay hindi lamang masusumpungan sa papaunlad na mga bansa. Sinabi ng Our Planet na “mahigit sa 100 milyon katao sa Europa at Hilagang Amerika ang nakalantad pa rin sa di-ligtas na hangin,” na sanhi ng mabilis na pagdami ng mga may hika. Kasabay nito, ang dumadalas na paglalakbay at pangangalakal sa pagitan ng mga bansa ay nagiging sanhi ng paglitaw ng mga 30 bagong nakahahawang sakit sa mauunlad na bansa. Karagdagan pa, iniulat ng magasin na ang dating nasupil nang mga sakit ay “bumalik na taglay ang paghihiganti.”
Ang nakalulungkot, karamihan sa mga sakit na ito na nauugnay sa kapaligiran ay maaaring hadlangan sa pamamagitan ng magagamit nang mga teknolohiya at sa mas mababang halaga. Halimbawa, malaking pagsulong sa kalusugan ang matatamo sa pamamagitan ng paglalaan sa lahat ng tao ng malinis na tubig at sanitasyon. Magkano ang salaping kakailanganin para maabot ang tunguhing ito? Iniulat ng UN Radio na ayon sa Human Development Report 1998 ng United Nations, ang paglalaan ng malinis na tubig at sanitasyon para sa lahat ay magkakahalaga ng 11 bilyong dolyar—iyan ay mas mababa pa sa halagang ginugugol ng mga taga-Europa sa loob ng isang taon para sa sorbetes!
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Larawan: Casas, Godo-Foto