Mula sa Aming mga Mambabasa
Kabataang Biktima ng Kanser Ako’y 18 anyos, at nais kong pasalamatan kayo sa karanasan ni Matt Tapio, sa artikulong “Hindi Siya Sumuko.” (Oktubre 22, 1998) Talagang naantig ako sa kaniyang pananampalataya, sa kaniyang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, at sa kaniyang pagkadama ng pagkaapurahan. Umaasa akong mapasasalamatan ko si Matt nang personal matapos siyang buhaying-muli sa Paraiso.
E. G. G., Espanya
Sa ngalan ng aming pamilya, salamat sa inyo para sa artikulo. Dahil mayroon kaming tin-edyer na mga anak na lalaki, nasumpungan naming kapaki-pakinabang na talakayin sa kanila ang halimbawa ng pananampalataya ni Matt Tapio. Nagbigay ito sa amin ng pagkakataong suriin ang aming mga priyoridad bilang mga indibiduwal at bilang isang pamilya.
M. F. N. G., Brazil
Ang artikulo ay malaking pampatibay-loob sa aming mga kabataan dahil itinampok nito ang sigasig ng isang kabataan na, sa kabila ng kaniyang karamdaman, hindi kailanman huminto ng pagsasalita tungkol kay Jehova.
D. M., Italya
Bagaman nakaharap ni Matt Tapio ang isang nakamamatay na sakit, nagpunyagi siyang mabuhay upang kaniyang mapuri at mapaglingkuran si Jehova. Ito ay isang mabuting halimbawa para sa amin na may mabuting kalusugan.
D. P., Puerto Rico
Ang artikulo tungkol kay Matt, na naoperahan dahil sa tumor sa utak sa edad na 14, ay nakatawag ng aking pansin. Kabilang sa kaniyang mga huling sinabi ang, “Huwag kailanman hihinto sa pagpapatotoo tungkol kay Jehova.” Ito’y nagpatibay-loob sa akin na huwag sumuko at nakatulong sa akin na matanto kung gaano kahalaga ang mag-aral ng Bibliya at magtamo ng kaalaman na umaakay sa buhay!
D. V., Pilipinas
AIDS Taimtim na pinasasalamatan ko kayo para sa seryeng “Ang Pakikipagbaka sa AIDS—Mapagtatagumpayan Kaya?” (Nobyembre 8, 1998) Iyon ay totoong nakapagtuturo. Ako’y 19 anyos at naturuan ng maraming bagay tungkol sa AIDS at HIV sa paaralan at sa tahanan, ngunit nalilito pa rin ako. Natulungan ako ng artikulong ito upang maunawaan kung gaano kahalaga na ako’y may-katalinuhang pumili ng mapapangasawa at mamuhay nang malinis sa moral.
S. T., Estados Unidos
Ang inyong mga artikulo ay nakapagtuturo, tumpak, at may katotohanan. Mahigit na sampung taon na akong may AIDS. Isang kaibigan ang nagtuturo sa akin ng Bibliya sa tulong ng inyong mga publikasyon. Salamat at hindi kayo natakot na maglathala ng gayong mga artikulo.
B. W., Estados Unidos
Hindi ko magawang ibaba ang Gumising! hangga’t hindi ko natatapos basahin ang mga artikulo tungkol sa AIDS. Ngayon lamang ako nakabasa ng gayong tumpak na impormasyon sa paksang ito. At mahalaga iyan, dahil ako ay isang nars. Maraming salamat.
D. E., Alemanya
Ang aking pasasalamat ay dahil sa bagay na ang aking anak ay tumalikod noon sa Kristiyanong daan at nagbalik na taglay ang malalang AIDS. Sa tulong ni Jehova, mabuti na ngayon ang kaniyang espirituwal na kalagayan. Maayos naman ang kaniyang kalusugan dahil sa pagpapagamot. Alam namin na marami pa ang nahawahan at hindi pa nila ito nalalaman. Dapat na ikabahala ito ng sinuman na nagbabalak mag-asawa.
N. J., Estados Unidos
Mga Tulay Pagkatapos na pagkatapos na wasakin ng Bagyong Mitch ang hanggang sa 80 porsiyento ng mga tulay rito sa Honduras, natanggap namin ang isyu ng Nobyembre 8, 1998, na may artikulong “Mga Tulay—Paano Na Kaya Tayo Kung Wala ang mga Ito?” Kaming mag-asawa ay laging naglalakbay rito, at agad naming napagtanto kung gaano kahalaga ang mga tulay sa aming gawain. Nais naming pasalamatan kayo para sa kawili-wili at napapanahong artikulo. Gaya ng sabi sa huling parapo, hindi na namin ipagwawalang-bahala ang mga tulay!
C. H., Honduras