Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/8 p. 31
  • Mga Binhi na Nagbunga Pagkaraan ng Maraming Taon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Binhi na Nagbunga Pagkaraan ng Maraming Taon
  • Gumising!—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Hamon at Pagpapala sa Pagpapalaki ng Pitong Anak na Lalaki
    Gumising!—1999
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Ipinagpapasalamat Ko kay Jehova ang Aking Limang Anak na Lalaki
    Gumising!—1999
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/8 p. 31

Mga Binhi na Nagbunga Pagkaraan ng Maraming Taon

Ang sumusunod na liham ay natanggap bilang resulta ng artikulong “Ang mga Hamon at Pagpapala ng Pagpapalaki sa Pitong Anak na Lalaki,” sa Gumising! ng Enero 8, 1999.

Mahal kong Brother at Sister Dickman,

Katatapos ko lamang pong basahin ang inyong kasaysayan, at minarapat kong sumulat sa inyo. Maraming taon ko na pong kilala ang inyong pamilya sa Mississippi [1960-61]. Sa katunayan, kamag-aral ko po ang inyong mga anak, at lagi akong pumupunta noon sa inyong bahay at nakikipaglaro sa kanila. Ngunit hindi po ito ang mga bagay na lubhang nakintal sa aking murang isip. Kahit napakabata ko pa, ako’y talagang humanga sa bagay na ang inyong mga anak ay hindi sumasaludo sa bandila sa aming paaralan dahil sa kanilang budhing Kristiyano. Bagaman ako noon ay isang miyembro ng Grandview Baptist Church, nang ipaliwanag sa akin ng isa sa inyong mga anak ang kaniyang paninindigan, alam kong tama iyon.

Isa po sa kanila ang nagbigay sa akin ng aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso,a o kaya’y ninakaw ko iyon. Hindi ko na matandaan kung alin dito, ngunit binasa ko po ang buong aklat. Noon, iyon ay isa lamang magandang aklat ng mga kuwento para sa akin. Hindi ko po namalayan na ang mga binhi ng katotohanan ay naitanim na pala at mananatili lamang na hindi lumalago sa loob ng maraming taon.

Ang aking pamilya ay lumipat sa Hilaga noong 1964, at hindi na ako nagsimba. Nasiphayo po ako sa pagpapaimbabaw ng relihiyon, kaya sa loob ng maraming taon ay hindi ko ninais na magkaroon ng anumang kaugnayan sa organisadong relihiyon.

Pagkaraan ng mga taon, nang seryoso kong pinag-iisipan ang tungkol sa layunin ng buhay, natanto ko na ibig kong magkaroon ng kaugnayan sa Maylalang. Nais ko ng kaugnayang iyan nang walang pagpapaimbabaw ng relihiyon. Ang mga binhing iyon ng katotohanan na naihasik maraming taon na ang nakalipas ay nagsimulang umusbong; hindi ko pa lamang natatalos iyon.

Naghinagpis ako sa bagay na hindi ko gustong pumunta sa langit; gusto ko pong mabuhay dito mismo sa lupa. Para sa akin, ang lupa mismo ay isang pagkaganda-gandang paglalang, kaya bakit ito wawasakin ng Diyos? Hindi ko rin po inisip na si Jesus ay Diyos. Kung gayon nga siya, mangangahulugang huwad ang kaniyang hain. Ang mga kaisipan, damdamin, at mga paniniwalang ito, kung matatawag nga po ninyong gayon, ay hindi maitugma sa natutuhan ko sa Baptist Church. Kaya ako’y nanalangin, talagang nanalangin, at kumilos naman kaagad si Jehova. Sa loob lamang ng dalawang araw, may kumatok na pong mga Saksi sa aking pintuan, at nasimulan kaagad ang pag-aaral sa Bibliya. Bagaman hindi ko nakakausap ang mga Saksi ni Jehova mula nang makilala ko ang inyong pamilya hanggang sa magsimula akong makipag-aral, hindi ako kailanman nawalan ng respeto sa inyong mga anak at sa kanilang lakas ng loob sa paninindigan sa kung ano ang tama. Nang magsimula akong mag-aral at kumuha ng kaalaman, lahat ay naging maliwanag sa akin. Gumugol ako ng isa at kalahating taon upang ayusin ang aking buhay. Nang maglaon ay nabautismuhan ako noong 1975.

Kapag isinasaalang-alang natin ang impormasyon tungkol sa kung paanong ang ating paggawi ay nakapagbibigay ng patotoo kahit na hindi natin namamalayan iyon, naiisip ko ang inyong pamilya. Kapag isinasaalang-alang natin ang kahalagahan ng paghahasik ng maraming binhi ng Kaharian dahil hindi natin laging nalalaman kung saan o kung kailan ito magkakaugat, batid ko mula sa personal na karanasan na totoong-totoo ito.

Gusto ko po kayong pasalamatan sa inyong pagiging kabilang sa bayan ni Jehova at sa pagiging tapat sa inyong mga paniniwala noon pa man. Hindi ninyo namalayan na nakatulong kayo sa isang tao na masumpungan ang katotohanan. Ang inyong paggawi at pananalig, pati na yaong sa inyong mga anak, ay nagpasikat ng liwanag ng katotohanan. Akala ko po’y hindi ko na malalaman kung ano ang nangyari sa inyo o mapasasalamatan ko pa kayo. Muli, salamat po sa inyo.

Marubdob na pag-ibig Kristiyano,

L. O.

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., noong 1958; hindi na inililimbag.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share