Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/22 p. 21-23
  • Bakit Malubha si Inay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Malubha si Inay?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit May-sakit ang Aking Magulang?
  • Masakit na mga Damdamin
  • Kung Ano ang Magagawa Mo
  • Panatilihin ang Iyong Espirituwal na Pagkakatimbang
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Aking Humiwalay na Magulang?
    Gumising!—1990
  • Paano Ko Matutulungan ang Aking Nagsosolong Magulang?
    Gumising!—1991
  • Paano Kung Alkoholiko o Lulong sa Droga ang Magulang Ko?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Paano Kung Magkulang ang Aking Magulang?
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/22 p. 21-23

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Malubha si Inay?

Namatay sa kanser ang tatay ni Al.a Palibhasa’y naturuan tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli, sa paano man ay nabata ni Al ang kaniyang pangungulila. Subalit nang masuri na ang kaniyang nanay ay may kanser, nagsimula na naman ang lahat ng masamang panaginip. Ang isipin lamang na mawalan na naman ng isa pang magulang ay nakatatakot kay Al. ‘Bakit kailangang maging malubha ang nanay ko?’ may paghihinanakit na tanong niya sa kaniyang sarili.

AYON kay Dr. Leonard Felder, “nakakaharap ng mahigit na animnapung milyong Amerikano . . . ang karamdaman o kapansanan ng isang mahal sa buhay.” Sinabi pa ni Felder: “Anumang araw, halos isa sa bawat apat na Amerikano ang may karagdagang pananagutan na asikasuhin ang mga pangangailangan ng isang may-karamdamang magulang” o iba pang mahal sa buhay. Kung ikaw ay nasa gayong kalagayan, hindi ka nag-iisa. Sa kabila nito, nakatatakot at masakit ang makitang nagkakasakit ang isa na iyong minamahal. Paano mo makakayanan ito?

Bakit May-sakit ang Aking Magulang?

Ang Kawikaan 15:13 ay nagsasabi: “Dahil sa kirot ng puso ay may bagbag na espiritu.” Normal lamang na makaranas ng isang daluyong ng mga damdamin kapag may karamdaman ang iyong magulang. Halimbawa, baka sinisisi mo ang iyong sarili dahil sa kalagayan ng iyong magulang. Marahil ay hindi kayo magkasundo ng iyong magulang. Maaaring nagkaroon kayo ng ilang mainit na pagtatalo. Ngayon na may karamdaman ang iyong magulang, maaaring isipin mong kasalanan mo ito. Subalit bagaman maaaring pagmulan ng kaigtingan ang pagtataltalan sa pamilya, bihira itong maging sanhi ng malubhang karamdaman. Ang mga tensiyon at maliliit na di-pagkakaunawaan ay maaaring mangyari kahit sa mga maibiging sambahayang Kristiyano. Kaya hindi ka dapat makonsensiya, na para bang ikaw ang dapat sisihin sa pagkakasakit ng iyong magulang.

Karaniwan na, ang iyong inay o itay ay nagkakasakit dahil sa kasalanan ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. (Roma 5:12) Dahil sa orihinal na kasalanang iyon, “ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”​—Roma 8:22.

Masakit na mga Damdamin

Magkagayon man, maaaring ikaw ay nababahala at nababalisa. Ang nanay ni Terri ay pinahihirapan ng lupus, isang karamdaman na may nakapipinsalang mga epekto. Inamin ni Terri: “Kailanma’t wala ako sa bahay, nag-aalala ako at nag-iisip kung nasa mabuting kalagayan kaya si Inay. Nahihirapan akong magtuon ng isip. Gayunman, yamang ayaw ko siyang mag-alala, sinasarili ko na lamang ang aking nadarama.”

Ang Kawikaan 12:25 ay nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.” Karaniwan ang panlulumo sa mga kabataan na nasa ganitong kalagayan. Sinabi ni Terri na nabagbag ang kaniyang puso nang makita niya ang kaniyang ina na hindi makagawa ng simpleng mga gawain. Nakadaragdag pa sa problema ang bagay na ang mga kabataan​—lalo na ang mga babae​—ay kadalasang sapilitang bumabalikat ng karagdagang mga pananagutan. Ayon kay Propesor Bruce Compas, “ang mga batang babae ay napabibigatan ng mga pananagutang pampamilya, gaya ng pag-aasikaso ng bahay at pag-aalaga sa mas nakababatang mga kapatid, na hindi nila kayang gampanan at nakahahadlang sa kanilang normal na sosyal na paglaki.” Ibinubukod ng ilang tin-edyer ang kanilang sarili, na nakikinig sa malungkot at nakapanlulumong musika.​—Kawikaan 18:1.

Karaniwan din ang takot na baka mamatay ang magulang. Si Terri ay nag-iisang anak, at ang kaniyang ina, ay nagsosolong magulang. Umiiyak si Terri tuwing nagpupunta sa ospital ang kaniyang nanay, ikinatatakot niya na baka hindi na ito kailanman bumalik. Sabi ni Terri: “Dadalawa na nga lang kami. Ayaw kong mawala ang aking pinakamatalik na kaibigan.” Isang tin-edyer na babaing nagngangalang Martha ang nagsabi rin ng gayon: “Ako’y labingwalo, subalit natatakot pa rin akong mamatay ang aking mga magulang. Tiyak na ito ay magiging isang nakapipinsalang damdamin ng pangungulila.” Ang iba pang reaksiyon sa karamdaman ng isang magulang ay ang hindi pagkakatulog, mga masamang panaginip, at mga suliraning nauugnay sa pagkain.

Kung Ano ang Magagawa Mo

Mahirap man sa wari ang mga bagay-bagay sa ngayon, makakaya mo ito! Magsimula ka sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyong mga magulang ng mga bagay na nakatatakot at nakababalisa sa iyo. Gaano ba kalubha ang kalagayan ng iyong magulang? Ano ang tsansa na siya’y gagaling? Anu-anong kaayusan ang nagawa na para sa pangangalaga sa iyo sakaling hindi gumaling ang iyong magulang? May anumang tsansa ba na ikaw ay magkaroon din ng gayong karamdaman sa dakong huli? Bagaman mahirap ipakipag-usap ng mga magulang ang tungkol sa mga bagay na ito, kung mahinahon at may paggalang na hihingin mo ang kanilang tulong, malamang na gagawin nila ang lahat ng makakaya nila upang makatulong at umalalay.

Ipakipag-usap mo rin ang tungkol sa positibong mga bagay. Nagugunita ni Al na hindi niya ginawa ito nang malaman niya na ang kaniyang ina ay mamamatay dahil sa kanser. Sabi niya: “Hindi ko nasabi sa kaniya kung gaano ko siya kamahal. Alam kong gusto niyang marinig ito sa akin, subalit bilang isang tin-edyer ay naaasiwa akong ipahayag ang mga damdaming ito sa kaniya. Di-nagtagal ay namatay siya, at nakadama ako ng pagkakasala ngayon sapagkat noong may pagkakataon akong sabihin ito, hindi ko sinamantala iyon. Ikinalulungkot ko ito sapagkat siya ang pinakamahalagang tao sa buhay ko.” Huwag mong ipagkait na ipaalam sa iyong mga magulang kung gaano mo sila kamahal.

Kung maaari, alamin mo mismo ang tungkol sa karamdaman ng iyong magulang. (Kawikaan 18:15) Malamang na makatulong sa iyo sa bagay na ito ang doktor ng inyong pamilya. Ang pagkakaroon ng kabatiran ay tutulong sa iyo na maging mas madamayin, matiisin, at maunawain. At makatutulong ito upang ihanda ka para sa anumang pisikal na mga pagbabago na maaaring danasin ng iyong magulang, gaya ng mga pilat, pagkalagas ng buhok, o pagkapagod.

Nasa ospital ba ang iyong magulang? Kung gayon ay gawin mong masaya at nakapagpapatibay ang iyong mga pagdalaw. Panatilihin mong masaya hangga’t maaari ang iyong pakikipag-usap. Ibalita mo sa kaniya ang tungkol sa iyong gawain sa paaralan at mga gawaing Kristiyano. (Ihambing ang Kawikaan 25:25.) Kung ikaw ay nakatira sa isang bansa kung saan ang mga kamag-anak ay inaasahang maglalaan ng pagkain at iba pang paglilingkod sa isang pasyente, gawin mo ang iyong bahagi nang walang reklamo. Ang pagkakaroon ng isang malinis at maayos na hitsura ay hindi lamang makapagpapasaya sa iyong magulang kundi ito rin naman ay magbibigay ng isang mabuting impresyon sa mga nagtatrabaho sa ospital at sa mga doktor. Maaaring mapabuti nito ang uri ng pangangalaga na tatanggapin ng iyong magulang.b

Nagpapagaling ba sa bahay ang iyong magulang? Kung gayon, gawin mo ang magagawa mo upang tumulong sa pangangalaga sa kaniya. Magboluntaryong magkaroon ng makatuwirang bahagi sa mga gawain sa bahay. Sikaping tularan si Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay ng iyong sarili nang ‘bukas-palad at hindi nandudusta.’ (Santiago 1:5) Gawin mo ang iyong buong-makakaya upang maipakita ang saloobing hindi nagrereklamo, optimistiko at positibo.

Sabihin pa, may gawain ka pa sa paaralan. Sikaping maglaan ng panahon para rito, yamang mahalaga pa rin ang iyong edukasyon. Hangga’t maaari, maglaan ng panahon para sa pagpapahinga at paglilibang. (Eclesiastes 4:6) Pananariwain ka nito at tutulungan ka nitong higit na makatulong sa iyong magulang. Bilang panghuli, iwasang ibukod ang iyong sarili. Samantalahin ang tulong ng kapuwa mga Kristiyano. (Galacia 6:2) Ganito ang sabi ni Terri: “Ang kongregasyon ay naging pamilya ko. Ang matatanda ay laging handang makipag-usap sa akin at magpatibay-loob sa akin. Hinding-hindi ko ito malilimutan.”

Panatilihin ang Iyong Espirituwal na Pagkakatimbang

Pinakamahalaga sa lahat ang pagpapanatili sa iyong espirituwal na pagkakatimbang. Maging abala sa espirituwal na mga gawain, gaya ng pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at pangangaral sa iba. (1 Corinto 15:58) Sa mga buwan ng tag-init, dinaragdagan ni Terri ang kaniyang bahagi sa gawaing pag-eebanghelyo bilang isang auxiliary pioneer. Sabi pa niya: “Lagi akong pinatitibay-loob ni Inay na maghanda at dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Naging kapaki-pakinabang ito sa aming dalawa. Yamang hindi siya makadalo sa lahat ng pulong kahit na gusto niya, nagbibigay ako ng higit kaysa karaniwang pansin upang masabi ko sa kaniya ang tungkol dito sa pagdating ko. Inaasahan niya na ako ang maglalaan sa kaniya ng espirituwal na pagkain kapag hindi siya makadalo.”

Mabuti ang pagkakabuod ng isang artikulo sa The New York Times sa mga bagay-bagay nang sabihin nito ang tungkol sa isang social worker na “laging nagugulat sa kung gaano ang inilalaki ng mga bata at umuunlad pa nga sa kabila ng trauma ng pagkakasakit ng magulang.” Sabi niya: “Nagkakaroon sila ng mga kadalubhasaan na hindi nila alam na taglay nila . . . Kung makakaya nila ito, makakaya nila ang maraming bagay.”

Malalampasan mo rin ang mahirap na panahong ito. Halimbawa, magaling na ngayon ang nanay ni Terri upang pangalagaan ang kaniyang sarili. Marahil, balang araw, gagaling din ang iyong magulang. Subalit samantala, huwag mong kalilimutan na maaasahan mo ang tulong ng iyong makalangit na Kaibigan, si Jehova. Siya ang “Dumirinig ng panalangin” at pakikinggan niya ang iyong mga paghingi ng tulong. (Awit 65:2) Ibibigay niya sa iyo​—at sa iyong may-takot-sa-Diyos na magulang​—“ang lakas na higit sa karaniwan” upang makayanan mo ito.​—2 Corinto 4:7; Awit 41:3.

[Mga talababa]

a Pinalitan ang ilang pangalan.

b Ang artikulong “Pagdalaw sa Isang Pasyente​—Kung Paano Ka Tutulong,” sa labas ng Marso 8, 1991, ng Gumising! ay may ilang praktikal na mga mungkahi.

[Blurb sa pahina 22]

“Kailanma’t wala ako sa bahay, nag-aalala ako at nag-iisip kung nasa mabuting kalagayan kaya si Inay”

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang pag-alam ng mga detalye tungkol sa karamdaman ng iyong magulang ay higit na magsasangkap sa iyo na makatulong

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share