Isang Tiwasay na Kinabukasan sa Wakas!
“Ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan, naging panatag. Ang mga tao ay nagsaya na may mga sigaw ng kagalakan.”—ISAIAS 14:7.
“ANG daigdig natin ay binubuo ng mga higante sa nuklear at ng mga sanggol sa kagandahang asal. Mas marami tayong alam tungkol sa digmaan kaysa sa kapayapaan, mas marami tungkol sa pagpatay kaysa sa pamumuhay.” Ang mga salitang ito, na binigkas ng isang heneral ng Hukbo ng Estados Unidos noong 1948, ay nagpapaalaala sa atin ng obserbasyon na masusumpungan sa Bibliya: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Kapag ang mga tao ay may mga sandatang nuklear, hindi lamang nila mapipinsala ang kanilang kapuwa; maaari pa nga nilang lipulin ang mga ito!
Gayunman, nabigo ang sangkatauhan na alisin ang mga sandatang nuklear. Sang-ayon ang maraming tao na ang pagtataglay at paggamit ng mga sandatang nuklear ay salungat sa tuntuning moral. Halimbawa, ganito ang sabi ni George Lee Butler, isang retiradong heneral ng Hukbong Panghimpapawid ng Estados Unidos: “Ang pagkakaroon lamang ng sandatang nuklear sa arsenal ng isang tao ay patuloy na naghahatid ng mensahe na maaari nating gunigunihin ang mga kalagayan na doon . . . sa paanuman ay mabibigyang-katuwiran natin ang paggamit ng sandatang iyan. Talagang mali iyan.”
Gayunpaman, sinabi ng Britanong kolumnista na si Martin Woollacott: “Kaakit-akit pa rin ang mga sandatang nuklear, anuman ang sabihin ng mga teorista at mga moralista tungkol sa kawalang-kabuluhan at kasamaan ng mga ito. Naniniwala ang mga pamahalaan na kailangan nila ang mga ito sa makatuwirang mga kadahilanang panseguridad; hindi rin naman nila mabitiwan ang mga ito dahil ang mga sandatang nuklear ay walang-alinlangang bumubuo ng isang uri ng masamang kapangyarihan na kinikilala at nais taglayin ng mga pulitiko at mga sundalo.”
Totoo na sa nakalipas na limang dekada, sa paanuman ay naiwasan ng tao ang nuklear na digmaan. Ngunit sa panahon ding iyon, ang mga pangkaraniwang sandata ay ginamit upang pumatay ng libu-libong tao. Kung isasaalang-alang ang rekord ng tao, makatuwirang ipalagay na, sa malao’t madali, gagamitin ang nakatatakot na mga sandatang nuklear na ito.
Mga Pangunahing Sanhi
Masusugpo ba ang hilig ng tao sa pakikidigma? Ikinakatuwiran ng ilan na ang mga tao ay nakikipagdigma bunga ng kahangalan, kaimbutan, at kapusukang wala sa lugar. “Kung ito ang mga pangunahing sanhi ng digmaan,” sabi ng iskolar na si Kenneth Waltz, “kung gayon ang pag-aalis ng digmaan ay dapat na mangyari sa pamamagitan ng pagpapabuti at pagtuturo sa mga tao.”
Sinasabi ng iba na ang mga sanhi ng digmaan ay nasa kayarian ng internasyonal na pulitika. Dahil itinataguyod ng bawat soberanong estado ang sarili nitong interes, di-naiiwasan ang mga labanan. Yamang walang matatag at maaasahang paraan upang lutasin ang mga di-pagkakasundo, sumisiklab ang mga digmaan. Ganito ang isinulat nina William E. Burrows at Robert Windrem sa kanilang aklat na Critical Mass: “May kinalaman sa pulitika ang siyang pinakamahirap na parte. Walang mabisang paraan ng pagsupil ang posible kung walang pangunahing pulitikal na kapasiyahang itigil at baligtarin pa nga ang paglaganap ng malalakas na armas.”
Tingnan ang kasalukuyang negosasyon upang ipatupad ang Comprehensive Test Ban Treaty. Inilarawan ang mga ito ng Guardian Weekly bilang “isang mainit na sesyon ng pagtatawaran sa pagitan ng mga kapangyarihang nuklear at ng mga estadong palihim na nagtataglay na ng mga sandatang nuklear o mayroong teknolohiya upang madaling makakuha ng mga ito.” Inamin din ng artikulo: “Alinmang [grupo] ay walang anumang plano na isuko ang kanilang mga sandata o ang kanilang kakayahan, o ang lahat ng pagkakataon para mapasulong ang alinman sa mga ito.”
Maliwanag, kailangan ang pagtutulungan ng mga bansa upang mapawi ang lahat ng bantang nuklear. Sabi ng aklat na Critical Mass: “Kaya ang pagtitiwala sa isa’t isa ang dapat na pumalit sa tiyakang paglipol sa isa’t isa sa lahat ng dako, . . . o kapahamakan ang tiyak na kasunod sa malao’t madali.” Nakalulungkot, ang mga ugnayan at negosasyon sa pagitan ng mga bansa sa ngayon ay kadalasang nahahawig sa inilarawan ni propeta Daniel, 26 na siglo na ang nakalilipas: ‘Nagsasalita sila ng kasinungalingan sa ibabaw ng isang mesa.’—Daniel 11:27, Byington.
Pagtutulungan ng mga Bansa sa Ilalim ng Isang Pandaigdig na Pamahalaan
Gayunpaman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na nilayon ng Diyos mismo ang isang tunay na pagtutulungan ng mga bansa sa ilalim ng isang napakabisang pandaigdig na pamahalaan. Di-namamalayan ng milyun-milyon na sila’y nananalangin ukol sa pamahalaang ito kapag binibigkas nila ang Panalangin ng Panginoon: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang kaharian ay isang pamahalaan. At ang Ulo ng pamahalaan ng Kahariang iyan ay ang Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Ang kasaganaan ng [kaniyang] pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas . . . Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.” (Isaias 9:6, 7) Nangangako ang Bibliya hinggil sa pamahalaang iyan sa ilalim ni Jesus: “Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito,” o mga pamahalaan ng tao.—Daniel 2:44.
Pangyayarihin ng pandaigdig na pamahalaang ito ang tunay na kapayapaan at katiwasayan—ngunit hindi sa paraan ng paghadlang sa mga sandatang nuklear o sa pamamagitan ng di-maaasahang mga kasunduan tungkol sa armas. Inihula ng Awit 46:9 na “pinatitigil [ng Diyos na Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; sinusunog niya ang mga karwahe sa apoy.” Ang di-kumpletong mga hakbang ay hindi sasapat. Hindi lamang babawasan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang bilang ng mga sandatang nuklear—lubusang aalisin nito ang mga ito at ang iba pang mga sandata sa digmaan.
Mawawala na ang bantang nuklear dahil mawawala na ang mga makapangyarihang bansa, ang buhong na mga bansa, ang mga terorista. Iiral ang tunay na kapayapaan: “Sila ay uupo, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.” Ang kinasihang mga salitang ito ay nanggaling sa Diyos na hindi makapagsisinungaling.—Mikas 4:4; Tito 1:2.
Ayon sa Awit 4:8, ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay matatagpuan lamang sa loob ng kaayusan ng Diyos na Jehova: “Sa kapayapaan ako ay mahihiga at matutulog, sapagkat ikaw lamang, O Jehova, ang nagpapatahan sa akin nang tiwasay.” Gaya ng masakit na pinatutunayan ng kasaysayan ng tao, huwad ang anumang pangakong “kapayapaan at katiwasayan” maliban nang sa pamamagitan ng Kaharian ni Jehova.—Ihambing ang 1 Tesalonica 5:3.
“Katahimikan at Katiwasayan”
Subalit kumusta naman ang tungkol sa hilig na makipagdigma ng tao mismo? “Katuwiran ang siyang matututuhan ng mga tumatahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Ang gayong pagtuturo ng katuwiran ay magkakaroon ng matinding epekto sa kalikasan ng tao at sa mga kalagayan sa daigdig: “Ang gawa ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang paglilingkod ng tunay na katuwiran, katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 32:17) Anumang kapusukan o hilig sa karahasan ay papalitan ng pag-ibig sa kapuwa at pagmamalasakit sa kapakanan ng lahat. “Pupukpukin [ng mga naninirahan sa lupa] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Sa makahulang pananalita ay inihula ni Isaias na babaguhin ang mga taong may makahayop na hilig. Bumanggit siya ng panahon na “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova.” Bunga nito, “ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang bata lamang ang mangunguna sa kanila. . . . Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok.”—Isaias 11:6-9.
Ang paniniwala sa mga pangakong ito ng Diyos ay nagbigay sa mga Saksi ni Jehova ng positibong pangmalas sa buhay. Kapag tinatanaw natin ang kinabukasan, hindi natin nakikita ang lupa na nawasak dahil sa nuklear. Sa halip, nakikita natin ang katuparan ng pangako ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Sasabihin ng ilan na ang gayong pananampalataya ay kamangmangan at di-makatotohanan. Ngunit sino nga ba ang mangmang? Ang isa na nananampalataya sa pangako ng Diyos o ang isa na basta na lamang naniniwala sa mababaw na mga pangako ng mga pulitiko? Sa mga tunay na umiibig sa kapayapaan, ang sagot ay maliwanag.a
[Talababa]
a Ang mga Saksi ni Jehova ay nakatulong na sa milyun-milyon upang tanggapin ang mensahe ng pag-asa mula sa Bibliya sa pamamagitan ng isang walang-bayad na pag-aaral ng Bibliya sa tahanan. Maaari mong isaayos na dalawin ka nila sa pamamagitan ng pakikipag-alam sa mga tagapaglathala ng magasing ito o pagdalaw sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.
[Blurb sa pahina 11]
“Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4
[Mga larawan sa pahina 9]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga pamilya ay “tatahan sa katiwasayan,” at aalisin ang lahat ng anyo ng sandata
[Larawan sa pahina 10]
Naiwawaksi ang hilig sa pakikidigma habang ang mga tao ay natututo at nagkakapit ng Salita ng Diyos, ang Bibliya