Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 8/22 p. 12-14
  • May Panganib ba sa mga Larong May Ginagayang Tauhan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Panganib ba sa mga Larong May Ginagayang Tauhan?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karahasan at ang Okulto
  • Ibang mga Salik
  • Ilusyon o Katotohanan?
  • Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?
    Gumising!—2008
  • Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Dapat ba Akong Maglaro ng mga Laro sa Computer o Video?
    Gumising!—1996
  • Nanganganib ba ang mga Naglalaro?
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 8/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

May Panganib ba sa mga Larong May Ginagayang Tauhan?

“Ito’y ganap na imahinasyon. Kung minsan ikaw ay isang salamangkero. Kung minsan naman ika’y isang mandirigma. Maaari kang maging iba’t ibang tauhan na maguguniguni mo. Wala itong katapusan.”​—Christophe.

“GAWIN mo ang lahat ng hindi mo magawa sa totoong buhay.” Sinipi ng isang magasin ang sawikaing ito nang inilalarawan ang isang popular na larong pantasiya. Para sa milyun-milyong kabataan, ang pagtakas sa daigdig ng pantasiya sa pamamagitan ng mga larong may ginagayang tauhan ay lubhang kaakit-akit. Subalit, ano nga ba ang mga larong may ginagayang tauhan?

Ayon sa aklat na Jeux de rôle (Mga Larong May Ginagayang Tauhan), kinakatawan ng “bawat manlalaro ang isang tauhan ng alamat na nasa isang misyon o paghahanap at naghahandang maranasan ang isang pakikipagsapalaran sa isang guniguning daigdig.” Ang layunin ng laro ay tularan ang tauhan sa pamamagitan ng pagtatamo ng karanasan, salapi, mga sandata, o mahikong mga kapangyarihan na kinakailangan upang magawa ang misyon.

Ang mga larong may ginagayang tauhan ay naging popular noong dekada ng 1970 sa pamamagitan ng larong Dungeons and Dragons.a Mula noon, naging multimilyong dolyar na negosyo na ito, na kinabibilangan ng mga board game, trading card, interactive book, laro sa computer, at mga larong aktuwal na aksiyon pa nga kung saan isinasagawa ng mga kalahok ang mga pakikipagsapalaran. Lumilitaw na may mahigit na anim na milyong regular na mga manlalaro sa Estados Unidos at daan-daang libo sa Europa. Maraming mataas na paaralan sa Pransiya ang may mga samahan para sa mga larong may ginagayang tauhan, samantalang sa Hapon naman ito ang pinakapopular na uri ng mga laro sa video.

Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na pinasisigla ng mga larong ito ang imahinasyon, nililinang ang mga kasanayan sa paglutas ng problema, at pinauunlad ang pakikisalamuha sa grupo. Subalit iniuugnay naman ng mga laban dito ang mga larong ito sa pagpapatiwakal, pagpaslang, panghahalay, paglapastangan sa libingan, at Satanismo. Sa Madrid, Espanya, dalawang kabataan ang inaresto, na pinaghihinalaang pumatay sa isang 52-anyos na lalaki samantalang isinasagawa ang tagpo sa isang laro na may ginagayang tauhan. Sa Hapón, pinatay ng isang tin-edyer ang kaniyang mga magulang at naggilit ng kaniyang pulsuhan bilang wakas sa isang katulad na laro. Totoo, mga eksepsiyon ito​—karamihan ng mga manlalaro ay matalino at palakaibigan. Gayunman, makabubuting tanungin ng mga kabataang Kristiyano ang kanilang sarili, ‘Para ba sa akin ang mga larong may ginagayang tauhan? Kailangan bang mag-ingat?’

Karahasan at ang Okulto

Iba-iba ang mga larong may ginagayang tauhan, nagkakaiba sa anyo at nilalaman. Gayunpaman, makikita ang karahasan sa marami, kung hindi man sa karamihan, ng mga larong ito. Sa katunayan, sa guniguning mga uniberso na nililikha ng mga larong ito, ang karahasan ay kadalasan nang bahagi na ng pagsulong​—o pagkaligtas. Kaya, paano nga makakasuwato sa payo ng Bibliya ang mga larong ito? Ang Kawikaan 3:31 ay nagsasabi: “Huwag kang mainggit sa taong marahas, huwag na huwag mong tutularan ang paggawi niya.” (New Jerusalem Bible) Hinihimok din tayo ng Bibliya na ‘hanapin at itaguyod ang kapayapaan’​—hindi ang karahasan.​—1 Pedro 3:11.

Nakababahala rin ang kapansin-pansing madyik na malimit sa ganitong mga laro. Kadalasan, ang mga manlalaro ay maaaring maging mga mangkukulam o iba pang tauhang may kapangyarihan sa madyik. Kaya ang mga hadlang o mga kaaway ay nadaraig sa pamamagitan ng okulto. Iniulat, isang popular na laro ang “nagpapangyaring gampanan ng mga manlalaro ang papel ng mga Anghel o mga Demonyo na naglilingkod sa mga Arkanghel o sa mga Prinsipe ng Demonyo . . . Nakatutuwa ito dahil sa paglapastangan sa banal na mga bagay.” Ginagawa pa nga ng isang laro sa computer ang isang manlalaro na maging lubhang makapangyarihan sa basta pagtipa ng salitang “Satanas.”

Ang ilang kabataang Kristiyano ay nangangatuwiran na wala namang masama sa mga larong may ginagayang tauhan basta’t hindi gugugol ang isa ng maraming panahon sa paglalaro nito. “Laro lamang ito,” sabi ng isang kabataan. Marahil. Subalit binabalaan ng Diyos ang mga Israelita laban sa pagkasangkot sa okulto. Ipinahayag ng Kautusang ibinigay kay Moises na “sinumang nanghuhula, ng mahiko o sinumang naghahanap ng mga tanda o ng manggagaway, o ng isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ng sinumang sumasangguni sa espiritista o ng manghuhula ng mga pangyayari . . . ay karima-rimarim kay Jehova.”​—Deuteronomio 18:10-12.

Kung gayon, matalino bang maglaro ng anumang laro na nagtataguyod ng okulto? Hindi kaya ang pagganap ng papel ng mga tauhang may kapangyarihan sa madyik ay katumbas ng pagkasangkot sa “‘malalalim na bagay ni Satanas’”? (Apocalipsis 2:24) Ganito ang inamin ng isang kabataan: “Pagkatapos kong maglaro ng isang laro na may ginagayang tauhan sa buong maghapon, natatakot akong lumabas ng bahay. Parang may sasalakay sa akin.” Nakabubuti ba ang anumang bagay na lumilikha ng gayong nakapipinsalang takot?

Ibang mga Salik

“Ang panahong natitira ay pinaikli,” sabi ng 1 Corinto 7:29. Kaya nga isa pang malaking pagkabahala ay ang panahong kadalasang inuubos ng mga larong may ginagayang tauhan. Ang ilan sa mga laro ay gumugugol ng mga oras, araw, o mga linggo pa nga upang laruin. Bukod pa riyan, ang tauhan ay maaaring maging lubhang kawili-wili, nakasusugapa pa nga, anupat ang lahat ng bagay ay nagiging pangalawa na lamang. “Habang nadaraanan ko ang bawat yugto ng laro,” sabi ng isang kabataan, “gusto ko ng mas mahihirap na hamon at mas makatotohanan. Talagang nagumon ako.” Paano naaapektuhan ng pagkasugapang ito ang pampaaralan at espirituwal na mga gawain ng isang kabataan?​—Efeso 5:15-17.

Ganito ang naalaala ng isang kabataan sa Hapón: “Lagi kong iniisip kung ano ang gagawin ko sa susunod na laro, kahit na hindi ako naglalaro. Sa paaralan at sa mga pulong, pawang ang laro na lamang ang nasa isip ko. Dumating pa nga ako sa punto na wala na akong ibang iniisip kundi ang laro. Lubusang napinsala ang aking espirituwalidad.” Si Christophe, na nabanggit sa pasimula, ay nagsabi kung paanong siya’y “nabuhay sa sarili niyang mundo.” Totoo, may ‘panahon ng pagtawa at panahon ng pagluksu-lukso,’ subalit dapat bang hayaang ubusin ng paglilibang ang panahon para sa espirituwal na mga gawain?​—Eclesiastes 3:4.

Pag-isipan din kung anong uri ng espiritu ang itinataguyod ng laro. Isang magasin sa Pransiya ang nagpahiwatig may kinalaman sa isang larong may ginagayang tauhan sa pamamagitan ng sumusunod na pananalita: “Makakaharap mo ang iba’t ibang masama, hindi kasiya-siya, at tiwaling mga karanasan, na isinaayos at tinantiya upang takutin ka at baguhin magpakailanman ang iyong pananaw sa daigdig.” Kasuwato ba ng payo sa Bibliya na maging “sanggol tungkol sa kasamaan” ang espiritung ito? (1 Corinto 14:20) Sa wakas ay nahinuha ni Christophe na ang mga laro na nilalaro niya ay “hindi kasuwato ng Kristiyanong moralidad.” Sabi pa niya: “Hindi ko makita ang aking sarili na nangangaral, dumadalo sa mga pulong, at nag-aaral ng mabubuting bagay, gaya ng pag-ibig Kristiyano, at kasabay nito ay gumaganap ng papel ng isang tauhan na walang kaugnayan sa Kristiyanismo. Hindi ito makatuwiran.”

Ilusyon o Katotohanan?

Maraming kabataan ang naaakit sa mga larong ito bilang isang pagtakas sa katotohanan. Subalit mabuti bang ubusin mo ang iyong panahon sa isang daigdig ng pantasiya? Ganito ang komento ng sosyologong Pranses na si Laurent Trémel: “Ang tunay na daigdig, na pinangingibabawan ng kawalang-katiyakan sa hinaharap, . . . ay malayung-malayo sa likhang-isip subalit parang totoong-totoong daigdig, kung saan sa wakas ay natututuhan mong mabuti ang mga tuntunin at kung saan magagawa mo ang isang tauhan na maging kahawig mo o kung ano ang gusto mong maging.” Ganito pa ang sabi ng dalubhasa sa kalusugang pangkaisipan na si Etty Buzyn: “Sa paglalaro, iniisip ng mga kabataan na sila’y nanganganib, anupat binabago nila ang daigdig, subalit ang totoo, hindi naman nila kayang tapatan ang anumang tunay na panganib. Tumatakas sila sa lipunan at sa mga hangganan nito.”

Sa wakas, ang gayong pagtakas ay humahantong lamang sa kabiguan, yamang kailangan nilang harapin ang mga katotohanan ng buhay pagkatapos ng laro. Ang mga katotohanang ito ay dapat harapin sa dakong huli. Ang totoo, walang anumang tagumpay o pakikipagsapalaran ng isang guniguning tauhan ang makapagtatakip sa kabiguan o kawalang-kakayahan sa tunay na buhay. Ang matalinong gawin ay harapin ang mga katotohanan ng buhay​—nang tuwiran! Patalasin ang iyong kakayahan sa pang-unawa sa pamamagitan ng pagharap sa mga kalagayan sa tunay na buhay. (Hebreo 5:14) Paunlarin ang espirituwal na mga katangian na magpapangyari sa iyo na malutas ang iyong mga problema. (Galacia 5:22, 23) Ang paggawa nito ay higit na kasiya-siya at kapaki-pakinabang kaysa sa paglalaro ng anumang laro.

Hindi naman ibig sabihin nito na nakapipinsala na ang lahat ng larong may ginagayang tauhan. Noon pa mang panahon ng Bibliya, ang mga bata ay naglaro ng mga larong may kaunting pantasiya at may ginagayang tauhan, gaya ng napansin mismo ni Jesus. (Lucas 7:32) At hindi hinatulan ni Jesus ang inosenteng paglilibang. Gayunman, dapat na “patuloy na tiyakin [ng mga kabataang Kristiyano, pati na ng kanilang mga magulang] kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Kung pinag-iisipan ang isang laro, tanungin ang iyong sarili, ‘Ipinababanaag ba nito “ang mga gawa ng laman”? Hahadlangan ba nito ang aking kaugnayan sa Diyos?’ (Galacia 5:19-21) Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga salik na ito, makagagawa ka ng matalinong pasiya may kinalaman sa mga larong may ginagayang tauhan.

[Talababa]

a Tingnan ang Awake! ng Marso 22, 1982, pahina 26-7.

[Mga larawan sa pahina 13]

Anong uri ng espiritu ang itinataguyod ng ilang mga larong may ginagayang tauhan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share