Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 9/8 p. 3
  • “Genes,” DNA, at Ikaw

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Genes,” DNA, at Ikaw
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Nalutas ang Hiwaga
  • Kung Paanong Ikaw ay Nagiging “Ikaw”
    Gumising!—1995
  • Ano ang Nasa Likod ng Hiwaga ng Buhay?
    Gumising!—1999
  • Pagsilip sa Mikroskopyo
    Gumising!—1999
  • DNA—Ang Aklat ng Buhay!
    Gumising!—2015
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 9/8 p. 3

“Genes,” DNA, at Ikaw

PAGMASDAN mo nang mabuti at matagal ang iyong sarili sa salamin. Pansinin ang kulay ng iyong mga mata, ang salat ng iyong buhok, ang kulay ng iyong balat, at ang hubog ng iyong katawan. Isipin ang tungkol sa mga talentong taglay mo. Bakit kaya ganiyan ang iyong hitsura? Bakit mayroon kang ganiyang partikular na mga katangian at talento? Sa ngayon, ang hiwaga ay lumilinaw na dahil sa pagkaunawa sa henetiko​—ang pag-aaral tungkol sa pagmamana (heredity)​—at sa mga epekto ng kapaligiran.

‘Henetiko?’ ang angal mo. ‘Ang paksang iyan ay pansiyentipiko at napakahirap unawain!’ Subalit, may napagsabihan ka na ba na namana niya ang mga berdeng mata ng kaniyang ama ngunit ang kaniyang mapulang buhok at mga pekas ay namana naman niya sa kaniyang ina? Kung oo, alam mo ang saligang katotohanan tungkol sa henetiko​—ang pisikal na mga katangian ay naisasalin mula sa magulang tungo sa anak. Karagdagan pa, ang bagay na iyan ay maaaring maging mahalagang pasimula ng iyong pagkaunawa kung paano lumitaw ang tao​—sa pamamagitan ng ebolusyon o ng paglalang. Bilang pasimula, tingnan natin kung paanong ang bawat isa sa atin ay nagtataglay ng pamana ng maraming henerasyon.

Ang iyong katawan ay binubuo ng pagkaliliit na mga buháy na yunit na tinatawag na mga selula​—mga 100 trilyon ng mga ito, ayon sa isang pagtantiya. Sa loob ng bawat selula, sa loob ng nucleus nito, ay may libu-libong genes. Ang mga ito’y indibiduwal na mga yunit ng pamana na kumokontrol sa selula at sa gayon ay nagtatakda ng ilan sa iyong mga katangian. Marami sa genes ang maaaring magtakda kung ano ang tipo ng iyong dugo; ang iba naman, kung ano ang salat ng iyong buhok, ang kulay ng iyong mata, at iba pa. Kaya bawat selula ay may munting blueprint o codebook na binubuo ng genes, na naglalaman ng lahat ng kinakailangang instruksiyon upang buuin, kumpunihin, at paganahin ang iyong katawan. (Tingnan ang dayagram, pahina 5.) Aksidente ba lamang ang lahat ng ito?

Kung Paano Nalutas ang Hiwaga

Ang teoriya na ang mga katangian ay namamana sa pamamagitan ng dugo ay binalangkas ni Aristotle noong ikaapat na siglo B.C.E. at pangkalahatang tinanggap sa loob ng mahigit na isang libong taon. Gayon na lamang ang naging epekto nito sa pag-iisip nang panahong iyon anupat sa wikang Ingles, ginagamit ng mga tao ang bloodline (kadugo) at blood relative (lukso ng dugo).

Noong ika-17 siglo, natuklasan ang mga selula ng itlog (egg cell) at mga selula ng similya (sperm cell), subalit mali ang pagkaunawa sa aktuwal na papel ng mga ito. Inakala ng ilan na ang pagkaliliit at buung-buo nang mga kinapal ay nasa alinman sa itlog o similya. Gayunman, nang sumapit ang ika-18 siglo, wastong naunawaan ng mga mananaliksik na ang isang itlog at ang isang similya ay nagsasama upang makabuo ng isang binhi (embryo). Gayunman, ang eksaktong paliwanag hinggil sa pagmamana ay sa hinaharap pa.

Noon lamang 1866 nailathala ng isang Austrianong monghe na ang pangalan ay Gregor Mendel ang unang tamang teoriya hinggil sa pagmamana. Mula sa kaniyang mga eksperimento sa buto ng gisantes, natuklasan ni Mendel ang tinatawag niyang “kapansin-pansing mga namamanang elemento” na nakatago sa mga selula ng sekso, at tiniyak niya na ang mga ito ang dahilan kung kaya naisasalin ang mga katangian. Ang “kapansin-pansing mga namamanang elemento” na ito ang tinatawag natin ngayong genes.

Noong mga taóng 1910, ang genes ay natagpuang nasa mga istraktura ng selula na tinatawag na mga chromosome. Ang mga chromosome ay pangunahin nang binubuo ng protina at DNA (deoxyribonucleic acid). Yamang alam na ng mga siyentipiko ang mahalagang papel ng mga protina sa iba pang tungkulin ng selula, maraming taon na ring inakala nilang ang mga protina sa chromosome ay may henetikong impormasyon. Pagkatapos, noong 1944, iniharap ng mga mananaliksik ang unang katibayan na ang genes ay binubuo ng DNA, hindi ng protina.

Noong 1953, nang matuklasan nina James Watson at Francis Crick ang kemikal na istraktura ng DNA, ang nakaikid na malasinulid na mga molekula, ang paglutas ng tao sa hiwaga ng buhay ay sumulong nang malaki.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share