Mula sa Aming mga Mambabasa
Kalayaan sa Relihiyon Ilang dekada na ngayon akong nagbabasa ng Gumising!, at ako ay sumusulat upang ipahayag ang aking pagpapahalaga sa seryeng “Ang Iyong Kalayaan sa Relihiyon—Nanganganib ba Ito?” (Enero 8, 1999) Alam ko na ang kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon ay umiral sa Europa noong tinatawag na Dark Ages at na nagtagumpay ang Simbahang Katoliko sa pagmamanipula sa mga awtoridad upang mahadlangan ang mga tao na isagawa ang kanilang kalayaan sa budhi at relihiyon. Ngayon na nalaman ko ang nangyayari sa Pransiya, tinatanong ko ang aking sarili, ‘Bakit dinurungisan ng bansang ito ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pagkakait ng iginagarantiyang relihiyosong kalayaan?’ Pakisuyong ipaalam ninyo sa milyun-milyon ninyong mambabasa ang kahahantungan ng situwasyong ito. Nagtitiwala ako na magpaparaya ang Pransiya at magbibigay ng isang mabuting halimbawa sa ibang bansa.
C. C., Puerto Rico
Pagpapalaki ng Pitong Anak na Lalaki Salamat sa karanasan nina Bert at Margaret Dickman na inilahad sa labas ng Enero 8, 1999. Totoong pinatibay-loob kami nito na palakihin ang aming tatlong anak sa paraang mabibigyan namin sila ng isang mahusay na espirituwal na pamana. Naibigan din ng aming mga anak ang artikulo. Naririnig namin silang nagpapaalalahanan sa isa’t isa hinggil sa aral kay Doug, na hindi nakakuha ng kaniyang keyk! Salamat sa paglilimbag ninyo ng gayong nakapagpapatibay na karanasan.
S. J., India
Banal na Espiritu Nais kong magpasalamat sa inyo sa mahusay na artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ano ba ang Banal na Espiritu ng Diyos?” (Enero 8, 1999) Bagaman ilang taon na akong isang Saksi ni Jehova, lagi kong hinahangad na matuto ng higit tungkol sa Diyos na Jehova. Sinagot ng artikulong ito ang titulong katanungan sa paraang mahusay at madaling maunawaan. Habang nauunawaan ko si Jehova at ang kaniyang mga gawa, lalo akong nalilipos ng pag-ibig para sa kaniya.
Y. B., Russia
Ginto Nabasa ko ang inyong artikulo na “Ginto—Ang Hiwaga Nito.” (Setyembre 22, 1998) Binanggit ninyo na natuklasan ng mga sundalong Alyado ang napakaraming ginto sa minahan ng asin sa Kaiseroda, sa Alemanya, matapos ng pagsuko ng Alemanya noong 1945. Sa katunayan, nakubkob ng Alyansa ang minahan tatlong linggo bago matapos ang digmaan.
J. S., Alemanya
Salamat sa paliwanag. Ang mga minahan sa Kaiseroda ay totoo ngang nakubkob noong Abril 4, 1945, mahigit na isang buwan bago ang pagsuko ng Alemanya noong Mayo 8, 1945.—ED.
Malayuang Pakikipagligawan Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong. . . Paano Ko Gagawin ang Malayuang Pakikipagligawan?” (Enero 22, 1999) ay huli nang dumating para sa akin. Ako’y taga-Estados Unidos at nagpasimulang makipagsulatan sa isang kabataang lalaki na taga-Latin Amerika. Wala pa akong naranasan na kasing-hirap ng gayon sa aking buhay. Hindi mo talaga maaaring makilala ang isa sa pamamagitan ng sulat, kahit pa ginagawa mo ang iyong pinakamagaling upang maging tapat. Yamang napakalayo ninyong dalawa sa isa’t isa, malamang na ikaw ay magpantasiya. Sa aming kaso, magkasalungat ang aming kultura. Nang sa wakas ay natapos ang aming ugnayan, nadama kong wala nang saysay ang aking buhay. Salamat sa aking maibigin at matulunging pamilya, napagtagumpayan ko ang karanasang ito.
S. H., Estados Unidos
Nakikipagsulatan ako sa isang dalaga na nakilala ko sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Mahirap ipaliwanag ang iniisip mo sa isa kapag nasasangkot ang pagkakaiba ng kultura at wika. Kaya nagpasimula akong mag-aral ng kaniyang wika. Kapaki-pakinabang ang mungkahi na gumamit ng tape recorder. Maraming salamat.
A. S., Alemanya
Sa isang internasyonal na kombensiyon sa Estados Unidos, nakilala ko ang isang sister na taga-Silangan. Hindi ko talaga matiyak kung paano makikipagsulatan sa kaniya. Nanalangin ako hinggil dito, at mga ilang araw pagkaraan, natanggap ko ang magandang artikulong ito. Nabasa ko na ito at paulit-ulit ko pang binabasa. Sinagot nito ang lahat ng aking katanungan.
G. R., Italya